“Ang nag-iisang babaeng minahal niya,” sabi nito. “She’s from Sagada. Nang mamatay ang lola mo, hindi na siya tumingin pa sa ibang babae. Sobra-sobra nga kung mahalin niya. And he is a good man. Iyon ang pagkakakilala ko sa kanya. Kahit dito sa Sagada mahal na mahal siya ng mga tao. Di rin ilang babae ang nagtangkang akitin siya mula nang mamatay ang lola mo pero naging matatag siya. That is something really admirable. Di lahat ng lalaki ay ganoon.”
“Looks like a man out of romance novels and romantic movies,” nausal niya. “Parang wala namang nag-e-exist na ganoong lalaki.”
“Alam ko na hindi ka maniniwala. Wala namang taong perpekto at parang sa libro lang nababasa iyon. Pero may lalaking ganoon. Na kapag nagmahal sila, nagiging matino na. Parang sa tatay mo rin. Nang makilala niya si Tita Carrie, naging matino na siya. Di na rin siya tumingin sa ibang babae.”
Maasim siyang ngumiti. But at her and her mother’s expense. “Ayoko nang pag-usapan iyan. Anyway, salamat sa tsaa at sa croissant.”
“Huwag mong sabihing aalis ka na? Palabas na si Maimai.”
“Sino?” tanong niya.
Itinaas nito ang isang palad at sinenyasan siya na maghintay. “Mai, nandito lang kami sa bench sa harap ng ospital. Yes. Malapit lang sa malaking pine tree. Okay. We will wait for you.”
“Sino si Maimai?” tanong ulit niya.
“Siya ang naka-duty na nurse ng lolo mo. Magbe-breaktime na siya. Mas maganda siguro kung sa kanya mo mismo malaman kung anong kondisyon ng lolo mo para mas mapanatag ka.”
Maya maya pa ay isang mestiza na petite na babae ang lumabas ng ospital, nakasuot ito ng light blue na blouse at pants. “Good evening, Miss Amira. Ako po si Maimai, ang private nurse ni Don Alfonso na naka-duty ngayong gabi.”
“Good evening,” magalang din niyang bati at kinamayan ito.
“Mahina po siya ngayon pero maingat po naming mino-monitor ang kondisyon niya.”
“Thank you, Nurse Maimai.”
“Maganda rin po kung si Doctor Chavez mismo ang makausap ninyo para po mas maipaliwanag niya,” sabi nito.
Umiling siya. “Hindi. Okay na ako. Salamat.”
“Chef, gusto ba ninyo ako na ang magpasok ng mug sa loob?” alok ni Nurse Maimai. “Baka kasi maabala pa kayong dalawa dito.”
“W-Wala kaming ginagawang….” protesta niya.
“Isekreto mo sana ito,” anang si Francois sa seryosong tono.
Biglang nawala ang panunukso sa anyo ni Maimai. “Of course, Chef. Walang problema.” At bumalik na sa loob ng ospital ang nurse.
Siniko niya si Francois. “Baka isipin niya may relasyon tayo.”
“Wala naman siyang pagsasabihan na iba,” sa halip ay sabi ng lalaki. “Come on. Chill. Kahit naman anong sabihin mong paliwanag, iyon pa rin iisipin niya. The more you deny it, mas lalo silang mag-iisip ng iba.”
Bumuntong-hininga siya. “Babalik na ako sa guesthouse. Salamat sa pagsama sa akin.”
Kinuha nito ang flashlight mula sa kanya. “Come. Ihahatid na kita. Kahit pa sabihing safe dito sa Sagada, mabuti nang sigurado. Ako naman ang di makakatulog kapag hindi ko natiyak na safe kang nakauwi.”
“Saan mo mas gusto? Dito o sa Paris?” tanong niya.
“Dito. Paris is where I perfected my craft. Pero mas gusto ko dito. Tahimik ang buhay, walang gulo, sariwa ang hangin at masayahin ang mga tao.”
“Pero sigurado ako na para maabot mo ang status mo, marami kang napuntahang ibang lugar.”
“Yes. Pero hindi naman mahalaga ang kasikatan. Sa pagkain naman kahit na simple lang ang mahalaga napapasaya mo ang mga taong napapakain mo. Tuwing weekend ay may buffet din akong ihinahanda para sa mga local at tourists dito. Hindi nga lang ako nakakapagluto ngayon dahil sa nangyari sa lolo. But I hope that when things settle, masubukan mo rin na kumain ng buffet dinner kasama ang iba. Marami kang makilala na ibang tao doon.”
“Sounds lovely. Pero alam mo naman siguro na hindi ako magtatagal dito. I am leaving soon.” She didn’t know how soon yet, pero baka di na niya ma-experience pa ang buffet dinner ni Francois.
“Kung aalis ka man, sigurado ako na babalik ka pa rin.”
Di nagtagal ay nasa harap na sila ng Sagada Guesthouse. “Salamat sa paghahatid sa akin. Goodnight.”
“Kung gusto mo ulit na magbantay sa ospital bukas, pwede kitang samahan. Sa labas lang ulit tayo.”
“Sige. Salamat.” She was looking forward to it.
"AMIRA, next week na ang Climate Change Summit sa Switzerland. Maganda siguro kung babalik ka na bukas dito sa Manila para mapaghandaan mo iyon. Kailangan ng magaling na contigent galing sa Pilipinas para sa talks nila."
Nakatingala lang sa pine tree si Amira habang nakaupo sa gitna ng daan. Kaya umupo siya sa tabing daan para makausap itong mabuti.
