HINDI maintindihan ni Lora kung bakit siya isinama ni Alexandros sa opisina nito. Napag-usapan na nilang hindi muna siya magtatrabaho sa buong durasyon ng pagbubuntis niya. Kahit hindi naman ipinagbawal sa kanya ang pagtatrabaho ay minabuti na lang nila na iwasan iyon para maiwasan rin ang stress. Dahil nahihiyang na si Lora na maging typical wife nito ay pumayag siya sa gusto nito. Isa pa ay medyo nahihirapan siya sa pagbubuntis dahil delayed yata ang paglilihi niya. Ngayon niya nararamdaman ang mga pagsusuka sa umaga at ang madalas na pagkahilo. Pero sa tuwina ay nandoon naman si Alexandros para suportahan siya. Madalas itong nagpapa-late sa trabaho kahit hindi nito ugali iyon dahil gusto muna nitong maayos siya bago ito umalis.
Mas lalo pa niyang nagustuhan si Alexandros sa mga nakaraang araw. He became more attentive, sweeter than ever. Ayaw man magpaapekto ni Lora sa mga ginagawa nito ay hindi niya maiwasan. She loves the feeling whenever she was with Alexandros.
“Is everything in order now?” tanong agad ni Alexandros sa sekretarya nito. Tumango naman ang sekretarya at iginaya sila sa meeting room. Lalong nagtaka si Lora kung bakit isinama pa siya nito papunta roon.
Simula nang maging mag-asawa sila ay hindi iyon ang unang beses na nakatuntong siya muli sa AZ Advertising na siyang pinaka-hands on na business nito. Nang makarating sila sa New York ay inabala pa nitong magkaroon ng party kahit marami itong tambak na trabaho mula sa matagal nitong pagkakawala sa kompanya. Party iyon para ipakilala siya bilang asawa nito. Dahil sa ginawa nitong iyon ay pakiramdam niya ay ito pa ang mas masuwerte sa kanila. Mukha kasing proud na proud ito sa kanya. At gustong-gusto naman niya ang pakiramdam na iyon.
“Ano bang mayroon?” sa wakas ay naitanong niya kay Alexandros pagkapasok. Nang tumingin siya sa buong kabuuan ng meeting room ay napansin niya ang malaking LCD at laptop. Nagulat siya sa bumungad sa LCD screen. Napakapit siya kay Alexandros.
“Y-you don’t mean---“
Ngumiti ito sa kanya. “Don’t freak out. Gusto ko lang magkaayos kayo ng mga magulang mo,” iginaya siya nito sa swivel chair na nasa gitna. Pero pinigilan niya ito.
“N-no….” pagtanggi pa niya. Mas lalong humigpit ang hawak niya sa braso nito. “Umuwi na tayo,”
“Come on, Agape mou. Mag-a-alas dose na sa kanila. `Wag mo silang puyatin. And I prepare this especially for you. Please, `wag mo naman sayangin ang effort ko,”
Huminga nang malalim si Lora at tumingin sa mga mata nito. Simula nang mangyari sa kasal nila ay iniwasan na niya ang makipag-usap sa pamilya sa Pilipinas lalong-lalo na sa kanyang mga magulang. Masama pa rin ang loob niya sa mga ito.
Pero ito si Alexandros at may hinanda palang sorpresa para magkaayos sila ng mga magulang. Hati ang kanyang nararamdaman. Nagtatampo siya sa mga magulang pero siyempre ay may isang bahagi rin niya ang gustong makipagbati sa mga ito. At si Alexandros… magagawa niya bang sayangin ang effort nito?
“I want everything to be all right so please…” pagkukumbinsi pa nito sa kanya. Hinawakan nito ang mga braso niya. Wala ng naggawa pa si Lora kundi ang sumunod sa gusto nito. Umupo siya sa upuan. Nang makaupo ay naramdaman niyang umalis si Alexandros sa kanyang tabi.
“`Wag kang aalis. Dito ka lang sa tabi ko,” mariing utos niya rito pero umiling ito.
“Gusto ko kayong bigyan ng oras para sa isa’t isa. `Wag kang mag-alala. Nasa labas lang ako at hindi ako aalis. You’ll be fine here. You’ll be okay,” pagpapanatag pa nito ng loob niya.
“Anak… we are sorry,” bago pa man makapagsalita si Lora kay Alexandros ay pinatigil siya nang boses na iyon ng kanyang ina. Nabitawan niya si Alexandros at hindi na namalayan ang pag-alis nito. Nanatiling nakatitig lang siya sa screen.
“Naikuwento na ni Alexandros sa amin ang lahat. Alam naming nasaktan ka namin sa pagpili kay Mira kaysa sa pag-attend ng kasal niyong dalawa ni Alexandros. We really are sorry. Masyado lang kaming kinain ng kaba sa maaring mangyari sa kapatid mo kaya hindi na namin naisip ang tungkol roon,” pagkukuwento ng kanyang ama.
