Nang pumasok siya sa silid ay nanigas ang buong katawan niya nang makita si Don Alfonso na nakahimlay sa hospital bed. Iba’t ibang life support system ang nakakabit sa mahina at matanda nitong katawan. Napahawak siya sa pader bilang suporta. Nanginig ang tuhod niya. Parang mabubuwal siya nang mga oras na iyon. Kasalanan ko ito.
Lumingon sa kanya si Yumi at nakita niya ang pagngiti ng malulungkot nitong mga mata. Nakita niya ang ngiti nito kahit sa ilalim ng mask. “Lolo, nandito na po si Amira,” anang nakatatandang kapatid at nilapitan siya. “Halika. Kausapin mo si Lolo. Kanina ko pa sinasabi na dadating ka.”
Hindi pa rin siya makapagsalita habang pinagmamasdan si Don Alfonso. Hindi niya alam kung anong dapat niyang sabihin dito. Paano kung may masabi siyang mali?
“Huwag kang matakot. Sabihin mo ang kahit anong gusto mo kay Lolo,” pang-eengganyo ni Yumi.
“Ikaw siguro pwede mong sabihin ang kahit na ano. Lumaki ka sa poder niya.”
“Pero di ibig sabihin wala kaming pinagtalunan. May pagkakataon din na naglayas din ako dahil sa kanya.”
Gulat niyang nilingon ang kapatid. “Talaga?”
Parang wala sa itsura ni Yumi ang lalayasan ang lolo niya. Mukha kasing sobrang bait nito at mahaba ang pasensiya.
“Kung gusto mo sa labas muna ako. Dito ka muna. Nasa labas lang naman ako kung kailangan mo ako.” Hinaplos ni Yumi ang noo ng matanda. “Lolo, si Amira po muna ang bahala sa inyo.”
Hindi alam ni Amira ang dapat gawin nang sila na lang dalawa ng don ang naiwan. Paano ba siya nagsisimula? Anong sasabihin niya? Tinantiya muna niya kung may magbabago sa vital signs nito. Oras na maging abnormal ang alinman sa mga iyon, tiyak na tutunog ang monitor. Nang wala siyang narinig na beep ng alarm ay lumakas ang loob niya na magsalita.
"Don Alfonso, si Amira po ito. Please, huwag po sanang magiging unstable ang vital signs ninyo. Kakaladkarin nila ako palabas oras na may mangyaring hindi maganda sa iyo." Tumigil siya sa pagsasalita. Pigil ang hininga niya habang inaabangan ang magiging reaksyon nito. Nang walang tumunog na warning sounds monitor ay nagpatuloy siya. "I am sorry. Mahirap siguro para sa inyo na natagpuan nga ninyo ako pero wala naman akong ipinakita sa inyo kundi ang galit ko. Dahil sa mga nangyari sa amin ng nanay ko, puno ng galit ang dibdib ko. Hindi ko mababago iyon. It shaped me to who I am right now. Kung may pagkakamali man ako, siguro ay dahil hindi ko kayo binigyan ng pagkakataon na maging lolo sa akin. S-Siguro kung mas nakilala ko kayong mabuti, baka wala kayo sa sitwasyong ito ngayon. I am sorry kung sumama ang loob ninyo sa akin dahil sa interview ko sa radio station. But that is my job. Kaya ako nandito dahil kailangang pigilan ang pagkasira ng kalikasan. I am not sorry that I did the interview. Kailangan ko pong gawin iyon. Walang kinalaman ang galit ko sa inyo. I am just sorry that you ended up like this. Ayokong magpahamak ng tao... lalo na't.... lalo na't lolo ko kayo. Kung babalikan ko ang huling pagtatalo natin, sana naging madiplomasya ako. Hindi ko kayo dapat minadali. I shouldn't have acted like a brat. At nang di ninyo ako mapagbigyan ay umalis na lang ako basta. Sana kung mas hinabaan ko ang pasensiya ko, baka pareho tayong nakaisip ng solusyon. Gusto ko lang malaman ninyo na hindi ako ganoon kasama." Tumayo siya. "Sana makapag-kwentuhan tayo next time. Alam ko pina-imbestigahan ninyo ako pero marami rin kayong di alam tungkol sa akin. You see, ngayon lang ako nagkalolo. The grandfather that I want doesn't want me. Kayo lang ang lolo ko na kumilala sa akin. Salamat po."
Nang makalabas siya ng ICU ay mas magaan na ang pakiramdam niya. Niyakap siya ni Yumi. "Salamat. Salamat talaga."
"Kailangan ko nang bumalik sa guesthouse."
"Ayaw mo bang magpalipas ng gabi sa waiting room?"
"H-Hindi na."
"Ihahatid ko na siya," wika ni Francois.
Pagdaan sa waiting room ay biglang bumukas ang pinto at lumabas si Eira. Natigagal ito at kumurap-kurap nang makita siya. "Ate Amira! Ate Amira, nagbalik ka!" Bigla siya nitong niyakap at parang saglit siyang pinangapusan ng hininga. "Yehey! Nandito ka na!"
Parang mauubusan siya ng hangin sa higpit ng pagkakayakap nito sa kanya. "E-Eira, huwag sobrang mahigpit. Hindi ako makahinga."
"Okay lang ang mahigpit para di ka makawala. Baka kasi umalis ka na naman. Mami-miss na naman kita. Saka di mo ba ako nami-miss, Ate Amira?" tanong nito at kumalas sa kanya. She looked at her with those puppy eyes. Ugh! Parang may humugot sa puso niya mula sa dibdib niya.
"Nami-miss din siyempre."
"Iyon naman pala. Pumasok na tayo dito," sabi ni Eira at hinila siya papasok sa loob ng waiting room. Ginising nito ang dalawa nilang kapatid na natutulog habang nakasandal sa sofa. "Ate Sky! Ate Mabel! Tingnan ninyo kung sino ang nandito."
Naalimpungatan ang dalawa pang kapatid niya. “Sino ba iyan?” tanong ni Mabel habang kinukuskos ang mga mata.
Kumurap ang mata ni Sky habang pinagmamasdan siya. “Si Amira? Bumalik na si Amira!”
“Dito na siya. Di na siya aalis,” sabi ni Eira at hinawakan siya sa braso. “Di ba, Ate Amira?”
“Ano…” Gusto niyang sabihin sa mga kapatid na kailangan na rin niyang umalis subalit paglingon niya ay naroon sina Yumi at Francois sa likuran niya. May pag-asam sa mata ng nakatatanda niyang kapatid.
“Amira, dito ka na matulog ngayong gabi,” anang si Yumi sa magaang boses.
“Magluluto ako ng masarap na midnight snack para sa inyo,” sabi naman ni Francois.
“Tama iyan, Chef! Kailangan masarap para di na umalis si Ate Amira.” Hinawakan ni Eira ang kamay niya. “Di ka na aalis, di ba?”
“Sige. Dito ako matutulog ngayong gabi,” aniyang napilitan na ring pumayag. Subalit awtomatikong sumilay ang ngiti sa labi niya at tuluyan nang napalis ang bigat sa dibdib niya. She felt so welcome with her sisters here. Sa maikling sandali, she felt like it was natural to be with them. Maybe it was okay to stay for a while.