Barely Heiresses: Amira Chapter 18

BIGLANG tumayo si Amira at humakbang palayo kay Francois. Nakita pala siya nito kanina at nasundan. Hindi na siya pwedeng magtagal doon. “Hindi ako manggugulo,” defensive agad niyang sabi. “Ni hindi ako lumapit sa kay Don Alfonso. Aalis na ako. Huwag mo na lang sabihin sa kanila na nagpunta ako dito.”

“Hey, relax! Hindi mo ako kaaway,” anang binata at itinaas ang dalawang kamay. “Saka hindi ka naman binabawalan na lumapit kay Don Alfonso.” Inilahad nito ang kamay. “Halika na. Pumasok ka na sa loob.”

Umiling siya at humalukipkip. “Hindi na. Dito na lang ako sa labas.”

“Hinahanap ka ng mga kapatid mo. Tinatanong nila kung kailan ka dadalaw. Nasa waiting room ang ilan sa kanila ngayon. Nagsasalitan sila sa pagbabantay sa lolo mo. Ang iba sa umaga nandito at ang iba naman ay sa gabi.”

“Sana… sana sinabi mo na hindi naman ako mabuting apo. Na itinakwil na ako ni Don Alfonso,” aniya sa matigas na tono.

“Hindi ka naman itinakwil ni Don Alfonso. I am sure mas gusto niya kung nandito ka lang,” anang binata sa magaang tono na parang inaayo siya.

Umiling siya. “Huwag mong sabihin iyan para gumaan lang ang loob ko. Hindi na ako bata. Alam ko ang sitwasyon. Alam ko kung anong ginawa ko. Kung gising lang si Don Alfonso, sigurado na sasabihin niya mismo sa akin na pinagsisisihan niya na pinili pa niya akong isama sa mga apo niya. Tanggap ko iyon. After all, ako naman ang unang nagtakwil sa kanya. Ayokong maging isang Banal,” aniya sa matigas na tono at iniwas ang tingin dito.

“Pero nandito ka pa rin kahit na alam mong pwede kang itaboy kalaunan. You still care for your grandfather. Hindi mo maikakaila na kadugo mo siya, Amira. May pakialam ka pa rin sa anumang nangyayari sa kanya.”

“Hindi naman ako bato. Alam ko na responsable ako sa nangyari sa kanya, kung bakit siya nakaratay ngayon. Of course, I care. Hindi ko naman gusto na ganyan ang sapitin niya. Saka ayokong lumapit sa kanya. Baka mamaya kasalanan ko pa kapag lumala ang kondisyon. Okay na ako dito,” sabi niya at saka umingos. “Bumalik ka na sa loob.”

“Look, kung plano mong mag-vigil dito sa labas, dapat siguro umupo ka man lang.” Tinapik nito ang bakanteng espasyon sa bench. “Dito ka na.”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Sa tabi mo?”

“Ano naman ang masama kung magtabi tayo? Wala naman akong gagawing masama sa iyo. Come on. Mapapagod ka nang nakatayo. Malamig pa mandin,” sabi nito. “Wala akong gagawin sa iyo na kahit ano. Even if you make a move on me, wala akong gagawin. I will not try to resist your advances.”

Padabog siyang naglakad palapit dito. “Oras na may gawin kang di maganda sa akin, babaliin ko ang buto mo. And I will mar that pretty face of yours.”

“Ah! Hindi ko isasakripisyo ang kaguwapuhan ko para lang sa isang babae. Maraming babaeng iiyak. And I don’t want to see women cry,” nakangising sabi nito. “At hindi ako ang tipo ng lalaki na nagte-take advantage sa mga babae. Mga babae ang gumagawa ng first move sa akin. They usually take liberties on my body.”

Nakataas ang kilay siyang umupo may isang talampakan din ang layo dito. Halos dulo na iyon ng bench. “Ha-ha-ha! Talaga lang ha?”

“You experienced that first hand. Hindi ako ang unang humalik.”

“Excuse me?” nanlalaki ang mata niyang usal. “Huwag mong palabasin na nag-take advantage ako sa iyo. That was a thank you kiss. You goaded me into fulfilling my promise.”

“A promise is a promise. I will take that back. I am sorry. You did not take advantage of me. And the thank you kiss was as delicious as my cake. Parang gusto ko pang mag-bake ng marami at ipadala sa iyo. I will graciously accept your thank you kiss,” nanunukso nitong sabi at kinindatan siya, kumikislap na parang bituin ang kulay pilak nitong mga mata.

