Naghilamos si Alta at saka tinitigan ang sarili niya. Sigurado siyang hindi siya lasing. Lalo namang hindi siya nagda-drugs. Bakit nang dalawang beses siyang hawakan ni Kristian ay saka niya nakita ang mga iyon na parang pangitain?
Hindi na iyon mahalaga. At least gentleman si Kristian. Ipinagamit pa ang panyo sa kanya. Pasimple niya iyong inamoy kanina. Mabango iyon. It has a scent of his cologne. Parang gusto niyang ipa-laminate pati ang amoy noon. Remembrance para sa di makakalimutang gabing iyon. Nakakahiya lang talaga dahil nagkalat pa siya.
Pumasok ng restroom si Chenie dala ang first aid kit. Parte iyon ng training nila. "Grabe yata ang tama mo kay Sir Kristian. Isang hawak lang sa iyo kung anu-ano nang nabasag."
"Nakakahiya talaga,” aniya at kinagat ang pang-ibabang labi. “Di ko alam kung anong nangyari sa akin.” Parang naghalusinasyon siya ng gising kanina. Napaka-weird pa ng mga halusinasyon niya. Kung may makakabasa lang ng iniisip niya, tiyak na nakakahiya. “Magkano daw 'yung basong nabasag ko?”
"Pasalamat ka dahil ikaw ang darling ngayon. Si Sir Magtibay na daw ang bahala sa nabasag mo. Sabihin natin affected ka ng crush mo na si Sir Kristian,” anito at bumungisngis. Ipinagdidiinan talaga nito ang kapalpakan niya.
"Shhh! Baka may makarinig. Gulo na naman iyon."
"Hmp! Nainis yata siya sa iyo si Wanda dahil naagawan mo siya ng atensiyon. Maldita siya.” Inilahad nito ang palad. “Nasaan 'yung sugat mo?"
Inilahad niya ang palad. "Dito."
Hinawakan nito ang kamay niya at sinipat na mabuti ang palad niya. "Nasaan? Wala namang sugat. Kita mo. Ang kinis-kinis ng daliri mo. "
"Meron 'yan,” giit niya. Malalim pa nga ang hiwa ng sugat niya at mahaba.
Kumikirot pa nga iyon kanina at dumudugo. Hindi niya alam kung bakit may kakaibang kilabot siya kapag nakakakita siya ng dugo. Sugat man galing sa kanya o sugat ng iba, pakiramdam niya ay may sariling buhay ang dugo. Parang tinatawag siya.
Naalala na naman niya na nakitang niyang naging bampira si Kristian Cordero kanina. Ipinilig niya ang ulo. Walang bampira. Kalokohan iyon. Kung anu-ano tuloy ang naiisip niya.
"Wala nga. O! Tingnan mo. Mukhang gusto mo lang umeksena kanina kay Sir Kristian."
"May sugat ako,” giit niya. “May dugo pa nga 'yung panyo niyang ibinalot sa daliri ko." Ipinakita niya ang nakakalat na dugo sa panyo ni Kristian.
"Oo nga, no? E saan napunta ang sugat mo?" Tiningnan nito ang kabilang kamay niya. "Mas lalong wala dito."
Hindi rin niya alam. Pero napapansin niya kapag may sugat siya ay mabilis maghilom. Madalang din siyang magkasakit. Ayaw niyang isipin na may kakaiba sa kanya o abnormal siya. Tingin kasi niya ay blessing iyon. Di kasama sa budget ang pagkakasugat o pagkakasakit. Tatalakan siya ng bongga ng tiyahin niya kapag hindi siya nag-akyat ng pera sa bahay. At masakit sa tainga kapag dinaldalan siya nito. Nakakabasag ng eardrums.
"Lagyan ko na rin ng gamot," sabi niya at nilagyan ang parte na alam niyang may sugat.
Paglabas nila ay nakaabang na si Kristian. Nakasandal ito sa dingding at tumayo ng tuwid nang makita sila. Pumitlag ang puso niya nang lapitan siya nito. "How are you?" tanong nito. Pormal ang boses nito pero parang hinahaplos ang balat niya. Parang inaakit. Heto na naman siya. Pagdating talaga kay Kristian Cordero ay nag-iiba ang pakiramdam niya. Ganito ba talaga kapag nagka-crush? Marinig lang niya ang boses nito ay natutulala na siya?
