Bad Blood/Bad Romance Duology Chapter 29

NANG imulat ni Lilac ang mga mata, alam agad niyang nagising siya sa loob ng alaala sa isipan niya.

Ang maliit na bahay na gawa sa bato, naalala niya bilang ang bahay kung saan sila pinalaki ni Marigold ng mga salamangkerang kumupkop sa kanila. To be precise, she was in the cozy dinning area.

Nakangiting pinaraan niya ang kamay sa kahoy na mesa kung saan sila parating kumakain ng sabay-sabay. `Yon nga lang, nakakalungkot isipin na hanggang ngayon ay malabong mga alaala pa rin ang walong taong pinagsamahan nila.

“Kinailangan kong protektahan ang mga alaala niyo ni Marigold tungkol sa’min ni Rynona.”

Nagulat si Lilac nang bigla-bigla, nakaupo na ang batang may pulang buhok sa isa sa mga silya. Nakasuot ito ng kulay magenta na cloak at may hawak na tasa ng kape. Napangiti siya. “Hindi ka tumanda sa dumaang walong taon. Did you find the fountain of youth or what?”

Natawa ang batang may pulang buhok, saka minuwestra ang katapat nitong silya. “Maupo ka, Lilac. May sasabihin akong mahalagang bagay sa’yo.”

Tumango si Lilac at umupo sa tapat ng bata. “Can I call you ‘Mayumi?’ `Yon ang tawag sa’yo ng mga Bloodkeeper sa paligid ko.”

“Puwede mong gawin `yan,” sagot ni Mayumi. “Tutal ay alam naman na ng lahat na buhay ako.”

“Kaya ba nagtatago ka?”

Tumango si Mayumi. “Ako lang sa buong lahi ng mga salamangkera ang may kakayahang magpatulog ng malalakas na bampira. Ibig sabihin, ako lang din ang may kakayahang gumising sa kanila. `Yon ang dahilan kung bakit gusto akong mahanap at makuha ng mga traidor na Nobleblood.” Hinawakan nito ang mga kamay niya. “Sapilitan ang ginawang muling pagbuhay sa’kin, kaya nga nakakulong ako sa katawan ng batang ito. Nang isalin ko ang kapangyarihan ko sa inyong tatlo, huminto na ang oras para sa kawawang mortal na ginagamit ko ngayon. Pinili kong gawin ito para hindi nila ako mahanap.”

Kumunot ang noo ni Lilac. “Tatlo? Pero apat kaming ginawa mong Mortal Vessel, hindi ba? Ako, si Marigold, si Jinny, at si Rhythm.”

“Hindi kabilang si Marigold sa mga Mortal Vessel na tutulong sa’kin para pigilan ang muling pagkabuhay ng mga bampira,” malungkot na sabi ni Mayumi. “Noon pa man ay nakita ko na ang kapalaran ng kakambal mo. Alam kong maiksi lang ang magiging buhay niya sa mundong ito. Binigyan ko siya ng kakayahang gumawa ng salamangka para magawa mo siyang iwan. Dahil kung nanatili kayong magkasama noon, pareho kayong mapapahamak. I had to save you, Lilac.”

“But not my sister?” paghihinanakit ni Lilac.

“Maraming posibilidad sa mundong ito, lalo na para sa mga tulad niyong mortal na nakakagawa ng himala,” malungkot na sagot ni Mayumi. “Patawarin mo ko kung isa lang sa inyo ang nakaya kong protektahan. May mga bagay na hindi nakokontrol gaano man kalakas ang salamangka ko.”

Humugot ng malalim na hininga si Lilac para kalmahin ang sarili. Wala na si Marigold kaya kahit magalit pa siya kay Mayumi, wala nang magbabago. Isa pa, malaki ang utang na loob nila ng kakambal sa salamangkera. Kung hindi dahil dito, matagal na silang patay na magkapatid. But when the witches saved them, Marigold’s life was extended and she also had a beautiful son. Her twin sister left the world in peace. “Sorry, nadala ako ng emosyon ko. Hindi mo naman kasalanan ang nangyari kay Marigold kaya hindi dapat ako nagalit. Pasensiya ka na.”