“Iyon na ang una at ang huli,” pagdidiin niya at naramdaman ang pag-iinit ng pisngi niya. Di na rin siya kakain ng cake na ito ang nag-bake. Baka may drugs ang cake nito kaya kung anu-ano ang ginagawa niya na di normal. “Pumasok ka na nga sa loob. Nang-aasar ka lang.”

“Hindi kita inaasar. Gusto ko lang na huwag kang masyadong mag-isip. You look tensed and upset. A little teasing will make you relax.”

Paano naman siya mare-relax kung nanunukso ito? Sapat na nga ang presensiya nito para mataranta siya. Sa isang banda, hindi na nga masyadong mabigat ang loob niya ngayon kaysa kanina.

Tumingala siya sa langit. May mangilan-ngilan siyang bituin na nakikita sa ulap. Huminga siya ng malalim at sumandal. “Mula nang dumating ako dito sa Sagada, pakiramdam ko nagkagulo-gulo na ang mundo ko. Hindi ito ang inaasahan ko nang dumating ako dito. I thought it was just another case until you fetch me and brought me to the mansion.”

“I am sorry. Hindi ko talaga alam na ayaw mong pumunta sa mansion. Ang instruction lang talaga sa akin ay sunduin ka. Nang kusa kang sumama sa akin, akala ko ay ayos lang ang lahat. Well, that was until I was acused of being a kidnapper.” Pagak itong tumawa. “It was amusing.”

“Mukha sigurong tanga ang tingin mo sa akin o kaya baliw.” Naalala niya kung paano siyang mainis dito dahil nginingisihan lang siya nito habang pinagbabantaan niya itong idemanda at ipakulong.

“I find you cute. Wala kang kinatatakutan, no? Mabuti na lang hindi ka totoong na-kidnap. Baka mataranta ang kidnappers sa talas ng dila mo.”

Di niya maiwasang mangiti na lang sa alaalang iyon. “Tinuruan akong maging matapang ng nanay ko sa batang edad. Lumaki akong palaban. Lumaki ako na kaming dalawa lang. Sabi niya sa akin, kailangang matuto ako na ipagtanggol ang sarili ko. Wala siya diyan para lagi akong alalayan.”

“Well, you have a grandfather now. Kung may pagkakataon lang siguro siya, gagawin niya ang lahat para sa ipagtanggol ka at maging masaya ka.”

Mapait siyang ngumiti. “I don’t think so.”

Saka niya naalala ang huling pagtatalo nila. Siguro kung ibabalik lang niya ang panahon, hindi sana siya masyadong nagpadala sa galit. Sana ay gumamit pa siya ng diplomasya. She forgot some pointers in rules of engagement. At that point, she just decided to bulldoze her way. Yes, ngayong malinaw na ang lahat, pinagsisisihan niya ang pagsabog ng emosyon niya. Pinaghalo niya ang personal niyang nararamdaman sa trabaho. Sana ay di nakaratay si Don Alfonso ngayon.

Hindi sumagot si Francois kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita subalit ang mga mata niya ay nakatitig pa rin sa mangilan-ngilang bituin na sumisilip sa ulap. “Lumaki ako na isang lolo lang ang kinikilala ko – ang lolo ko sa ina. Pero ayaw naman niya sa akin.”

“Bakit naman?” tanong ng lalaki.

Ikiniling niya ang ulo. “Dahil malas daw ako. Noong bata ako, inggit na inggit ako sa ibang bata na kasama nila ang lolo nila at ikinukwento nila kung paano sila i-spoil ng lolo nila. Sabi ko gusto ko rin na magkaroon ako ng ganoong lolo. Pinangarap ko na maging isang tunay na apo ang tingin sa akin ng lolo ko at hindi isang malas na itataboy. Ngayong may lolo na ako na gusto akong kilalanin, sinaktan ko naman siya. And I nearly killed him.”

“Kung anuman ang hindi ninyo pinagkasunduan ng lolo mo, alam ko na may malalim kang dahilan. Hindi ibig sabihin masama kang tao. Noong maihatid kita sa kanya, kuntodo ang pasasalamat niya. Sa wakas daw kasi ay mabubuo na ang mga apo niya gaya ng pangarap ng ama mo. Kaya alisin mo na ang guilt na nararamdaman mo.”

