Bad Blood/Bad Romance Duology Chapter 28

DENIM looked like a mess.

Kahit nakaligo at nakapagbihis na siya, hindi naman naalis ang mga iniwang peklat at mga latay sa katawan niya na kitang-kita niya ngayong nakatayo siya sa harap ng isang full-length mirror.

Ang putla na niya, tuyo ang mga labi, humpak ang mukha. Idagdag pa ang mahabang peklat sa pisngi niya. Kahit mahaba ang manggas ng suot niyang peach floral dress ngayon, kita pa rin ang mga latay at peklat sa leeg at dibdib niya. Maiksi din ang bestida niya kaya kita rin ang sugatan at puro pasa niyang mga hita at binti. Ang doll shoes niya, tinago rin ang maliliit na sugat sa mga paa niya.

“I’m sorry, Denim,” puno ng pagsisisi na sabi ni Aunt Cerise na sinusuklay ang mahaba niyang buhok. “Hindi ko magawang pigilan si Magnus dahil hindi ko siya puwedeng suwayin. I pledged my loyalty to him so it will kill me once I betray him.”

Sa totoo lang, hindi naman siya galit kay Aunt Cerise. Gaya ng sinabi nito, sinusunod lang nito ang mga utos ni Magnus at wala siyang magagawa do’n. “I feel sad for you, Aunt Cerise,” sabi niya dahilan para mahinto ang bampira sa pagsuklay sa buhok niya. “I’ve always thought that you are strong for running away from Eternal Sleep because you wanted to experience having a family. Pero ngayon, na-realize ko na excuse mo lang `yon. Ang totoo, tumakas ka para sundan si Magnus.”

“Hindi totoo `yan,” kaila ni Aunt Cerise na kulang ng conviction. “Nang araw pa lang na hindi sumipot si Magnus sa kasal namin, kinalimutan ko na ang damdamin ko para sa kanya. Oo, hindi nga tuluyang nawala ang pag-ibig ko sa kanya. Pero sigurado akong kontrolado ko na ang puso ko laban sa kanya.”

“Pero bumalik ang feelings mo para sa kanya ng gabing sumugod siya sa mansiyon ng mga magulang ko para kuhanin ang pledge of loyalty mo na magpapalakas sa injured body niya,” sagot ni Denim sa pantay na boses. No’ng gabing nag-stay siya sa mansiyon nina Eton matapos mawala ni Finn, binigay sa kanya ni Lilac ang memory card para ipapanood sa kanya ang mga video kung saan may mga bagay na sinabi si Finn tungkol sa kanya. “Alam ko nang si Magnus ang pumatay sa mga magulang ko. Alam ko rin na ikaw ang dahilan kung bakit pinuntahan niya kami ng gabing `yon, Aunt Cerise.”

Halatang nabigla si Aunt Cerise dahil nabitawan nito ang suklay at umatras palayo sa kanya.

Pumihit si Denim paharap kay Aunt Cerise na bakas sa mukha ang pagkagulat. “I don’t blame you for what happened to my parents, Aunt Cerise. Si Magnus ang pumatay sa mga magulang ko at sinabi naman ni Finn na ginawa mo ang lahat para pigilan siya ng gabing `yon.”

Nangilid ang mga luha ni Aunt Cerise at bumakas ang guilt sa mukha.

“I wanted to kill Magnus even more when I found out the truth,” pagpapatuloy ni Denim. “Pero naisip ko, para saan pa? Ayokong mag-aksaya ng emosyon para sa bampirang `yon. Not even hate.”

“Denim…”

“Akala ko noon, pareho tayo ng gusto, Aunt Cerise,” sumbat ni Denim dito. “Ikaw ang dahilan kung bakit nagkaro’n ako ng pamilya kahit maagang nawala sa’kin ang mga magulang ko. Tinuro mo sa’kin na ang pagiging pamilya, hindi sa dugo nasusukat. Hindi rin ang lahing pinagmulan natin. Kaya simula pagkabata, ikaw ang tinuring kong mommy. Si Uncle Miguel ang father figure sa buhay ko. At siyempre, si Finn. Natutunan ko sa’yo na mahalin at protektahan ang pamilya natin.” Umiling-iling siya. “Pero ngayon, na-realize ko na binuo mo lang ang pamilya natin para i-fill ang iniwang space ni Magnus sa puso mo. Nobleblood vampires are really proud, aren’t you? Hindi mo matanggap sa sarili mo na gusto mong makasama si Magnus kaya ka tumakas sa Eternal Sleep, kaya gumawa ka ng self-serving excuse para i-justify ang pagtakas mo. But ten years ago, he came back. And you were done for. Nagpauto ka sa kanya at pinaniwala mo ang sarili mong pagmamahal ang dahilan kung bakit ka niya binalikan. Kahit alam naman nating pareho na binalikan ka niya kasi alam niyang mauuto ka uli niya. Because you’re convenient to him.”

