"Ang mahal na charge niya,” angal nito at gusto niyang matawa dahil iyon din ang angal niya nang malaman niya sa sekretarya ni Fleur kung magkano ang charge nito.
"Sulit naman ang bayad sa kanya. Oras na maharap mo ang mga isyu mo at mga kinatatakutan mo, magkakaroon ka ng peace of mind."
"For my peace of mind, you must go to your spa and salon session. Mamayang gabi na ang party. Gusto ni Nanay na magandang-maganda ka dahil ipapakilala ka namin sa lahat."
Isang magarbong party ang ihinanda ng isa sa sanguinare na si Maria Francesca. Ang totoo ay iyon ang pinakaiiwasan niya kaya tumanggap siya ng session kay Fleur. Parang hindi siya bagay na makihalubilo sa mga party ng mayayaman. Nakakailang. Subalit wala siyang takas dahil si Kristian mismo ang sumundo sa kanya.
Ang oras na dapat sana’y itutulog niya ay inilagi niya sa sun-proof spa at salon. Nakatulog din naman siya dahil nakaka-relax ang body scrub at ang massage. Matapos siyang dalhin sa salon at isuot ang gown na pinili ni Kristian para sa kanya ay hindi na niya nakilala ang sarili. Midnight blue sequined gown ang suot niya na nakahakab sa katawan niya.
“Wow! You look like a dream,” puno ng paghangang sabi ni Kristian nang sunduin siya para sa party. Nakasuot ito ng black tuxedo at naka-brush up ang buhok.
“Salamat,” nausal na lang niya at di niya masabi na napakaguwapo rin nito. Pakiramdam tuloy niya ay prinsesa siya na sinundo ng prinsipe niya.
“Wear these earrings,” anito at ito mismo ang nagsuot ng diamond tear drop sa tainga niya saka siya ihinarap sa salamin. “So beautiful yet so innocent. I hope you will stay that way in a hundred years and so.” At nakita niya ang kakaibang emosyon sa mga mata nito. Anong ibig nitong sabihin? Posible bang hindi ma-corrupt ang isang bampirang tulad niya?
Nakalatag na ang dilim noon at nagsisimula nang mabuhay ang buong Valle. Isang eleganteng SUV ang sumundo sa kanila para dalhin sila sa mansion ni Maria Francesca. Sa entrada ng mansion nito na parang Spanish Moor castle ay nagkukulumpunan na ang mga bisita. Napanganga siya dahil parang nag-ipon-ipon sa lugar na iyon ang mga guwapo at magaganda. Nakalimutan yatang sabihin ni Kristian na pang-magaganda at guwapo lang ang club na iyon. Nagkikinangan ang mga kababaihan sa suot na alahas.
“Kristian!” bati ng isang blonde na babae na nakasuot ng silver long gown na puno ng sequins at kumikinang din sa suot nitong diamond necklace at earrings. Yumakap ito kay Kristian at walang kiyemeng hinalikan si Kristian sa labi.
“Tatiana!” gulat na usal ni Kristian subalit di naman tinangkang itulak ang babae palayo. “You look stunning.”
“I did it for you. I hope you are available for me tonight.” Tumaas ang kilay nito nang makita siya. “Oh! You got a little mouse.”
Nagsalubong ang kilay niya. Alam niyang di siya kasing ganda nito pero hindi naman siya mukhang daga. O baka naman nag-iilusyon lang siya na bagay sa kanya ang damit niya at ayos niya pero nakikita ni Tatiana na magkaiba sila ng level.
“She’s not a mouse,” depensa ni Kristian sa kanya.
“A dainty little slave then.” Pinisil nito ang baba niya. “A cute little morsel.” She bared her fangs to her and hissed.
Tumili siya at nagtago sa likuran ni Kristian. Nanginginig siyang yumakap dito.
“Taitiana, stop that!” saway ni Kristian dito at kinabig siya sa kabilang braso nito. Lumabas din ang pangil ni Kristian. Then she heard a growl. Inangilan nito si Tatiana.
