Belle Trilogy Chapter 28

KINAGABIHAN ay bumalik si Rhett ng isla para kumuha ng mga gamit niya. Kahit hindi pa niya masasabing maayos sila ng pamilya ni Mira at gusto ng mga itong nandoon siya sa tabi ng dalaga habang isinasagawa ang operasyon nito, gusto niyang ipilit na nasa malapit lang siya habang ginagawa iyon. Hindi pa man malinaw ang relasyon niya kay Mira ay hindi siya mapapalagay habang hindi maayos ang lagay nito kaya kailangan niyang gawin iyon.

Gamit ang chopper ay lumipad siya pabalik sa Isla Basillico. Ang plano niya ay bumalik rin sa Cagayan de Oro pagkatapos niyang makapaligo at makapag-ayos ng damit at gamit. Maaring magtagal si Mira sa Maynila base na rin sa recovery nito pagkatapos ng operasyon. Ibig sabihin lang noon ay mawawala siya nang matagal sa isla niya. Bukod sa kailangan niya ng mga gamit, kailangan rin niyang sabihan si Mang Chito tungkol roon. Wala namang cellphone si Mang Chito kaya hindi niya basta-basta na lang ito masasabihan ng tungkol sa kondisyon niya.

Gusto man niyang manatili sa tabi ni Mira sa lahat ng oras, alam niyang hindi nararapat na pairalin pa rin niya ang pagiging greedy niya. Kailangan niyang alalahanin na may isang tao na naghihintay sa kanya sa isla at malamang ay nag-aalala na sa kanya.

Nang maibaba niya ang chopper ay sinalubong agad siya ni Mang Chito. Napansin niyang madilim ang mukha nito. Parang galit. Napakunot ang noo ni Rhett. Bihira niyang makitang galit si Mang Chito. Madalas ay nakangiti lang ito sa kanya at mabait. Kung ituring siya nito ay para bang mamahaling crystal siya para alagaan. Mabait ito sa kanya kaya naman nagulat siya sa ekspresyon nito nang lapitan siya. Sinita rin siya nito.

“Bakit ngayon ka lang? Nasaan na ang Mira na iyon? Nilason na ba talaga ng tuluyan ng babaeng iyon ang utak mo?” sunod-sunod na tanong ng matanda.

Nagpaliwanag naman si Rhett sa kawaksi. Pero kahit ganoon ay tila hindi pa rin ito nakontento. Galit pa rin ang ekspresyon nito. “Kung ganoon, ibig sabihin ay aalis ka ng isla sa mga susunod na araw, tama ba ako?”

Tumango si Rhett. “Kailangan ako ni Mira sa tabi niya.”

“At ako? Hahayaan mo na lang ako rito? Iiwan mo na lang ako?!”

Kumunot lalo ang noo ni Rhett. “Mang Chito, bakit po ba tila galit na galit kayo? Kapag may ilang bagay naman akong inaasikaso sa Maynila at naiiwan kayo rito, hindi naman po kayo ganyan magreklamo…”

Natigilan ang matanda. Tila natilihan ito dahil sa sinabi niya. In a moment, his expression changed from being rough to soft. “A-ah, oo nga. Bakit ba ako nagkakaganito? Pasensya ka na, Rhett, ha. Nag-alala lang kasi ako sa inyong dalawa dahil halos buong araw kang hindi umuwi samantalang ang paalam niyo naman ay pupunta lang kayo ni Mira sa kabilang isla para sa sayawan. Iyon naman pala ay ganito…”

Katanggap-tanggap naman ang sagot ni Mang Chito kaya kahit may kaunting pagdududang nararamdaman si Rhett ay tumango siya sa sinabi nito. Nagpaalam na siya sa matanda na maliligo at mag-aayos ng gamit.

Mabilis namang natapos si Rhett sa gagawin. Nag-double effort siya dahil ayaw niyang malayo ng matagal kay Mira. Nang palabas na siya ng kuwarto ay nakita niya sa labas si Mang Chito. Tinanguan niya ito. Akmang magpapaalam na siya sa matanda nang inuhanan siya nitong magsalita.

“R-Rhett, puwede ba akong sumama?”

