"Attorney, kasing hirap ba ng proviso ko ang proviso ng mga kapatid ko?" tanong ni Phoenix kay Attorney Ferrer habang katabi ito sa likod ng Ford Everest. Hindi pa man sumasabog ang liwanag ay umalis na sila ng Banal Mansion at bumibiyahe sila sa kalsada palabas ng Mountain Province patungo ng Baguio.
Isang mabait na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. "You know that I can't break your grandfather's confidence, hija. Ang masasabi ko lang ay kung anuman ang hiniling niya sa mga kapatid mo, para rin iyon sa kabutihan nila,” wika nito sa malumanay na boses.
Bukas na bukas din ay gaganapin na ang shareholder's meeting at dadalo din ang board of directors para ipakilala siya bilang major shareholder at bagong special projects manager ng Banal Mining Corporation.
"I don't really know why he is making my life miserable. Such a manipulative old man. Good luck na lang sa iba sa kanila."
Kung pagbabasehan ang ginawa ng lolo niya sa kanya, malamang ay maghihirap din ang mga kapatid niya bago makuha ang mga pamana ng lolo niya. She was blackmailed into attending the reading of the will. At ngayon ay pinipilit siya nitong gawin ang bagay na kinamumuhian niya para lang maprotektahan ang sagradong lupain ng tribo ng nanay niya. How sadistic!
"Saan pala tayo tutuloy, Attorney?" tanong niya sa matandang lalaki.
"May vacation mansion ang Papa mo. Doon sila tumutuloy ng madrasta mo kapag nasa Baguio. Sabi sa akin ni Carrie ay nagpahanda na siya ng kuwarto para sa iyo. Doon ka na daw tumuloy para magkasama kayo at maipasyal ka rin niya sa Baguio. Gusto ka daw niyang ipakilala sa mga amiga niya. Mas nauna lang tayo ng isa o dalawang oras sa kanya dahil gusto niyang makasamang mag-agahan ang ibang kapatid mo. Marami pa siyang ibibilin dahil ilang araw din siyang mawawala."
"Attorney, sa iba na lang po ako tutuloy. May pera naman ako para makapag-check in sa inn."
Mas gugustuhin niyang tumuloy sa isang mumurahing accommodation na manipis ang dingding at may mga ipis at daga kaysa sa mismong bahay ni Caridad. Ayaw niyang de numero ang kilos sa pamamahay nito.
"No! Isa ka nang Banal ngayon. Baka bumangon sa libingan si Alfonso kapag sa kung saang mumurahing lugar ka tutuloy. May iba siyang properties at hotel sa Baguio. Mamili ka."
"I want a place that is befitting for a special projects manager."
Hindi siya komportable na tumuloy sa mansion ng mga Banal o sa hotel ng mga ito. Pagsisilbihan na parang prinsesa. Kahit pa sabihing isa siyang Banal ay hindi niya nais masanay sa marangyang buhay lalo na't hindi niya pinaghirapan.
Mariing nagdikit ang mga labi ni Attorney Ferrer na parang pinag-iisipan pa kung saan siya idadala. "Doon ka na lang sa cottage na pag-aari ng Banal Mining Corporation. Palagi iyong nililinis para sa mga bagong managers na pinapadala dito. Pero maliit lang iyon. Wala ka ring makakatulong. Pero pwede naman akong magpadala ng mag-aasikaso sa iyo."
Umiling siya. "Hindi na po kailangan. Mas gusto ko po ng privacy ko. Kaya ko na pong asikasuhin ang sarili ko. Salamat po."
Ipinikit niya ang mga mata at pilit na umamot ng tulog habang may kinakausap ang matandang abogado para magbigay ng instruction. Nang magising siya ay naiipit na sila sa trapiko. Nasa La Trinidad na sila, ang kapitolyo ng Benguet.
“Ilang sandali na lang tayo, hija. May labinlimang minuto lang ang layo ng main office ng Banal Mining Corporation sa cottage. Magtatalaga ako ng sasakyan at driver para sa iyo.”
“Kung hindi naman po liblib ang lugar, pwede na po siguro akong mag-jeep o mag-taxi.”
“Pero hindi ka pwedeng pumunta sa opisina nang naglalakad lang o akay ng taxi. Isa ka nang Banal, hija. At hindi lang basta isang Banal. Pag-aari mo ang thirty percent ng Banal Mining Corporation. May mga expectations sa iyo ang mga tao at may imahe ka na kailangang protektahan.”
No. She couldn’t argue with a lawyer as good as Attorney Ferrer. Pero pwede siyang makipag-compromise. “Ganito na lang po. Para sa mga opisyal na lakad ko para sa kompanya, okay lang sa akin na may service. Pero para sa mga personal kong lakad, ako po ang bahala.”
