Pakiramdam ni Alta ay nasa limbo siya at lumulutang. Hinang-hina ang pakiramdam niya. Nang makita niya si Homer sa likuran niya ay naparalisa siya sa takot. Nang lumapit ito sa kanya ay pilit siyang tumakbo sa pinto. "Huwag! Huwag kang lalapit sa akin. Ayoko sa iyo."
Pagbukas niya ng pinto ay sinalubong siya ni Felipe. Napayakap siya dito. "Ayoko na dito. Nandito si Homer."
Binuhat siya nito. "Halika. Ihahatid na kita."
"Hindi. Si Rafflesia..."
Magkakasama na tayo. Huwag kang mainip, mahal ko. Ihahatid ka ng aking alipin sa akin. Hindi mo ako mapipigilan pa o ang mga kasama mo.
At isang malakas na halakhak ang pinakawalan ni Homer.
Pilit niyang tiningnan si Felipe. Wala ito sa sarili. Mukhang may ibang kumokontrol dito. Nasa ilalim ito ng impluwensiya ni Homer at sunud-sunuran ito sa utas. Hindi nga naman iyon basta-basta mapapasok ng Umbra subalit kaya ng mga ito na maka-impluwensiya ng mga normal na tao. Mukhang naramdaman agad ni Homer ang paglabas niya ng Valle. Maaring may mga tao ring may impluwensiya ng mga Umbra na nakapasok sa Club Rouge. Mas madaling makakapasok ang mga ito doon kaysa sa mga bampira
Hindi! Ayoko!
Gusto niyang gamitin ang lakas at kapangyarihan upang makawala subalit hinang-hina na siya. Hindi na niya magawa pang lumaban. Kasalanan niya ito. Hindi na sana siya lumabas ng Valle. Ligtas pa rin sana siya sa loob niyon. Ngayon ay nanganganib siya. Malalaman kaya ni Rafflesia na nasa panganib siya? Maaalarma kaya si Claude at ang mga guwardiya? Ano kayang mararamdaman ni Kristian oras na malaman nitong napasakamay siya ng mga Umbra? Makakalimutan din ba niya ito oras na pangibabawan siya ng kagustuhang uminom ng dugo ng tao at mamatay?
“Anong ginawa mo sa kanya? Saan mo siya dadalhin?”
Si Kristian. Boses iyon ni Kristian. Naroon ito para iligtas siya. Sana ay huwag nitong hayaan na ni Felipe na itakas siya.
Naramdaman niya ang pagtakbo ni Felipe. Nagkaroon siya ng pag-asa. Narinig niya ang pagkakagulo sa paligid niya pati nang kunin siya ni Kristian mula kay Felipe.
Isang malakas na sigaw ni Homer ang narinig niya. Kung hindi ka magiging akin, hindi ka rin nila mapapakinabangan. Papatayin mo silang lahat, Alta. Patayin mo ang lahat ng hadlang sa atin. Patayin mo sila.
Umiling siya at hinabol ang hininga. Parang gustong gumalaw ng katawan niya upang sundin ang utos nito ngunit nilabanan niya iyon. Hindi kita mahal. Hindi ko rin kayang patayin ang mga mahalaga sa akin.
Ngayon lang siya nagkaroon ng masayang pamilya. Hindi siya papayag na masaktan ang mga ito ng sarili niyang mga kamay.
Pilit niyang nilabanan ang utos nito. Naririnig niya ang boses nina Kristian, Claude at Rafflesia subalit hindi niya maintindihan ang sinasabi ng mga ito.
Ako na lang ang patayin mo. Huwag mo na silang idamay.
Mas gugustuhin niyang mamatay na lang kaysa pakinabangan nito at gamitin sa kasamaan. Mas gugustuhn niyang mamatay kaysa saktan ang mga mahal niya sa buhay at ang iba. Hindi niya gustong gugulin ang buhay niya sa pananakit sa iba.