Nagulat si Rhett sa tinanong ng matanda. Napakunot noo na naman siya. Hindi kadalasang ganoon si Mang Chito. Kapag paminsan-minsan ay umaalis siya ng isla ay hindi naman ito sumasama sa kanya. Tila kontento na ito sa isla Basilico.

“Medyo nakakalungkot kasi rito sa isla. Isama pa na hindi ko alam kung hanggang kailan ka magtatagal sa Maynila kaya naisip ko sanang sumama. Isa pa ay nag-aalala rin ako kay Mira. Alam mo naman siguro sa ilang buwan na nanatili siya rito ay napalapit rin ako sa kanya. Gusto ko rin sanang malaman ng personal ang lagay niya.”

Hindi masigurado ni Rhett kung saan galing ang pakiramdam na parang hindi magandang ideya na isama niya si Mang Chito. Oo, napalapit na sa kanya ang matanda at masasabi niyang bukod kay Mira ay ito na lang ang taong pinagkakatiwalaan niya ngayon. Pero may kabang nararamdaman siya kapag sumama ito sa kanya. Iyon ba ay dahil sa seguridad ng kanyang isla? Kapag kasi nawala roon si Mang Chito ay wala ng magbabantay ng bahay o ng isla man para sa kanya.

Ganoon pa man, makakaya pa rin ba niyang maging makasarili ngayon? He was still hurt and devastated when Mira’s father called him a greed. Ayaw na niyang mangyari muli ngayon. Susubukan niyang huwag ng maging makasarili muli. At kung iiwan niya si Mang Chito sa isla, parang magiging ganoon na muli siya. Maatim pa ba niya na maging ganoon?

Tumango si Rhett at sinuklian naman iyon ni Mang Chito ng isang nakakaintriga at mas lalong nakakapagduda sa kanyang ngiti.

NAGULAT si Mira nang pagbalik ni Rhett ay kasama nito si Mang Chito. Ganoon pa man ay ipinaliwanag naman nito kung bakit isinama nito ang matanda. Kahit hindi inaasahan ay masaya si Mira na kahit papaano ay naaalala siya ni Mang Chito. Na ganoon ang epekto niya sa buhay ng isang tao. Dahil naging malapit sila sa isa’t isa ng matanda, ginusto nito na umalis pa ng isla na siyang alam niyang kontento at masayang tirahan nito para lang kumustahin siya personally.

“Hindi ko po kayo inaasahan, Mang Chito. Pero masaya ako na nandito kayo. Matagal-tagal na rin siguro kayong hindi nakakapunta sa Maynila, ano po?”

Tumango ang lalaki. “Oo nga. Ang dami na ngang nagbago sa Maynila,” komento naman ng matanda.

Tulog na siya nang dumating ang matanda at si Rhett kaya naman ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang matanda. Mamayang ala-una ay lilipad na siya sa Maynila para sa isasagawa niyang operasyon bukas ng umaga. Pero ngayong umaga ay mananatili pa rin siya sa ospital. Ngayon rin umaga ay niyaya si Rhett ng pamilya niya para kumain ng almusal sa labas. Dahil maaga siyang kumain ay ayos lang sa kanya na hindi sabayan ng mga ito. Isama pa na gusto rin niyang maka-bonding ng pamilya niya si Rhett. She wanted to share her family with him. Pinilit niya pang sumama ito. Nagpresenta naman si Mang Chito na magpaiwan para bantayan siya. Mamaya na lang daw ito kakain pagkatapos kumain ng pamilya niya. Sa ngayon ay silang dalawa lang ang nasa hospital room.

“Hayaan niyo po kapag gumaling na ako, igagala ko po kayo sa Maynila,”

“Talaga?” parang balewala lang na sabi nito. “Napakabait mo talaga, Mira.”

Umiling siya. “Hindi naman po. Hindi sa lahat ng oras,” naalala niya ang minsang mga pagkakamali niya lalo na noong pinagdudahan niya si Rhett.

“Bakit ayaw mong tanggapin ang papuri? Dahil ba sa natatakot ka na ang mga mababait daw ay maagang kinukuha ng Diyos?”

Napakunot noo si Mira. “Mang Chito---“

“Hindi ka ba natatakot, Mira? Isang araw mula ngayon ay ooperahan ka na. Sa operasyon ay maaring manganib ang buhay mo. Maaring mamatay ka!”