Nakangiting umiling lang si Mayumi. Pagkatapos, muling naging malungkot ang mukha nito. “Lilac, may dahilan kung bakit ginawa kitang Mortal Vessel. Kailangan mong mapigilan ang masamang balak ni Magnus. Sa oras na magtagumpay siyang maagaw ang katawan ng pamangkin mo sa pamamagitan ng Bad Blood, magkakaro’n ng ideya ang ibang mga Nobleblood kung paano matatakasan ang sumpa ko. Isang siglo na silang hindi nakakainom ng dugo ng tao kaya marami sa kanila, nanghihina na.”

“Kaya ko bang gawin `yon?” nanghihinang tanong ni Lilac. “Sina Prince Estefano at Lord Nicholas, pareho silang wala sa kondisyon para lumaban. Nahihirapan si Tyrus at ibang mga Bloodkeeper na labanan si Magnus. Paano pa kaya ang isang mortal na gaya ko?”

“Tutulungan kita,” mariing sabi ni Mayumi, nagkakaro’n ng ginintuang hugis bituin na simbolo sa kanang mata nito. “Maririnig mo ang boses ko sa isipan mo para maturuan kita ng salamangka para patulugin siya habambuhay. Nang sa gano’n, magsilbi `yong babala sa natitirang mga traidor na Nobleblood at maniwala silang nakabalik na nga ang salamangkerang si Mayumi.”

Bumuga ng hangin si Lilac. “Mayumi, paano naman kita masusunod kung kontrolado ako ng dugo ni Magnus na nasa sistema ko ngayon?”

“Nakalimutan mo ba kung sino ang kaharap mo?” Ngumiti si Mayumi at tinapat ang palad sa mukha niya. “Aalisin ko ang epekto ng dugo ni Magnus sa katawan mo. Kaya gumising ka na, Lilac, Alonzo.”

NANG nagmulat uli si Lilac ng mga mata, nasa kasalukuyan na siya.

Karga-karga pa rin siya ni Magnus habang tumatakbo ito at nagpapalipat-lipat ng mga punong tinatalunan nito.

Sa kabutihang palad, wala na nga ang dugo ng matandang bampira sa katawan niya dahil ngayon, nandidiri na uli siya sa presensiya nito. Pero kailangan niyang magpanggap na nasa ilalim pa rin ng kapangyarihan ng dugo nito para maisagawa niya ang inutos sa kanya ni Mayumi.

Tumingala si Lilac at masuyong hinawakan ang leeg ni Magnus. “My lord…”

Bumaba ang tingin sa kanya ni Magnus, nakangisi. “Hindi ka na ba makapaghintay?”

Mukha mo! “Puwede na ba nating gawin ang magiging anak natin, Lord Magnus?” nakangiting tanong ni Lilac sa “malambing” na boses kahit ang totoo, bumabaligtad ang sikmura niya sa pinagsasasabi niya.

“Kung `yan ang gusto ng bago kong prinsesa, `yan ang gagawin ko,” nakangising sabi ni Magnus, pagkatapos ay bumaba ito mula sa mataas na punong kinatatayuan nito kanina. Mabilis pa rin ang takbo nito at mukhang may direksyon itong pupuntahan. “Napaghandaan ko na ang gabing ito.”

Sa totoo lang, nakaramdam si Lilac ng takot nang makitang papunta si Magnus sa isang maliit na kubo na nakatayo sa gitna ng kakahuyan.

Prepared nga ang lolo niyo!

Napalunok siya nang sipain ni Magnus ang pinto at sa isang mabilis na kilos lang, nasa loob na sila ng isang maliit, malinis, at mabangong kuwarto.

Malakas ang kutob niyang dito nga dinadala ng matandang bampira ang mga biktima nito noon.

Napasinghap si Lilac nang ihagis siya ni Magnus sa malambot na kama. Sa isang kisap-mata lang din, nakakubabaw na ito sa kanya at may baliw na hitsura sa mga mata nito. Kahit na diring-diri siya sa posisyon nila, pinilit pa rin niyang ngumiti. “Lord Magnus, puwede bang sa ibabaw ako?”

