Barely Heiresses: Amira Chapter 13

"Isa kang Banal? Isa kang Banal?" Biglang napaluhod sa harapan ni Amira ang kaibigang si Estephanie at napahawak sa binti niya. "Por dios, por santo! Hindi ako makapaniwala na isa kang Banal."

Pinilit niyang itayo ang kaibigan sa eksaheradang reaksiyon nito nang sabihin niyang isa siya sa apo ni Don Alfonso Banal. "Umayos ka nga diyan. Mukha kang baliw. Hindi ako santa o isang aparisyon. Huwag kang lumuhod diyan pwede ba?"

Tumayo ito subalit nasa mga mata pa rin ang pagkamangha habang pinagmamasdan siya. "Grabe naman kasi ang pasabog mo. Ang mga ganyang revelation ay sa teleserye ko lang napapanood." Bigla itong uminom ng tubig. "Nakaka-heart attack ka. Di mo man lang ako binigyan ng hint kahapon. Kaya ka pala niya ipinasundo dahil isa ka sa walong apo niya. Aba! Hindi mo ako pinatulog. Sa tabil ng dila mo, natakot ako na itinapa ka na nila."

Sinundo siya ng kaibigan nang sa wakas ay nakarating siya ng Poblacion. Idinala siya nito sa simpleng tahanan ng mga Saggad na itinayo noong 1960’s at napapaligiran ng mga bungang-kahoy sa paligid. Ilang minuto lang ang layo niyon sa bayan at pwedeng lakarin.

Hindi siya nito tinantanan sa kauusisa at natatakot ito na baka may masama daw na nangyari sa kanya sa poder ng mga Banal kaya sinabi niya dito ang totoo. Mabuti na lang at sila lang dalawa ang nasa bahay dahil ayaw niyang lumabas pa sa iba ang sekreto ng pagkatao niya. Ayaw niyang makaapekto iyon sa kung anumang misyon niya sa pagpunta sa Sagada.

"Hindi ko pwedeng sabihin sa iyo ang ganito kasensitibong impormasyon sa telepono lang. Masyadong masalimuot ang kwento ng pamilya ko."

Tinapik-tapik nito ang sariling pisngi. "Hindi lang kasi ako makapaniwala. Matagal na tayong magkaibigan pero ngayon ko lang nalaman na apo ka ni Don Alfonso Banal. Kailan mo pa nalaman na apo ka niya?"

"Noong seven years old ako."

Idinala siya ni Himaya sa tribo ng mga Lambayan na nakahiwalay sa pamayanan na ng mga minero. Ang mga ito ay matiyagang nagsasaka sa lupang unti-unting nilalason ng minahan. Itinaboy sila ng lolo niyang si Apo Semblat. Doon niya narinig na sinabi nitong ayaw nitong malasin pa ang tribo dahil sa batang may dugong Banal. At di na sila bumalik ng tribo mula noon. Kahit na gaano kamahal ng ina niya ang mga Lambayan, they were not welcome. Anumang tulong mula sa ina niya ay di na tinatanggap pa ng mga ito.

"At ngayon mo lang nakita si Don Alfonso?"

"Ayaw na ng nanay ko na magkaroon ng kaugnayan sa kanila."

"Pero apo ka ng isang bilyonaryo."

"Ayokong maging Banal,” may bahid ng iritasyon niyang wika.

"Bakit? Inapi ka nila? Minaltrato ka ba nila habang nandoon ka?"

Bumuntong-hininga siya. "Maayos naman ang trato sa akin sa mansion. Pero kahit ano pang gawin nila, hindi mabubura ang ginawa nila sa nanay ko at tribo ng Lambayan.”

"Oo. Nabanggit mo na itinakwil ng lolo at lola mo ang nanay mo dahil nabuntis siya ng walang asawa. At malas iyon sa tribo ninyo. Tapos naglahong parang bula ang tatay mo at nalaman na lang ng nanay mo na kasal na siya sa ibang babae."

"Yes. At hindi lang basta ibang babae. Sa bestfriend pa ng nanay ko."

Nanlaki ang mga mata ni Estephanie. "Ano? Si Madam Carrie ay bestfriend ni Tita Himaya? Paano nangyari iyon? Parang magkaibang-magkaiba silang dalawa."

“Dahil mukhang sosyal na sosyal ang madrasta ko at napakasimple ni Nanay. Hindi ganoon ang mga bagay twenty-five years ago. Pareho lang silang barrio lass na nakarating sa siyudad. Pareho silang estudyante sa Benguet State University. Isang semester lang nag-stay si Caridad sa BSU dahil di niya kinaya ang pressure ng pag-aaral sa lungsod. Si Nanay naman ay nagtuloy hanggang second year college at doon nga niya nakilala ang tatay ko.