Umiling siya. “Pinagkakatiwalaan ko po ang Doctor na magsasagawa sa akin ng surgery. Hindi po ako natatakot. Gagaling ako,”

Naningkit ang mata ni Mang Chito sa pagiging persistent niya. “Bakit, Mira? Bakit hindi ka natatakot? Gustong-gusto mo na mabuhay? Bakit? Ano ba ang nagpapaganda sa mundo mo? Si Rhett? Hindi maari! Kailangan mong layuan si Rhett!”

Lalong naguluhan si Mira sa inaasal ni Mang Chito. Baliw ba ito? Hindi niya maintindihan kung bakit sinasabi nito ang mga iyon. Ang buong akala niya ay nagpunta roon si Mang Chito para suportahan siya. Hindi ang i-discourage siya. Bakit nito sinasabi ang mga iyon? Hindi ba siya nito gusto para kay Rhett?

Alam ni Mira na sa mga nakalipas na linggo ay hindi nila nabibigyang pansin si Mang Chito. Nagseselos ba ito sa kanya kaya ganoon na lang ang inasal nito? Pero nararapat ba na maging possessive ang isang kaggaya nito sa amo nito? Lalo na at amo lang naman nito si Rhett…at isang kawaksi lang ni Rhett si Mang Chito.

“Marami ang nagpapaganda sa mundo ko, Mang Chito. Hindi lang si Rhett. Marami ang nagmamahal sa akin. Nandiyan ang pamilya ko at mga kaibigan ko. Hindi ako susuko. Magpapakatatag ako.”

“Wala akong pakialam! Nahihiling ko na sana ay hindi ka na lang dumating! Sana ay hindi maging matagumpay ang operasyon mo! Sana ay mamatay ka na lang!”

Mira was horrified with Mang Chito’s words. Pero mas natakot siya sa ekspresyon ng mukha nito. Parang naloloko ito. Hindi ganoon ang pagkakakilala niya kay Mang Chito. Ni hindi niya nga ito nakikitang nagagalit. Mabait ito pero bakit ngayon ay kung umasal ito ay para itong baliw?

Nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Mira sa mga sinabi nito. Pakiramdam niya ay hindi siya mamatay sa operasyon kundi dahil lang sa mga sinabi nito. Nagkamali siya ng akala sa kawaksi. Natuwa pa naman siya nang malaman niyang dinalaw siya nito pero sa iba naman palang dahilan. Sa isang dahilan na kahit sino na may sakit ay hindi iyon magugustuhan.

Hindi nakasagot si Mira sa mga pinagsasabi ni Mang Chito. Ito naman ay inabala ang sarili sa pagkuha ng kung ano sa malaking bag nito. Hindi siya makapaniwala kaya ganoon na lang ang reaksyon niya. Natakot rin siya sa matanda. Parang napakasama ng intensyon nito sa kanya. Ano ba ang naggawa niya rito? Hindi niya intensyong agawin rito si Rhett. Nagmahal lang siya. Willing naman siyang magbigay kung sinabi lang nito. Pero dinaan siya nito sa dahas.

Ngunit bago pa man magtagumpay si Mang Chito sa pagkuha ng kung ano sa bag nito ay may pumasok sa loob ng hospital room niya. Iniluwa ng pinto ang Doctor niya. She felt like she was saved from the bell. Tinignan siya nito at napansin agad nito ang pamumutla niya.

“May problema ba, Mira? May masakit ba sa `yo?” tanong nito.

Napatingin siya kay Mang Chito. Napansin niya na tila binuhusan nang malamig na tubig ang mukha nito. Gusto sana niyang maging matapat sa Doctor kung ano ang nangyari sa kanya pero hindi siya sigurado sa intensyon ni Mang Chito. Isa pa, maatim ba niyang ipahamak ito gayong hindi malinaw sa kanya kung bakit nito pinagsasabi ang mga iyon?