Tumaas ang kilay ni Magnus. “Ah, gusto ko ang mga babaeng agresibo.”

Punyeta ka!

Tumabingi ang ngiti ni Lilac. Hindi siya nagmumura, pero napapamura siya dala ng matinding pandidiri at galit kay Magnus na kailangan niyang tiisin. Buti na lang talaga, nag-acting workshop siya noon. Kung hindi, baka kanina pa niya nasakal ang matandang bampirang `to.

Muli na naman siyang napasinghap ng isang iglap, siya na ang nakakubabaw kay Magnus. Nakaupo siya sa sikmura nito habang nakahawak ang bampira sa mga hita niya na exposed dahil naka-shorts siya.

Nakakadiri!

Pinaraan ni Magnus ang dila sa ibabang labi nito. Kung hindi lang siguro niya alam kung gaano kasama ang bampirang `to, baka inisip na niyang guwapo ito. “Painitin na natin ang gabi, Lilac.”

“Talagang paiinitin natin ang gabi,” natawang sagot ni Lilac.

Totoong tawa `yon dahil nagpanggap siyang binababa ang zipper sa likuran ng suot niyang blouse. Kahit ang totoo, dahan-dahan at maingat niyang hinuhugot mula sa likuran ang nakatago niyang dagger.

“Lilac Alonzo…” nakangising sabi ni Magnus. “I’m too old to be fooled by cheap tricks.”

Umangil si Lilac at mabilis nang nilabas ang patalim nang kumilos si Magnus. Hawak niya ang hilt gamit ang dalawa niyang mga kamay pero nang itatarak na niya `yon sa puso ng matandang bampira, natatawang napigilan nito ang pag-atake niya gamit ang mga kamay nito. “Damn you!”

“I don’t force women to sleep with me because I don’t need to,” nakangising sabi ni Magnus, halatang hindi nahihirapan sa pagpigil sa kanya. “You might just be the first woman I have to get by force.”

“Bastos ka!” nanggigigil na sigaw ni Lilac.

“Lilac, it’s time!” sigaw ni Mayumi sa isipan niya.

Hindi alam ni Lilac kung ano ang eksaktong nangyayari sa kanya pero naramdaman niyang nag-iinit ng bahagya ang kanang mata niya. Kusa ring bumuka ang bibig niya at inusal ang mga salitang naririnig niyang binubulong ni Mayumi sa isipan niya.

Nanlaki ang mga mata ni Magnus, halatang nabigla. “Ang kanang mata mo… naging kulay ginto na may simbolo ng bituin…” Umangil ang matandang bampira at tinulak siya. Sa isang iglap lang, nakadikit na ito sa dingding at masama ang tingin sa kanya. “Mayumi!”

Nagpatuloy si Lilac sa pag-usal sa orasyon.

Napaluhod si Magnus, umuungol sa sakit habang umiiling-iling na para bang ginigising ang sarili. Malamang, inaantok na ito. Tumatalab ang salamangka ni Mayumi!

“Tumigil ka!” galit na sigaw ni Magnus, pilit na tumatayo. May lumalabas ding malakas na hangin sa paligid nito kaya malamang, sinusubukan din nitong maglabas ng Bloodlust. Pero wala pa ring nangyari kaya muli na naman itong napasigaw. “Hindi! Hindi ako matutulog! Marami pang papel ang mga bampira sa mundong ito! Hindi ako papayag na ang mga tao ang mamuno dito!”

“Lilac!”

Biglang napatingin si Lilac sa labas ng bintana nang marinig ang boses ni Tyrus. Nasa malapit na ang lalaki para iligtas siya! Nakalimutan niya na nag-uusal siya nang salamangka at na-realize niya lang `yon nang narinign niya ang sarili. “Tyrus!”

Sa saglit na segundong na-distract siya, nakawala naman si Magnus mula sa salamangka.