Namamaluktot siya sa kama habang pinapakinggan ang pag-uusap nila Kristian, Claude at Rafflesia. Nanganganib ang mga ito sa kanya. Sana ay magawa pa niyang labanan si Homer at ang masasamang utos nito. Habang lumalaban ang isip niya ay gumagapang ang sakit sa katawan niya. Kinuyom niya ang palad at umungol. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya malalabanan si Homer kung ganito siya kahina. Kaya nitong kontrolin ang katawan niya kung gusto nito at hindi madali sa kanya ang tumutol. Umusal siya ng dasal. Sana ay bigyan pa siya ng lakas para lumaban. Kung may paraan lang sana upang maputol ang kasamaan ni Homer.
Naramdaman niyang may humaplos sa buhok niya at sa pisngi niya. "Alta."
Bahagyang gumaan ang pakiramdam niya nang tawagin ni Kristian ang pangalan niya. Gusto niyang palayuin ito ngunit napapawi ng haplos nito ang takot niya. Unti-unting humihina ang boses ni Homer. Hindi na ito ang naririnig niya. Awtomatiko na natuon ang buong atensiyon niya kay Kristian. Ang boses nito, ang haplos nito at ang unti-unting paglapit ng mukha nito sa kanya.
"Kristian..." usal niya sa pangalan nito at pilit na itinuon ang mata sa guwapo nitong mukha. Inangat niya ang kamay at hinaplos ang mukha nito. Alam niyang kahit anong utos ni Homer sa kanya ay hindi niya ito masasaktan.
Hinawakan nito ang kamay niyang nakadampi sa pisngi nito. "May ritwal tayong dapat gawin para maputol ng tuluyan ang koneksiyon mo kay Homer."
"A-Anong ritwal?"
Bumuntong-hininga ito. "Mahirap ipaliwanag. Wala na tayong oras. Kailangan mo lang akong pagkatiwalaan. Do you trust me?"
Tumango siya. Gusto pa niyang mabuhay. Gusto pa niya itong makasama kahit hindi siya nito mahalin. Kung may paraan upang makawala siya sa sumpang nakatali sa kanya kay Homer ay tatanggapin niya. Susundin niya ang lahat ng gusto ni Kristian.
Kinintalan nito ng halik ang mata niya. "Just close your eyes and feel."
He kissed her lips gently and passionately. Iba ito sa halik na nasa panaginip niya kung saan parang may naglalagablab na apoy na tumupok sa kanya. Ang halik ni Kristian ngayon ay mumunting apoy na lumilikha ng maliliit na ningas na dahan-dahang gumagapang sa buong pagkatao. She felt him touching her skin, soothing away her pain and her fear. Kung anumang ritwal iyon, sa palagay niya ay hindi niya iyon dapat na ikatakot.
Parang isang magandang panaginip ang lahat. Nandito si Kristian sa piling niya. He was kissing and touching her as if he liked her. Hindi niya mapigilang mangarap na ang halik nito ay may kasamang pagmamahal. Na nananatili siya sa tabi nito dahil mahal siya nito at hindi siya nito hahayaang mapunta kay Kristian.
Kung mamamatay man siya matapos ang gabing iyon, masaya siyang mawawala sa mundo dahil natikman niya ang halik ng lalaking mahal niya.
His lips started to travel southward. Halos hindi na niya marinig pa ang boses ni Homer. Bagamat nanghihina siya ay hindi siya makaramdam ng takot. Sapat na ang sensasyong ibinibigay ni Kristian upang tuluyan nang mawala ang kapangyarihan ni Homer sa kanya.
Kristian made her body sing. Naging kaisa siya nito sa ritwal na iyon. Sinagot niya ang halik nito at nagsimula na ring maglakbay ang kamay niya sa katawan nito. She never thought that she could feel such intense pleasure. Nakakalango ang sensasyong ibinibigay nito.