Pinili ni Mira na umiling. Sinabi na lang niya na bahagya siyang kinakabahan para sa gagawing operasyon. Kinalma naman siya ng Doctor niya at sinabing magiging maayos ang lahat. Pagkatapos noon ay sinabi nito ang totoong dahilan kung bakit ito pumasok ng kuwarto niya. Sinabihan siya nito ng mga kailangan niyang gawin bago ang operasyon. Sinadya niyang pahabain ang pag-uusap nila ng Doctor kaya tinanong niya ito nang tinanong upang hindi ito umalis agad. Natatakot kasi siyang kapag iniwan siya nito ay kausapin siya muli ni Mang Chito ng ganoon.

Masyado pang takot si Mira at mahina upang i-entertain ang mga sinasabi ni Mang Chito. Masama ang kutob niya sa maaring gawin nito. Mabuti na lamang at nagpadala ang doctor sa mga tanong niya at bago pa man sila matapos ay nakabalik na ang pamilya niya at si Rhett.

Ligtas na si Mira sa mga masasamang salita ni Mang Chito. Pero hindi ibig sabihin noon ay makakaligtas ang ginawa at pinagsasabi nito sa kanya kanina.

Kailangan niyang ipaalam kay Rhett ang hinala niya sa kawaksi.

NAHIRAPAN si Mira na magkaroon ng pagkakataon na makausap si Rhett. Nakapunta na sa Maynila ay hindi pa rin sila makapag-solo para masabi niya ang tungkol sa hinala niya sa kasambahay nito. Ganoon pa man ay humanap ng paraan si Mira. Kailangan niyang masabi kay Rhett ang nangyari sa pagitan nila ni Mang Chito bago pa siya operahan.

Hindi sigurado si Mira kung ano ang maaring mangyari sa kanya sa operasyon. Nagtitiwala man siya na magiging maayos ang surgery niya. Pero malaki pa rin ang panganib na susuungin niya. At saka paano kung naging matagal para sa kanya ang recovery? Kailangan na niyang sabihin kay Rhett ang lahat lalo na at maaring hindi sila magkita ng ilang araw. Kailangan nitong malaman ang tungkol sa hinala niya kay Mang Chito bago pa man ito ang maging biktima ng matanda. Maaring maging mapanganib si Mang Chito para kay Rhett.

Bago siya operahan ay humingi siya ng kaunting oras sa pamilya para makausap at masarili niya si Rhett. Pumayag naman ang mga ito. Napansin niyang hindi sumasang-ayon ang mukha roon ni Mang Chito na kaggaya ni Rhett ay hindi rin umalis sa tabi niya. Hindi man nito sinasabi ay alam niya kung bakit ganoon---iyon ay para mabantayan nito kung magsusumbong siya kay Rhett.

Masuwerte naman sa nakalipas na oras ay hindi sila napapag-isa muli ni Mang Chito. Ang masama nga lang ay hindi rin sila napapag-isa ni Rhett. Pero ganoon pa man, wala na siyang pakialam kung nakita niya ang galit sa mukha nito nang sabihin niya na gusto niyang mapag-isa sila ni Rhett. Maaring iba ang isipin ng pamilya niya sa isipin ni Mang Chito pero wala siyang pakialam. Kailangan niyang makausap si Rhett bago siya maoperahan. Mabuti na lang at napilit ng mga magulang niyang umalis si Mang Chito kaya nagkasarilinan sila. Wala na siyang pakialam kung magalit man ito pagkatapos. Kailangan niyang mabigyan ng babala si Rhett.

“I’ll be fine, Mira. Kung iyon ang naiisip mong dahilan kung bakit humingi ka ng oras para sa ating dalawa lang. I know you are concerned about me. But I am trying to be strong for you. Nag-aalala ako pero ginagawa kong matatag ang sarili ko para sa `yo. I wanted you to be strong, too. You’ll survive this,” pagpapalakas pa ni Rhett ng loob niya.

“Alam ko, Rhett. Naniniwala ako. At tama ako. Concern nga ako sa `yo pero hindi sa inaakala mo. You need to know something…”

Kumunot ang noo nito. “Ano iyon?”

“Tungkol ito kay Mang Chito…” ikinuwento niya ang nangyari nang maiwan siya sa piling ng kawaksi nito. “I think he is mad, Rhett. He is acting strangely… Hindi naman siya dating ganoon.”

