Barely Heiresses: Amira Chapter 17

"Attorney Ferrer, kumusta na po si Don Alfonso?" tanong ni Amira nang tawagan ang abogado tatlong araw mula nang atakihin ang don. Alas nuwebe na noon ng gabi at hindi siya mapakali hangga’t di niya nakukumusta ang nakaratay na matanda.

"He is not improving. Maaring ilang araw na lang ang itagal niya. Dinalaw siya ng mga kapatid mo. Lagi silang nandito. Bakit hindi mo siya dalawin?"

Huminga siya ng malalim. "Hindi na lang po. Ayokong magkaharap pa kami ni Mrs. Banal. Mas mabuti kung iiwas na lang ako."

Masyadong mabigat ang naging komprontasyon nila sa ospital. Ayaw na niyang subukin pa ang galit ng madrasta lalo na ngayong alam niyang wala siya sa posisyon para ipilit ang gusto niya. Malaki ang kasalanan niya.

"Kinausap ko na si Carrie. Wala siyang magagawa kung gusto mong dalawin ang lolo mo."

Si Carrie ay maaring manahimik pero hindi ang konsensiya niya. Parang nagkagulo-gulo ang lahat mula nang dumating siya sa pamamahay ng mga Banal.

"Sa palagay ba ninyo bubuti si Lolo pag pumunta ako? Baka lalo lang makasama sa kanya. Balitaan na lang ninyo ako sa kalagayan niya."

"Pero hija..."

"Goodbye, Attorney,” aniya sa matatag na tono at tinapos ang tawag.

Sa halip na matulog ay hinarap ni Amira ang trabaho. Sa Sagada Guesthouse muna siya tumuloy at kumuha ng sarili niyang kuwarto. Ayaw niyang mag-alala pa sa kanya ang pamilya ni Estephanie kapag ayaw niyang kumain o mas gusto niyang magkulong sa kuwarto at di muna kumausap ng mga tao. Ayaw niyang isipin ni Estephanie o ng pamilya nito na umuurong na siya sa pagsuporta sa pagsasara ng minahan sa Sagada dahil sa pagkakaratay ni Don Alfonso. Ayaw niyang panghinaan ang mga ito ng loob. She was doing her job, in her own pace. Kailangan lang niya ng sariling space para i-sort out ang nararamdaman niya.

Nakabukas ang laptop niya at nakabukas sa online petition na ginawa ng Nature's Keeper para manawagan na ipatigil ang minahan ng mga Banal sa Sagada. Nais sana nilang kumalap ng isang daang libong supporters para lalong ipakita ang kanilang lakas. Sa loob ng tatlong araw mula nang simulan online petition ay humakot na sila ng sampung libong pirma. Bawat oras ay nadadagdagan iyon nang nadadagdagan. The ball has started rolling. Wala nang makakapigil pa doon.

Nakahanda na ang sulat niya para sa mga kakilala niya sa media upang maipaalam ang sitwasyon sa Sagada. Subalit di pa niya maipadala ang sulat. Hindi ngayong nakaratay si Don Alfonso sa ospital at nabibilang na ang panahon nito. It was like plunging a knife on his heart and twisting it.

Ihinilamos niya ang palad sa mukha. Alam niyang kailangan niyang umaksiyon agad dahil nauubusan na rin ng oras ang kalikasan. Patuloy pa rin ang operasyon ng pagmimina ng Banal Mining Corporation.

Siguro ay hindi siya ang tamang tao para humawak ng kasong iyon. Kahit na ginagawa niya ang trabaho niya, parang wala doon ang puso niya. Iba na lang ang paghahawakin niya doon. Pero hindi niya maiwan ang Sagada hangga't hindi niya natitiyak na maayos ang kondisyon ni Don Alfonso.

Sa huli ay isinara rin niya ang laptop nang di man lang nakakapag-reply sa ibang inquiries ng mga gustong tumulong sa kampanya. Tatlong araw na sa ospital si Don Alfonso. Ni hindi man lang niya ito nasilip. Ni ayaw nga niyang lumapit man lang sa ospital. But she was tempted. Alam niyang malaking risk kung pupunta siya.

