Barely Heiresses: Amira Chapter 31

“Amira, ano ang sinasabi mo na kailangan mong maiwan sa Sagada sa loob ng isang buwan dahil iyon ang hinihingi sa iyo ni Don Alfonso?”

Parang gusto nang sumabog ni Himaya habang kausap siya. Hindi iyon ang usapan nila at natural lang na magalit ito. But she really felt miserable inside. At nakita rin ng ina niya ang struggle niya. Idagdag pa na parang gulong-gulo ang pagkatao niya mula nang makita si Alfie Banal sa ospital. And she couldn’t tell that to her mother.

Tinabihan siya nito sa kama at hinawakan ang kamay niya. “Anak, napag-usapan na natin ito. Tatalikuran mo anumang yaman ang ipapamana sa iyo ni Don Alfonso. Hindi mo iyon kailangan. Hindi mo kailangang magpadikta sa kanya.”

“Kailangan kong sundin ang habilin niya kung gusto kong makuha ang Kanayama.”

Nahigit nito ang hininga. “Anong kinalaman ng Kanayama dito?”

Mula sa bulsa ng jacket niya ay inabot niya dito ang sulat ni Don Alfonso. Nakita niya ang paglalaro ng emosyon sa mukha ng ina. Masakit para dito na mabasa ang kumpirmasyon ni Don Alfonso kung paano itong pinaikot ng ama niya para lang sa makuha ang minahan. Na ang lalaking minahal nito ay di talaga ito minahal kahit na minsan. “Anim na buwan bilang special projects manager ng Banal Mining Corporation? This is more than just a month, Amira! Kalahating taon mong titiisin ang pagiging bahagi ng minahan.”

“Para sa Kanayama. Nanay, ito na ang pagkakataon natin. Kailangan natin silang protektahan. Nandoon pa sila Apo Semblat at Idang Asra,” tukoy niya sa magulang ng ina, ang lolo at lolo niya. “K-Kung maibabalik po natin ang Kanayama sa mga Lambayan, hindi na nila kailangan pang umalis doon. At baka… umaasa ako na baka sakaling matanggap nila tayo.”

“Amira,” malungkot nitong usal at niyakap siya.

“Nanay, ginagawa ko ito para sa inyo. Matagal na ninyong gustong bumalik kay Apo Semblat. Gusto ko na matanggap ulit niya kayo. Gusto ko rin patunayan sa kanila na hindi ako malas dahil lang may dugo akong Banal. Gusto ko pong maramdaman na buo ang pagkatao ko. Maliit na sakripisyo lang po ito kung makukuha naman natin ang mga bagay na pinapangarap natin noon pa.”

Alam niyang hindi magiging madali ang lahat pero gagawin niya ang lahat para sa tribo ng kanyang ina at sa kanyang ina mismo. Oras na para maituwid ang mali. Mahirap ang pagsubok na ito pero ito lang ang pagkakataong nakikita niya.

Tama si Attorney de Guzman. Nasa kanyang mga kamay ang kapalaran ng Banal Mining Corporation at ng Kanayama. Hindi niya dapat isipin na siya ang dehado dito. Kung tama ang mga desisyon niya, magtatagumpay siya sa lahat ng plano niya. Who knows? Baka magawa din niyang ipatigil ang operasyon ng Banal Mining Corporation sa darating na panahon gamit ang thirty percent ng shares niya.

Hinigpitan nito ang yakap sa kanya at saka kumalas sa kanya. “Hindi ko alam kung ito ang tama mong gawin. Baka binibitag ka lang ni Don Alfonso. Anuman ang plano mo, tiyak din na gagawa ng paraan si Caridad para di ka magtagumpay. Mag-iingat ka sa mga taong nakapaligid sa iyo. Hindi mo alam kung sino sa kanila ang dapat mong pagkatiwalaan.”

Naguguluhan niyang pinagmasdan ang ina. “Binibigyan ba ninyo ako ng advice dahil pinapayagan ninyo ako sa plano ko o tinatakot po ninyo ako para umurong ako?”