Napansin niyang natigilan si Rhett sa ipinagtapat niya. Bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. “Pero hindi ka ba niya sinaktan? Wala siyang ginawa sa `yo?”

Umiling si Mira. “Wala naman. Pero sa tingin ko ay malapit na siya roon. Kaya nag-aalala ako para sa `yo, Rhett. Ilang araw marahil na hindi tayo magkakasama. Hindi kita mapoprotektahan---“

Umiling si Rhett. “You are not the one who should protect me. Babae ka at ako ang lalaki. Sa ating dalawa, kailangan na ako ang palaban, ako ang nagpoprotekta.”

“Alam ko. Pero masama ang nakaraan mo, Rhett. Your past made you weak and vulnerable. Gusto ko lang na maging ligtas ka lalo na at palagi kayong magkasama. Kailangan mong patignan siya.”

Tumango siya. “Huwag kang mag-alala, Mira. Everything will be all right. Ako na ang bahala. Now you get ready and be strong as the girl I know you to be, okay? I will missed you…”

Hinalikan ni Rhett ang noo niya. Sandaling nagulat pa si Mira sa ginawa nito but was taken away with the sensations that followed. Iyon ang unang beses na hinalikan siya ni Rhett at napakasarap ng pakiramdam noon. It was wonderful. Napanatag ang loob niya dahil sa halik na iyon.

“And I will missed you, too. Take care.”

NAPAKUNOT ang noo ni Rhett nang maramdaman niya na may kakaiba sa kusina ng bahay ng Lola niya. Kakababa lang niya noon sa kuwarto niya galing sa kanyang pagsusulat. Dahil masyado siyang na-engross sa ginagawa ay wala siyang namalayan sa paligid niya. Ganoon siya palagi kapag nagsusulat siya at gustong-gusto niya ang parte ng sinusulat. Isama pang napakalakas ng music sa headphone niya habang nagsusulat kaya wala siyang naririnig na ingay na sa tingin niya ay parang kakamula lang roon. Halos wala pa rin siyang tulog kaya hindi siya ganoon kadaling makaramdam ng bagay-bagay.

“Ilalayo mo ako kay Rhett, Tanda? Hah! Sinong naunang lalayo sa atin sa kanya ngayon?”

Nanlamig ang buong kalamnan ni Rhett sa narinig. He knew that voice! Sa kabila ng kawalan ng tulog ay malinaw iyon sa kanya. At hindi siya makapaniwala roon, lalong-lalo na sa sinabi nito. Tumakbo siya kusina at hindi nagkamali sa hinala. May kakaiba nga roon at ang taong pinagmulan ng boses ay ang taong nasa isip niya. Agad na dinaluhan niya ang kanyang Lola na nakahandusay sa sahig. Hindi na ito humihinga. Nagkalat ang dugo sa sahig at bakas na bakas ang bawat saksak sa katawan nito. Nanikip ang dibdib niya sa galit. Nang tiningalain niya ang lalaki ay namumutla ang mukha nito. Naibagsak rin nito ang kutsilyong kanina ay hawak-hawak lang nito.

“Rhett… Patawad---“

“Pinagkatiwalaan ko kayo…” puno ng pait ang boses niya. Hindi niya akalaing magagawa iyon ng kawaksi. Alam niyang malakas ito dahil na rin sa trabaho nito sa bahay pero hindi niya akalaing gagamitin rin nito ang lakas sa pagpatay sa Lola niya. Napakabait nito. Nadurog ang puso ni Rhett.

“Ayaw ko lang ilayo ka sa akin ng Lola mo. Hindi ko makakaya na---“ hindi nito naituloy ang sasabihin. Tumingin ito ng diretso sa kanyang mga mata na para bang gustong i-hypnotize siya. “Wala kang sasabihin kahit kanino, Rhett. Wala kang nakita. Hindi ako ang pumatay sa Lola mo. Naiintindihan mo? Kailangan mong manahimik!”

“H-hindi…” nakaramdam ng sakit ng ulo si Rhett habang sinasalubong ang mga mata ng lalaki. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa kawalan niya ng tulog o dahil sa parang kakainin na tingin nito sa kanya. O dahil sa naghahalo-halong damdamin sa puso niya dahil sa sakit ng nasaksihan.

