Beneath the Summer Solstice Moon Chapter 46

HINDI makatingin ng diretso si Kristian kina Hideo at Nicodemos habang kausap niya sa bar sa cottage ni Claude at umiinom sila ng matapang na Blood vodka. Iyon lang kasi ang makakatulong sa kanya para maikwento dito ang naging pag-uusap nila ni Alta kanina at tungkol sa pagtutol nitong pakasalan siya.

Tinapik ni Nicodemost ang balikat niya. “Great! Marriage for responsibility. Lalo ka lang mamahalin ni Alta dahil sa ginagawa mo.”

Natigilan siya sa pag-inom ng baso ng vodka mula sa panglimang bote nila at matalim itong tiningnan. “Are you being sarcastic?”

“Of course I am. Napipilitan kang magpakasal sa kanya dahil sa responsibilidad. Kailangan mo pa bang ipamukha sa kanya? How could you be so insensitive?” sermon nito.

Kay Hideo na tahimik na umiinom niya ibinaling ang tingin. “Sabi ko ikaw lang ang pumunta dito para may makausap ako. Bakit kailangan mo pang isama itong si Nicodemos?” Inis na inis siya kay Nicodemos. Ayaw nga niyang maririnig ito kapag bumuka ang bibig nito. What the heck! Pakiramdam nito ay masyado itong magaling at laging nasa tama.

Matiim siyang tinitigan ni Hideo. “Kailangan kong isama si Nicodemos dahil kung ako lang ang makikipagkita sa iyo, hindi na kita kakausapin. Ilulublob kita ng isang oras sa hot spring para maramdaman mo kung paano mamatay ulit. Don’t worry. You are a sanguis. You will live. Baka!” mariin nitong singhal sa kanya. Ngayon lang siya nito sinabihan ng tanga. Siyempre kay Alta ang simpatya nito. Wala naman siyang ibang kaibigan na nakakausap kundi si Hideo lang. Pero kung alam lang niya na plano pala nitong i-torture siya, sana pala ay nagsolo na lang siyang uminom.

“Pagtiyagaan mo na ako. I am better than death… sort of.”

“You are worse than death, Nicodemos.” Tiyak na e-echo sa isipan niya ang lahat ng sasabihin nito habambuhay. Ayaw niya sa lahat ng sinesermunan. “Kailangan ko lang ng isang taong makakaintindi sa akin. Ayaw niya akong pakasalan. Akala ko mahal niya ako. Hindi ba dapat nga matuwa siya?”

“At dahil mahal ka niya, hahalikan niya ang paa mo sa sobrang tuwa habang ipinamumukha mo sa kanya na responsibilidad mo lang siya? That is so great!” anang si Nicodemos at napailing naman si Hideo.

“Okay. So you want me to be kind to her? Uutuin ko siyang mahal ko siya? Hindi ako ganoon.” Kahit kailan ay di niya magawang magpaikot ng isang babae para lang makuha ang gusto niya. Mas masasaktan lang si Alta kung gagawin niya iyon.

“Hindi mo kailangang utuin ang isang babae o magsinungaling na mahal mo siya para maging mabait sa kanya. Sinusuyo iyan,” paliwanag ni Nicodemos. “Hindi ganyan na parang utang na loob niyang pakakasalan mo siya.”

“Kung ako si Alta, binali ko na ang buto mo,” singit ni Hideo. “Gusto mo siya. I believe that you care for her. Nakita ko ang ebidensiya nang sumugod ka sa bar para sunduin siya. Bakit kailangan mong maging malupit sa kanya? Di kasalanan ni Alta na mahalin ka niya.”

Mahigpit niyang hinawakan ang bote ng alak. Pure wine without a hint of blood. Ibig sabihin ay matinding hyperacidity at hangover ang dadanasin niya kapag ininom iyon dahil mas sensitibo silang mga sanguis sa pagkain at inumin ng tao.

