Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Itim na itim ang suot ko, suit na pangbabae, slacks, at heels na itim. Ito ang ipinasuot sa akin ni Laurent. Ipapakilala niya ako sa buong angkan ng mga Baider. Kinakabahan ako pero pilit kong pinatatatag ang sarili ko. Humawak ako sa tiyan ko.
Baby...
Lahat gagawin ko para saiyo at sa daddy mo para maging isang kompletong pamilya tayo. Kahit anong pilit ni Laurent na 'wag kong harapin ang patunay at itago niya na lang ako ay hindi ako nagpapigil sa kaniya. Kahit gaano pa kadugo ang patunay na 'yon basta para sa kaniya gagawin ko lahat.
Nang mapasulyap ako sa salamin ay nakita ko roon ang repleksyon ni Laurent na seryosong nakatitig sa akin. Nilingon ko siya at gano'n na lang kaseryoso ang mukha niya.
Tumulo ang luha niya. "Anmela naman baka kung ano ang mangyaring masama saiyo at sa anak natin," napatakip na siya ng mukha at nanlulumong umupo sa sofa.
"Ilang ulit pa ba natin itong pagtataluhan?" Mahinahon kong sabi.
Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan niya. Poging-pogi siya sa pormal na suot niya na pulos itim din. Umupo ako sa hita niya at niyakap siya.
"Kaya ko, pangako," nakangiting sabi ko.
"Paano mo kakayanin 'yon? Ni ang sumigaw o singhalan ako hindi mo magawa? Lumaban pa kaya sa gano'ng klase ng laban?" Tumutulo ang luhang sabi niya. Pinalis ko ang mga luha niya.
"Kapag sinabi kong kaya ko... kaya ko, okay?"
Wala na siyang magawa kung hindi tumango at inayos muli ang suit niya.
"Makinig ka.. " Hinawakan niya ang pisngi ko at inilapit ang mukha niya sa akin. Tumitig siya sa mismong mga mata ko. "Oras na lumabas tayo dito 'wag mo akong hahawakan, 'wag kang kukuha ng lakas ng loob sa akin dahil ayaw nila no'n."
Tumitig din ako sa kaniya at pinakinggang mabuti ang mga bilin niya.
Gagawin ko 'yon!
"Kapag kinakausap ka ng kahit na sinong miyembro tingnan mo sila, mata sa mata, 'wag kang magbibiro o ngingiti nang malapad dahil iisipin nilang naglalaro ka. Sagutin mo ang tanong galing sa puso mo. Bawat tanong nila ay may katumbas na sagot na dapat ay makapagpa-satisfy sa kanila," bumuntong hininga siya at tumingin sa malayo. "Natatakot ako dahil ang unang babaeng minahal ni daddy ay.. namatay sa patunay."
Gumapang ang kaba sa dibdib ko pero pinalis ko iyon kaagad kung pangungunahan ako ng takot ay hindi uusad ang lahat. Kailangan kong harapin ito ng buong puso para sa lalaking pinag-alayan ko ng mundo.
"Pangako mo sa akin mabubuhay ka," tumulo muli ang luha sa mga mata niya pinalis ko iyon.
"Hindi ako mangangako kung hindi gagawin ko."
Tumango siya bago ako gawaran ng isang matamis na halik sa labi. Nagulat ako nang itaas niya ang damit ko at gawaran din ako ng halik sa tiyan.
"Babalik kayo sa akin, huh?" Nakangiti niyang sabi sa tiyan ko kahit tumutulo ang luha. "Mahal ko kayo ng munti kong anghel," tumulo rin ang luha ko sa madamdaming sabi niya.
Marahan niyang hinaplos ang tiyan ko. "Hindi ko kakayanin kapag nawala kayo sa akin," pinalis ko lang nang pinalis ang luha niya.
Ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya pero mas lamang ang pagpapakatatag sa kalooban ko dahil iyon ang dapat. “Anmela Eris, mahal na mahal kita,” muli niyang hinalikan ang labi ko na tinugon ko naman. Lumuluha pa rin siya habang ginagawa niya iyon.
Nang lumabas kami ng kwarto ay dumagundong na ang kaba sa dibdib ko pinilit kong maging kalma at pinigilang hawakan si Laurent. Casual kaming naglakad papunta sa malawak, sosyal at mahabang hapagkainan. Nakita ko na ang angkan nila na pulos nakaitim. Lahat sila ay seryoso ang mukha, walang ngumiti o bumati man lang.
Humugot ako ng hininga pero hindi ko pinahalata. Umupo kami ni Laurent sa gitna nilang lahat.
"Everyone, this is Anmela Eris Velasco, wanting to be part of our family," anunsyo ni Laurent pero walang nagsalita sa halip ay tumingin silang lahat nang masama maliban na lang kay Resttan na halata ang pag-aalala sa mukha.