Sumigaw pa ang lalaki. “Wala ka ng kamag-anak sa mundong ito, Rhett! Wala kang kaibigan! Tanging ako na lang ang natitira sa buhay mo! Maatim mo ba kahit ako ay mawala rin sa `yo? Gusto mo ba `yun?”

Mahigpit na hinawakan ng lalaki ang kanyang braso. Nineteen years old na siya kaya kayang-kaya na niyang lumaban rito. Pero sa kung anong kadahilanan ay hindi niya maggawang lumaban rito. Tila nanghihina siya. Hindi siya makapag-isip ng ayos.

“Hindi mo sasabihin kahit kanino ang narinig mo!” dumagundong ang boses ng lalaki sa buong kalamnan ni Rhett bago pa siya panawan ng malay dahil sa takot, gulat at sakit sa nasaksihan.

“NO, NO!” malakas na sigaw ni Rhett nang maggising siya. Dahil yata sa pagod ng mga nakalipas na araw ay hindi na niya napigilan na mapaidlip nang makauwi siya muli sa Isla Basilico. Dahil na rin sa utos ni Mira na tignan ang lagay ni Mang Chito kaya siya bumalik roon.

Gusto niyang komprontahin si Mang Chito tungkol sa ginawa nito kay Mira. Alam niya na medyo delikado ang ginawa niya matapos niyang marinig ang mga sinabi ni Mira. Ganoon pa man, alam niyang hindi niya ito basta-basta mapapaamin. Not on a place that is crowded. Kailangan nilang mapag-isa kaya naman napagdesisyonan niyang sa oras na mailagay na si Mira sa operating room ay magpapaalam siya sa pamilya ni Mira na babalik muli ng Isla Basilico na kanya namang ginawa. Ngayon ay kasama niya roon si Mang Chito.

And it horrified him as one experienced in his life had been brought back into his memory.

Tumiim ang bagang ni Rhett nang maalala ang dumaloy sa panaginip niya. He knew it was more than a dream. Malaking parte iyon ng buhay niya. Pero dahil masyado siyang na-trauma sa mga nangyari ay na-block ang bahaging iyon. Naggising na lang siya pagkatapos niyang mahimatay na hindi niya maalala ang mga nangyari at kahit anong gawin niyang pilit ay hindi na iyon nagbalik.

Ang akala niya ay hindi na muling babalik ang nawalang memorya na iyon. Pero ngayong na-trigger ng mga pagdududa sa matanda nitong mga nakalipas na oras, ay dumaloy muli iyon sa kanya. At nakakaalala na siya. Naalala na niya ang nawalang memorya niya na malaki ang pagtataka niya na ngayon lang nangyari. Pero naisip naman niya na wala naman ginawang kapareho noon si Mang Chito. Walang dahilan para ma-trigger ang memorya niyang iyon. Lahat ng ipinapakita nito sa kanya noon ay mabait. Hanggang ngayon…

Rhett felt very weak at the moment. Paano nangyari iyon sa kanya? Kaya niyang lumaban dahil malaki na naman siya noon. Pero nahuli siya ng dating. Masyado siyang nag-concentrate sa pagsusulat niya at hindi niya naramdaman agad ang nangyari. Nang dumating siya ay patay na ang Lola niya. Kaya niyang labanan ang pumatay rito pero hindi niya naggawa dahil nahimatay siya sa takot pinangunahan na naman ng mahilig sa trauma na isip niya.

His memory was blocked because of so much pain, of so much hurt. Nagkaroon siya ng post-traumatic stress disorder. Ipinaliwanag noon nang ilang doctor na pinilit sumuri sa kanya ang kondisyong nangyari sa kanya noon. Isa iyong disorder na na-develop pagkatapos ma-expose sa pangyayari sa isang psychological trauma. Karaniwan iyong nangyayari kapag nakakaranas ng emotional shock. Pero dahil ayaw nga niyang magpakonsulta sa Doctor, hinayaan lang niya ang lahat. Ayaw niyang isipin na may sakit siya, isama pa na kahit gusto niyang alalahanin iyon, parang may damdamin naman na nagsasabing huwag niyang gawin dahil may mawawala sa kanya.

Natatakot rin pala siyang mag0isa.

