Nakaupo si Amira sa kahoy na upuan na di kalayuan sa mesa kung saan naghahanda ng pagkain sina Francois at Tamika. Gustong-gusto niyang panoorin na magluto ang binata. Kahit noong mainit ang ulo niya dito ay gumagaan ang loob niya dito kapag nagluluto ito. Pinausukang tapa ng usa at isasama sa sinabawang himbabao o pika pika para sa Lambayan ang iluluto ng mga ito. Kapalit ng recipe na iyon ay tuturuan naman ni Francois si Tamika kung paano makakagawa ng masarap na tsokolate mula sa buto ng cacao.
May gusto siyang ibigay kay Francois bago sila magkahiwalay. Maaring ito na rin ang huling pagkakataon na makikita niya itong magluto.
“Amira, bilang isang babaeng Lambayan ay kailangang magaling kang magluto,” anang si Tamika. “Isa iyan sa magagandang katangian na dapat taglayin ng isang asawa para mapasaya ang kanyang kabiyak.”
Umasim ang mukha niya nang maisip si Sikandro. “Di na lang. Ayoko talaga na nagluluto,” aniya at iniwas ang tingin. Baka pag nainis siya sa kaarogantehan nito ay pakainin pa niya ito ng bubog.
“Ginalingan kong magluto para ako na ang bahalang magpasaya sa babaeng gusto ko,” anang si Francois at nakangiti na tumingin sa direksiyon niya. “Handa akong magpaalipin sa kanya at sundin ang lahat ng gusto niya.”
Pinili na lang ni Amira na ngumiti para itago ang kalungkutan. Pagdating kay Francois ay wala siyang kailangang gawin para i-please ito. Handa itong pagsilbihan siya na parang isang prinsesa. And for an independent woman, he was spoiling her rotten. Di lang sa pagkain kundi pinapagaan din nito ang mga pagsubok sa buhay niya. Kung sana ay pwede niyang piliin si Francois.
Subalit si Sikandro ang kanyang realidad. Mapait na realidad. Ang pagpapakasal niya dito ang magdadala sa kanya ng pagtanggap na buong buhay niyang hinahanap. Huling sakripisyo para maging isang Lambayan.
Pero bukas na iyon. Sa gabing ito, walang ibang mahalaga sa kanya kundi si Francois. Silang dalawa lang. Para alam niyang wala siyang pinagsisisihan sa buhay.
“AMIRA, bakit naman di mo sinabi na ganito pala kasarap magluto ang mga Lambayan. Pakiramdam ko ay bibitayin na ako bukas sa dami ng kinain ko,” anang si Francois habang halos hilahin ang sarili nang naglalakad-lakad sila palayo sa pagtitipon ng mga Lambayan.
“Marami ka bang nakuhang recipe mula sa kanila?” tanong niya at nakangiting tiningala ang binata. Nakita niya ang kasiyahan sa mukha nito.
Natuwa din kasi ang mga Lambayan dito nang malamang ito ang tumulong magluto kay Tamika. Ginawan nito ng twist ang tinolang pinausukang tapa ng usa sa pamamagitan ng paglalagay ng paminta at dahon ng sili. Luya lang kasi ang inilalagay ng mga Lambayan doon.
Tumango ito. “Maraming-marami. Baka nga isang libro na ang pwede kong gawin na tungkol lang sa luto ng mga Lambayan. Pati ang mga tumutubo sa tabi-tabi na akala ko ay damo lang ay pwede palang pangsahog sa pagkain. Kung marunong lang sana ang ibang Pinoy pagdating sa pagluluto ay tiyak na walang magugutom sa mundo. And those people know how to party.”
Ang simpleng hapunan ay naging isang malaking piging. Ipinaluto ni Sikandro ang masasarap na pagkain sa mga kasamahan nito bilang pagdiriwang daw sa nalalapit nilang kasal. Bumabaha din ng basi o alak na gawa sa katas ng tubo na idinidulot lamang kapag may mahahalagang okasyon gaya nito.
Mabuti na lang at hindi na nagtanong si Francois dahil ang akala nito ay nagdiriwang ang lahat sa muling pag-awit ng lola niya na isang malaking bagay para sa mga Lambayan. Tumutugtog pa rin ang mga gong at nag-aawitan ang lahat nang umalis sila ng binata para maglakad-lakad para magpababa ng kinain.
Hawak ang flashlight ay naglalakad sila sa kadiliman ng gabi. Inakabayan siya ni Francois at kinintalan siya ng halik sa noo. “Thank you. Hindi ko plano na ituloy ang ginagawa kong libro namin ni Mama pero ngayon gusto ko nang ituloy dahil sa iyo. Tiyak na marami ang maiintriga sa libro ko at sa mga Lambayan.”