Nagagaya na yata siya kay Enricus na hilig magkape para lang daw maramdaman nito na parte pa rin nito na tao ito. Ang kaibigan lang ni Kristian, gusto niyang pawiin ang sakit sa puso niya. Sana pala si Enricus na lang ang kinausap niya. Maiintindihan siya nito pero ayaw nitong umalis sa tabi ng asawang si Jermaine na kahit limang buwan nang nagdadalang-tao ay lagi pa ring may morning sickness.

“Mula nang dumating si Alta sa buhay ko, parang lagi na lang akong nawawalan ng choice. I had no choice but to turn her into a sanguis. I had no choice but to make love with her to save her life. Wala rin akong choice nang siya ang pinili ng tadhana para sa akin.”

“At may choice din ba si Alta?” tanong ni Hideo. “Malamang pinagsisisihan niya na sa dinami-dami ng tao sa mundo, ikaw pa ang minahal niya. Come on! Marami namang lalaki diyan na sigurong mas magmamahal sa kanya pero sa katulad mo pa siya nauwi. Hindi ba mas malas siya dahil sa inyong dalawa siya ang lalong nasasaktan?”

“Kaya natatakot ako para sa kanya,” mahina niyang usal. Ayaw niyang magkaroon ito ng kahit anong ilusyon sa magiging relasyon nila. Dapat malinaw dito kung bakit niya ito pakakasalan para hindi na ito umasa pa sa wala.

“Hindi mo siya kailangang pagmalupitan para di ka mahalin. Hindi mo kailangang maging masama sa kanya dahil minahal ka niya. Love is something precious,” wika ni Nicodemos. “Hindi lahat ng tao nakakatanggap ng pagmamahal. Dapat magpasalamat ka dahil sa dinami-dami ng tao at bampira sa mundo, ikaw ang pinili niya. Maka-appreciate ka naman. Hindi mo kailangang gantihan ang pagmamahal niya. Masyado ka lang natatakot dahil sa naging pagkakamali mo. Pero natuto ka na ng leksiyon. You are not the same man. Don’t be an ass. Nagiging unfair ka sa kanya at sa sarili mo. Bakit pagkakaitan mo ang sarili mo ng pagkakataong maging masaya?”

Napatitig siya sa malinaw na tubig na nasisinagan ng liwanag ng buwan. Tama ba si Nicodemos? Pinagkakaitan ba niya ang sarili niya ng pagkakataong sumaya? May karapatan bang maging masaya ang tulad niya?

“Minsan nang nawala ang isang babae sa akin dahil natakot ako. Kung naniwala sana ako sa tadhana namin, hindi siya mamamatay,” wika ni Hideo. “Malungkot na mabuhay nang mag-isa habang pinagsisisihan mo bakit di mo tinanggap ang kaligayahang inaalok sa iyo ng buhay. Huwag kang tumulad sa akin. Masyadong mahaba ang buhay natin para walang makasamang isang babaeng magmamahal sa atin. At kung hindi mo kayang maging mabuti kay Alta, huwag mo na siyang pakasalan. Maawa ka naman sa kanya.”

Natilihan siya. “Hideo…”

“Lumaki si Alta na walang ama. Maaga siyang naulila at lumaki sa tiya na masyadong malupit sa kanya. Sabik siya na mahalin at alagaan. Napapagod din siyang masaktan at i-reject. She deserves love and kindness. Aanhin mo ang isang tadhana na kamiserablehan lang ang ibibigay sa iyo? She deserves better. A better man.”

Nagtagis ang bagang niya dahil parang di rin siya papayag na mapunta si Alta sa ibang lalaki. That was a part of him that was saying that Alta was his. Hindi niya maiaalis ang atraksiyong nararamdaman niya dito.

Ngumiti si Nicodemos. “Naniniwala pa rin ako na ikaw ang destiny niya. Pero oras na para i-improve mo ang sarili mo.”

“Anong dapat kong gawin? Ayoko nang saktan si Alta. Ayoko nang matakot.”

Gusto niya ang kaligayahan na sinasabi ni Hideo. Kaya siguro ibinigay ng tadhana si Alta sa kanya upang mabago siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.