NAKAUPO si Lilac sa likod ng mahogany table sa study ng mansiyon habang nilalagay ang memory card sa card reader. Naka-set up na rin ang laptop na gagamitin niya sa ibabaw ng mesa.
Sa totoo lang, natatakot pa rin siya dahil sa nakita niyang vision kanina, pero hindi niya hinayaang madaig siya ng takot sa isang posibilidad lang naman. May mga bagay pa rin siyang kailangang gawin, gaya ng paghabol sa hustisya para sa pagkamatay ni Marigold at ng pamangkin niya.
Nagpahinga siya kanina dahilan para makapag-isip-isip siya hanggang sa tuluyan na siyang kumalma. Isa lang naman ang naging kongklusyon niya: Mortal lang siya kaya hindi siya dapat matakot sa kamatayan dahil lahat ng mga tao, `yon ang magiging katapusan.
Pero hindi ako mamamatay nang hindi naipaghihiganti sina Marigold at Sterling.
Nakarinig siya ng marahang katok bago bumukas ang pinto at pumasok si Tyrus na sobrang guwapo at fresh sa casual outfit nito na T-shirt, maong pants, at sneakers. Kung normal na tao lang siguro ito, masasabing nasa early twenties pa lang ito.
“Naihatid ko na sina Lucho at Jinny palabas,” pagbabalita ni Tyrus, saka ito umupo sa silya sa tabi niya at ipinatong ang mga braso sa mesa habang nakatingin sa monitor ng laptop. “Mukhang napagod din si Jinny dahil sa vision na nakita niyo kaya nagdesisyon si Lucho na iuwi muna ang asawa para makapagpahinga ng malayo sa nangyayaring gulo. AKA, malayo sa’tin.”
Binalingan ni Lilac si Tyrus nang may napansin siya rito. Lalo siyang nagtaka nang makita niyang nakakunot ang noo nito at nakasimangot. Well, he was usually grumpy but she was pretty sure there was something off about him at that moment. “Bakit parang naiinis ka kay Lucho?”
“Para kasing ikaw pa ang sinisisi niya kung bakit nanghina ang asawa niya,” iritadong “pagsusumbong” ni Tyrus sa kanya. “Sabi ko nga sa kanya kanina, hindi mo rin ginusto `yon. Tingin ba niya `kako, gugustuhin nating makita ang gano’ng kasamang posibilidad ng kapalaran mo?”
Hindi alam ni Lilac kung matatawa siya dahil sa lalim ng ibang salitang ginamit ni Tyrus na nakakaaliw marinig mula sa mukhang Caucasian na gaya nito, o kikiligin dahil sa concern na ipinapakita nito sa kanya mula pa kanina. “Bisita natin sila kaya hindi mo na sana inaway si Lucho. Nag-alala lang `yon kay Jinny kaya gano’n. Halata namang overprotective siya sa asawa niya, eh.”
“Hindi lang siya ang Bloodkeeper na nakakaramdam ng matinding kagustuhang protektahan ang kapareha,” giit ni Tyrus sa iritado pa ring boses. “Saka mas matanda ako sa kanya kaya hindi ko nagustuhan ang tonong ginamit niya sa’kin. Kahit nag-iisang anak pa siya ni Lord Nicholas, talagang papatulan ko siya kung direkta ka niyang sinisi sa nangyari kay Jinny kanina.”
Napangiti si Lilac. Sa dami ng mga sinabi ni Tyrus, isang linya lang ang tumatak sa kanya. “Hindi lang si Lucho ang Bloodkeeper na nakakaramdam ng matinding kagustuhang protektahan ang kapareha?” Humarap siya kay Tyrus, tinukod ang isang siko sa mesa, at nangalumbaba habang binibigyan ng matamis na ngiti ang lalaki. “Sino `yong isa pang Bloodkeeper na nandito ngayon ang overprotective din sa partner? Saka sino ang partner ng Bloodkeeper in question?”
Sumandal si Tyrus at humalukipkip, deretso ang tingin sa laptop. Gaya ng normal, nakasimangot ito. “Magtrabaho na nga lang muna tayo. Isaksak mo na `yang memory card sa laptop.”
Nawala bigla ang ngiti ni Lilac at sinimangutan niya si Tyrus. “Busog ka `no?”
Kunot-noong binalingan siya ni Tyrus. “Bakit mo naman natanong `yan?”
“Kasi ang grumpy mo na naman,” reklamo ni Lilac. “Sana lagi ka na lang gutom para lumalabas ang pagiging sexy at flirty mo. Mas gusto ko na yata `yong Tyrus na gutom kaysa sa’yo. Ilabas mo na nga lang uli ang Sexy Vampire ko.”
