Barely Heiresses: Amira Chapter 121

“Francois, kahit sandali lang…”

Umiling ang binata. “Let’s not spoil the fun, mon amour. Huwag mong problemahin ang mga bagay na di mo naman dapat isipin. It is our last day here in The Mines. Dapat sulitin na lang natin.”

Walang nagawa si Amira kundi magpatianod na lang sa nobyo nang maglakad sila palabas ng Mines Wonderland para magtungo sa Palace of the Golden Horses. Hindi na niya binanggit pa ang tungkol sa isyu ng ama nito subalit umiiyak ang puso niya para dito. Para sa sakit na kinikimkim nito at di na nito binabanggit. Mas inuuna pa nito na ayusin ang problema niya kaysa dito at sa ama nito.

Ipinagdasal na lang niya na maayos din ang relasyon nina Francois at Romualdo. Sana rin ay lumabas na ang katotohanan Dahil ang isa sa pinakamasakit na dalhin ang puso ay ang galit sa magulang na habang tumatagal ay nagsisilbing lason. Ayaw niyang malason ang puso ni Francois. Only the truth could cure that.

“ATE VERA Mae, ikaw na ang mamamahala sa food art?” tanong ni Amira sa kapatid habang kausap sa cellphone niya. Ayaw sana niya itong masyadong bulabugin dahil nasa honeymoon period pa ito at ang asawang tsismosong maggugulay na si Brian. Well, make that Kuya Brian.

“Oo naman. Kapag naman birthday ni Lolo Alfonso ako ang namamahala sa food. Don’t worry. Ako na ang bahala sa mga kids. Pwede nilang taniman ng flowers at mga icing trees ang mga cupcakes nila,” excited na sabi ng kapatid niya. Mukhang gumagana na ang ideas sa utak nito.

She decided that for their grandfather’s birthday celebration, she wanted to celebrate life and nature. Nalaman niya sa ina na isa pala ang lolo niya sa nagbigay ng malaking donasyon sa Nature’s Keeper.

Her grandfather’s day would be their own version of Earth Day. Gusto nilang magturo ng pagpapahalaga sa kalikasan ang mga kabataan ng Sagada kaya iba’t ibang art workshops at program ang ihinanda niya.

Gusto niyang mga kapatid niya ang mamahala sa bawat activities doon. Kay Vera Mae ang food art kung saan pwedeng mag-decorate ang mga bata ng sariling cupcakes.

Binuo niya ang idea kasama ang kaibigang si Estephanie at ang mga staff niya. Gusto din ng mga ito na makiisa. And she wanted everything to be fun. Gusto kasi niya na mag-enjoy din ang mga kapatid niya.

“Of course, pupunta ako. Kami ni Brian. Maaga kaming dadating diyan para makapag-bonding tayo nang mas matagal,” anang kapatid niya.

“Thank you, Ate! This really means a lot to me.”

“Para naman ito kay Lolo at super supportive ako sa advocacy mo. I even changed the brand of my make up for you. Naka-organic make up na ako at lagi ko na ring tsine-check ang mga ingredients sa shampoo at sabon ko kung may chemicals iyon na harmful para sa akin at sa environment. Organic beauty na rin ang peg ko, sister.”

Natawa siya sa sinabi ng kapatid. “To start with, supportive ka sa akin.” Ito lang ang nag-iisa na bumoto sa kanya noon para sa eleksyon sa Banal Mining Corporation.

“Makakatulong ba sa akin si Aklay?” tanong nito.

She pursed her lips. “Uhmmm… may sarili siyang toka sa araw na iyon.”

“No problem. Okay lang ba kung isasama ko si Angel?” tukoy nito sa sampung taong bata na lumaki bilang kapatid ni Vera Mae. “Sa palagay ko ay mag-e-enjoy din siya sa mga activities.”

“Of course. Hindi pwedeng mawala si Lady Gaga este ang prinsesa.”