“Pero paano ang proteksiyon mo, hija? Hindi naman pwedeng…”
“Attorney, I’ve been to hostile places so many times before. Nagagawa kong makipag-dayalogo sa mga armadong tao. Sa palagay mo ba ay kailangan ko ng proteksiyon mula sa iba? Kaya ko pong proteksiyunan ang sarili ko.”
Mataman siya nitong pinagmasdan. “Pagbibigyan kita sa ngayon, hija.”
Nagpasalamat siya at gumuhit ang matagumpay na ngiti sa labi niya.
Maya maya pa ay kaunti na ang bahay na nadadaanan nila. Lumiko ang kotse at umakyat sa aspaltadong kalsada. Nagtataasan ang mga puno sa magkabilang gilid ng kalsada. Kapuna-puna ang mga bulaklak na namumulaklak sa tabi ng daan. Di nagtagal ay tumigil ang sasakyan sa harap ng berdeng gate. Matapos ang ilang busina ay binuksan na iyon ng guwardiya.
Lumapit sa kotse ang guwardiya at sumilip sa bintana. Ibinaba iyon ni Attorney Ferrer. “Attorney, good morning po. Good morning din po, Ma’am.”
“Siya si Miss Amira Banal, apo ni Don Alfonso. Dito muna siya tutuloy sa ngayon. Angeles, ikaw na ang bahala sa kanya habang nandito. Inaasahan namin na ikaw ang mangangalaga sa kanya.”
“Wala pong problema, Attorney. Naka-ready na po ang cottage ni Ma’am.”
Namangha siya nang sa wakas ay pumasok na ang sasakyan sa loob ng compound. Bukod sa nagtataasang mga puno, may nakita pa siyang ilang bahayan doon. Ayon sa abogado ay nagsimula lang iyon sa isang lodge hanggang dumami na nang lumaki na ang kompanya.
May sampung ektarya din ang lawak ng property na iyon. Ibinaba niya ang bintana at tiningala ang nagtataasang puno ng mga pine tree. Naramdaman niya ang malamig na ihip ng hangin na humahampas sa mukha niya. Mukhang makakahinga siya dito.
Di nagtagal ay humimpil na ang kotse sa harap ng isang asul na English style cottage. Namumukod-tangi iyon sa mga bungalow style na bahay na nadaanan nila kanina. Isang babaeng nasa mid-twenties na nakapustura at isang matandang babae na nakasuot ng duster.
“This is Brynette Sacamoro. Siya ang magiging sekretarya mo at personal assistant.”
Kinamayan niya ang babae. "Hello, Brynette! Ako si Amira Catindig," pagpapakilala niya.
"Amira Catindig-Banal," pagtatama ni Attorney Ferrer.
Of course. Hindi niya pwedeng kalimutan iyon. Isa siyang Banal.
“At siya naman si Manang Nene,” tukoy ni Attorney Ferrer sa matandang babae. “Siya ang tagabantay dito at tagalinis sa compound.”
“Magandang umaga po, Ma’am. Kahawig po ninyo si Donya Celestina,” anitong parang kinikilig pa.
Napangiti siya sa ideyang iyon. “May mga nagsasabi nga po.”
“Kung may kakailanganin ka ay sabihin mo sa kanya. Nasa kabilang cottage lang siya ilang metro mula dito. May intercom naman,” anang si Attorney Ferrer.
"Si Brynette na ang bahala sa iyo. Meeting pa ako ngayong alas dose sa Baguio. Kung anuman ang kailangan mo ay sabihin mo lang kay Brynette. Susunduin kita bukas para sa meeting ng eight-thirty,” sabi nito.
Matapos magpasalamat sa abogado ay umalis na ito. Sinabi naman ni Brynette na nakahanda na daw ang pagkain sa likod-bahay.
Maaliwalas ang bahay. Di niya mapigilang haplusin ang stripped white and light blue na wallpaper na may print ng maliliit na bulaklak. It was like a quiet little home in an English suburbs. Light blue ang sofa na nasa tabi ng puting bintana. Maging ang hagdan ay puti rin.
Umakyat siya sa taas at bumungad sa kanya ang kuwarto na old rose naman ang kulay ng wallpaper. Binuksan niya ang bintana at nilanghap ang malamig na hangin. Nasa mataas na lugar ang cottage na iyon. Tanaw niya mula sa bintana ang siyudad ng Baguio. Parang malayo iyon sa kanya at di inaabot ang cottage ng ingay ng lungsod.