Parang naputulan ng dila si Amira sa mga tanong na iyon ng kapatid. Hindi niya alam kung paano sasagot lalo na nang makita niya ang luha at kalungkutan sa mga mata nito. Wala siyang mahimigang galit at tampo dito. Nag-aalala pa nga ito sa kanya. She felt guilty and wretched. Hindi naman siya deserving sa pag-aalala nito.
“I-I’m sorry,” nausal lang niya.
Magaan ang loob niya kay Yumi. Kaya naman nasasaktan siya na siya pa ang dahilan kung bakit nasasaktan din ito. At dahil isa ito sa mga kapatid niya na nanirahan kasama ng mga Banal, masakit marahil para dito ang nangyayari. Nakakadagdag pa siya sa mga alalahanin nito.
Inabutan ni Francois ng panyo si Yumi. “Come. Ise-serve na ang dinner. Maganda siguro kung kumain muna tayo saka tayo mag-usap. Yumi, alam ko na ilang araw ka nang di kumakain at walang tulog. Baka ikaw naman ang magkasakit. Hindi matutuwa ang lolo mo na pareho na kayong naka-confine.”
Pinunasan ni Yumi ang luha. “I am sorry. N-Naging emotional lang ako. Mahirap ang nagdaang mga araw para sa akin.”
Tahimik na kumain si Amira habang nakatingin lang kay Yumi. Hindi niya halos malasahan ang luto ng estudyante ni Francois dahil sa tensiyon. Mabait ang kapatid pero di niya alam kung anong purpose nito para makipagkita sa kanya doon. Natatakot siya na pilitin siya nitong sumagot sa mga tanong nito. Ayaw niyang makita ang pagkadismaya sa mukha ng kapatid niya oras na malaman nito ang dahilan kung bakit inatake sa puso si Don Alfonso.
“I will just check the kitchen,” wika ni Francois at iniwan silang magkapatid.
“Yumi… Ate…” usal ni Amira nang hindi makatiis.
Inangat nito ang tingin mula sa kinakaing salad. “Yes?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “I am sorry. Hindi ko kayang sagutin ang mga tanong mo kanina. Marami akong dahilan kung bakit kailangan kong umalis. A-Alam iyon ni Don Alfonso.”
“Pero isa ka pa ring Banal. Alam mo iyon kaya nga dinalaw mo pa rin si Lolo kahit na ayaw mong magpakita sa amin, di ba? Galit ka din ba sa amin?”
Yumuko siya. Ayaw niyang makita nito ang guilt sa mga mata niya. “No. Wala kayong kinalaman doon.” Humugot siya ng malalim na hininga. “This is not easy for me. Kung anuman ang isyu namin at di napagkasunduan, mas malaki ang kinalaman sa nakaraan. Masyadong malalim ang sugat. Hindi ganoon kadaling ayusin. Kaya nga pinili ko na lumayo na lang.”
“Nirerespeto ko kung anuman ang ayaw mong sabihin sa akin. Walo tayong magkakapatid. May kanya-kanya tayong kwento.” Ginagap nito ang kamay niya. “Hindi ko alam kung may karapatan akong hingin ito sa iyo. Pero kung kailangan kong makiusap ay gagawin ko para kay Lolo. P-Pwede bang dalawin mo siya?”
“P-Pero…”
Muling nangilid ang luha sa mga mata nito. “Naging mahirap ang nagdaang walong buwan mula nang maaksidente si Papa. Walang pinangarap si Lolo kundi ang mabuo tayong magkakapatid gaya ng gusto ni Papa. Masaya siya na nakita niya tayong magkakasamang magkakapatid. Baka naman pwedeng isantabi mo man kung anumang ill feelings mo tungkol sa pamilya. Hindi ko alam ang buong kwento mo pero kundi mo ako mapagbibigyan bilang kapatid mo, sana ibigay natin para sa isang matandang lalaking maari nang mawala sa mundo. Gusto kong bigyan ng katahimikan si Lolo. Dalawin mo siya.”
“H-Hindi ko alam kung kaya ko.”