Humalakhak si Vera Mae. Favorite kasi niya ang Lady Gaga impersonation ng bata para sa isang school program. She really adored that kid. At kaya rin niya gustong mga bata ang ma-involve sa activities para mai-welcome na rin si Angel bilang bagong miyembro ng pamilya Banal.

Bumuntong-hininga si Amira. “Sa palagay mo ba pupunta rin ang ibang mga kapatid natin? Kayo pa lang kasi ni Ate Yumi ang nagko-confirm. Baka naman ayaw nilang pumunta kasi biglaan o dahil ako ang may hawak ng event.”

Dalawang linggo na lang bago ang event. Kailangan na sana niyang makuha ang sagot ng mga kapatid niya pero wala pa ring sagot ang iba sa mga ito.

“Of course, pupunta sila. Kasehodang ako ang kumaladkad sa mga iyan at hilahin sila sa buhok.”

Humagikgik siya. “Ate, hindi ka naman warfreak?”

“Of course not. Na-miss ko lang ang chance na hilahin ang buhok ni Blondie.”

“Hindi ka pa rin nakaka-recover sa isang iyon.” Hindi kasi nakasali si Vera Mae sa royal rumble nilang magkakapatid dahil hinila na agad ito ni Brian palayo.

“Wrong timing kasi si Brian. At huwag mong isipin na ayaw sa iyo ng sisters natin. Siguro inaayos lang nila ang mga schedule nila para makapunta sa Sagada. Huwag kang mag-alala. Tatawagan ko sila maya-maya.”

“Salamat, Ate. I will see you in two weeks.”

“Yes. At mauuna tayong gumawa ng sarili nating cupcakes.

“O kumain,” aniya at humagikgik. Matapos nilang magtakaman sa flavor ng cupcakes na ibe-bake nito para lang sa kanya ay nagpaalam na rin ito.

Nakangiti siyang nagpaalam sa kapatid at saka ibinagsak ang sarili sa kutson na nakalatag sa kahoy na sahig ng kubo niya na nasa rice terraces.

What a boring Saturday night for her. Hindi niya inabala si Francois dahil may buffet night ito sa Rock Farm and Inn. He needed time for his craft. He also needed his space. Gusto rin niyang ma-enjoy nito ang mga bagay na ginagawa nito kahit na wala siya sa tabi nito. Pinadalhan lang siya nito ng mga picture ng dishes na iniluto nito para sa buffet at na-miss tuloy niya ang luto nito.

At kailangan din niyang mag-isip ng paraan para magkalapit ulit ito at ang amang si Romualdo. Kundi man maging malapit sa isa’t isa, at least ay mapag-usapan ng mga ito ang totoong sitwasyon.

Naiidlip na siya pero wala pa ring naiisip na matinong solusyon sa problema niya kay Francois nang biglang mag-ring ang cellphone niya. “Hello.”

“Hi, Amira! This is Jennascia.”

“Oh!” Bumangon siya at kinusot ang mata. “Hi! Napatawag ka?”

“Uhmmm… may maliit kasing problema dito sa Lizardo Farm. May party ang mama ni Michael James. They are planning a huge event to benefit the cultural group in Sagada. Napapadami nga ang inom niya. Looks like she can’t handle her alcohol well.”

“Nalasing si Aunt Carrie?” tanong niya. Parang di naman niya kilala ang madrasta na mahilig uminom ng alak. She drinks occasionally, but that was it.

“Yes. Nang banggitin ang tungkol sa plano mong event para sa birthday ng lolo mo at tinanong kung bakit hindi siya ang nag-o-organize, nagalit siya at inaway ang isa sa kaibigan nila. Hindi naman namin mapauwi dahil inaaway niya ang mga tao dito. Amira, di namin alam kung sino pa ang pwedeng sumundo sa kanya. Hindi ko ma-contact si Yumi.”

“Okay. Ako na ang susundo sa kanya.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.