Isang bangungot ang kinalalagyan ni Alta. Pakiramdam niya ay nakakulong siya sa loob ng isang halimaw na may matalim na kuko at mahahabang pangil. Naririnig niya ang boses ni Homer sa isipan niya. Inuutusan nitong patayin niya ang sinumang pipigil sa kanya.
Hinarang siya ni Kristian. "Hindi kita hahayaang pumunta sa kanya. Dito ka lang."
"Mamamatay ka!" sigaw niya iwinasiwas ang kamay. Nahagip ito sa dibdib at kumarayod ang matatalim niyang kuko sa dibdib nito.
Kristian! sigaw niya sa isipan at gustong kumawala sa katawan niya. Hindi niya pwedeng patayin si Kristian. Ayaw niya. Subalit anong magagawa niya kung hindi na niya hawak ang isipan niya.
Wala siyang nagawa kundi lumuha habang nakikipaglaban ang katawan niya dito at sa huli ay ibinaon niya ang balikat sa pangil nito at ininom ang dugo nito.
Sige. Patayin mo siya, Alta. Sa akin ka na. Hindi ka na tatanggapin ng mga iyan oras na patayin mo ang mga kalahi nila. Sa amin ka tunay na nabibilang, wika ni Homer.
"Ayokoooo!" sigaw niya at biglang dumilat ang mga mata niya. Sa kisame ay nakita niya ang painting ng dalawang batang nagpi-picnic sa ilalim ng araw kasama ang iba't ibang uri ng mga hayop.
Naroon siya sa silid niya. Nakaplakda siya sa kama habang nakatitig sa kisame. Lambot na lambot siya na parang galing siya sa mahabang paglalakbay. Naalala niya ang dugo sa kamay niya at ang sugat sa katawan ni Kristian kanina bago siya nawalan ng malay. May kinalaman ba ang panaginip niya doon?
Nangilid ang luha niya at napaiyak nang maisip si Kristian. Napatay ba niya ito? Nagulat siya nang marinig ang pagkaluskos sa gilid ng kama niya. May ulong nakayukyok doon. Dahan-dahan iyong umangat at sinalubong siya ng namumuhay na mga mata ni Kristian. "Buhay ka?" tanong niyang may halong saya.
Kinusot nito ang mata at tumayo. "I am immortal. Siyempre buhay pa ako."
"Pero kinagat kita. Uubusin ko ang dugo mo," aniya sa nanginginig na boses. Tiningnan niya ang mga kamay niya. Wala na ang dugo doon pero naaamoy pa rin niya ang dugo na nababakas doon. Saan galing ang dugong iyon kundi totoo ang panaginip niya?
Umupo ito sa tabi niya. "Okay lang ako. Mukha bang naubos ang dugo ko at napatay mo ako? Masamang panaginip lang ang lahat ng iyon."
Hindi siya naniniwalang masamang panaginip lang ang lahat. Naaamoy pa rin niya ang dugo mula dito. Tumindi ang hinala niya dahil iba ang amoy ng sabon nito. Masyadong matapang. Parang katulad ng amoy ng ospital. Isang lang ang paraan para malaman niya. "Hubarin mo 'yang damit mo!"
"Ano?" bulalas nito at parang napasong lumayo sa kanya.
"Patunayan mo sa akin na panaginip ko nang saktan kita. Maghubad ka!" utos niya.
Umungol ito at tumayo sa gilid ng kama. Iniwas nito ang tingin habang dahan-dahang kinakalas ang butones ng polo nito. Hindi maipagkakaila ang mapulang sugat sa dibdib nito na parang kinarayod ng matatalim na kuko. Lumuhod siya sa kama at hinaplos iyon. May dalawang maliit na butas din sa balikat nito. Naalala niya ang matinding sakit na dinanas nito. Kung paanong humalakhak si Homer habang inuutusan siyang patayin si Kristian.