“I don’t understand what you’re talking about, Denim.

“Of course you don’t, because I’m talking about family here,” malamig na sagot ni Denim na nagpaguhit ng sakit sa mukha ni Aunt Cerise. “Naging sunud-sunuran ka kay Magnus hindi dahil sa pledge of loyalty, kundi dahil `yon ang gusto ng puso mo.”

“That’s not true!” giit ni Aunt Cerise. “Mahal ko ang pamilya natin!”

“Then why did you let Magnus kill Finn? Why did you let him use my uncle? And why did you let him hurt me?” galit at sunud-sunod na sumbat ni Denim kay Aunt Cerise. Nangilid na ang mga luha niya sa galit. “Sasabihin mo na naman bang wala kang magawa dahil mamamatay ka kapag tinraidor mo siya?” Tumatango-tango siya. “How convenient, Aunt Cerise. Pero kung mahal mo talaga ang pamilyang `to, dapat handa ka ring mamatay para protektahan kami kasi `yon ang handa naming gawin para sa’yo.” Tinapik niya ang dibdib niya. “I’m ready to die for you, Aunt Cerise. Kaya nga nandito ako ngayon.”

“What do you mean by that?” parang naguguluhang tanong ni Aunt Cerise.

“No’ng kinuha mo ko sa mansiyon, sumama ako ng kusa hindi lang dahil sinabi mong ipapakita mo sa’kin kung saan mo nilibing si Finn. Na hindi mo naman nagawa dahil kinulong agad ako ni Magnus sa ospital na `to,” mapait na sabi ni Denim. “Sumama ako kasi alam kong may masamang mangyayari sa’yo kapag bumalik ka nang hindi ako kasama. Naghintay ako na pigilan mo ang ginagawang pananakit sa’kin ni Magnus. Pero wala kang ginawa kundi ang sunduin ako kapag tapos na ang lahat para paliguan at bihisan na parang manika.” Ngumiti siya ng malungkot. “Hindi anak ang turing mo sa’kin, Aunt Cerise. I’m just a pretty doll to you, am I not?”

Mabilis na umiling si Aunt Cerise. “I raised you like my own daughter, Denim. Mahal kita.”

“Akala ko rin, eh,” malungkot na sagot ni Denim. “But you love Magnus more than anything in this world. Hinayaan mong maubos niya ang pamilya mo para sa kanya. Kasi hindi mo siya kayang iwanan. Pero hindi siguro kita masisisi dahil hindi ko naman alam kung pa’no magmahal ang mga bampira. Ang alam ko lang bilang batang mortal, hindi mo dapat iwan ang pamilyang nagmamahal sa’yo.”

Pumatak ang mga luha ni Aunt Cerise pero wala itong nasabi.

“Tama na ang dramang `to.”

Napatingin si Denim kay Magnus na nakatayo sa gilid ng nakabukas na pinto. Gaya ng madalas, kapag nand’yan ang lalaki, tinikom niya ang bibig niya.

“Batang mortal, parating na sila,” sabi ni Magnus at sa isang iglap, nasa tabi na niya ito at hawak ang braso niya. Nakangisi ito na parang nababaliw. “Naaamoy ko na ang dugo ng anak ko. Kaya halika. Salubungin natin ang pagdating ng aking vessel.”

Hinayaan ni Denim si Magnus na kaladkarin siya sa napakabilis na paraan. Ramdam niyang nabali ang braso niya dahil sa marahas na pag-angat ng bampira sa katawan niya nang tumakbo ito paakyat ng rooftop. Pagkatapos, basta na lang siya nitong binitawan. Napahawak at napapiksi siya nang maramdamang nabali nga ang braso niya. Kinagat niya ang ibabang labi para pigilan ang sariling umiyak.

Bakit, Lilac? Bakit kailangan mo pang dalhin ang baby dito para lang sa’kin? Hindi niyo na dapat ako inintindi. Mas mahalagang mahuli si Magnus kaysa sa buhay ko!