“Hindi natin alam kung hanggang kailan na lang siya mabubuhay. Sabi ni Doctor Chavez bilang na ang mga araw o oras niya. He will pass away anytime soon. Gusto mo ba talagang umalis siya nang di mo man lang siya nasasabi ang gusto mo ng sabihin.”
Gusto niya. But there were risks. “Paano kung mas mapasama pa siya dahil sa presensiya ko? Kasalanan ko pa kapag may nangyaring masama sa kanya.”
“Wala nang iba pang mangyayari sa kanya. Walang ibang maninisi sa iyo. He is dying already,” anito sa boses na may halong desperasyon.
Marahan siyang umiling. “I… I am not sure.”
“Give him peace. At alam ko na matatahimik ka rin kapag nakita mo na siya at nasabi mo na ang lahat ng gusto mo. Tonight? Kung ayaw mong makita ka ng iba, pwede kang pumunta ng alas nuwebe hanggang alas diyes ng gabi. Si Chef Aklay mismo ang susundo sa iyo. Hihintayin kita, Amira.”
PALAKAD-LAKAD si Amira sa maliit na silid niya habang hinihintay ang pagtuntong ng alas nuwebe ng gabi. Hindi pa rin niya alam kung lalabas ng kuwarto kapag dumating si Francois pero nakabihis na siya.
Namamanhid ang kamay at paa niya at nanlalamig din siya. Hindi kasi niya alam kung anong magiging reaksiyon niya kapag nakita niya si Don Alfonso sa ICU. At kung tutuloy siya at may nangyaring masama sa don, kailangan din niyang ihanda ang sarili sa galit ng iba.
Narinig niyang may kumatok sa pinto. “Ma’am, nasa baba na po si Chef Aklay at hinihintay kayo.”
Dinampot niya ang knitted gloves at kinuha ang susi ng kuwarto niya. “Sige. Palabas na ako.” Pumikit siya nang mariin at nagdasal. “Kayo na po ang bahala sa akin. Sana naman walang masamang mangyari kay Lolo habang nandoon ako.”
Saka siya dali-daling lumabas ng kuwarto niya. Pagbaba niya sa lobby ng guesthouse ay nakatayong naghihintay si Francois sa kanya habang nakalagay ang mga kamay sa likuran. May ngiti agad sa labi nito nang makita siya.
“Nasa ospital na si Yumi. Hinihintay ka niya,” wika ni Francois.
“A-Ang ibang kapatid ko saka… saka ang madrasta ko, nasa ospital ba?”
“Sila Eira, Sky at Mabel lang ang nandoon pero baka matutulog na rin sila. At siyempre ang Ate Yumi mo.”
“Okay,” aniya. Kumapit siya dito nang ialok nito ang braso.
Tahimik lang siya sa maikling biyahe nila papunta sa ospital. Kinuyom niya ang palad. Wala sanang mangyaring masama.
Malakas na malakas ang kabog ng dibdib niya habang papunta sila sa changing room. Parang anumang oras ay tatakbo siya palabas ng ospital at pabalik sa guesthouse. Hindi pa rin talaga siya sigurado kung tama nga ang ginagawa niya.
Nagulat na lang siya nang biglang hawakan ni Francois ang kamay niya. “Relax. Everything will be okay. Sabihin mo.”
“Na ano?”
“Everything will be okay. Kailangan mong maniwala na magiging maayos ang lahat para mawala ang kaba mo.”
Di siya kumibo pero inulit-ulit niya iyon sa isipan niya. Everything will be okay. Everything will be okay.
Unti-unting kumalma ang paghinga niya hanggang makarating siya sa changing room at naroon na ang isang nurse para i-assist siya. Matapos magpalit ng scrub suit ay sinamahan na siya patungong ICU. “Dito lang ako sa labas,” wika ni Francois. “Nasa loob na si Yumi. Siya na ang bahala sa iyo.”
“Salamat,” sabi niya sa binata at ngumiti dito. Bagamat tensiyonado siya ay totoong ngiti iyon. Hindi siya makakarating dito ngayon kung hindi dahil sa encouragement nito. Malaking bagay ang nagawa nito para sa kanya.