“Sinasabi mo bang hindi ako sexy ngayon?” nakataas ang kilay na tanong ni Tyrus.
Natahimik si Lilac, sabay pagbaba ng tingin niya sa forearms ni Tyrus na kahit nananahimik lang ay sobrang sexy pa ring tingnan. Pero kahit ang mukha at katawan pa lang naman nito, yummy na. Nakakadagdag din sa charm nito ang pagiging masungit nito. But she didn’t want to inflate his ego so she just stuck her tongue out at him, then kept herself busy with the memory card again.
“Hey.”
Kunot-noong nilingon ni Lilac si Tyrus na nakatingin sa kanya na bahagyang nakataas ang sulok ng mga labi. “Bakit?”
Kumunot din ang noo ni Tyrus. “Bakit naiinis ka sa’kin? Saka bakit parang mas gusto mo `yong gutom na version ko? May ginagawa o sinasabi ba kong kung ano sa’yo kapag nagugutom ako at wala sa sarili?”
Lalong napasimangot si Lilac. Sinuksok na lang niya ang card reader sa USB port ng laptop para hindi makita ng lalaki na medyo nasasaktan siya. Kung gano’n, nakalimutan na pala nito ang mga sinabi at ginawa nito no’ng gabing inumin uli nito ang dugo niya. Alam naman niyang gusto rin siya ni Tyrus dahil umamin ito sa kanya no’ng na-kidnap sila. Ang gusto lang naman niya ngayon, confirmation ng relationship status nila. “But nevermind. Baka binigyan mo lang ako ng reason ng araw na `yon para lumaban.”
“What are you saying now?” parang naguguluhang tanong naman ni Tyrus.
“Wala!” iritadong sagot ni Lilac habang binubuksan ang folder na laman ng memory card. Puro videos `yon. “Magtrabaho na lang tayo, okay?”
Bumuga lang ng hangin si Tyrus, pagkatapos ay tumitig na ito sa kaharap nilang monitor. “Like Denim said to Ethan, the folder has a password,” sabi ng Bloodkeeper, saka nito tinuro ang naka-lock na folder sa screen ng laptop. “Kaya mo kayang hulaan `yan?”
Tumango si Lilac, saka niya pinasok ang mga letra ng totoong apelyido nila ni Marigold at ang number version niyon. Kaya ang lumabas, ‘Cinco5.’ Gaya ng inaasahan niya, bumukas ang folder. Napangiti siya at nakalimutan na ang inis niya. “It worked, Tyrus.”
“Good job,” sabi ni Tyrus, saka siya pabirong binunggo sa balikat bilang pagbati siguro.
Pumalataktak naman si Lilac. Wow, ha. Kapag gutom si Tyrus, wagas ito kung maka-‘babe’ at makahawak sa kanya. Kapag normal, parang tropa lang kung itrato siya nito. Gano’n? Kung gutumin ko kaya ang lalaking `to? “I-pe-play ko na ang video,” umiirap na sabi na lang niya. “Sigurado ka bang wala nang ibang Bloodkeeper ngayon dito sa mansiyon? Alam mo na. Baka kasi may private message na gustong sabihin sa’kin si Marigold. Gusto ko sanang tayong dalawa muna ang makarinig no’n.”
“Naiintindihan ko, Lilac,” marahang sabi ni Tyrus. “Sina Ethan at Saffron, nasa labas dahil pinupuntahan nila ang lahat ng properties na pag-aari ng Benitez para hanapin si Denim Blue. Binabantayan naman nina Hyacinth at Onyx ang mga staff ng Star Crib.”
Nakampante naman si Lilac sa mga sinabi ni Tryus, kaya pinindot na niya ang ‘play’ button ng unang video sa folder list na binuksan niya.
“Hi, Lilac!”
Nangilid agad ang mga luha ni Lilac nang marinig ang masiglang boses ni Marigold. Naitakip niya ang mga kamay sa bibig niya para pigilan ang paghikbi nang makita na niya sa frame ang magandang mukha ng kakambal. Her sister looked so alive in the video. “Marigold…”
“Kaunti na lang ang oras ko kaya dederetsahin na kita,” nakangiti pero seryosong sabi ni Marigold habang deretso ang tingin sa camera kaya para bang sa kanya nga ito nakatingin. Base sa nakikita niya sa background, mukhang nasa isang hospital room nga ang kakambal niya. “Nakita mo na siguro ang mga naunang video na ni-record ko tungkol sa ospital na `to.”