Pero ang pinakamasaklap na nangyari sa lahat, sa halip na mahuli niya ang taong pumatay sa Lola niya ay inilapit niya pa roon ang sarili. Pinili pa niyang mabuhay kasama ito. Pinagkatiwalaan pero iyon naman pala ay pawang kasalanan ang ginawa nito sa kanya. Isang malaking kasalanan. Isang krimen.

He was horrified to himself.

Nasa ganoon siyang lagay nang humahangos na pasukin ni Mang Chito ang kuwarto niya. Hindi iyon nakakandado kaya naman nakapasok ito. Tinanong agad siya nito kung ano ang nangyari sa kanya. Malamang ay narinig nito ang mga sigaw niya.

Sandaling nag-alinlangan si Rhett kung sasabihin niya ba rito ang lahat. Pero sa halip na maging impulsive ay inisip muna niya ang sa tingin niya ay tama. “W-wala po. Nanaginip lang ako ng masama,”

Tumango-tango ang matanda. “Ah, ang akala ko naman ay may nangyari ng masama sa `yo,”

Wala ho. Pero sa inyo, malapit na. gusto sanang isantinig ni Rhett. Hindi niya alam kung bakit nagtagal si Mang Chito sa kanya sa kabila ng mga nangyari noon. Siguradong alam nito na nawala ang alaala niya sa trahedyang kinasangkutan nito dahil kung hindi, bakit ito magtatagal sa kanya samantalang kaya niya itong isuplong sa pulis? Pero dahil nawala nga ang bahaging iyon ng memorya niya ay naggawa pa rin nitong lumapit sa kanya. Naggawa pa rin sumama sa kanya ng taong pumatay sa Lola niya.

Sa ngayon ay naisip na niya ang dahilan niya kung bakit natatakot talaga siyang magtiwala. At iyon ay dahil minsan sa buhay niya---sa nawalang memorya niya---ay pinagtaksilan siya. Si Mang Chito ang isa sa mga pinagkatiwalaan niyang tao pero binigo siya nito. Hinayaan niya pa ito sa buhay niya dahil hindi naman niya maalala ang pangyayari. But he knew, if he could remember, he would do it. Pero dahil na-trauma siya sa nasaksihan, hindi na niya naggawang umamin sa pulis kahit na anong gawin nito sa kanya. Nawala ang mga alaala niya.

Pero hindi na ngayon. Kung hindi niya naprotektahan ang Lola noon, hindi niya hahayaang mangyari iyon kay Mira. Masyado niya itong mahal para masaktan ito. Kailangan niyang protektahan ito.

Akmang aalis na si Mang Chito nang magsalita muli si Rhett. “Babalik na muli ako ng Maynila, Mang Chito.”

Nanlaki ang mga mata nito. Halatang hindi nito nagustuhan ang ideya. “Ano? Ang akala ko ay magtatagal tayo rito? Ang akala ko ay iiwan mo na si Mira?”

Iyon ang sinabi na dahilan ni Rhett kay Mang Chito nang tanungin siya nito kung bakit sila uuwi. Na niloloko lang niya si Mira at inaantay lang niya na maopera ito at iiwan na niya ito. Pero dahilan lang niya iyon para masigurado niya na hindi nga nito gusto ang ideya na kasama niya si Mira. Nang sabihin niya iyon rito ay naging masaya ito---nagpapatunay nga lamang na talagang hindi nito gusto ang tungkol sa kanila ni Mira. He was so possessive of him. Sa kung ano man ang dahilan, wala siyang alam. At hindi niya na gugustuhin pang maisip kung bakit.

“Na-realize ko na hindi ko kayang iwan siya. Pero huwag kayong mag-alala, isasama ko naman kayo muli pabalik. Hindi ko hahayaang mag-isa kayo rito,”

Sa sinabi niya ay mas lalo niyang napatunayan ang galit nito. Madilim na madilim ang mukha nito at kumuyom pa ang mga palad. Pero sa huli ay tumango rin ito.

Totoo ang mga sinabi ni Rhett sa matanda. Isasama nga niya ito pabalik sa Maynila. Pero hindi upang bisitahin si Mira. Oras na para ayusin niya ang lahat.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.