Mabilis na binalik ni Lilac ang atensiyon niya sa matandang bampira pero ibubuka pa lang niya ang bibig niya para ipagpatuloy ang orasyon, naramdaman na niya ang kamay ni Magnus sa dibdib niya.

Naalala niya ang vision nila ni Jinny.

Mamamatay nga yata siya sa mga kamay ni Magnus.

“Hindi, Lilac!” sigaw naman ni Mayumi sa isipan niya. “Posibilidad lamang ang nakita niyo ni Jinny! Mababago mo pa ang nakita mong pangitain! Huwag kang susuko! Kailangan ka ng anak mo!”

Nabuhayan ng loob si Lilac nang biglang pumasok sa isipan niya ang imahen ni Sterling. Tama siya. Masyado pang bata ang anak niya para mawalan uli ng ina. Hindi man niya matapos ang orasyon, puwede ba niyang tapusin si Magnus sa ibang paraan.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa punyal. Sumigaw siya ng malakas kasabay ng madiing pagbaon ng patalim sa likod ni Magnus na napasigaw sa sakit. Totoo ngang may salamangka ang talim dahil may pakiramdam siyang tinamaan ang puso ng matandang bampira.

Nagalit yata si Magnus sa kanya dahil mas diniinan nito ang pagbaon ng kamay sa dibdib niya.

Napaubo ng dugo si Lilac. Nakaramdam siya ng matinding panghihina dahil mukhang tinamaan na rin ng bampira ang puso niya. Sa pagkakataong din `yon, nawala na ang boses ni Mayumi sa isipan niya. Naputol siguro ang koneksyon nila dahil nabawasan ang lakas niya.

“Hindi ako mamamatay sa simpleng pagtarak lang ng punyal sa puso ko!” natatawang sagot ni Magnus kahit pa umuungol ito sa sakit. “Kung gano’n lang kadaling mamatay ang isang Nobleblood, hindi sana kami nabuhay ng napakahabang panahon!”

Mawawalan na sana si Lilac ng pag-asa, pero narinig niya sa isipan niya ang boses ni Tyrus habang nag-uusap sila noon tungkol sa punyal: “Nasa loob niyan ang punyal na pamana sa’kin ng aking ina. Nakapaloob sa talim niyan ang kapangyarihan kong apoy. Ibig sabihin, hindi lang basta nakakahiwa o nakakasugat `yan. Nagliliyab din `yan kung kinakailangan. Siyempre, ang lakas na lalabas sa sandata ay depende rin kung gaano katindi ang determinasyon mong gamitin `yan.”

Pero sa oras na lumiyab ang patalim, masasama siyang masusunog dahil hanggang ngayon, hindi pa rin lumalayo sa kanya si Magnus. Baka hindi na sila magkaro’n ng panibagong pagkakataon na ma-corner ang matandang bampira kung ngayon pa siya aatras.

Ng mga sandaling `yon, pumasok sa isipan niya sina Marigold at Denim. Ang kakambal niya at ang bago niyang best friend, sinakripisyo ang kanya-kanyang buhay ng mga ito para protektahan ang mahahalagang tao sa buhay ng mga ito.

Marigold died protecting her. Denim also sacrificed herself for her family. She could also do that.

Ngumiti ng malungkot si Lilac. Kung nasa malapit lang si Tyrus, maririnig siya nito. “Babe? Please take care of Baby Sterling for me. And I love you.”

Isang malakas na ungol at iyak ang narinig niya bilang kasagutan.

Nanlaki naman ang mga mata ni Magnus, halatang kinakabahan. “Anong binabalak mong gawin?!”

Ngumisi si Lilac. Isang tingin pa lang niya sa mukha ni Magnus, nagliyab na ang galit sa dibdib niya. Maraming buhay ang nawala dahil sa kasakiman nito. Kung mamamatay siya para matapos na rin ang kasamaan ng matandang bampirang ito, gagawin niya. “You’re going down with me, Nobleblood!”

Sa pagsigaw niya, lumabas din ang napakalakas na apoy mula sa talim ng dagger niya.

Nakakapasong apoy.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.