Tumango si Lilac kahit alam niyang recorded video na lang ang pinapanood niya. Alam niya kung ano ang sinasabi ni Marigold dahil magkasama sila ni Tyrus nang mag-report dito si Eton tungkol sa mga nangyari nang madukot sila ng lalaki. Si Denim at Eton ang kumuha sa bangkay ng mga biktima para maibalik sa kanya-kanyang pamilya ng mga ito.
“Bukas ng gabi, dadalawin ako ni Magnus,” pagpapatuloy ni Marigold. “I intended to confront him.”
Mariing umiling si Lilac kahit alam niyang wala nang magagawa o magbabago ang pagtutol niya. “Huwag na, Marigold. It’s too dangerous. Tumakas ka na lang…”
“Alam ko ang iniisip mo kung pinapanood mo ang video na `to. Oo, Lilac. Alam kong delikado at alam ko ring dapat na lang akong tumakas.” Nangilid na ang mga luha ni Marigold at nabasag na rin ang boses. “Pero kapag tumakas ako kay Magnus ngayon, hahanapin niya ko. Ayokong madamay ka sa kung anumang masamang plano niya, kaya ayokong lumapit sa’yo. Gusto kong harapin `to ng mag-isa tutal ako naman ang naglapit sa’tin sa panganib dahil nahulog ang loob ko sa kanya nang hindi nag-iisip.”
Napahikbi na si Lilac nang makita ang takot sa mukha ni Marigold. “Dapat lumapit ka sa’kin. Ikaw ang nagsabi noon na mas malakas tayo kung magkasama tayo.”
Hinimas-himas ni Marigold ang malaking umbok ng tiyan nito. Umaliwalas ng bahagya ang mukha nito habang nakatingin sa baby bump nito. “I was naïve, Lilac. Kahit nag-ring ang lahat ng warning bells sa isip ko nang makilala ko ang bampirang si Magnus, mas pinili ko pa ring makipaglapit sa kanya. Siguro wala na tayong magagawa kapag natuto nang magmahal ang puso natin.” Tumingin uli sa camera ang kakambal niya. There was an apologetic smile on her twin sister’s face. “Para kasing fairy tale, eh. No’ng minsang madaling-araw na ko nakaalis ng TV station, may mga kriminal na humarang sa kotse ko at pilit akong pinalabas. Sinubukan kong lumaban pero hindi gumagana ang salamangka ko sa mga ordinaryong tao. Lumaban naman ako, pero may mga baril sila. Akala ko katapusan ko na, pero dumating si Magnus. Para siyang vampire in shining armor. Simula no’ng gabing `yon, naging malapit na kami sa isa’t isa. Binigay ko sa kanya ang lahat ng meron ako kahit ramdam kong may tinatago siya sa’kin.”
Kinagat ni Lilac ang ibabang labi. Hindi naikuwento ni Marigold sa kanya ang lahat ng `yon.
“Nagbulag-bulagan ako at pilit kong pinaniwala ang sarili kong mababago si Magnus ng pagmamahalan namin,” pagpapatuloy ni Marigold sa malungkot na boses. “Kaya nga pumayag ako na magpa-confine dito sa ospital nang sabihin niyang gusto niyang masigurong safe ang baby namin. Pero `yon nga. Na-realize ko na ang buong lugar na `to, pag-aari niya at dito niya dinadala ang mga babaeng biktima niya.” Dumaan ang galit sa mukha nito. “Ang tanga ko, Lilac. Hindi lang pala ako ang nag-iisang babae niya. Akala ko, nawawala siya madalas dahil nagtatago siya sa mga nilalang na gusto raw siyang saktan. `Yon pala, kinakalat niya ang lahi niya sa mga mortal. Gusto niyang makabuo ng sanggol na kalahating tao-kalahating bampira. Hindi ko alam kung bakit, pero aalamin namin `yon.” Mabilis na pinunasan nito ang mga luha nito, saka ito ngumiti at kumaway. “See you later, Lilac.”
“Namin?” naguguluhang tanong ni Lilac. “Sinabi niyang “aalamin namin,” `di ba? Ibig sabihin, may kakampi siya?”
“Posible dahil hindi magagawa ni Marigold ang lahat ng `to ng nag-iisa.”
Himbis na magtanong si Lilac kay Tyrus na gaya niya ay wala ring alam sa mga nangyari noon, pinanood na lang niya ang susunod na video. At napasinghap siya nang sumalubong sa kanya si Marigold na dumudugo ang gilid ng mga labi habang nakasandal sa dingding. Madilim ang buong lugar kaya hindi niya alam kung nasaan ito eksakto. “Marigold…”
Ngumiti si Marigold kahit halatang nanghihina ito. Pinunasan nito ang dugo sa gilid ng mga labi gamit ang kamay bago ito nagsalita. “I’m fine, Lilac.”