Itinapik niya ang daliri sa mesa. Tumingala siya at suminghap. Parang di siya makakatagal sa silid na iyon nang walang ginagawa. "I need some air," usal niya at pinatungan ng jacket ang T-shirt niya na pantulog. Nakasuot siya ng jogging pants at tsinelas na de goma. Dinampot niya ang LED flashlight na nakapatong sa mesa niya, ang susi ng kuwarto at saka lumabas ng silid. Maglalakad-lakad lang siya para magpaantok. Baka makatulong ang hangin sa labas upang makapag-isip-isip siya.

The air outside was frigid. Wala nang tao sa daan at madilim. Tinahak niya ang daan sa kaliwa ng kalsada sa labas ng Sagada Guesthouse. Paakyat ang daan at paikot. Naglakad lang siya nang naglakad. Hindi niya alintana kahit na tumatagos na ang lamig sa buto niya.

Hindi niya alam kung saan siya pupunta o kung saan siya makakarating. Ni hindi niya kinatatakutan ang pag-iisa. Baka sakaling sa paglalakad-lakad niya ay mahanap niya ang katahimikan ng isipan na inaasam niya.

Hanggang matanaw na lang niya ang Sagada Doctor’s Hospital. Maliwanag na maliwanag iyon. Pakiramdam niya ay may humahatak sa kanya papunta sa ospital.

Ang naturang ospital ay ipinatayo mismo ni Don Alfonso Banal. Nang maaksidente ang ama niyang si Alfie ay saka ipina-upgrade ang naturang ospital para tustusan ang mga pangangailangan ng nakaratay nitong anak. Mula sa state of the art hospital facilities and equipment hanggang sa mga magagaling na doktor at nurse ay matatagpuan doon. Dahil masyado nang matanda ang don at mas gusto nitong sa Sagada manatili kaya doon na lang nito inilagak ang anak kaysa magpabalik-balik pa sa Baguio o sa Maynila kung kinakailangan. Kaya naman may sariling waiting room ang mga Banal doon. At ngayon, si Don Alfonso pa mismo ang sineserbisyuhan ng ospital.

Hinayaan lang niya ang mga paa na humakbang patungo doon hanggang matagpuan na lang niya ang sarili na nakatayo sa harap ng gusali. Pwede naman siyang bumalik para iwasan na lang niya ang ospital at bumalik na lang sa guesthouse subalit nakadama siya ng ginhawa nang tuloy-tuloy na humakbang papasok. Na parang nasa lugar na iyon ang katahimikan niya.

“Miss, saan kayo pupunta?” tanong ng guwardiya na humarang sa kanya.

“Kay Don Alfonso Banal. Apo niya ako. Amira. Amira Banal,” aniya sa may katatagang boses kahit na parang kinakabahan siya.

Una, di niya alam kung papapasukin nga siya doon. Baka ipinatanggal na siya sa listahan ni Carrie nang di alam ni Attorney Ferrer. Pangalawa, noon lang niya idinikit sa pangalan niya ang apelyidong Banal lalo na’t di niya ikinokonsidera ang sarili na isa sa mga ito. Noon lang din niya sinabi sa ibang tao na apo nga siya ni Don Alfonso. It was weird. Pero nang mga oras na iyon, alam niyang flawless ang pagkaka-deliver niya na parang matagal na niyang sinasabi iyon.

Kinakabahan siya habang pinagmamasdan ng guwardiya ang papel na listahan marahil ng maaring bumisita sa don. Bukod sa high profile ang matanda ay sensitibo din ang kalagayan nito dahil nakalagak sa ICU.

Inangat ng guwardiya ang tingin. “Amira Catindig-Banal?” tanong nito at tumango siya. “Maari na po kayong pumasok sa loob. Iilan lang po kasi kayo na pwedeng dumalaw kay Don Alfonso anumang oras ninyo gustuhin. Mahigpit po kasi ang bilin sa amin na huwag magpapapasok ng kung sinu-sino. Pero kailangan po ninyong magpa-assist sa nurse kung papasok kayo sa loob ng ICU para sa makapagsuot po kayo ng mask, hair cap at scrub suit.”

