UMUPO si Amira sa batuhan sa tabi ng ilog at yumukyok sa tuhod niya. Doon niya hihintayin ang pagbabalik ni Francois. Akala niya ay magiging masaya na siya sa wakas oras na tinanggap siya ng mga Lambayan. Pero humihiyaw ang buong pagkatao niya na hindi ito ang pinangarap niya. Hindi niya naisip na kapag tinanggap siya ng mga ito ay kailangan niyang iwan ang buhay na binuo niya.
Ano ba ang pipiliin niya – ang kabuuan ng kanyang pagkatao pero miserable sa piling ni Sikandro o masaya siya kasama ang mga kapatid, si Francois at malaya pero nagsisisi dahil di buo ang pagkatao? Kaya ba niyang habambuhay na makitang nagdurusa ang nanay niya?
Ano ang higit na matimbang? Ano ang kailangan niyang isakripisyo?
Biglang umihip ang malakas na hangin. Naulinigan niyang may tumatawag sa pangalan niya. Nang iangat niya ang paningin ay nakita niya na may mga taong tumatawid sa kabila ng ilog. Tumayo siya nang mamataan ang matangkad na lalaki na nakasuot pa ng khaki pants at short sleeve polo shirt. Si Francois. Bumalik na ito para sa kanya.
Tumakbo siya sa mababaw na bahagi ng ilog at ikinaway ang dalawang kamay. “Hoyyy! Bilisan mong tumawid!” sigaw niya at nagtatalon sa tuwa. “Bilisan mo!”
Narinig niya ang pagsama ng halakhak nito sa umaangil na agos ng tubig. May dalang bag ang binata na isinunong nito sa ulo. Napuno ng saya ang puso niya habang palapit sa kanya. Nawala ang lungkot niya dahil sa kondisyon na hinihingi ng lolo niya. Wala muna siyang pakialam doon. Si Francois ang mahalaga ngayon.
Nang malapit na ito ay kusa na niyang nilusong ang ilog para salubungin ito. Niyakap niya ito at isinubsob ang mukha sa dibdib. She shamelessly did that. Wala na siyang oras para isipin ang pagiging proper o kung anong iisipin nito. All she cared about was to feel the heat of his body. Pakiramdam niya ay nakahanap siya ng kakampi. Na ayos lang maging mahina nang mga oras na iyon dahil naroon na si Francois.
Pinigilan niya ang sarili na umiyak. Ayaw niyang malaman nito na nasasaktan siya. Na natatakot siya at nalilito. Gusto lang niyang yakapin ito at magkalapit sila. “Amira, alam ko nami-miss mo ako pero baka matumba tayo dito sa pagkakayakap mo. Mababasa ang mga dala-dala ko,” anitong may humor sa boses. Ni hindi yata nito napansin na may pinagdadaanan siyang mabigat. Good.
“Okay,” aniya lang at nakayuko pa rin nang lumayo dito. She couldn’t fake a smile. She suddenly felt cold. Nauna na lang siyang tumawid dito para di nito makita ang pagbalik ng lungkot sa mga mata niya.
"Ipinagdala kita ng damit mo. Ipinakuha ko kay Brynette sa hotel room mo. Naisip ko na baka matagalan ka pa dito. Isinama ko rin pati solar power bank mo dahil baka kailanganin mo. Iniwan ko lang ang laptop mo."
Malungkot siyang ngumiti dito nang kunin ang bag niya at nakita ang laman . "Maraming salamat."
"Amira, what's wrong? May nangyari bang masama habang wala ako dito?"
"Wala," kaila niya at umiling. "Nag-alala lang ako nang di ka agad umuwi at natanggap ko ang sulat mo. Anong sabi ng Papa mo nang malaman na naiwan ako dito? Nalaman na ba ni Aunt Carrie o ng mga kapatid ko? May tumawag ba kay Nanay?"
Ayaw na niyang lumala pa ang sitwasyon kapag nalaman ng mga kapatid niya at magsisugod doon. Mabubulabog ang tribo at mas mahihirapan siyang magdesisyon sa kondisyong hinihingi ng lolo niya. Alam niyang tututol ang mga ito.
At ayaw din niyang samantalahin ng madrasta niya ang pagkakataong ito. Baka sirain nito ang pangalan niya sa Banal Mining at palabasing wala ang loyalty niya sa mga ito. She couldn’t afford that. Kahit maging bahagi pa siya ng mga Lambayan, kailangan pa rin niyang maging bahagi ng Banal Mining at protektahan ang Kanayama.
And her mother would be so worried. Baka nga magalit pa ito kapag nalaman ang sakripisyong ginawa niya. Siyempre wala na itong magagawa kapag kasal na siya kay Sikandro.
Ginagap nito ang kamay niya. “Huwag kang mag-alala. Si Attorney Ferrer lang ang nakausap ni Papa tungkol dito. Ayaw din niyang mag-panic si Tita Carrie. She would surely alert your sisters. Gusto lang ni Papa gawin ko ang mga trabaho habang wala ka. He expects a full report by the end of the month.”
Ngumiwi si Amira. Dalawang linggo na lang iyon mula ngayon. “I-I am sorry. Gagawa ako ng paraan para magawa iyon.” At hindi niya alam kung anong mangyayari sa kanya sa Kanayama mula bukas.
“How’s your day?” tanong nito at hawak ang kamay niya nang magsimula silang umakyat ng bundok.
Pilit siyang ngumiti. “Okay lang ako. Naligo kami sa sagradong talon nila Idang Asra at ni Kimea kasama ang iba pa. Nagulat na lang ang lahat dahil kumanta ang lola ko.” Ipinaliwanag niya kung gaano kahalaga ang mang-aawit sa Lambayan at ang kaugnayan nito sa pagpapala ng mga tribo. Ikinuwento din niya dito na dalawampung taon nang di umaawit si Idang Asra. “At ako daw ang dahilan kung bakit umawit ulit siya kaya magaan din ang loob sa akin ng mga Lambayan. Hindi katulad noong una na malas ako sa kanila.”
“Ibig sabihin ay unti-unti ka na nilang natatanggap?” tanong nito.
Ang pagpapakasal kay Sikandro ang tanging paraan para maging bahagi silang mag-ina ng tribo. Kung pwede lang sana niyang ipagtapat kay Francois ang lahat. Gagawin nito ang lahat para protektahan siya. Di niya kailangang lumaban nang mag-isa at malungkot.
Sa huli nagdesisyon din siya. Di niya pwedeng piliin ang gusto ng puso niya. Kailangan niyang magsakripisyo para sa isang bagay na matagal na niyang hinahangad – para mabuo ang kanyang pagkatao, para sa kanyang ina at para sa mga kabataan ng Lambayan.
Sa araw na ito, gusto lang niyang maging masaya kasama si Francois. Kahit na isang gabi lang ay pipiliin niya kung ano ang nasa puso niya. Gusto lang niya ng masasayang alaala na tatagal sa buong miserableng buhay niya kasama ang lalaking di niya mahal.
Pinisil niya ang kamay ng binata. “Come. May sorpresa ako sa iyo.”
“Ano iyon?” tanong nito.
“Basta. Magugustuhan mo ito.”