Napaluha si Lora nang maalala ang mga nangyari. “Hindi niyo ako masisisi, Daddy. Ako `yung naunang naka-schedule, kayo pa ang isa sa mga namilit sa akin na magpakasal tapos sa mismong araw ay hindi kayo dumating. Maano ba ang ilang oras na pag-uwi niyo para sa kasal ko? And it wasn’t just that. Palagi kong nararamdaman na sa aming magkakapatid ay ako ang hindi niyo gusto. I guess, I am suffering from a middle-child syndrome.
“Naalala mo ba, Ma, Pa, noong highschool graduation ko? Salutatorian ako noon at maraming nakuhang award. Just recently then, naka-receive rin si Ate ng leadership award kahit first year college lamang siya. Pero sino ang mas pinuri niyo sa amin? Si Ate Clari. Tapos noong twentieth birthday ko, dapat ay may malaking birthday celebration ako dahil ang buong akala niyo ay makakapasa si Ate Clari sa board at magiging double celebration ang lahat. Pero p-in-ost pone niyo ang lahat dahil lang hindi siya nakapasa. You never even bothered to buy me a cake then dahil malungkot si Ate at hindi dapat tayo nagse-celebrate.
“College graduation. Ako lang ang natatanging nakakuha ng latin honors sa klase namin at lahat ng mga kaklase ko ay tinutukso ako na magpa-party ng dahil doon. Um-oo ako sa kanila dahil walang pagkiling na pumayag kayo agad nang sabihin ko sa inyo `yun. Pero a week before my graduation, nagkasakit si Mira at kailangan niya ng pangpa-ospital. Inintindi ko na malaki ang pangangailangan natin para sa sakit niya kaya kahit nakakahiya, I cancelled the party. Sinabi ninyo rin kasi sa akin na hindi na matutuloy iyon. Masakit sa akin `yun kasi napahiya ako. Pero alam niyo, kahit sana maliit na party lang. Kahit naghanda lang tayo kahit spaghetti…kahit iyon lang s-in-uggest niyo para hindi man lang ako napahiya sa mga kaklase ko. Pero wala akong narinig sa inyo kahit naka-graduate na ako.”
“Anak…” doon nagsimulang umiyak ang Mommy niya. “A-are you accusing us of being unfair?”
Umiling si Lora. “No… not being unfair. Siguro ay may paborito lang kayong dalawa sa aming magkakapatid,”
Nanatiling nakatingin lang sa kanya ang ama. Puro sorry naman ang narinig niya sa kanyang ina.
“Hindi ko alam na ganoon ang nararamdaman mo, Anak. Hindi ka nagsasabi,”
“I guess I am having a middle child syndrome then. Nandoon kasi ako sa feeling na ginagawa ko naman ang lahat pero parang para sa inyo kulang pa. Hindi niyo rin ako masisi kung sa aming magkakapatid, ako ang pinakamatigas. Ginawa ko iyon dahil hindi ko kayang maging mahina kung wala namang papansin sa akin. Nag-aral at nagpursigi ako sa trabaho para naman mapansin niyo rin ako. Na maging proud kayo sa akin. But I fail you, didn’t I? When I got pregnant and you can’t accept it, sobrang sakit. Noon lang ako nagkamali pero hirap na hirap kayong tanggapin `yun,”
“But its fine now. Tapos na iyon. Tinanggap ko naman. Don’t get me wrong. Hindi ko kayo sinusumbatan. Nagpapaliwanag lang ako ng mga nararamdaman ko.”
“I’m sorry. I thought I am being fair,” gumagaralgal ang boses ng kanyang ama. “Anak, if only I can hug you right now…” lumapit ito sa camera.
Kahit siya ay gusto ring yakapin ang mga magulang. Masakit rin para sa kanya ang makitang umiiyak ang mga ito. Pero sa mga sinabi ay parang lumuwag naman ang dibdib niya. She felt free.
“Hindi ka namin pinansin dahil sa inyong tatlo, alam namin na ikaw ang madaling makaka-overcome sa challenges. Ikaw ang pinakamatapang. Ikaw ang pinakamatatag. And we are proud of you for that.”
“Thank you, Mommy. Thank you, Daddy. And I’m sorry for just saying this thing right now. Sorry kung pinaiyak ko kayo. Sorry rin kung nauna akong nabuntis kaysa nakasal. Alam kong nasaktan ko kayo nang dahil roon,”
“Wala na iyon, Anak. Ang mahalaga sa amin ay pinanagutan ka ni Alexandros. At hindi rin ako nagsisi na tinakot ko siya tungkol roon. Mukhang maganda ang turing niya sa `yo,”
Nagkuwento nang buhay niya si Lora kasama si Alexandros. Lalong natuwa ang mga magulang niya sa kuwento niya tungkol sa pag-aalaga nito. Hindi na lang ikinuwento ni Lora ang tungkol sa nangyari sa pagitan niya at ng Mommy nito. Alam kasi niya na mag-aalala ang mga ito ayaw niyang mangyari iyon.