Pinilit kong 'wag ngumiti at tiningnan lang silang lahat at seryosong umupo. Hanggang sa nakita ko lang ang mga tango sa mukha nila.
"Lauressa," bigla ay sambit ni Lauressa sa seryosong titig. Gano'n sila magpakilala?
"Resttan," seryoso rin siyang tumingin sa akin.
"Ariya," anang magandang babae na medyo may kaedaran na.
"Anton," sabi ng lalaking tingin pa lang ay parang pinapatay ka na.
"Cristoph," nakakunot-noong pakilala ng lalaking sa tingin ko ay hindi nalalayo ang edad sa amin.
"Lucio," nakatiim bagang pakilala ng lalaking sobrang seryoso ang mukha.
"Semon," walang emosyong sabi ng lalaking sa tingin ko ay kaedaran rin namin o mas bata pa.
"Leroi," nakatingin diretso sa mata ko ang sa tingin ko ay labing siyam na taong gulang mas bata siya.
Ganito pala sila magpakilala. Kahit takot na takot ako habang binabanggit nila ang pangalan nila ay hindi ako nagpatinag. Sinaulo ko ang bawat pangalan nila at seryoso ring tinitingnan sila isa-isa. Kung seryoso sila malamang ay iyon ang tradisyon nila kaya ginagaya ko iyon. Dapat ang buong atensyon ko ay nasa kanila kahit pa kumakalabog ang dibdib ko. Sa pakilala nilang iyon napansin ko ang ekspresyon nilang walang pagbabago at lahat sila gano'n. Maaring paraan nila ito upang umatras ako sa kasal o pagpasok sa pamilya nila.
"My mom and dad," seryosong turo ni Laurent sa lalaki at babaeng nasa kanan namin nakaupo. Tumango lang ako rito.
"Ngayon," naagaw ang atensyon ko nang magsalita si Ariya. "Banggitin mo ulit ang mga pangalan namin at ituro mo kung sino-sino ito." Noon ko lang nakita ang ngisi niya.
Pwede palang ngumisi? Ginaya ko rin iyon. Tinagilid ko ang ulo ko bago muling nagsalita. "Sige po, Ariya," nakita ko ang gulat sa mukha niya sa pagbanggit ko ng pangalan niya. Akala niya ba ay hindi ko nasaulo? Diyan siya nagkakamali.
Tiningnan ko si Lauressa at itinuro. "Lauressa, Resttan, Anton, Cristoph, Lucio, Semon, Leroi, and Laurent's mom and dad," seryosong turo ko isa-isa sa kanila.
Nakita ko ang pagkamangha sa mga mukha nila pero hindi rin nakalampas sa akin ang ngisi ni Laurent at Resttan, maging ang pagtalim ng titig ni Lauressa.
"Unbelievable," nakangising sabi ni Ariya.
Siguro siya ang pinakamatandang miyembro ng pamilya.
"Are you sure, you want to be part of this family?" Nakangising tanong ni Ariya.
Ngumisi rin ako. Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob basta sa pagkakataong ito ramdam ko ang tapang ko. "Nang makilala ko si Laurent lahat para sa kaniya ay sigurado ako."
Nakita kong muli ang pagkamangha sa mga mukha nila.
"Back off, girl. unang patunay pa lang ay nasisiguro kong hindi ka na makakaligtas," matalim ang tinging sabi sa akin ni Lauressa.
Seryoso ko rin siyang tiningan. "Gaano ka kasigurado?"
Napatitig sa akin ang lahat ng Baider at halata ang gulat sa tanong ko.
"Tapang," nakangising sabi ni Leroi.
"It's been a long time na nagkaroon ng bagong miyembro ang pamilyang ito and I think there will be a new member," tipid ang ngiting sabi ni Cristoph.
Halos hindi kami makakain dahil sa tensyon ng usapang ito.
"So, are you really want to marry Laurent?" Walang emosyong tanong ni Semon.
"Yes, unang araw ko pa lang siyang nakita minahal ko na siya sa ikalawang araw ay niligawan ko, pangatlo ay niyaya ko na siya ng kasal," sinserong sabi ko kaya gano'n na lang ang gulat ko nang magtawanan sila.
Huh?
Nakangiti na ngayon si Resttan at si Laurent pero si Lauressa ay matalim pa rin ang tingin. Ayaw na ayaw sa akin?
"Bago ko ilatag ang mga palatuntunan sa patunay ay gusto ko ulit tanungin ka, kung sigurado ka ba talaga?" Muli ay nakita ko ang ngisi ni Ariya.
"Hindi ko po ugaling magdal'wang isip, pasensya na po," seryoso kong sabi. Nakita ko ang ngiti niya sa labi.
"Okay, it's like your mind will never change," sumeryoso ulit siya. "Hindi kayo pwedeng magkita ni Laurent simula bukas hanggang hindi natatapos ang patunay."