“You’re not!” umiiyak nang kontra ni Lilac. Nang kabigin siya ni Tyrus, sumandal siya sa balikat ng lalaki at yumuko dahil hindi niya kayang makitang sugatan ang kakambal niya. “Marigold… you stupid…”
“Hindi mismo si Magnus ang nakalaban ko,” nanghihinang pagsisimula ni Marigold. “Ang boss ko sa network na si Miguel Lorenzo Benitez ang nagpunta sa ospital kanina, pero nasa loob niya si Magnus. Tinanong ko sa kanya ang lahat ng nalaman ko tungkol sa mga babaeng sinusubukan din niyang anakan, pero sinabihan niya kong tumahimik lang at bigyan na lang siya ng buhay na sanggol.”
Kinagat ni Lilac ang ibabang labi sa galit. Napakasama talaga ng Magnus na `yon!
“Sinubukan kong tumakas,” muling pagkukuwento ni Marigold. “Pero naabutan niya ko. Naglaban kami at halos maubos ang lakas ko sa paggamit ng salamangka. Napatulog ko siya, Lilac. Gaya ng itinuro sa’tin ng mga salamangkerang nag-alaga sa’tin noon, kahinaan ng mga bampira sa panahong ito ang salamangkang makakapagpatulog sa kanila. Salamat do’n, nakatakas ako. Mabuti na rin at nakatulog siya kaya nagawa akong itakas ni Finn nang hindi niya alam.”
Biglang nag-angat ng tingin si Lilac sa monitor. “Si Finn? As in Finn Lee Mancini?” Tumingala siya kay Tyrus na gaya niya, nanlalaki din ang mga mata sa gulat. “Tama ba ang narinig ko, Tyrus? Si Finn daw ang tumulong sa kanyang tumakas?”
Tumango si Tyrus, nakakunot ang noo. “I’m just as confused as you are, Lilac. Let’s play the next vid.”
Sinunod ni Lilac ang partner niya. Ang next video na sumalubong sa kanila, nasa isang mansiyon si Marigold at nakaupo ito sa couch ng malaking sala kung saan may malaking portrait ni Denim Blue Benitez sa dingding. “Si Finn Lee Mancini nga…”
Ngumiti si Marigold, maaliwalas na ang mukha pero halatang pumayat ito. “Hi, Lilac. Nandito ako sa bahay ni Finn na walang ibang nakakaalam kung hindi siya lang. Ang sabi niya, dito raw niya ititira ang babaeng mahal niya kapag nagpakasal na sila, kaya medyo na-gi-guilty ako na nauna pa ko kay Denim Blue na makita ang bahay na `to.”
“Hindi pa naman niya ko sinasagot kaya huwag kang ma-guilty, Marigold.”
Nabigla si Lilac nang makita si Finn na umupo sa tabi ni Marigold. Kung mag-usap ang dalawa, parang matagal nang magkaibigan. Maaliwalas din ang mukha ni Finn, malayo sa bugnutin at masamang Finn na nakilala nila. “Hindi ko maintindihan…”
“Siguro darating `yong time na magagalit kayong lahat kay Finn dahil posibleng makilala niyo siya bilang ang right hand man ni Magnus,” pagpapatuloy ni Marigold. “Kaya ngayon, bibigyan ko siya ng pagkakataong ipaliwanag ang magiging susunod niyang move. Lilac, gusto kong maniwala ka sa lahat ng maririnig mo. Simula palang no’ng nalaman ko ang sekreto ng ospital, si Finn na ang naging katulong ko sa paggawa ng videos na `to. Alam kong marami siyang nagawang mali dahil sa pagsunod niya sa mga utos ni Magnus, pero napipilitan lang siyang gawin `yon para protektahan ang babaeng mahal niya.”
“Denim Blue Benitez is my life,” seryosong sabi ni Finn habang deretsong nakatingin sa camera. “I want you to know that. Kaya kahit maging masama pa ko, gagawin ko pa rin para lang protektahan siya. Pero nang nakilala ko si Marigold, pinaalala niya sa’kin na kalahating mortal pa rin ako at mali ang ginagawa kong pagsunod kay Magnus. Siya rin ang nagpa-realize sa’kin na malaki ang posibilidad na kamuhian ako ni Denim kapag nalaman nito ang mga nagawa kong kasalanan.” Umiling-iling ang lalaki. “Ayokong mawala si Denim sa’kin kapag nalaman niyang nasikmura ko ang kasamaan ni Magnus para sa kanya. Dahil do’n, nagdesisyon akong magbago. Na itama ang mga nagawa kong pagkakamali. But I’m not helping Marigold stop Magnus for humanity’s sake. Nagkataon lang na purong tao ang babaeng mahal ko.”
