Gusto niya ang ganitong pakiramdam. Mag-isa lang siya, payapa ang isipan at makikipag-usap at makikipagparamdaman lang siya sa kalikasan. Sa palagay niya ay makakapagpahinga siya buong maghapon. Kailangan lang niyang idispatsa ang personal assistant niya.
Nanlaki ang mata niya nang makita na may naka-set up na mesa sa hardin sa likod-bahay at may dalawang waiter pa na nakaantabay sa mesa. There was even a violinist who started playing a Tchaikovsky violin concerto piece. What is the meaning of this?
Dali-dali siyang bumaba at nagtungo sa likod-bahay. "A-Anong mayroon?" tanong niya kay Brynette. "Bakit may waiters pa at ganitong table set up? May iba pa bang dadating na bisita?"
"Wala po, Ma'am. Kayo lang po ang pagsisilbihan nila. Gusto lang po namin na maging relaxed at komportable kayo. Hindi po ba ninyo nagustuhan?" nag-aalalang tanong ni Brynette.
"Hindi naman na kailangan ito." Ang plano nga niya ay kumain lang sa isang simpleng restaurant o sa karinderya.
"Gusto po ba ninyong paalisin ko sila?" tukoy nito sa violinist at sa dalawang waiter.
"No, no, this is fine." Baka mamaya ay sumama pa ang record ng mga ito dahil tumanggi siya. They were just doing their job. "Give me ten minutes. I just need to fix myself."
Naghilamos si Amira at nagpalit ng mas komportableng dress saka sinuklay at ipinusod ang buhok. Nang umupo siya ay nagkukumahog naman ang mga waiter na dulutan siya ng pagkain. Pagkatapos ay tumayo ang dalawa sa tabi ni Brynette habang hinintay siyang kumain. Animo’y mga utusang naghihintay ng utos mula sa amo ng mga ito.
Napatitig lang siya sa mga pagkain. Hindi siya komportable na mag-isa lang siyang kumakain habang nakatanghod lang sa kanya ang iba. Masyadong marami ang pagkain para sa isang tao lang.
Mas malala pa ito kaysa kung tumuloy siya sa isa sa magagarbong bahay ng mga Banal o kaya ay sa hotel. Akala niya ay matatakasan niya ang pagiging Banal doon siya tumuloy.
Ngumiti siya at kinawayan ang mga ito. "Samahan na ninyo akong kumain.”
"Hindi po, Ma'am," tanggi ni Brynette at umiling. “Para lang po talaga iyan sa inyo.”
Biglang naging seryoso ang anyo niya. "Kung hindi ninyo ako sasabayan, hindi ko kayo mabibigyan ng magandang recommendation," tukoy niya sa waiter at violinist saka tumutok ang mata kay Brynette. "And I might as well fire you."
"Ma'am, heto na po. Sasaluhan na po namin kayo." Nilingon ni Brynette ang waiters at violinist. "Ano pang itinatayo ninyo diyan? Kunin na ninyo ang extra table sa loob para masaluhan natin si Ma'am Amira. Dali!"
Nagkukumahog ang tatlong lalaki na kunin ang mesa sa loob at i-set up para makakain na rin ang mga ito.
She didn't want to use that haughty tone. Ayaw din sana niyang umaktong arogante lalo na sa bagong sekretarya niya, pero kailangan niyang gawin kaysa naman kumaing mag-isa.
Saka lang naging normal ang pakiramdam niya nang makasalo na niya ang mga ito. Nalaman niya na pawang scholar ng Banal Mining Corporation ang apat o kaya ay nagtatrabaho sa Banal Mining ang magulang ng mga ito. Wala siyang natanggap kundi papuri sa kompanya.
"Sana nga po mas umunlad pa ang Banal Mining Corporation sa ilalim ninyo," sabi ni Mike na isa pa sa waiter.
Okay. Hindi niya alam kung scripted ito para maging maganda ang reputasyon sa kanya ng minahan. Hindi niya alam kung nagpapa-good shot lang ang mga ito sa kanya o napaghandaan na ng mga kinauukulan ayon sa utos ng lolo niya o madrasta niya kung anong sasabihin sa kanya oras na mapag-usapan ang minahan. Hindi naman ganoon kadaling mababago ang isip niya at plano niya.
Nagpasalamat siya sa mga ito matapos ang tanghalian. “I will see you tomorrow at the office, Brynette.”
"Ma'am, may schedule po kayo para mag-shopping sa Skyland Boutique," sabi ni Brynette nang makatayo na siya.
"What for?" nakataas ang kilay na tanong ni Amira.
"Para po sa wardrobe ninyo. Iyon po ang personal na pinili ng lolo ninyo para sa mga damit na isusuot ninyo sa pagtatrabaho ninyo sa Banal Mining. Susunduin po kayo ng kotse mamayang alas tres."
"Pero may mga damit na ako,” protesta niya.
"Tingnan din po ninyo, Ma'am. Baka may magustuhan po kayo."
Sa wakas ay mapag-isa na rin si Amira sa cottage nang umalis si Brynette kasama ang iba pa. Nakakabaliw ang katahimikan na dapat sana ay soothing para sa kanya pero hindi siya makahinga.