Hindi naman sa wala siyang pagpapahalaga sa buhay niya. Mas lalong hindi siya suicidal. Alam niya lang na mas maraming inosenteng mga tao ang mapapahamak kung magtatagumpay si Magnus. She didn’t want the human race to suffer, so she was ready to sacrifice herself to stop this damned vampire.

Tumuntong si Magnus sa balustre ng rooftop at binuka ang mga braso. Malakas din ang pagsinghot na ginawa nito. “Napakabango ng amoy ng dugo ng aking anak.” Tumawa ito ng malakas, saka pumihit paharap sa kanila. “Cerise!”

Sa isang iglap lang, nasa tabi na ni Denim si Aunt Cerise.

“My lord,” magalang na pagbati ni Aunt Cerise kay Magnus.

Magnus released a very strong Bloodlust.

Biglang napaluhod si Denim sa lakas niyon. Pakiramdam niya, naging manipis ang hangin sa paligid kaya nahirapan siyang huminga. Mukhang protektado ng kapangyarihan ng bampira ang buong ospital.

Nakangising tinuro ni Magnus si Denim. “Tapusin mo ang mortal na `yan ngayon din. Kailangan kong painumin ng dugo ng mortal ang anak ko para mas maging malakas ang bahagi niyang bampira. Para mas maging handa ang katawan ng sanggol hanggang sa puwede ko na `yong agawin.”

Hindi na nabigla si Denim dahil hindi naman siya umasang bubuhayin siya ni Magnus sa laki ng galit nito sa kanya. Kaya nga naiinis siya na nagpunta pa rito sina Lilac. Tumingala siya at humugot ng malalim na hininga bago siya sumigaw. “Tyrus, Eton, sabihin niyo kay Lilac na `wag na kayong tumuloy! Walang balak tuparin ng bampirang `to ang kasunduan niyo! Save the baby!”

Tumawa uli si Magnus. “Fool. Nabalot ko na ng Bloodlust ko ang buong ospital kaya hindi nila maririnig ang boses mo kahit pa nasa malapit na sila.”

Denim glared at Magnus. Pero sa isang kumpas lang ng kamay nito, may malakas na puwersang nagtulak sa kanya para yumuko kahit pa nanlalaban siya.

“I can’t do it, Magnus,” deklara ni Aunt Cerise.

Gulat na nag-angat ng tingin si Denim kay Aunt Cerise. Nasa mukha ng babae ang pag-aalinlangan. Pero mabilis din `yong napalitan ng determinasyon.

“I can’t kill Denim,” mas mariing sabi ni Aunt Cerise. “Nagbulag-bulagan ako sa pananakit mo sa kanya dahil ang sabi mo, pakakawalan mo siya kapag nakuha mo na ang anak mo!”

“Oh, sorry. I lied,” nakangising sagot ni Magnus, pagkatapos ay dumako ang tingin nito kay Denim. “Naging napakabango ng dugo ng mortal na `to. Gusto kong ang dugo niya ang unang matikman ng anak ko para mas mangibabaw ang pagiging bampira niya. Ang babaeng `yan ang unang magiging sakripisyo.”

“Hindi ako papayag!” mariing giit ni Aunt Cerise. “Magnus, gagawin ko ang lahat huwag lang ang tapusin si Denim. Hindi ko kaya…”

Nabigla si Denim. Nakonsensiya ba si Aunt Cerise dahil sa mga sinabi niya kanina?

“Ah, sinusuway mo ba ko?” iiling-iling na sabi ni Magnus. “You’re betraying me now, aren’t you?”

Sa isang iglap, napahawak si Aunt Cerise sa dibdib nito na para bang hindi makahinga. Mukhang nanghina talaga ito dahil napaluhod ito sa sahig at hinawakan ang leeg na para bang pinipilit huminga.

Nanlaki naman ang mga mata ni Denim sa takot para sa Aunt Cerise niya. Ito ba ang effect ng pagsuway niya kay Magnus? Then, mamamatay nga si Aunt Cerise kapag hindi niya ko napatay. Kailangang bawiin ng bampirang `to ang utos! “Stop it!” utos niya, saka niya nilingon si Magnus na umarko ang mga kilay. “Bakit si Aunt Cerise pa ang inuutusan mong tapusin ako? Hindi mo ba ko kaya?”

Nanatiling nakangisi si Magnus, pero halata sa mga mata nito na nainsulto ito. “I can kill you without moving from this spot, child. Huwag mo kong subukan.”