“He’s obsessed with Denim, isn’t he?” hindi napigilang komento ni Lilac.
“Ganyan lang talaga katindi magmahal ang mga kauri ko,” katwiran naman ni Tyrus, saka ito pumalataktak. “Malakas ang karibal ni Ethan.”
“Twenty years ago, the Benitez family used to be a happy household,” pagpapatuloy ni Finn. “Tinatago nila si Lady Cerise na wala namang ibang hangad kundi ang makaranas ng buhay ng mga tao. `Yong magkaro’n ng sariling pamilya dahil pangarap niyang magkaro’n ng asawa’t anak. Samantalang ako naman na isang bastardong anak ng bampira at hindi kinilala ng angkan ng aking ama, na kalaunan ay naging rogue Bloodkeeper, ay kinupkop ng mga Benitez at inatasan nila akong maging tagapagbantay ni Denim. No’ng sanggol pa siya, napakabango ng dugo niya kaya madalas silang sugurin ng mga Bloodsucker na nababaliw sa matinding pagkauhaw.
“Gamit ang dugo ko na kayang itago ang kahit ano, tinago ko ang amoy niya sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo ko sa sistema niya. Akala ko, matatahimik na kami. Pero dumating si Magnus kasama si Miguel. Ang side ng pamilya ni Miguel kasi ang mga Helper ni Magnus. Gusto ni Magnus na sumumpa si Lady Cerise ng katapatan sa kanya, pero hindi pumayag si Lady Cerise. That damned vampire killed Denim’s parents when they also refused to pledge their loyalty to him.”
Napasinghap si Lilac. “Hindi magnanakaw ang pumatay sa mga magulang ni Denim…”
Nagtagis ang mga bagang ni Tyrus. “Mukhang hindi nga. Malamang, `yon lang ang pinalabas dahil bampira ang totoong pumatay sa kanila.”
“Kahit nagtulong na kami ni Lady Cerise sa pakikipaglaban kay Magnus ng gabing `yon, natalo pa rin niya kami,” malungkot nang pagpapatuloy ni Finn. “Ang tanging nagawa lang namin ay protektahan ang batang si Denim. To save the child, we pledged our loyalty to Magnus. Mas mabigat ang bagay na `yon para sa mga purong bampira na gaya ni Lady Cerise. Walang ibang epekto sa’kin `yon, pero ang pagsumpa ng isang Nobleblood ng katapatan sa kapwa niya Nobleblood ay nangangahulugan ng pagsuko sa lahat ng meron ang bampirang sumumpa. Ibig sabihin, nakopya ni Magnus ang malaking bahagi ng kapangyarihan at abilidad ni Lady Cerise. Ang mas malala pa ro’n, mamamatay si Lady Cerise kapag sinuway niya ang utos ni Magnus dahil nangangahulugan `yon ng pag-ta-traidor. As a Nobleblood tied to an oath, she can’t betray the vampire whom she pledged her loyalty to. That would mean death for her.”
Nagmura si Tyrus gamit ang ibang lengguwahe. “Napakasama talaga ni Magnus Cadmus Stratton. Nagawa niya `yon sa kapwa niya Nobleblood!”
Tuluyan nang nawala ang inis ni Lilac kay Tyrus at napalitan `yon ng pag-alala. Hinawakan niya ang kamay nito at pinisil `yon. “Shh. Calm down, okay?”
Humugot ng malalim na hininga si Tyrus, saka ito tumango at pinisil din ang kamay niya.
“Sampung taon na ang lumilipas, bumalik si Magnus sa Pilipinas at inutusan kami ni Lady Cerise na maghanap ng mga babaeng ipinanganak na may espesyal na pangyayari sa buwan.” Nagtagis ang mga bagang ni Finn. “Dahil kung hindi raw, si Denim daw ang una niyang lalahian.”
“Damn that bastard!” galit na sabi ni Lilac. “Denim was only thirteen years old then, pero naisip na niyang gawin `yon sa isang bata? Kahit pa sabihing banta lang `yon, nakakadiri pa rin siya!”
Sa pagkakataong `yon, si Tyrus naman ang nagpakalma sa kanya. He intertwined their fingers togetjer.