Boutique? Bagong wardrobe? Hindi niya priority ang pagsa-shopping. She had enough sensible clothes in her wardrobe. She actually brought some in her luggage. Pwede na siguro iyon para sa meeting bukas.
Narinig niyang may pumaradang sasakyan sa tapat ng cottage. Kumunot ang noo niya. Ala una y media pa lang. May sundo na agad siya? Maaga yatang masyado para sa alas tres.
Tumanaw si Amira sa bintana at nakitang ipinagbubukas ng pinto ng kotse si Caridad ng driver nito. Her Cadillac was an eyesore for her. Anong ginagawa nito doon?
Lumabas siya ng silid at dali-daling bumaba ng hagdan para harapin ang madrasta. Saktong may kumakatok sa pinto ng cottage nang makababa siya.
Binuksan niya iyon at nakaharap ang tsuper ng madrasta. "Señorita Amira, nandito po si Madam Carrie para makita kayo." At nag-sidestep ang tsuper para bigyan ng daan ang mas matandang babae.
Nakangiting naglakad si Caridad palapit sa kanya. "Hija, bakit naman dito ka tumuloy? Akala ko doon ka sa mansion namin ng papa mo tutuloy." Humalik ito sa pisngi niya pero nanatili lang siyang nakatayo. Tuloy-tuloy lang itong pumasok kahit di niya iniimbitahan at iniikot ang tingin sa loob. Pumalatak ito at umiling. "This is not fit for a Banal. Nakahanda na ang kuwarto mo sa mansion. Sumama ka sa akin."
"Salamat, stepmom, pero mas gusto ko na manatili dito sa cottage at mapag-isa,” aniya at iniwang bukas ang pinto. Para rin malaman ng madrasta nito na bukas lagi ang pinto para sa pag-alis nito.
"If you prefer to stay here, how about we go shopping instead? Bukas na ang board meeting at maganda kung tulungan kitang mamili ng isusuot mo. You must make a good impression.”
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Of course, her gypsy skirt and plain black blouse was not acceptable for her stepmother.
"May appointment na ako sa Skyland Boutique para mamayang hapon. You see, hindi naman ako inosente pagdating sa fashion. Alam ko kung anong bagay sa akin. Bata pa lang ako, nakaka-attend na ako sa mga conference sa ibang bansa, nakikihalubilo sa iba't ibang dignitaries at alam ko kung paano sila pakiharapan. Huwag kayong mag-alala. Hindi ko ipapahiya ang pangalan lang ng mga Banal dahil lang sa fashion sense ko.”
Sinapo ni Caridad ang dibdib habang nakaawang ang mga mata. "Hindi ko sinasadyang insultuhin ka, hija. I am just being nice."
"Magiging mabait ka sa akin katulad ng pagiging mabait mo sa nanay ko at saka mo ako sasaksakin sa likod?” Ngumisi siya. “Salamat na lang. Huwag ninyong aksayahin ang oras ninyo na maging mabait sa akin kung hindi naman totoo. I don't know why you even bother. Malibang nandito ka para pamukhaan ako sa mga kakulangan ko bilang isang Banal."
Umupo ito sa single seater sofa at nag-de kuwatro na parang reyna. "Dahil iniisip ko na hindi natin kailangang maging magkalaban. You have shares with Banal Mining Corporation. Mayroon din naman kami ng Papa mo. Pwede naman tayong magkaisa. Pareho tayong makikinabang kung makikiisa ka sa mga plano at layunin namin. I am sure, ipinamana sa iyo ni Papa ang kompanya para makita mo na walang mangyayari sa misplaced na pagprotekta mo sa kalikasan. Hindi mo rin masasagip ang mundo. Walang mangyayari sa pagiging superhero mo."
Bingo! Sinasabi na nga ba niya’t may di ito magandang pakay sa kanya. Seriously, makikikampi siya sa mga layunin nito? Hindi siya nito kilalang mabuti.
"Thanks for the visit, stepmom. I will see you tomorrow."
Hindi na lang niya sinabi dito kung saang tambakan ng basura nito pwedeng dalhin ang suhestiyon nito. Bukas ang simula ng kanilang pagtutuos.
"Think about it. Wala nang bayani sa panahon ngayon, Amira. This is me being kind to you. Mas mabuti akong kakampi. Hindi ako madaling kaaway."
"I don't need your fake kindness. Matagal mo na akong kaaway nang akitin mo ang tatay ko at ilihim mo sa kanya ang pagkatao ko. Kung anuman ang plano ninyo laban sa akin, just bring it on," aniya at itinaas ang noo.
"Let's see, shall we? Let's see." Naglakad ito patungo sa pinto. "Doro!" Binuksan ng driver ang pinto mula sa labas at mistulang reyna na naglakad palabas ng pinto ang madrasta niya.
Natitiyak niya na may malaking planong ihinahanda si Caridad. At sa pagtapak niya sa Banal Mining Corporation bukas, alam niyang nag-iisa niyang haharapin ang mga kalaban.