Isang matandang lalaki ang lumapit sa kanila nang tapos na silang mag-tsaa. “Ma’am Amira, ako po si George. Ako po ang susundo sa iyo papunta sa mansion.”
“K-Kayo po ang sundo ko?” gulat niyang tanong.
“Bakit? May inaasahan ka bang iba?” nakangising tanong ni Estephanie sa kanya. Binigyan niya ito ng nagbababalang tingin. “Wala akong ibang ibig sabihin.” At itinaas nito ang dalawang kamay bilang pagsuko.
“Behave!” bilin niya dito bago nagpaalam at sumama kay Manong George.
Ihinanda niya ang sarili sa gagawin niya pagtapak niya sa Banal Mansion. Isang buwan. Isang buwan kasama ang madrasta at mga kapatid niya. Isang araw pa nga lang siya noon sa mansion ay parang sinisilihan na siya. Ngayon pa kaya na kailangan niyang manatili doon nang isang buwan? Kaya naman niyang makisama sa mga ito kung kinakailangan. Iiwas na lang siguro siya para hindi sila magsalpukan lalo na ang kapatid niyang si Ailene.
Hindi rin mawala ang pagka-dismaya niya dahil hindi si Francois ang sumundo sa kanya. Fine. Inaamin niya iyon sa sarili niya. Kung ang binata kasi ang susundo sa kanya, kahit paano pa ay mawawala ang tensiyon niya sa pagtapak sa teritoryo ng mga Banal. Madi-distract siya sa kabang nararamdaman niya ngayon. He was too distracting, of course. Hindi niya ito crush. Hangga’t maari ay ayaw niya itong pagnasaan. She just wanted to be… friendly with him. Yes, being friendly with Francois was safer. Period.
Nang humimpil sa mansion ang sasakyan ay kinakabahan siyang bumaba. Ang totoo ay hindi niya alam kung anong reception ang matatanggap niya sa pagpunta niya doon. Malamang ay inaasahan ng lahat na tuluyan na niyang tinanggihan ang pamana ng lolo niya.
“Ate Amiraaaaa!” tili agad ni Eira nang paakyat na siya ng porch. Dali-dali siyang niyakap nito. “Ate! Ate! Ate!”
“Ang dami namang ate no’n,” nausal niya at muntik nang mawalan ng balanse sa higpit ng pagkakayakap nito.
“Kasi masaya ako kasi nandito ka na. Akala ko kasi hindi ka na babalik.” Nagtatakbo ito pabalik ng mansion. “Mga ateeeeeee! Nandito na ulit si Ate Amiraaaa!”
Umaalingawngaw ang boses ni Eira sa tahimik na mansion. Isang kawaksi ang kumuha ng gamit niya subalit tumanggi siya. Di siya sanay nang pinagsisilbihan. Kanya-kanyang salubong sa kanya ang ibang kapatid niya.
“Sabi na nga ba’t babalik ka. We are happy that you are here,” wika ng panganay na si Yumi.
“Alam kong di ka makakatiis, sister,” sabi naman ni Vera Mae na bineso-beso siya.
Di niya alam kung inosente ang sinabi nito o malaman. Pero dahil maganda naman ang ngiti ni Vera Mae ay tipid lang siyang ngumiti. Napansin niyang nakamasid lang sa isang tabi si Ailene at alam niyang di nito feel ang presensiya niya doon. That was fine with her. Wala naman siyang problema sa mga kapatid niya basta ba hindi siya kinokontra ng mga ito.
“Mukhang nagkakatuwaan kayo dito,” anang si Caridad na nasa gitnang baitang ng grand staircase. “What is the fuzz all about?”
“Bumalik na po si Ate Amira,” sabi ni Eira.
Nakita niya ang pagkakapatda ng mukha ni Caridad, subalit nakabawi naman ito at ngumiti agad. “Oh! Welcome home, Amira.”
Home? That cold mansion didn’t feel like home to her, especially with her wicked stepmother waiting for her. Pero simple lang naman ang labanan na ito. Kung sino ang unang masisindak at mawawalan ng hinahon ay siya ang talo.
Ngumiti lang siya kay Caridad. “Thank you.”
“Why don’t we let Amira settle in her room first? Mukhang kailangan niyang magpahinga, girls,” anang madrasta sa suwabeng boses at tumawag ng kawaksi para tulungan siya sa dalahin niya. “Doon ka pa rin sa dati mong kuwarto, hija. Come. Dahil magtatagal ka dito, sabihin mo lang sa amin kung may gusto kang idagdag at may kailangan ka.”