“Wala kaming nagawa kundi ang sumunod,” galit na pagkukuwento ni Finn. “Lalo na ako. Hindi ako papayag na mahawakan ng bampirang `yon si Denim, kaya nga matagal ko nang tinapon ang konsensiya ko. Nang nalaman naman ni Miguel ang masamang plano ni Magnus, siya na rin ang nag-offer na magtayo ng pekeng acting agency at mag-recruit ng mga klase ng mortal na babaeng hinahanap ng bampira. Ginawa niya `yon para protektahan si Denim. Sinisisi rin kasi ni Miguel ang sarili niya sa pagkamatay ng mga magulang ng pamangkin niya. Pero gaya namin ni Lady Cerise, sinusunod lang ]niya si Magnus para protektahan si Denim.” Bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi ng lalaki. “She’s the heart of our family. If you ever meet her someday, please be kind to her. Mamamatay kaming lahat kapag nawala siya sa’min. Kaya kung magiging masama ang tingin niyo sa’min nina Lady Cerise at Miguel balang-araw, ngayon pa lang ay humihingi na ko ng tawad. Ginagawa lang namin `to para protektahan ang pamilya namin.”
Ewan ba ni Lilac pero naging emosyonal siya sa mga narinig. Naka-relate siguro siya kay Finn. Gaya nito, ginawa niya rin ang lahat para protektahan si Marigold na nag-iisang pamilya niya sa mundong ito. “Sinira ni Magnus ang ganito katibay na pamilya. Mas lalong hindi ko siya mapapatawad ngayon…”
Marahan lang pinisil ni Tyrus ang kamay niya. Ito na rin ang nag-play ng susunod na video.
“Manganganak na ko, Finn!”
Napaderetso ng upo si Lilac nang marinig ang boses ni Marigold. Nagtaka siya nang makitang nasa backseat ito ng isang gumagalaw na sasakyan. Pawisan na ito at humuhugot ng malalim habang nakakakapit sa handrail sa itaas ng bintana ng kotse. “Pero sa condo nakita ang katawan niya…”
“Let’s just watch the video first, Lilac,” marahang saway ni Tyrus sa kanya.
“Marigold, kailangan na nating lumayo,” sabi ni Finn na hindi kita sa frame ng video kaya malamang, ang lalaki ang nagmamaneho. “Kukuhanin ni Magnus ang anak mo kapag nahuli niya tayo! Kailangan ko munang dalhin ka sa condo mo bago ko itakas ang bata. Kapag walang naabutan si Magnus sa condo mo, hahanapin ka niya. Hindi niya puwedeng malaman na–”
Naputol ang video.
“Isa na lang ang natitirang video,” hindi makapaniwalang sabi ni Lilac. Nanginginig ang kamay niya nang i-play niya `yon. “Marigold…”
“Lilac Alonzo…?”
Nanlaki ang mga mata ni Lilac nang boses ni Finn ang narinig niya.
Mayamaya lang, lumabas na si Finn sa frame ng video. Base sa background na nakikita niya, nasa rooftop ito dahil nakikita niya ang matataas at maiilaw na skycrapers. Nanlulumo ang hitsura ng lalaki. “Nanganak na si Marigold sa kotse kanina. Pero kinailangan ko agad siyang ibalik sa condo dahil hinahanap siya ni Magnus. Pinalabas din namin na sa condo nanganak ang kakambal mo.”
Napapikit si Lilac nang muling maalala ang posisyon ni Marigold nang matagpuan sa condo nito. Siguro, ginawa `yon ng kakambal niya para isipin ni Magnus na do’n na ito inabot ng panganganak. Kung bakit, hindi niya alam pero pinapalakas at pinapabilis ng katanungang `yon ang tibok ng puso niya.
Nagmulat siya ng mga mata nang nagpatuloy sa pagsasalita si Finn.
“Hahanapin ka ni Magnus, Lilac Alonzo,” babala sa kanya ni Finn. “Nagkainteres siyang malaman kung bakit kayang gumawa ng salamangka ni Marigold kaya nag-imbestiga siya. Natunton niya ang ampunan na pinanggalingan niyo. Kahit na renovated na ang orphanage dahil sa nangyaring pag-atake ng mga Bloodsucker doon no’ng mga bata pa kayo, may naitago pa ring mga dokumento ang ampunan tungkol sa kakambal mo. Kanina, bago ako umalis, narinig kong tinatanong ni Magnus ang tungkol sa’yo. He already found out that Marigold has a twin sister. Pero naisip na ni Marigold na iimbestigahan siya ni Magnus kaya inutusan niya ko noon na kuhanin at sunugin ang mga dokumento ng ampunan tungkol sa’yo.”
