Barely Heiresses: Amira Chapter 12

“Mag-uusap tayo matapos ang tour at pagkatapos mong makita ang ama mo,” giit nito at sinenyasan ang nurse nito. “Dalhin mo na ako sa kuwarto ko.” Itinulak ng nurse ang wheelchair nito.

Hindi sumuko si Amira at sinundan si Don Alfonso. “Sir, I am giving you a chance to fulfill your promise. If not, I am leaving this house in fives minutes. You won’t like the consequences.”

Sumenyas ito sa nurse nito na ipinihit ang upuan. “Matigas talaga ang ulo mo katulad ng ama mo. Hindi ka marunong maghintay.”

“Hindi ako marunong maghintay sa mga taong di marunong tumupad sa pangako nila. Sabi ninyo kagabi na after dinner, mag-uusap tayo. Hindi ninyo tinupad pero pinagbigyan ko kayo. Ngayon na may oras na tayo para mag-usap, ayaw pa rin ninyo. The world doesn’t revolve around you, Don Alfonso. Sana irespeto ninyo ang pangako ninyo at ang oras ng ibang tao. Kung wala kayong balak na tuparin ang pangako ninyo, sabihin lang ninyo sa akin kaysa pinapaikot ninyo ako. I should have known better,” makahulugan niyang sabi at umangat ang gilid ng labi niya. Ayaw niyang magkasagutan sila ni Don Alfonso, but he was forcing her hand.

“Sumunod ka sa library,” utos nito sa kanya at itinulak ito ng nurse patungo sa silid na nasa unang palapag din.

Mahigpit ang hawak niya sa laptop nang pumasok sa silid-aklatan. Lumabas ang nurse ng don nang pumasok siya at isinara ang pinto. Nasa likod ang don ng mahogany desk nito. He looked imposing with all the ceiling-to-wall bookshelves with hardbound books around her. Parang sinasabi ng mga iyon na sa silid na iyon ay si Don Alfonso ang nakapangyayari. It was intimidating but she won’t easily back down.

“Hindi ko gusto ang pagsagot-sagot mo sa akin. Watch your words next time, young lady. Marunong akong tumupad sa usapan,” anang si Don Alfonso sa mabigat na boses.

“Sana nga po. Simple lang naman ang request ng mga mamamayan ng Sagada na concern sa kalikasan at sa kahihinatnan ng bayang ito. Gusto namin na itigil ang operasyon ng minahan.” Binuksan niya ang laptop niya. “As you can see, maraming minahan ang nagdudulot ng di magandang epekto sa mga lugar na nasasakupan nito. Malaking damage sa kalikasan dahil sa operasyon, sa paggamit ng dinamita, sa mga mine tillings na kapag umapaw ay nakakasira sa agricultural land dahilan para maapektuhan ang pagkain ng mga magsasaka.”

“Hija, sa ibang minahan siguro nangyayari iyan pero hindi sa Banal Mining Corporation. We are a responsible mining company. Nagsagawa ng survey para sa mga mamamayan ng Sagada bago binuksan ang minahan. Malaki ang pakinabang nila dito.” Inilahad nito ang palad. “The Sagada Doctor’s Hospital is a world-class hospital. Galing iyan sa katas ng Banal Mining Corporation.”

“It won’t compensate the damage that will be done to this town. Isang agricultural town at eco-tourism destination ang Sagada. Hindi babagay ang minahan dito. Marami na akong nakitang mining companies na sinasabing responsible sila pero sa huli, walang kahit anong halaga ng ginto o pilak na maaring makapagpabalik sa nasirang ganda ng kalikasan at pagkalason nito. It is not worth it. At don’t give me that responsible miner act. Alam natin na hindi kasing linis ang Banal Mining Corporation gaya ng ipinapangalandakan ninyo. Alam natin na hindi malinis ang mga Banal.”

Matiim lang siyang tiningnan ni Don Alfonso. Hindi ito kumibo subalit alam niya na pareho sila ng iniisip. Nagpatuloy siya sa pagsasalita.