"Iba na lang siguro ang ipadala nila, Nay,” nausal lang niya.
"Akala ko pa mandin excited ka doon,” gulat na wika ng kanyang ina.
"Hindi pa po ako makakaalis dito sa Sagada, Nay. Marami pa pong kailangang asikasuhin."
"Akala ko ba okay na ang campaign diyan? I saw the online campaign. We already have fifty thousand votes. In a few days, baka mahigitan pa natin ang target na one hundred thousand. I think we can take care of things from here. Hindi mo na kailangan pang magtagal diyan."
Bumuntong-hininga siya. Alam naman niya na gustong-gusto na siyang pauwiin ng nanay niya dahil ayaw nitong magtagal pa siya sa Sagada. "Nanay, hindi lang naman po kasi minahan ang problema nila dito. Marami din kasing turista dito ang walang konsiderasyon sa mga tourist spots sa Sagada."
"Hindi ba simpleng coordination na lang iyan sa local government unit at sa tourism center? O baka naman may nangyayari diyan na hindi mo sinasabi sa akin?" puno ng paghihinalang tanong ng nanay niya.
Napalunok siya. "W-Wala po,” kaila agad niya.
"Wala? Hindi mo nakita ang kahit na sino sa mga Banal?"
"Hindi po. At kung makita ko man po sila, hindi naman ako interesado sa kanila." Kinagat niya ang labi. Patong-patong na ang kasinungalingan niya sa nanay niya. Sa bawat araw na nagdadaan na nananatili siya sa kasalanan ay parang dinadagdagan niya ang lamat sa relasyon nila. "Nanay, just... just let me do my job. Uuwi din po ako kapag naayos ang lahat ng ito. Promise."
"Sige. Sana nga wala kang itinatago sa akin."
Humugot si Amira ng malalim na hininga at naglakad pabalik ng guesthouse. Tapos na ang trabaho niya sa araw na iyon. Galing siya sa isang baranggay sa bungad ng Sagada. Kinuha lang niya ang statement ng mga magsasaka na dati nang naapektuhan ng pagtagas ng mine tailings sa ilog na pumatay sa bukirin ng mga ito limang taon na ang nakakaraan. Ayaw na raw ng mga ito na maulit iyon subalit nahahati daw ang kalooban ng mga ito sa pagtutol sa Banal Mining Corporation dahil si Don Alfonso mismo ang tumulong sa mga ito nang masira ang mga palayan.
Ibang klaseng respeto nga ang ibinibigay ng mga tao sa Sagada kay Don Alfonso. Wala siyang narinig na masama sa don sa mga taong nakausap niya. Sayang lang dahil maikli ang panahong nakasama niya ito. Sana ay mas nakilala pa niya itong mabuti. Baka di ito kasing sama ng inaakala niya. Maikli nga lang talaga ang buhay. May mga pagkakataon minsan na kapag nagkamali ka ng desisyon ay hindi mo na mababago pa at pagsisisihan habambuhay. Sana ay may pagkakataon pa para makilala niya ang lolo niya. Kahit saglit lang.
Nagulat na lang siya nang biglang may bumusina sa likuran niya. Paglingon niya ay sasakyan pala iyon ni Francois. Pinabagal ng binata ang takbo para masabayan siya. "Sakay na," sabi nito.
Hindi na ito nagdalawang-salita sa kanya at sumakay na siya sa tabi nito. "Hi!" They had this little secret. Dahil doon ay parang mas komportable na siya dito.
"How's your day?" tanong nito.
"Okay," sabi niya at nagkibit-balikat. "Tumawag sa akin ang nurse ni Lolo. Hindi bumubuti ang kondisyon niya. Pero mas gusto ko nang marinig iyon mula sa kanya kaysa kay Attorney Ferrer. At nakatulog ako kahit paano."
"That is good to hear. Saka lolo na ang tawag mo kay Don Alfonso."
"Weird lang kasi na kinukumusta ko siya bilang apo niya pero hindi ko siya matawag na lolo.” Napalingon siya nang makita ang Sagada Guesthouse na nadaanan nila pero patuloy pa rin ang pagtakbo ng sasakyan ni Francois. “Teka. Lumampas tayo sa guesthouse ko."
"Early dinner first. Hindi kita maipagluluto pero maganda din na matikman mo ang luto ng estudyante ako."
"Nagtuturo ka rin na magluto?"
"Sa mga interesado. Let's get inside."
Nanigas ang buong katawan niya nang makitang nasa loob ng restaurant si Yumi. Ayaw sana niyang makaharap ang isa sa mga kapatid niya. Ang impulse niya ay tumakbo palayo subalit mabilis na pinigilan ni Francois.
“Halika na. Alam ko na gutom ka na,” sabi ng binata.
Binigyan niya ito ng nag-aakusang tingin. “You know she’s here?”
“Nakita niya tayo kagabi. May iba nang nakakaalam ng sekreto natin. She wants to talk to you. Yumi is nice. Pakinggan mo muna siya.”
Dali-daling tumayo si Yumi para salubungin sila. “Amira!” Bigla siya nitong niyakap. “Anong nangyari sa iyo? Ayos ka lang ba?” Hinaplos nito ang buhok niya. “Akala ko tuluyan ka nang umalis ng Sagada. Hindi ka na nagpakita sa amin. Hindi mo na dinalaw si Lolo sa ospital. Well, until I saw you with Francois last night. Bakit ka umalis ng mansion? Bakit hindi ka na nagpakita sa amin?”