Ah, nainsulto nga si Magnus.

Ngumisi naman si Denim at pinilit tumayo sa kabila ng panghihina niya. “Natatakot kang madikitan ng dugo ko dahil baka hindi ka makapagpigil at kagatin mo ko. Kapag nangyari `yon, mamamatay ka. Wala ka bang self-control? Akala ko ba, Nobleblood ka? Eh bakit astang Bloodsucker ka na mahina at hindi makontrol ang pagkauhaw sa dugo?”

Umangil si Magnus, nakalabas ang mga pangil. Naging pula na rin ang mga mata nito. “Huwag na huwag mong ikukumpara ang tulad kong Nobleblood sa isang hamak na Bloodsucker lang!”

“Bakit hindi?” natatawang tanong ni Denim kahit ang totoo, natatakot siya sa ginagawa niya. Natatakot din naman siyang mamatay. Pero may mga bagay na siya lang ang makakagawa kaya kailangan niya `yong panindigan. Kung mamamatay siya, mamamatay siyang disenteng tao. “Alam mo bang sobrang naaawa na ko sa’yo? Sa lahat ng bampirang nakilala ko, ikaw ang pinaka-tao kung mag-isip at kumilos. Ang pag-torture sa iba, gawain ng mga mortal na abusado sa kapangyarihan. Sigurado ka bang Nobleblood ka? I can’t feel an ounce of dignity from you that most vampires I know possess. Mas disente pa ang mga Bloodkeeper kaysa sa’yo. Well, what do I expect from a coward who ran away from Eternal Sleep anyway? Mas malala ka pa sa mga Bloodsucker.”

Sumigaw si Magnus. Nawala bigla ang Bloodlust nito na nakabalot sa buong ospital at naipon `yon sa katawan nito. Ngayon tuloy ay parang may itim at pulang hangin na nakapaligid sa bampira. “Binabawi ko na ang utos ko sa’yo, Cerise. Ako na mismo ang tatapos sa batang mortal!”

Nakahinga ng maluwag si Denim dahil nagtagumpay ang plano niya. Nilingon niya si Aunt Cerise na nakatingala sa kanya, bakas sa mukha ang pagkagulat. Masaya siyang makitang nakakahinga na uli ito. Nagkaro’n ng kakaibang kapayapaan ang dibdib niya kaya nagawa niyang ngumiti ng totoo sa bampira. “I’m sorry for hurting your feelings, Aunt Cerise. And thank you for the twenty years of happy memories. Please learn to love yourself more.”

Napapikit na lang siya nang maramdaman ang napakasakit na sensasyong naramdaman niya sa dibdib niya. Ayaw na niyang isipin kung ano ang bumaon at tumagos sa katawan niya. Ang sigurado lang niya, napakasakit niyon.

“Denim!” sigaw ni Aunt Cerise sa boses na puno ng takot at pag-aalala.

“Baby Blue?”

Nabigla si Denim nang marinig ang pagtawag sa kanya ni Eton kaya nagmulat siya ng mga mata. Dahil sa ginawa niya, sumalubong sa kanya si Magnus. Kamay pala ng bampira ang nakabaon sa dibdib niya. She smirked weakly at him. “You moved from your spot to kill me.”

Ngumisi si Magnus, saka inalis ang kamay sa dibdib niya. “Lying makes me more charming.”

May comeback pa sana si Denim pero nang ibuka niya ang bibig niya, naramdaman niya ang pagtulo ng dugo sa gilid ng mga labi niya. Gano’n din ang unti-unting pagbagsak ng katawan niya. Nakita niyang ngumisi si Magnus bago ito naglaho sa harapan niya.

May sumalo sa kanya pero wala siyang lakas para mag-angat ng tingin. Hindi niya alam kung anong nangyari pero natagpuan niya ang sariling patagilid na nakasandal sa dibdib ng kung sino habang nakaupo siya sa pagitan ng mga hita nito. Nakapalupot din ang mga braso nito sa katawan niya.

“Baby Blue?”

Pinilit ni Denim ang sariling mag-angat ng tingin. Sumalubong sa kanya ang guwapong mukha na unang tingin pa lang niya, kinabaliwan na niya. Napangiti siya nang parang movie na nag-flash sa isipan niya ang lahat ng memories nila ni Eton. Pero mabilis siyang napasimangot nang makita ang takot at sakit sa mukha nito habang tahimik na pumapatak ang mga luha nito. “Don’t cry, Baby E…” Sinubukan niyang iangat ang kamay niya para punasan ang mga luha nito, pero hindi niya magawa dahil mabigat na ang katawan niya. “Ah, I know. Binabawi ko na `yong utos ko sa’yo. You can smile now.”