“Marami kang natutunan sa kanila at may mga natutunan din sila sa iyo. Bukod sa tsokolate, nagawa mo pang umimbento agad ng tsokolateng suman gamit ang bigas o kaya ay kamoteng gapang,” aniya at pinisil ang baba nito. “Pinagkakaguluhan ka ng mga babae kanina. Ilan sa kanila ang nagbigay ng bulaklak ng kalabasa sa iyo?”
Bulaklak ng kalabasa ang ibinibigay ng mga babae sa lalaking nagugustuhan ng mga ito. Ibig sabihin kapag tinanggap iyon ng lalaki ay pwede na nitong halikan ang isang babae. May kaugalian ang mga Lambayan na parang The Bachelor. Kapag maraming babae ang nagkakagusto sa isang lalaki at tinanggap ng lalaki ang bulaklak nang mga ito, pwedeng magkompitensiya ang mga babae sa atensiyon ng binata hanggang makapili ito ng pakakasalan nito.
“At may tinanggap ba akong bulaklak ng kalabasa sa kanila?” nakataas ang kilay na tanong ni Francois.
Umiling siya. “Wala. Pero magaganda naman silang lahat.”
“Sana naman napansin mo kung kanino lang ako nakatingin kanina.”
Sa kanya lang nakatutok ang atensiyon ni Francois. Siya lang din ang inaasikaso nito habang kumakain. Hindi kaila ang maiinit na tinginan nila kanina. At di nakatakas sa kanya ang nag-aalalang tingin ng mga Lambayan at ang matatalim na tingin ni Sikandro.
Wala siyang pakialam sa opinyon ng mga ito. Mabuti nang bago niya piliin na pakasalan si Francois ay malaman ng lahat kung sino ang talagang gusto niya at napipilitan lang siya kay Sikandro. Kahit na anong gawin ng lalaki ay di nito kayang pantayan si Francois sa puso niya.
Maya maya pa ay narinig na nila ang lagaslas ng tubig. May sulo din pababa sa sagradong talon kaya wala silang naging problema. May sulo din na nakapaikot sa talon kaya kahit may kadiliman ang gabi ay naaaninag pa rin iyon.
“Wow!” usal ni Francois.
Inilahad niya ang palad. “Ang sagradong talon. Mas makikita mo sana ang ganda nito kung maliwanag pa.”
“Doesn’t matter. It looks magical just the same. Parang ginto ang tubig kapag nagre-reflect ang apoy. Bakit pala may sulo dito?”
“Para bigyan ng tanglaw ang panginoon ng Lambayan na si Kabunian at ang kanyang asawang si Bugan. Naniniwala sila na kapag gabi ay nagtutungo sila sa sagradong talon para maligo. They also make love here. That makes the water of the falls fertile. Kaya masagana rin ang mga palayan at ang mga taong nakikinabang dito,” paliwanag niya.
Pumaswit ang binata. “Now that is some kind of hot mythology. Ibig sabihin ay hindi tayo pwedeng maligo dito sa falls ngayong gabi?”
Kumunot ang noo niya. “Pwede naman. Bakit naman hindi?”
“Siyempre baka makaabala tayo.”
“Saan?”
“The god and the goddess making love. Nakakahiya naman.”
Tumawa siya. “Wala naman akong narinig na bawal maligo dito sa gabi. Masarap nga ang tubig kapag gabi dito.”
Bigla nitong tinalikuran ang falls. “Amira, you can’t make me swim there. Let’s give privacy to the god and goddess here. I-I can’t imagine them making love there and I will just swim around.”
She twisted her lips. “For a cassanova, you can be downright prude sometimes. Kung ayaw mong maligo, ako na lang,” sabi niya at tinanggal ang suot na malong. Nakasuot lang siya ng underwear at saka tumalon sa tubig.
Nang marinig ni Francois ang paglabusaw ng tubig ay lumingon ito. “Amira! Amira, huwag kang lumangoy diyan!”
Nag-floating siya para ipakita dito na ayos lang naman. “Halika na, Francois. The water is good.” Frigidly good at tiyak na manginginig siya sa lamig pag-ahon niya. Sa ngayon ay gusto niya ang nakakakalmang epekto ng tubig. “Kung ayaw mo, iwan mo na lang ako dito.”
“I can’t just leave you alone, Amira,” anito at namaywang. “Kaya umahon ka na diyan.”
Ngumisi siya. “Make me.” Then she crooked her finger then signaled him to haul her out of the water. “I dare you.”
“Stubborn witch!” narinig niyang ungol ng binata. “Maghintay ka lang.”