Hinaplos nito ang buhok niya at nakita niyang wala na ang pag-aalala sa mukha ng ina, “Sa palagay ko ay matanda ka na. Oras na para pabayaan kita sa mga desisyon mo sa buhay. This is your journey now, Amira. Sapat na ang mga naituro ko sa iyo bilang ina. Sana lang ay sapat na ang lahat ng iyon para sa laban na kakaharapin mo. Kung hindi man iyon sapat, alam ko na sa paglalakbay mo ay matututunan mo rin ang mga iyon. At huwag mong kakalimutan na nandito lang ako para sa iyo.”

“ANG bilin sa akin ni Tita Himaya, alamin ko daw kapag may umaapi-api sa iyo sa mansion. Baka daw may maldita kang kapatid o kaya ang madrasta mo. Susugod daw agad siya dito para sa iyo,” sabi ni Estephanie kay Amira habang hinihintay nila ang order na lemon pie at hot mountain tea.

Katatapos lang nilang ihatid sa bus terminal ang kanyang ina. Kinuha nito ang huling trip ng bus pabalik ng Baguio. Ngayon ay kumakain sila ng lemon pie sa Sagada Canteen habang hinihintay niya ang susundo sa kanya patungo sa mansion ng mga Banal kung saan siya tutuloy sa loob ng isang buwan kasama ang ibang kapatid niya.

Napangiti na lang siya nang maalala ang ina na kuntodo ang bilin sa kanya. Kahit na sinabi nitong pinagkakatiwalaan na siya nito at hinahayaan na siyang magdesisyon para sa sarili niya ay di mawawala ang pagiging nanay nito.

“Hindi naman na ako bata. Kaya ko nang harapin ang mga laban na ito. Di naman pwedeng laging nandiyan si Nanay para sa akin. Saka di naman ako bida sa isang teleserye na aapi-apihin. Kailan ba naman ako nagpaapi?”

“Tama ka diyan. Pero sana naman ngayong tagapagmana ka na, sa ibang lugar mo naman ako ilibre. ‘Yung mas sosyal na kainan na babagay sa mga Banal. Ni hindi mo nga ako inilibre ngayon,” nanghahaba ang ngusong sabi ng kaibigan. “KKB pa rin tayo. Ang kuripot mo talaga.”

Pasimple niyang sinipa ang paa nito sa ilalim ng lamesa. “Anong sinasabi mo diyan?” angil niya at luminga sa paligid. May ibang mga matatandang nagkakape sa kabilang mesa at napatingin sa kanila. Di niya alam kung kalat na sa buong bayan kung sinu-sino ang mga apo ni Don Alfonso pero di pa rin siya komportable na kilalanin bilang isa sa mga ito. She didn’t feel like an heiress. She was not after being a rich Banal. She just wanted her mother’s heritage back.

“Huwag mo nang ikaila ang katotohanan. Isa kang heredera. Whether you like it or not, isa kang Banal. Dapat gumagalaw ka nang ayon sa yaman at ganda. At siyempre bagay din sa iyo na may kasamang hot na hot na boyfriend.”

Tumirik ang mga mata ni Amira. “Please! Hindi ako interesado. Alam mo naman kung bakit ko ito ginagawa.”

“Oo na. Para sa sagradong lupain ng tribo ng nanay mo. Pero pwede bang huwag ka namang magpaka-seryoso sa buhay minsan? Kalimutan mo muna ang pakikibaka mo para sa kultura at sa kalikasan. You need a personal life. A love life to be exact. Ako ang bestfriend mo. Gusto ko naman kahit minsan sa buhay mo makita kong magningning ang mga mata mo dahil sa pag-ibig sa isang makisig na lalaki. Ako ang magiging pinakamasayang tao para sa iyo, my friend,” sabi ni Estephanie at ginagap ang kamay niya. “Gusto kong maramdaman mo kung anong kaligayahang nararamdaman ko nang ma-in love.”

“Kumain ka na nga lang. Gutom ka lang kaya kung anu-anong sinasabi mo. Ako na ang manlilibre sa iyo,” sabi niya nang sa wakas ay ilapag sa harap nila ang bagong gawang lemon pie.