“I can’t do that now,” sabi ni Eton sa basag na boses, saka siya nito kinarga na parang bride. Saka ito tumakbo ng mabilis. “Huwag ka nang magsalita, Denim. I’ll perform a surgery on you. Nakapag-aral ako ng Medicine noon. Alam ko kung paano gamutin ang mga mortal.”

“Then, alam mo na ring wala na kong pag-asa, `di ba? Alam kong nasapol ni Magnus ang puso ko.”

Umiling si Eton. “Mortals believe in miracles. I do, too.”

“Stop,” pigil ni Denim na nagpahinto agad kay Eton. Nasa hagdan na sila no’ng tumigil ito sa pagtakbo. “I have to return what I stole from you first.”

Pumatak na naman ang mga luha ni Eton. “Denim…”

Denim smiled weakly at him, then she wrapped her arms around his neck and pulled his nape down. Kusa namang yumuko si Eton para madikit niya ang mga labi niya sa mga labi nito. Magaang at maiksi nga lang siguro ang halik na `yon, pero sapat na `yon para maging masaya siya sa huling sandali ng buhay niya. “Smile, Eton…” nakangiting sabi niya rito habang unti-unting pumipikit ang mga mata niya. “Smile.”

“DENIM is dead.”

Parang estatwang nanigas si Lilac nang marinig ang pabulong na sinabi ni Tyrus. Kababa lang nila ng kotse no’n at akmang bubuhatin siya ng lalaki nang matigilan ito. Kitang-kita niya ang panlulumo sa mukha nito bago nito sinabi ang masamang balita. Napaiyak agad siya. “Sigurado ka ba, Tyrus?”

Marahang tumango si Tyrus, nagtatagis ang mga bagang. “Her heart just stopped beating.”

Kasunod niyon, narinig nila ang malakas at puno ng sakit na pag-ungol ni Eton.

Naikuyom naman ni Lilac ang mga kamay habang walang tigil sa pagpatak ang mga luha niya. Hindi siya makahinga sa sobrang paninikip ng dibdib niya. Nahuli sila ng dating.

No’ng nasa biyahe sila, naramdaman nina Tyrus at Eton ang malakas na pagpapakawala ni Magnus ng Bloodlust. Bumaba ng kotse si Eton at tumakbo ito papunta sa ospital para mauna na sa pagliligtas kay Denim. Pero maging ang lalaki pala ay hindi dumating sa tamang oras.

“Tama si Lucho,” nanggigigil na bulong ni Lilac. “Hindi dapat tayo nagtitiwala sa traidor na Nobleblood. No’ng una pa lang, wala siyang balak ibalik si Denim sa’tin.”

“Well, mukhang hindi lang naman ako ang nagsinungaling.”

Napasinghap si Lilac nang marinig ang boses ni Magnus. Sa segundo ring `yon, nasa harap na niya si Tyrus at inaangilan ang Nobleblood. Lumabas na rin ang Bloodlust ng boyfriend niya.

Si Magnus naman, nakaupo sa bubong ng kotse habang hawak ang manikang nakabalot sa lampin. “Ah, naloko niyo ko. Nabaliw ako sa amoy ng dugo ng anak ko kaya hindi ko naisip na hindi ko naririnig ang boses o paghinga man lang niya.” Tumaas bigla ang Bloodlust ng Nobleblood at dinurog nito sa kamay ang manika. This was the first time she saw the old vampire seriously mad. “Ang ayoko sa lahat, `yong iniinsulto ako at pinagmumukhang tanga. Nakita niyo naman siguro ang ginawa ko sa mortal na si Denim.”

Umangil si Tyrus, sabay sugod kay Magnus.

Tumawa naman si Magnus at bigla-bigla, may sumirit na dugo mula sa braso nito. Pero mabilis ding naging mahabang talim ang dugong `yon. The Nobleblood used the blade made out of his blood to block Tyrus’ fire. Nakakainis man, pero nawawala ang apoy ni Tyrus kapag dumidikit sa dugo ng bampira.

I have to help Tyrus.