Kinuyom niya ang palad at huminga ng malalim. “Hindi pa ako handa. Hindi ko pa yatang patawarin ang sarili ko. Kahit na sabihin ko pang nasa lugar o nasa katwiran ako at ginawa ko ang tama, di pa rin maalis sa isip ko na akong ang responsable kung bakit malala ang kondisyon ni Don Alfonso ngayon.”

“Minsan kailangan mo ring matutong magpatawad – sa sarili mo at sa ibang tao. Life is easier that way. Wala kang excess baggage. Walang mabigat sa dibdib.”

Nilingon niya ito. “Parang madali sa iyo na sabihin iyan. Bakit? Naranasan mo na bang nasaktan nang todo o nakagawa ng mali sa iba at nakapagpatawad ka agad?” tanong niya. May iba kasing tao na madali lang na magsalita o magpayo pero di naman kayang gawin ang ipinapayo nito o kaya ay di pa naman nito nararanasan. Gaano ba katindi na ang dinanas nito sa buhay para sabihin iyon?

Bigla itong natigilan. Napansin niya na may pagkataranta sa mga mata nito pero mabilis nitong iniwas ang tingin at tumayo. “Mukhang nilalamig ka na. Gusto mo ba ng tea at tinapay? Ikukuha lang kita.”

“H-Hindi ka na kailangan. Okay lang naman ako,” sabi niya. Ang totoo ay di na nga niya alintana ang lamig habang magkausap silang dalawa.

Tinanggal nito ang scarf na suot. Kinuha nito ang kamay niya at binalot iyon. “Hey!” bulalas niya. “Anong…”

“Huwag mong aalisin iyan hangga’t di ako bumabalik. Okay?” Saka ito pumasok sa loob ng ospital at di na pinansin ang iba pa niyang protesta.

Tiningnan niya ang mga kamay niyang nakabalot ng scarf nito. Huminga siya ng malalim. Well, that was nice. Kanina ay nanginginig siya sa lamig at parang manhid na ang kamay niya. Ngayon ay mainit na ang kamay niya at parang unti-unti nang bumabalik ang sirkulasyon ng dugo sa kamay niya. His scarf was warm. Naka-imprenta sa scarf nito ang init ng katawan nito. Pakiramdam tuloy niya ay hawak din nito ang kamay niya kahit na wala ito sa tabi niya.

Bigla niyang naisubsob ang mukha sa kamay na nakabalot ng scarf. Holding hands? Iniisip niya na parang ka-holding hands niya si Francois. Saan naman nanggaling iyon? It was just a scarf. Ayaw lang nitong lamigin siya. Period. Hindi na niya kailangang intindihin kung naka-imprenta pa sa scarf ang init ng katawan nito.

Maya maya pa ay nakatayo na sa harap niya si Francois. Inilapag nito ang mug ng mint tea sa tabi niya. Hawak naman nito ang platito ng croissant pero sa halip na ilapag iyon ay ngumiti lang ito sa kanya. “Gusto mong subuan kita?”

Binigyan niya ito ng matalim na tingin. “Mukha talaga akong kidnap victim kapag ginawa mo iyan.”

“Ito naman. Nagiging sweet lang ako sa iyo. Di ka na malambing.”

“Hindi ko kailangan ng lambing. Tanggalin mo na itong scarf sa kamay ko,” utos niya. Lambing ang huling bagay na kailangan niya dito lalo na’t hindi maganda ang epekto sa kanya kahit ng simpleng scarf lang nito. Tapos maglalambing pa ito.

“Heto na. Heto na,” sabi nito at kinalas ang scarf sa kamay niya. Nang maalis iyon ay inabot nito ang mug ng mint tea sa kanya. Mainit iyon sa kamay niya pero parang mas komportable ang init ng scarf ni Francois. Parang tamang-tama lang para sa kanya.

“Thank you,” usal niya at hinipan ang tsaa.

Never mind the scarf or his body heat. Forget it. Just drink the tea. The end. That is enough to keep you warm tonight.

“Alam mo ba na galing iyan sa sariling tea farm ng lolo mo?” tanong ni Francois. “He hates tea but your lola loved it. Green mountain tea ang pangunahing produkto nila.”

“Mukhang mahal talaga niya si Lola.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.