“I am okay with my room,” sabi niya at nagpasalamat sa kawaksi nang iwan na ang mga gamit niya sa kuwarto niya.
Akala niya ay aalis si Caridad kasunod ng kawaksi subalit naiwan pa rin ito sa silid niya. Narinig na lang niya ang pagsara ng pinto at ang kasabay niyon ay nawala na ang ngiting maskara sa mukha nito.
“Anong ginagawa mo dito? Akala ko ba hindi ka interesado sa kayamanan ng mga Banal?” walang kangiti-ngiting tanong nito.
Nagkibit-balikat siya at binuksan ang zipper ng backpack niya. “I am not interested with the money if that is what you are asking. Kukuhanin ko lang naman ang dapat na para sa akin.”
Ngumisi ito na parang nakaka-insulto. “Yes. Like thirty percent of Banal Mining Corporation. Hindi barya ang pinag-uusapan natin dito. What happened, my dear stepdaughter? Hindi ako makapaniwala na ibababa mo ang prinsipyo mo para lang sa bundok-bundok na ginto. I can’t blame you. Kahit naman sino ay pwedeng masilaw kapag nasa harap na nila ang kayamanan. And it is all yours. Wala kang kahirap-hirap. Wala ka ring ipinagkaiba sa akin.”
Mas magandang ngiti ang ibinigay niya dito. “I am sorry to disappoint you, stepmom. Wala akong planong isuko ang lahat ng pinaniniwalaan ko para sa pera. Marami pa akong mas magandang plano kaya ako nandito.”
Unti-unting nawala ang pagkakangisi nito nang mahulaan kung anong tinutukoy niya. “What are you planning? Pababagsakin mo ang Banal Mining Corporation?”
“Why not? Thirty percent is thirty percent after all. Hindi naman ako interesado sa pera kaya...” Pumitik siya. At hinayaan na niya itong dugtungan kung anuman ang binitin niya.
Nanlisik ang mga mata nito at hinaklit ang braso niya. “No! Hindi ako papayag. Pinaghirapan ni Papa ang kompanya. Iyon ang pinakamalaking negosyo niya. Marami kaming makakalaban mo. Hindi ako papayag na sirain mo ang simbolo ng pamilyang ito. Kayang-kaya kitang durugin kung gugustuhin ko. Wala akong pakialam kahit na anak ka pa ni Alfie.”
Pinigil niyang mapaigik sa sakit lalo na’t nararamdaman niya ang pagbaon ng daliri nito sa balat niya. Nanatili siyang matatag habang nakikipaglaban ng tingin dito. “Alam ko kung ano ang kaya mong gawin. Kahit naman dati wala kang pakialam kahit na anak ako ni Alfie Banal. Huwag kayong mag-alala. Anim na buwan lang naman ang kailangan ninyong pagtiisan. After that, I will be out of your hair. And if it is any consolation, isang malaking sakripisyo din sa akin ang anim na buwan na iyon.”
“Isa lang sa atin ang pwedeng matira. At sinasabi ko sa iyo na ngayon pa lang, hindi matutuloy ang mga plano mo. You are still a kid, Amira.”
Sasagot pa sana siya nang biglang may kumatok sa pinto. “Ate Amira! Ate Amira! Ipinasusundo ka na nila Ate Vera Mae. Kumain na daw tayo.”
“Pwede ko bang pagbuksan si Eira ng pinto?” magalang niyang tanong kay Caridad na hawak-hawak pa rin ang braso niya. “O gusto mong sabihin ayaw mo pa akong pakawalan dahil may pinag-uusapan pa tayong mahalaga. About your history perhaps?”
Padarag nitong binitiwan ang braso niya. “Don’t test me, Amira. Hindi mo gugustuhing maging kaaway ako.” At saka nito binuksan ang pinto.
Nagulat si Eira nang makita ito. “Mommy, nandiyan din po pala kayo.”
Awtomatikong ngumiti si Caridad. “Nagkaka-kwentuhan kami ni Amira.”
“Susunduin ko po siya para magmiryenda. Kain din po tayo, Mommy.”
“Hindi na. Magpapahinga pa ako.” Nilingon siya ni Caridad. “Mag-iingat ka, hija.” Binigyan siya nito ng makahulugang tingin. Isang babala.
Ngumisi siya sa madrasta. Nagsisimula pa lang ang labanan nila. At alam niyang sa labanang ito ay hindi siya maaring matalo.