“Twenty-four years ago, ginawa ni Alfie Banal ang lahat ng paraan para makuha sa Tribong Lambayan ang lupain nilang puno ng mina ng ginto. She tricked the chieftain’s daughter, my mother. Siya ang ginamit para papirmahin ang mga Lambayan sa isang agreement upang minahin ang ancestral land ng tribo. Utos ba ninyo na akitin ng anak ninyo ang nanay ko para sa makumbinsing pumirma ang mga maledukadong pinuno ng mga Lambayan? Utos ba ninyo na saktan ang sinumang papalag sa operasyon ng minahan? Alam ba ninyo kung ilan sa mga kalalakihan ang namatay sa paglaban nila para sa lupain nila? Muntik na ring mamatay ang lolo ko doon. Dahil sa kagagawan ninyo, itinakwil ng magulang niya ang nanay ko at ng buong tribo niya. She was cursed and damned. At kasama na ako doon. Hanggang ngayon ay di nila ako matanggap dahil alam nilang may dugo akong Banal. Ayoko nito. Ayokong maging kadugo ninyo. Ayokong maging ama si Alfie Banal!”

“Tama na, Amira. Wala akong kinalaman sa nangyari sa tribo ng nanay mo. Hindi ko hawak ang mga desisyon ni Alfie nang mga panahong iyon. Huli na nang malaman ko ang mga ginawa niya. Hindi ako masamang tao. At pinagsisisihan din iyon ng ama mo.”

“Talaga? Patunayan ninyo na pinagsisisihan ninyo ang lahat. Ipakita ninyo sa akin na di kayo masamang tao. Na hindi kayo mukhang pera. Ipatigil ninyo ang operasyon ng minahan sa Sagada.”

Mariing pumikit ang don at umiling. “Hindi iyon ganoon kadali, apo.”

Of course, hindi nga naman madali na basta-basta pakawalan ang milyon-milyong kikitain sa minaha. She should have known better.

“Kung ganoon, wala na tayong kailangang pag-usapan, Don Alfonso. Salamat sa pagpapatuloy sa akin at pagtanggap sa bahay ninyo. Aalis na po ako,” aniya at saka lumabas ng silid.

Dali-dali siyang nagtungo sa kuwarto niya at hinakot ang mga gamit niya. Sukbit niya ang backpack sa likuran niya at handa na siyang mag-hiking pababa ng bundok at kung saan man siya maaring makarating basta makalabas lang siya sa lugar na iyon.

Naabutan niya sa front porch ang mga kapatid niya. “Ready ka na agad umalis?” tanong ni Vera sa kanya. “Excited much? Di pa nga kami naliligo.”

“Bakit dala mo na ang mga gamit mo?” nag-aalalang tanong ni Yumi.

“Aalis na ako. It is a pleasure to meet you everyone.” Inikot niya ang mata sa mga ito at nasalubong ang tingin ng nakataas na kilay na si Ailene. Well, not everyone. “May importante akong kailangang asikasuhin.”

“Huwag mong sabihing magtatrabaho ka pa,” sabi ni Berry na nakataas ang paa sa barandilya ng porch habang nakahilata sa bench doon. May enseymada sa magkabilang kamay nito. “Mayaman na tayo. Tsumibog ka na lang.”

Taas-noo niyang hinarap ang kapatid. “May mga bagay na mas mahalaga sa pera at kayamanan. Huwag kayong magpakalunod sa salapi. You might lose your soul in the end.” At saka naglakad siya palayo, sa harapan niya ay ang mahabang daan palabas ng lugar na iyon.

“Amira, sandali lang!” narinig niyang tawag sa kanya ni Francois na lumabas mula sa mansion.

Nataranta siya. Di siya nito pwedeng abutan. Ayaw na niya itong makita o makausap. He was a dangerous man. Ito ang kahinaan niya. Baka magtangka pa itong kumbinsihin siya na manatili doon. Ayaw na niyang magbago ng isipan. Ayaw na niyang lumayo sa totoong misyon niya. And he was distracting her a lot. Oras na para mawala ito sa buhay niya.

Pinara agad niya ang dumadaang pick up na may logo ng Lady V Fruit and Vegetable Dealer. “Manong, makiki-hitch po. Nagmamadali po ako.”

Pinagbuksan siya ng lalaki. “Saan ka, Miss?”

“Sa bayan lang po ako.”

“Walang problema,” sabi nito at dali-dali siyang sumampa sa tabi ng driver’s seat. “Apo ka rin ba ni Don Alfonso?”

Umiling siya. “Hindi po. Naligaw lang po ako.”

Guwapo pa mandin ito dahil tsinito, maputi at makinis ang balat. Parang may pagka-Chinese. Guwapo sana pero may pagka-tsismoso.

Sumandal siya at ipinikit na ang mga mata para i-discourage ang iba pang itatanong sa kanya ng lalaki. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya nang marinig ang pagtawag ni Francois sa kanya habang papalayo ang sasakyan. Sana ay di na siya nito maabutan. Sana ay hindi na.

She was really scared that she might lose herself to him. And she couldn’t afford that.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.