"Okay lang po,” nanginginig niyang sagot at hinawakan ang daliri na binalutan nila ng manipis na gasa in case bumalik ang sugat niya. “P-Pasensiya na po kanina. Hindi ko naman po sinasadya na mabasag ‘yung baso… kasi…”
“Hindi naman ako ang nasaktan kundi ikaw. You don’t need to apologize. Did I make you feel uncomfortable or something?” nag-aalala nitong tanong.
Umiling si Alta at hindi ito masalubong ng tuwid. Nanginginig kasi ang tuhod niya kapag tinitingnan ito. Hindi siya ang tipo ng babaeng mahiyain o kaya ay natatakot sa mga tao. She was naturally confident. Hindi siya ang tipo ng tao na nai-intimidate kahit sino pa ang kaharap niya. Pero pagdating kay Kristian ay nangangatal siya at mabilis na mabilis ang tibok ng puso niya. Samantalang kaninang kaharap niya ang presidente ng Pilipinas ay di man lang siya nangatal kahit kaunti.
Siniko siya ni Chenie at saka ngumisi kay Kristian. “Pasensiya na po kayo, Sir. Sadya pong ganyan lang sila sa mga guwapo. Nakakatulala naman kasi ang kaguwapuhan ninyo.”
Matalim niya itong sinibat ng tingin habang pinanlakihan siya nito ng mga mata. Parang dine-dare siya nito na oras na kontrahin niya ito ay ibubuko siya nito na crush niya si Kristian. Sasamantalahin na nitong buskahin siya dahil sa wakas ay nagka-interes siya sa isang lalaki. Gusto nitong makaganti sa santambak na panunukso niya dito at kay Herbert noong hindi pa nagliligawan ang mga ito. Nagsimula lang naman kasi sa panunukso niya ang harutan ng mga ito noon hanggang ma-develop ang mga ito sa isa’t isa.
“Sir, babalik na po kami sa table namin,” magalang na paalam ni Alta. Ayaw din niyang magtagal doon kausap si Kristian dahil bukod sa mag-aaway sila ni Wanda, hindi pa rin mawala sa isip niya ang mga pangitaing nakita niya. Na isa itong bampira at hinalikan siya siya.
Nakakaisang hakbang pa lang siya nang muli siya nitong tawagin. “Miss Kintanar, one moment please. May itatanong sana ako sa iyo."
“A-Ano po iyon, Sir?” tanong niya at marahang nilingon ito.
"Mauna na ako,” nakangiting wika ni Chenie at parang nang-iinis pa siyang kinawayan.
Gusto niya itong hilahin pabalik. Di siya nito pwedeng iwang mag-isa kasama si Kristian. Hindi niya alam kung anong gagawin niya Baka magmukha siyang tanga at mawala siya sa sarili. Baka kung ano na naman ang makita niya. Baka ang susunod na makita niya ay nililimas na nito ang dugo niya. Hindi siya takot kay Kristian. Takot siya sa mga nakikita niya.
“I am sorry. Naisip kong mas mabuti na dito na lang tayo mag-usap,” sabi nito.
Napasandal siya sa dingding para suportahan ang nanghihina niyang katawan. “M-May problema po ba, Sir?”
Tinitigan siya nito nang mabuti at pakiramdam niya ay naestatwa siya sa kinatatayun. She held her breath. “Anong nakita mo kaninang hawakan mo ako?"
Nahigit niya ang hininga. “N-Nakita? Ano pong nakita?”
“Alam ko na may nakita ka kaninang hinawakan mo ako, Miss Kintanar. Ano iyon?” anito at lalo pang inilapit ang mukha sa kanya para matitigan siyang mabuti.
Naliliyo siya sa mabango nitong hininga. Sasabihin ba niya dito ang nakita niya kanina? “W-Wala po akong nakita. Kalokohan lang ang nakita ko kanina.”
“Ano iyon?” mas mariin nitong tanong at mas matiim ang titig nito. Parang nairita pa ito nang bahagya siyang tumawa.
“Naku, Sir! Sa palagay ko nakainom lang talaga ako. Mabilis po akong malasing. Wala naman iyong nakita ko. Saka hindi naman iyon totoo…”
“Miss Kintanar, sabihin mo kung ano ang nakita mo! Ayoko ng paligoy-ligoy!” matalim na utos nito kanya. “Huwag mong sayangin ang oras ko.”
Ang kulit naman nito. Talagang hindi siya nito tatantanan hangga’t hindi siya umaamin. Sa huli ay napilitan siyang aminin bago pa siya bumigay ang tuhod niya sa panginginig. Simpleng paglalapit lang ng katawan nila ay matindi na ang epekto sa kanya.