“Nang magbuntis si Nanay sa akin, nagpunta siya dito sa Sagada dahil nabalitaan niya na may bahay dito ang mga Banal. Walang makapagsabi noon kung nasaan si Alfie Banal at matagal nang di napadpad ng Sagada. Alam mo bang sa Sagada ako ipinanganak? Nangako si Carrie na tutulong sa paghahanap sa tatay ko para sabihin ang tungkol sa amin ni Nanay. Isang professor ni Nanay noon ang nag-offer sa kanya ng trabaho bilang researcher sa Nature’s Keeper. Lumipas ang mga buwan hanggang mabalitaan na lang ni Nanay na kasal na si Alfie Banal sa sarili niyang matalik na kaibigan. And guess what? Walang kaalam-alam si Alfie Banal na nabuntis niya ang nanay ko. Hanggang nitong huli na lang na tinawagan ako ng abogado ni Don Alfonso.”

Nakanganga na lang sa kanya si Estephanie sa kanya habang nagkukwento sa kanya. “Grabe naman pala pinagdaanang drama ninyong mag-ina sa kamay ng mga Banal. Akala ko pang-telenovela lang iyan. Mantakin mo may ganoon palang history si Mrs. Banal. Aba’y di makabasag-pinggan iyon. Head pa siya sa charity foundation ng mga Banal.”

“Kaya hindi pwedeng malaman ni Nanay kasama ko ang mga Banal kahapon. Masyadong masakit ang karanasan na dinanas niya. She fell in love with the wrong guy. She was betrayed by someone close to her. Ayaw niya akong i-expose sa ganoong klaseng mga tao,” aniya at uminom ng tubig.

“Pero sila pa rin ang pamilya mo. Kaya maiintindihan ko kung uurong ka sa pagtulong sa amin para ipasara ang minahan. Siyempre Banal Mining Corporation ang makakalaban mo. Makakaharap mo ang kapamilya ko.”

Tumaas ang kilay niya. “At bakit naman ako?”

“Siyempre blood is thicker than water.”

“We share the same blood but they are not my real family. Higit pa sa dugo para sa akin ang kahulugan ng isang pamilya. Kayo ang pamilya ko. I am one with the nature. At patutunayan ko iyan sa inyo. Magpapa-interview ako sa radio program ng kapatid mo bukas para maipaalam sa lahat ng taga-Sagada kung anong mangyayari kapag pinayagan nilang magpatuloy ang mining operation sa bayan nila.”

Halos lumuwa ang mga mata ng kaibigan. “Gagawin mo talaga iyon? Pero ano na lang ang sasabihin ng lolo mo at ng mga kapatid mo?”

Ikiniling niya ang ulo. “Hindi ko ito gagawin dahil kaibigan kita o dahil galit ako sa mga Banal. Gagawin ko ito dahil ito ang dapat. Para ito sa kabutihan ng nakararami. Walang personalan, trabaho lang.”

“Hindi ka natatakot na labanan ang mga Banal?”

Ngumisi lang siya. “Wala akong kinatatakutan basta ako ang nasa tama.”

At huwag siyang sisisihin ni Don Alfonso. Binigyan niya ito ng pagkakataon na i-settle ito sa tahimik na paraan. Hindi siya nito pinakinggan at plano pa nitong paikut-ikutin siya. Ngayon nito malalaman kung gaano siya kaseryoso at hindi siya pwedeng paglaruan lang.

Ang totoo, isang bahagi niya ay naghihintay na dumating ang pagkakataong ito – na makaharap niya ang mga Banal sa isang laban na sa huli ay titiyakin niyang siya ang mananalo.

“MAPALAD ang Sagada dahil sa angking ganda ng kalikasan at ang kulturang maipagmamalaki sa mundo. Ito ay ang kayamanang higit pa sa ginto na biyaya ng Diyos at biyaya mula sa inyong mga ninuno. Nandito ang kinabukasan at hindi sa minahan. Ito ang tunay na kayamanan.”

Pumalakpak ang komentarista at radio broadcaster na si Kuya Mon na kapatid ni Estephanie. Nag-thumbs up ang kaibigan niya sa kanya na nasa labas ng booth. At nakita ni Amira na mangiyak-ngiyak ang ilan sa mga tumutulong din sa pagsugpo sa minahan na nakikinig sa labas ng booth kasama si Estephanie. It was an emotional afternoon. Hindi niya inaasahan na magiging madamdamin din siya.

Ngayon lang naman siya talaga nakabalik sa Sagada pero parang napakalapit na ng bayan na iyon sa kanya. Bukod sa doon siya ipinanganak, nakita niya kung gaano kalaki ang mawawala oras na masira ng minahan ang kagandahan ng lugar. At lalo siyang naging determinado na lumaban lalo na’t napapansin niya na pinanghihinaan na ng loob ang ibang mga taga-No To Mining in Sagada Movement dahil nga malalakas ang backer ng mga ito. Nang sabihin niya na plano niyang ipaalam sa nakararami ang problemang iyon ng bayan, kahit paano ay lumakas ang loob ng mga ito.

“Maraming salamat, Miss Catindig. Malaking tulong para sa amin upang mabuksan ang isipan ng mga kababayan namin sa tunay na mukha ng pagmimina. Huwag nating ipagbili ang ating kalikasan at ang kinabukasan ng ating mga anak. Sana makinig kayo sa aming panawagan. Mag-post lang po kayo ng komento sa ating Facebook Page at maari din ninyong mapanood doon ang video tungkol sa masasamang dulot ng minahan. Huwag magpasilaw sa kinang ng ginto kung ayaw ninyong matanso.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.