Naningkit ang mga mata ni Lilac habang sinusundan ng tingin ang labanan nina Tyrus at Magnus na halos hindi na niya makita dahil sa bilis ng kilos ng mga ito. Puro ungol na lang ang naririnig siya. Isa pa, madilim na dahil gabi na no’n kaya nahihirapan siyang makakita.

“Lilac Alonzo,” malakas na sigaw ni Magnus habang tumatawa. “Kung ayaw mong ibigay ang anak ni Marigold, bigyan mo na lang ako ng bagong anak! Make love to me!”

Isang malakas at galit na ungol ang pinakawalan ni Tyrus kasabay ng pagpapakawala nito ng malaking apoy mula sa magkabilang-palad ng lalaki papunta sa direksyon ni Magnus.

Alam ni Lilac na galit at nababastusan din siya sa sinabi ni Magnus, pero hindi `yon ang nararamdaman niya. Pakiramdam niya, bigla-bigla ay nawalan siya ng lakas at hindi na siya ang may kontrol sa katawan niya. Napaluhod siya sa lupa, wala sa sarili.

The words Magnus just said seemed to stir something inside her body.

Bigla rin niyang naalala ang marka ng dextrose sa kamay niya no’ng araw na dinukot sila. Naulit din `yon bago siya iligtas ni Denim no’n.

Posible bang pinasukan nila ko ng dugo ni Magnus para makontrol niya ang katawan ko?

“Lilac Alonzo,” pagtawag uli sa kanya ni Magnus. Sa pagkakataong `yon, naging kaakit-akit ang boses ng matandang bampira sa pandinig niya. “Come to me.”

Labag man sa kalooban ni Lilac, nag-angat siya ng tingin kay Magnus na patalon-talon sa ere habang iniiwasan ang mga apoy na hinahagis ni Tyrus.

There was definitely something wrong with her because she thought Magnus looked very handsome that evening. Ang pinakamalalang naramdaman niya ay ang pag-iinit ng katawan niya, kasunod ang matinding kagustuhan niya na maramdaman ang lalaki sa loob niya.

Nakakadiri!

Pero hindi `yon ang nararamdaman ng katawan niya.

Pumikit siya ng mariin at tinakpan ng mga kamay niya ang mga tainga niya. Pero kahit gano’n, nakikita pa rin niya sa isipan ang mukha ni Magnus, gano’n ang boses ng matandang bampira.

Anong nangyayari sa’kin?

“Lilac?”

Nabigla si Lilac nang maramdaman na lang niyang nakatayo na uli siya at nakasandal sa dibdib ng kung sino. Nang nagmulat siya, sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Tyrus.

“Are you okay, babe?” nag-aalalang tanong ni Tyrus.

Hindi okay si Lilac dahil nandiri siya sa sensasyon ng balat ni Tyrus sa balat niya. Hindi rin niya alam kung bakit bigla niyang tinulak ang lalaki palayo sa kanya. At mukhang nagamitan pa niya ito ng salamangka dahil tumalsik ng ilang metro ang Bloodkeeper palayo sa kanya.

Tyrus!

Gusto niyang sundan si Tyrus, pero hindi sumunod ang mga paa niya. Pakiramdam tuloy niya, nakakulong siya sa loob ng sarili niyang katawan na kontrolado ng iba.

Kinaskas ni Tyrus ang mga paa at kuko sa lupa para matigil ito sa pag-atras. Pagkatapos, nag-angat ito ng tingin sa kanya at binigyan siya ng naguguluhang tingin. “Lilac…?”

Gustong magpaliwanag ni Lilac pero hindi niya magawang ibuka ang bibig niya. Pagkatapos, naramdaman niya ang pag-angat ng katawan niya. Si Magnus ang bumuhat sa kanya pero kahit gusto niyang itulak ang matandang bampira, hindi niya magawa. Sa halip pa nga, ipinalupot niya ang mga braso niya sa leeg nito at sumandal siya sa dibdib nito.

Naiiyak na siya sa inis pero ayaw pa ring sumunod sa kanya ng katawan niya!

“Lilac!” hindi makapaniwalang sigaw ni Tyrus, may sakit sa mga mata.

“Sorry, lover boy,” natatawang sabi naman ni Magnus, saka ito tumalon pataas, palayo kay Tyrus. “I already stole your girl a long time ago.”

Nayanig ang paligid sa malakas na pagsabog sa direksyon ni Tyrus.

Hindi naman alam ni Lilac ang nangyayari dahil unti-unti na siyang nilamon ng kadiliman.

Ang malinaw lang ay ang pagtawa ni Magnus.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.