Naitakip ni Lilac ang isang kamay sa bibig. Talaga ngang pinrotektahan siya ni Marigold hanggang sa huling hininga nito.
“Hahanapin ka niya dahil ang alam ni Magnus ay pinatay ni Marigold ang sinilang nitong sanggol.”
Nanlaki ang mga mata ni Lilac. Bigla siyang kinabahan. Tama ba ang iniisip niya?
“Buhay ang pamangkin mo, Lilac Alonzo,” deklara ni Finn na para bang nababasa ang isipan niya. Bahagyang ngumiti ang lalaki. “Hindi pinatay ni Marigold ang sanggol na sinilang niya.”
Napaiyak si Lilac. Bigla siyang napausal ng dasal. Parang sasabog ang dibdib niya sa sobrang saya. “Marigold, your baby is alive…”
“`Yong sanggol na iniwan ko kasama si Marigold, kinuha ko lang sa ospital,” paliwanag ni Finn. “Pitong buwan lang ang sanggol at patay na sinapupunan ng kanyang ina. Pero alam kong hindi magdududa si Magnus dahil wala naman siyang alam tungkol sa mga mortal na sanggol. Isa pa, may dugo niya ang baby dahil anak din niya `yon. Hindi nga lang nabuhay dahil hindi pinanganak ng may pulang buwan ang ina.” Bumuga ng hangin ang lalaki at napuno ng pagsisisi ang mukha. “Tinarakan ko ng punyal sa dibdib ang sanggol para magmukhang tinapos ni Marigold ang sariling anak para hindi magamit ni Magnus sa kasamaan. Mas maraming inosente ang mapapahamak kapag natupad ang plano ng bampirang `yon.”
Nabawasan ang saya ni Lilac sa kaalamang buhay ang pamangkin niya. Hangga’t buhay si Magnus, nasa panganib pa rin ang sanggol.
“Tinago ko ang anak ni Marigold,” pagpapatuloy ni Finn. “Sinalinan ko siya ng dugo ko para maitago ko ang amoy ng dugo niya nang hindi siya mahanap ni Magnus. Ako lang ang nakakaalam kung nasa’n ang sanggol, pero hindi ko pa puwedeng sabihin sa’yo kung nasaan ang pamangkin mo.”
“Pero bakit naman?” nanlulumong tanong ni Lilac.
“Sigurado akong iuutos ni Magnus sa’kin na hanapin ka,” pagpapatuloy ni Finn. “Hindi ko alam ang hitsura mo, Lilac Alonzo. Hindi ipinakita ni Marigold ang picture mo dahil gusto ka niyang protektahan. Kaya ang balak ko, maghintay sa condo niya dahil alam kong darating ka kapag nalaman mo ang nangyari sa kanya. Mapipilitan akong sabihin kay Magnus ang tungkol sa pagkatao mo dahil kapag hindi ko nahanap ang pinapahanap niya, sasaktan niya si Denim bilang parusa sa’kin. I’m so sorry if I have to put your life in danger while hiding the truth from you. Kapag sinabi ko kasi agad sa’yo kung nasaan ang sanggol, siguradong hahanapin mo ang pamangkin mo. Mahahalata ni Magnus kapag kumilos ka na parang may hinahanap. Ayaw mo naman sigurong malaman niya na buhay ang anak niya kay Marigold, hindi ba?”
Tumango si Lilac. Naiintindihan na niya ang ginawang paglilihim ni Finn.
“Pero huwag kang mag-alala dahil ipinapangako ko sa’yo, gagawa ako ng paraan para makarating sa’yo ang lahat ng videos na iniwan ni Marigold para sa’yo. Kapag alam mo na ang totoo, ako mismo ang magdadala sa’yo sa pamangkin mo. Tutulungan kitang tapusin si Magnus para makalaya na ang pamilya namin mula sa pagkontrol niya sa’min.” Napuno ng pag-aalala ang mukha ng lalaki. “I might have to use Denim soon. Sa oras na madamay siya sa lahat ng `to, nakikiusap ako sa’yo na protektahan mo rin sana siya. Alam kong may mga Bloodkeeper na poprotekta sa’yo sa oras na malaman nilang tinutugis ka ni Magnus. Sana isama mo si Denim sa proteksyon na ibibigay nila sa’yo. I’m begging you.”
Ngayon ay naiintindihan na ni Lilac na sinadya ni Finn na ipakita sa kanya ang kuwintas ni Marigold. Itinago siguro `yon ng lalaki para hindi makuha ni Magnus. Pero hindi nito puwedeng ibigay `yon ng kusa sa kanya dahil ng mga panahong `yon, pinapalabas nito na kaaway ito. Kaya siguro sinadya rin nito na ipakita at ipaalam kay Denim ang laman ng kuwintas.