“Mukhang mahal na mahal ka talaga niya, Anak,” komento pa ng Mommy niya sa huli. Napangiti na lang ni Lora sa sinabi nito. Masuwerte nga siya sa ginagawa ni Alexandros sa kanya. Sa dami ng ginagawa nito, naisip pa nito na gawin iyon para sa kanya? Pinapahalagahan talaga siya nito. Kung sana nga lamang ay tama ang kanyang ina sa pagsasabi nito na mahal nga siya ni Alexandros at hindi lang nito ginagawa ang mga bagay na iyon bilang isang kaibigan at ama ng magiging anak niya.
Kung sana lang…sana ay pati rito ay nasabi na rin niya ang damdamin niya.
“MOVIE Date? Seryoso ka ba?”
Nang sabihin ni Alexandros kay Lora na lalabas silang dalawa ay wala sa listahan ng mga nasa isip niya ang manood sila ng pelikula. Siguro nga ay nagiging malambing ito pero hindi pa rin niya kino-consider ito bilang isang romantic na tao. Hindi rin niya alam na mahilig pala itong manood ng pelikula. They never date then. At ang mas nakakagulat pa ngayon ay isang romantic movie pa ang pinili nito para mapanood nila.
“Seryoso ako. Mukha ba akong nagloloko? Nandito na nga tayo, tinanong mo pa sa akin `yan. Saka bakit ka naman nagrereklamo? Hindi ba’t gusto mo, este gusto niyong mga babae ang ganito?”
Hindi nakaimik si Lora. Tama naman si Alexandros. Kahit matigas siya, may soft spot pa rin siya. At isa nga ang mga iyon sa romantic na bagay. Naalala niyang inilagay niya sa listahan niya na pangarap niyang manood ng sine kasama ang boyfriend niya. `Yung magho-holding hands sila, yayakapin siya nito, aakbayan at pati na rin ang susubuan pa siya sa pagkain ng popcorn. Corny man pero naisip niya talaga `yun. Napangiti tuloy siya sa isiping puwede nilang gawin iyon ni Alexandros sa loob ng sinehan.
At hindi nga siya binigo ni Alexandros. Pagkapatay na pagkapatay ng ilaw ng sinehan ay agad na hinawakan nito ang mga kamay niya. Sinubuan siya nito ng popcorn at nang maubos nila iyon ay inakbayan pa siya nito. Para silang teenager na nagde-date sa sinehan at kilig na kilig naman siya. Mas lalo tuloy niyang na-a-appreciate ang pelikula na pinapanood nila. Pero nang patapos na ang pelikula ay saka lang niya napansin na mukhang hindi naman ito talaga nanonood. Tinatanong niya kasi ito pero halos wala itong maisagot sa kanya.
“Are you really watching the movie?” namimilog ang mga mata na tanong ni Lora nang mahuli niya si Alexandros na nakatingin lang pala sa kanya.
Nakangiting umiling ito. “Tinitignan lang kita,”
“What? Hindi mo ba nagustuhan ang pelikula?”
“Hey, I can spend a whole day staring with you but I can’t watch a two-hour long movie. Hindi ako mahilig roon,”
Mas lalong kinilig si Lora sa sinabi nitong iyon. Pero kahit ganoon ay pinigilan niya ang sarili niya na mag-isip na lamang basta. Masyado nang maraming masasayang pakiramdam ang pinaramdam sa kanya ni Alexandros. Nakakapagtaka na. Parang lumagpas na iyon sa linya ng inaalok nitong pagiging kaibigan nila. Siguro naman ay tamang oras na iyon para tanungin niya ito.
Nagseryoso si Lora. “Alexandros, bakit mo ginagawa ito sa akin? Bakit ang sweet-sweet mo? Ganito ba talaga ang isang kaibigan lang? This shouldn’t be like this…”
Lumakas ang tibok ng puso ni Lora nang itinaas ni Alexandros ang kamay nito patungo sa pisngi. Unti-unti rin inilapit nito ang mukha sa mukha niya. Hinalikan siya nito at parang doon pa lang ay alam na ni Lora ang sagot nito. Pero kailangan niya ng verbal na sagot. Kailangan niya ng kasiguraduhan. At nang mag-umpisa na muling bumuka ang labi nito pagkatapos siyang halikan ay parang hihimatayin na siya sa reaksyon ng puso niya.
“It is because I---“ naputol ang excitement ni Lora nang tumunog ang cellphone ni Alexandros. Kinuha nito iyon at napakunot-noo nang makita ang caller.
“Mom? Sa oras na ito?” wika pa nito saka nagpaalam muna sa kanya. Inintindi na lang ni Lora ito dahil mukhang importante ang tawag. Pagbalik ni Alexandros ay seryosong-seryoso ang mukha nito.
“I’m sorry, agape mou. Kailangan na nating umalis ngayon,”
“Ha? Bakit?” hindi pa ganoong tapos ang pelikula. At hindi pa rin ito tapos sasabihin nito.
“I need to go back to Greece as soon as possible,”