Umamo ang mukhang ni Tatiana at bumalik sa normal ang pangil nito. “Relax. I am just teasing. I am off to Paris to check out Maria Francesca’s boutique. Don’t be so grumpy.” Pilit siya nitong sinilip at ngumiti sa kanya. “I am harmless. But beware of Kristian. Don’t fall in love with him. He is a beast in bed and he won’t bed a little virgin like you. And he won’t marry you or spend forever with you so forget the fairy tale.” Isang mataginting na halakhak ang pinakawalan nito bago naglakad palayo.
Nanlumo siya. Totoo ba ang sinabi nito tungkol kay Kristian na ayaw nitong magpakasal o hindi siya ang tipo ng babaeng papatulan nito o gugustuhing makasama habambuhay.
“Don’t mind her,” bulong ni Kristian at iginiya siya papunta sa basement kung saan naroon ang totoong party.
Naging girlfriend ba nito si Tatiana? Lover? Ganoon ba ang mga tipong babae nito? Siguro nga. Sopistikada din kasi ang model na ka-date nito dati.
“H-Hindi ka magpapakasal?” biglang naitanong niya kay Kristian.
“Nakita mo ba ang mga normal na tao? Hindi sila tumatagal ng ilang taon na kasal. How can I spend forever with someone? Masyadong matagal ang buhay ng isang bampira. Magiging miserable lang kami sa isa’t isa dahil walang divorce sa mga uri natin.”
“Pero bakit si Nanay Lupita at Tatay Kaptan?” tanong niya at tiningala ito.
“They are special. Destined. Mahal nila ang isa’t isa.”
“At sa palagay mo hindi ka mai-in love kahit na kailan?” malungkot niyang tanong. Gusto rin niyang matagpuan ang lalaking itinadhana sa kanya. Sana ay si Kristian iyon.
“This conversation is going nowhere. Come. Ipapakilala kita sa host natin,” sabi nito.
Ipinakilala siya Maria Francesca na isang sikat na fashion designer sa mundo ng mga tao. Puno ng appreciation nitong pinagmasdan ang damit na suot niya. Nakasuot ito ng pang-flamenco dancer habang sina Pinunong Kaptan at Lupita naman ay suot ang costume ng makulay na Pinunong Kaptan at ang reyna nito noong unang panahon. Pati ang ibang council ay suot ang itinuturing na national costume ng mga ito. Iyon daw ang gusto ni Maria Francesca sa mga party nito para maipakita ang era na pinagmulan ng mga consejo.
“Perfect. Sabi na nga ba’t sa iyo babagay ang gown na ‘yan. I hope you like it as well,” komento ni Maria Francesca.
“Medyo masikip po,” aniya at huminga ng malalim.
“Huwag kang mahihiya. I am not just a vampire queen, my dear. I am also the high council of fashion. Walang miyembro ng club na ito ang hindi “in” sa fashion. So get used to it. Si Kristian ang bahala sa iyo,” anito at kumindat kay Kristian.
Si Maria Francesca ang nagpakilala sa kanya sa ibang mga bampira sa ilalim ng pamamahala nito. Nalaman niya na ang miyembro ng consejo ay nagmula sa iba’t ibang bansa at nagmula sa iba’t ibang panahon ng kasaysayan. Ang pamilya ni Francesca ay nagmula sa Spain. Si Kristoff ay nagmula sa Italya. Si Antoine ay sa France at si Vladimir ay sa Russia. Bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang field of expertise. Malawak ang impluwensiya ng mga ito sa kanya-kanyang larangan.
Hindi lahat ng bampira ay tinatanggap sa club. Matindi ang background check at kailangan ay umayon sa lifestyle at panuntunan ng mga consejo ang mga ito.
Lumapit sa kanya si Lupita. “Maraming eligible bachelors dito. Marami ang nagpapaalam na umakyat ng ligaw sa iyo at makipag-date.”
“Nanay, hindi manliligaw ang kailangan ni Alta kundi mga kaibigan. Friends who are safe. Hindi ko siya idinala dito para paliwagawan,” sabi nito at hinila siya palayo.