Lahat ng `yon, para lang makarating sa kanya ang video messages ni Marigold.
“I have to go,” pagpapaalam ni Finn sa malungkot na boses, saka ito bahagyang yumukod sa kanya. “I’m sorry for your loss, Lilac Alonzo.”
Napaiyak si Lilac ngayong alam na niya ang buong katotohanan at ang mga ginawa ni Marigold para sa kanya. Pero hindi niya hinayaan ang sariling maging emosyonal dahil may kailangan pa siyang gawin, kaya mabilis din niyang pinunasan ang mga luha niya gamit ang mga kamay niya. “Tyrus.”
“I know, Lilac,” maagap na sabi naman ni Tyrus, puno ng determinasyon ang mukha. Pero masuyo ang paghaplos nito sa pisngi niya. “Hahanapin natin si Finn para makita na natin ang pamangkin mo.”
AWANG-awa si Denim sa Uncle Miguel niya habang pinagmamasdan niya itong matulog sa malaking kama. Maputla ang tito niya at halatang hinang-hina na. “Uncle…”
“I’m sorry, Denim,” nanghihinang sabi ni Uncle Miguel nang hindi nagmumulat ng mga mata. “Huwag kang magalit kay Finn na hindi niya sinabi sa’yo ang tungkol sa pag-agaw ni Lord Magnus sa katawan ko. Ako ang nakiusap sa kanya na huwag sabihin sa’yo. I don’t want you to worry about me.”
Pinigilan ni Denim ang pag-iyak dahil ayaw niyang mag-alala sa kanya ang Uncle Miguel niya. “Why are you letting that vampire possess your body, Uncle?”
“I’m doing this to protect you, dear. Hindi ako nagkaro’n ng sarili kong pamilya.” Tumaas ang sulok ng mga labi nito sa isang matamis na ngiti. “Pero masaya ako na nagkaro’n ako ng anak sa katauhan mo, Denim. I won’t let that vampire hurt my daughter.”
Hinawakan ni Denim ang medyo malamig na kamay ni Uncle Miguel. Hindi niya alam kung bakit bumababa na ang temperatura ng tiyuhin niya, pero alam niyang delikado na ang lagay nito. “I’m also thankful to have you as my second father, Uncle Miguel.”
Ngumiti lang si Uncle Miguel at bahagyang pinisil ang kamay niya. Mukhang pagod na ito.
“Dadalawin ko lang si Finn, Uncle,” sabi niya, saka niya dahan-dahang binitawan ang kamay nito. Pagkatapos ay tumayo na siya at inayos ang makapal na comforter sa katawan nito. “Good night.”
Nang masiguro ni Denim na tulog na ang Uncle Miguel niya, tahimik siyang lumabas ng kuwarto nito at dumeretso naman siya sa underground chamber para dalawin si Finn. Gaya no’ng underground sa mansiyon sa Bicol, hagdanan din ang daan pababa at may nakahilerang nakasinding torch sa dingding.
Sa pagkakaalam niya, nasa Tagaytay ang villa na `yon at do’n sila nakatira ng mga magulang niya no’ng nabubuhay pa ang mga ito. Malaya siyang nakakalakad sa mansiyon dahil ayon kay Magnus no’ng unang araw ng pagdating nila ro’n, mortal lang siya na walang espesyal na abilidad kaya hindi niya masisira ang Bloodlust na nagsisilbing barrier sa buong bahay. Ibig sabihin, hindi siya makakatakas do’n.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang dumating na siya sa ibaba. May mahabang pasilyo ro’n at mga cell naman sa magkabilang gilid. Ang loob ng bawat kulungan, parang vault dahil puro gawa sa bakal ang dingding. Mukhang ginawa talaga `yon para sa mga bampira.
Natigilan si Denim nang pagdating niya sa tapat ng cell, naabutan niya si Finn na nakadapa sa sahig. Gaya no’ng lumipas na pitong araw, duguan na naman ito at puno ng sugat. Alam niyang tino-torture ni Magnus si Finn pero wala siyang magawa para tumulong. Puro iyak lang ang ginagawa niya nitong nakaraan. Ang sabi ni Finn sa kanya, hindi niya kailangang mag-alala dahil mabilis daw itong gagaling dahil sa dugong bampira nito. Pero kakaiba ngayon ang sitwasyon ng lalaki dahil hindi na ito gumagalaw.
Naitakip ni Denim ang mga kamay sa bibig. “Finn…”