Hindi niya alam kung bakit kailangang ipagpilitan ng kaibigan niya na ma-in love siya. Porke’t in love ito ay damay-damay sila? Masaya na siyang walang love life. Matapos ang traumatic na karanasan ng nanay niya sa pag-ibig, di niya nanaising maulit iyon sa kanya. Sabihan na siyang abnormal pero pwede naman siyang mabuhay kahit na walang pag-ibig. Kaysa naman magkadurog-durog ang puso niya at bumagsak ang mundo niya. No, thank you.

Lumagpas sa balikat niya ang tingin nito. “Uy! Si Chef Aklay!”

“Nasaan?” tanong agad niya at lumingon sa likod niya. Kumunot ang noo niya dahil wala namang tao sa labas ng canteen. Nakasimangot niyang tiningnan ulit si Estephanie. “Wala naman si Francois. Anong trip iyan?”

Ngumisi lang ang kaibigan sa kanya. “Finally got a reaction from you. Huh! Kay Chef Aklay ka lang pala lilingon. Kapag binabanggit ang ibang lalaki, wala ka namang pakialam. Deadma ka lang. Minsan nga nasa tabi mo na, ni hindi mo nililingon man lang unless may pag-uusapan na trabaho.”

Talaga? Hindi niya alam na ganoon siya sa ibang lalaki. O iba ang reaksyon niya pagdating kay Francois. Ang alam niya ay iisa lang naman ang reaksiyon niya sa mga lalaki. Wala siyang pakialam. Sinong niloko mo? Mula sa simula pa lang, iba ang reaksiyon mo kay Francois.

“Kaya lang ako lumingon kasi akala ko siya ang sundo ko,” nanghahaba ang nguso niyang sabi at sumubo ng lemon pie. “Walang ibang ibig sabihin iyon.” Subalit di pa rin nawawala ang panunukso sa labi ng kaibigan. “Wipe that grin off your face. Hindi nakakatuwa.”

“Ang bilis mong mapikon. Di ka naman pikon kapag tinutukso kita sa iba. Ganyan ang sintomas ng may gusto ka sa isang tao. Sekreto lang naman natin kung crush mo nga siya,” sabi nito at kinindatan siya.

“Crush ka diyan. Ano ako? Teenager?” tanong niya at sumubo ng lemon pie.

“Kung ayaw mong crush, e di may pagnanasa ka. Di naman maiiwasan iyon dahil lagi kayong magkasama at pagkakisig-kisig naman talaga niya. Normal lang iyan. Mahirap tanggihan ang tawag ng laman kapag si Chef Aklay ang pinag-uusapan. Parang isa siyang ulam na masarap papakin.”

Nakangiwi siya sa description nito kay Francois. “Pwes, hindi ako normal. Kaya huwag kung anu-ano ang iniisip mo kay Aklay. Di ako affected. Siguro masarap siyang magluto pero hanggang doon lang.”

“E di ikaw na ang abnormal. Basta hindi ako tatanggi na pinagnanasaan ko si Chef Aklay.” Bumuntong-hininga ito. “Kung alam mo lang ang ganitong feeling. Siyempre hindi ito kapareho ng love pero sana kahit pagnanasa maramdaman mo. Come on! Dapat kapag heiress ka, exciting ang buhay mo. At kung kay Chef Aklay ka mapupunta, hindi ka na lugi doon. Ang ganda ng lahi, masarap pang magluto.”

Una, crush lang. Tapos ay naging pagnanasa. Ngayon ay usapang lahi na. Hindi na lang siya kumibo at baka kung saan pa mapunta ang pinag-uusapan nila ng kaibigan. Wala siyang planong magpa-brainwash dito. Yes, Francois was okay. Hindi na sila nagbabangayan nitong huli at naa-appreciate niya na naroon ito sa tabi niya kapag kailangan niya ito. Pero hanggang doon lang iyon. Walang malisya sa kanya. Ayaw niyang maging assumingera at malisyosa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.