Tumindi ang kaba sa dibdib ko. Mas masakit yata 'yon kaysa sa kahit na anong sugat gusto kong sumimangot pero hindi ko ginawa humawak na lang ako sa tiyan ko.
Hindi natin makikita si daddy, baby..
Sabi ko sa isip ko.
"Aatras ka na agad?" Naagaw ni Lauressa ang atensyon ko sa tanong niyang iyon.
Umiling ako. "Bakit ako aatras? Hindi pa nga nagsisimula," ngumisi ako.
Saan ko nakuha ang ganitong tapang? Ako ba talaga ito? O baka naman ang anak ko ang matapang at dinadamayan niya ako upang maging malakas?
"I like the way you defeat the argument," namamanghang sabi ni Anton.
Ngumiti ako nang tipid. "Hindi po 'yon argument simpleng sagot lang sa tanong."
Lalong lumapad ang pagkakangiti ng ilang miyembro. Nagugustuhan nila ako? Iyon ang nakikita ko. Good job, Anmela!
"Well, did you know that if you break the rules, you'll die and your family?" Tanong ni Lucio.
Natigilan ako saglit. Alam ko na iyon pero hindi ko pa rin mapigilang matakot at kabahan.
Ngumisi ako. "Sigurado naman akong wala akong hindi susundin."
Nakita ko ang tango nila. Nakahinga ako nang maluwag.
"Kung gano'n, ang unang patunay ay maglalaban kayo ni Lauressa dahil siya ang kapatid ni Laurent, sa isang boxing ring dapat ay mapahanga mo kami," diretso sa mata ko ang tingin ni Ariya.
Dumagundong nanaman ang kaba ko. Bakit si Lauressa? Hindi ko alam kung kaya kong saktan ang kapatid ng taong mahal ko? Hindi ko kaya 'yon.
"Sige po," matipid kong sagot na ikinagulat nila. Hindi ko maintindihan kung bakit sila nagugulat?
"Ang panghuli ay sa America, aakyat ka ng bundok, swerte mo kung tamang daan ang natatahak mo at hindi mo makasalubong ang angkan ng mga Baider pero kung makakasalubong mo sila.. mamamatay ka," madiing sabi ni Ariya.
Mamamatay ako? Alam ko na 'yon, eh. pero hindi ko pa rin maalis ang kaba sa dibdib ko dahil may anak akong kasamang lalaban.
"Kung makakarating ka ng taas ng bundok na buhay mamumuhay kayo ng masaya," ngumiti na siya. "At buong puso kang tatanggapin ng pamilya pero kung hindi magagaya ka lang sa iba na sumubok maging isa sa amin pero hindi naman sinsero ang pagmamahal dahil naniniwala kami na kung totoong mahal mo ay makakaligtas ka sa patunay," mahabang sabi ni Ariya.
Ngumiti ako nang tipid. "Naiintindihan ko po."
Muli kong nakita ang gulat sa mga mukha nila. Siguro ay dahil sa walang alinlangan kong pagsagot?
"Nice girl, Laurent," nakangising sabi ni Semon at nakatingin kay Laurent.
Ngumisi si Laurent. "Find yours, Semon," makahulugang sabi nito na ikinaiwas ng tingin ni Semon.
Siguro gano'n din sila katakot na magmahal dahil sa tradisyon nila.
"Anmela, kapag sinuway mo ang unang tradisyon na bawal kayo magkita ni Laurent ay hindi ka na makakarating pa sa unang patunay dahil walang ibang parusa kung hindi.. kamatayan," nakangising sabi ni Ariya.
Naroroon pa rin ang kaba ko pero tumango ako. Alam ko na 'yon na hindi talaga ito madali pero katulad ng sabi nila kung talagang mahal mo ay makakaligtas ka sa patunay at naniniwala ako roon.
"Tandaan mo buhay mo at ng pamilya mo ang nakasalalay kapag sinuway mo ang kondisyon," seryosong sabi ni Ariya at saka siya sumubo ng pagkain.
Kumakain pala kami? Halos hindi ko magalaw ang pagkain ko dahil sa takot pero hindi ko naman pinakita iyon kahit saglit.
"Good luck," nakangising sabi ng ilan sa kanila.
"Say goodbye to the world, Anmela," nakangising sabi ni Lauressa.
Umiling ako. "No, say hello to my new world, Lauressa," malapad ko siyang nginitian. Hindi ako naglalaro may kung ano lang talagang masaya sa pakiramdam ang isiping pagkatapos nitong lahat ay makakasama ko na habang buhay si Laurent.
Nanlaki ang mga mata nila sa sagot kong iyon pero pagkuwa'y nakita ko nanaman ang pagkamangha nila sa akin.
Tumingin silang lahat ng diretso sa akin at sabay-sabay nagtanong. "READY OR NOT?"
Ngumisi ako bago muling nagsalita.
"READY."