Naramdaman ulit niya ang sakit na naramdaman niya nang masaktan ito. Lumuluha niya itong niyakap. "Kristian, I am sorry. Hindi ako makapaniwala na nagawa ko 'to sa 'yo. Pagkatapos ng lahat ng ginawa mo para sa akin."
"Okay na ako. Gagaling din ang mga sugat ko. Galos lang ang mga iyan."
"Pero sana mas lumaban pa ako para hindi kita nasaktan. Masyado akong mahina. Sabi ni Homer hindi na daw ninyo ako tatanggapin dahil sinaktan kita."
"Shhh... Hindi mo kasalanan ang nangyari. Inutusan ka ng dominare mo. Wala kang laban sa kanya. May kakayahan siyang kontrolin ang utak mo dahil siya ang lumikha sa iyo. Hindi ka namin papaalisin dito lalo na't higit mong kailangan ang proteksiyon namin." Pinahid nito ng panyo ang luha niya. "Tumahan ka na. Lalo ka lang manghihina sa pag-iyak mo."
Yumakap siya sa baywang nito at ihinilig ang pisngi niya sa dibdib nito. "Ayokong mawala ka, Kristian."
Kumatok si Estancia dala ang choco blood niya. Parang nagulat pa ito nang makita ang ayos nila. Pasimple siya kumalas kay Kristian at marahang umupo sa kama. Habang si Kristian naman ay patay-malisyang ibinutones ang polo nito.
"May ipag-uutos pa po ba kayo?" tanong ni Estancia.
"Wala na. Maraming salamat," wika ni Kristian at inabot sa kanya ang choco blood. "Inumin mo na. Kailangang mabawi mo ang lakas mo. Nanghina ka matapos kontrolin ni Homer ang isipan mo."
"Babalik ba siya ulit?" tanong niya at nanginginig ang kamay nang uminom ng choco blood. Paano kung sa susunod ay utusan muli siya nitong patayin si Kristian?
"Habang di ka lumalabas dito ay hindi na niya mapapasok ang isip mo. I locked your brain so you will be free from his influence. Kaya kailangan kang matutong kontrolin ang sarili mong isip. Kaya bukas may session ka kay Master Francóis para siya mismo ang makatulong sa iyo para maka-recover."
"Masaya ako dahil hindi kita napatay. Kung nagkataon hindi ko mapapatawad ang sarili ko." Hindi rin niya alam kung tatagal siyang mabuhay nang wala ito.
"Matulog ka na. Kailangan mong ipahinga ang utak mo. Tapos na iyan."
Nang makatulog siya ay parang natuloy ang panaginip niya. Sa gitna daw ng mainit nilang paglalaban ni Kristian ay hinalikan siya nito. Dahil daw doon ay nagawa nitong patalsikin si Homer sa isipan niya. Hindi niya alam kung panaginip lamang iyon o totoong pangyayari subalit sapat na iyon para ngumiti siya.
"HUMINGA ka ng malalim at patawarin mo ang sarili mo sa mga nangyari, Alta. Tanggapin mo na ang lahat ng mga bagay ay may dahilan," anang malamig na boses ng psychologist at therapist ng Valle na si Fleur.
Biruan nilang magkakaibigan dati na kapag nagpatingin sa psychologist at psychiatrist ay nababaliw na. Pero malaki ang naitulong ng session niya kay Fleur dahil mas gumaan ang loob niya. Bati ang mga sama ng loob na kinikimkikm niya mula pagkabata ay naglaho na.
Nang lumabas siya ng clinic ni Fleur ay naghihintay na doon si Kristian. "Mukhang nag-e-enjoy ka sa session mo dito. Hindi ka ba parang nababaliw?"
"Siguro marami kang isyu sa katawan kaya natatakot ka na makipag-usap kay Fleur. Ano bang kinatatakutan mo?" tanong niya. Isa pa ring misteryo ang pagkatao nito. Marami pa rin siyang di alam tungkol dito.