“Sige. Salamat,” sabi niya at nagtuloy-tuloy sa nurse’s station. Ngumiti siya sa petite na nurse na nakabantay doon. “Good evening. I am Amira Cat- Banal. Apo ako ni Don Alfonso. Gusto ko sanang makausap ang nurse na nagmo-monitor sa kanya.”

“Gusto po ba ninyong makausap ang naka-duty na private nurse niya, Ma’am?”

“Y-Yes,” nausal na lang niya.

“Nasa ICU po siya ngayon. Kung gusto ninyong silipin ang lolo ninyo, sasamahan ko po kayo sa changing room para makapagpalit po kayo ng scrub suit,” anang nurse na napaka-accommodating sa kanya.

“H-Hindi. Hindi naman ako sisilip kay Don… I mean kay Lolo. Gusto ko lang talagang makausap ang nurse niya.”

Mas safe iyon. Bagamat may bahagi niya ang gustong makita si Don Alfonso, natatakot siya sa maaring ibunga niyon. Baka mas lalong lumala ang kondisyon ng lolo niya. Baka kahit sarili niya ay hindi na niya mapatawad kapag nangyari iyon. Kailangan ay alam niya kung hanggang saan lang ang limitasyon niya. Siguro naman ay matatahimik na siya kung titiyakin sa kanya ng nurse na kahit paano ay mabubuhay pa rin si Don Alfonso sa kabila ng mahinang kondisyon nito. Ayaw din naman niyang magtagal doon dahil iniiwasan niyang makaharap ang kahit sino sa mga kapatid niya o ang mismong madrasta niya.

“Sige po. Tatawagan ko lang,” anang nurse at lumapit sa intercom.

Narinig niya na bumukas ang sliding door may apat na dipa mula sa kinatatayuan niya. Nang lumingon siya ay nanlaki ang mata niya nang makitang lumalabas ng waiting room ng mga Banal si Francois.

“Miss, mamaya na lang pala. Salamat,” sabi niya at dali-daling itinaklob ang hood ng jacket niya sa ulo niya. Mabibilis din ang hakbang niya na naglakad sa hallway palabas ng ospital. Halos takbuhin niya iyon para lang makalayo kay Francois. Sana hindi niya ako nakita. Sana hindi niya ako nakita.

Nang makarating sa labas ng ospital ay sapo na niya ang naninikip na dibdib. Napaupo na lang siya sa bench sa labas. Hindi naman siguro siya nakita ni Francois.

Umupo muna siya sa bench para pakalmahin ang tibok ng puso niya. Siguro ay papasok na lang siya mamaya kapag sa tantiya niya ay makakausap niya ang nurse nang walang nakakapansin sa kanya. Di pa niya alam kung paano o kung gaano siya katagal doon. Makikiramdam na lang siya. Tutal ay di naman din siya makakatulog hangga’t di niya mismo naririnig sa nurse ang kondisyon ng don.

Iyon nga lang ay magtitiis siya doon. Hindi niya alam kung gaano katagal siya na tatambay sa labas ng ospital at maghihintay ng tiyempo o lakas ng loob o pareho. Pero di pala madali ang maghintay doon. Wala pa siyang isang minuto na nakaupo ay umihip ang malamig na hangin. Di siya nakapagdala ng gloves kaya inipit na lang niya ang mga kamay sa pagitan ng hita niya para di lamigin. Pangangatawanan talaga niya ito? Baka mamaya ay frozen delight na siya. Subalit mas gusto na niya ito. Mas payapa ang isip niya. Kahit na wala siya sa loob ng ospital o di pa niya nakikita si Don Alfonso, parang kasama na rin niya ito dahil nasa malapit lang siya.

Nanigas ang buong katawan niya nang biglang may humawak sa balikat niya. Paano kung guwardiya iyon at bawal siyang patambayin sa harap ng ospital? Paano kapag pinaalis siya doon at papuntahin na lang siya sa waiting room ng mga Banal? O kaya ay ipinaalam nito sa mga Banal na naroon siya? Anong gagawin niya?

“Bakit nandito ka lang sa labas, Amira?”

Napatuwid siya ng upo nang marinig ang boses na iyon at nilingon ang may-ari ng kamay na nakahawak sa balikat niya. It was Francois.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.