“Bampira ka daw. May pangil. Kakagatin mo daw ako.”
“Ano?” bulalas nito.
Pumalatak siya at parang gusto ring batukan ang sarili. “Kita mo na. E di mukha pa akong tanga ngayon.”
“Who are you?” mariing tanong nito habang matiim ang titig sa mga mata niya. Iba ang init na naramdaman niya habang nakatitig ito. Parang tumatagos sa kaluluwa niya. “O mas dapat kong itanong kung ano ka?”
“Ano bang klaseng tanong iyan?”
Napatitig siya sa mga mata nito. Parang nag-iiba ang kulay ng mga mata nito. Pakiramdam niya ay dahan-dahan nitong hinihigop ang pagkatao niya. Nagtayuan ang lahat ng balahibo niya dahil pakiramdam niya anumang oras ay lalabas ang pangil nito at lilimasin ang dugo niya. At tulad sa mga pelikula ay sunud-sunuran lang ang mga biktima nito na iaalay ang leeg dito at magpapagat.
Lintik! Kahit na gaano pa ito kaguwapo ay hindi niya ipapaubos ang dugo niya dito. Hindi siya dapat na magpaakit dito. Kailangan niyang kumawala sa mahikang nililikha nito.
Itinulak niya ito. “Lumayo ka sa akin! Huwag!”
Pumikit siya at pilit na isinara ang utak dahil baka anong pangitani na naman ang makita niya. O baka habulin siya nito at naka-full vampire form na ito.
Napatili siya nang bumangga siya. Baka si Kristian iyon. Mabibilis ang mga bampira at pwede siyanga abutan nito. May humawak sa balikat niya bago pa siya makalayo. “Alta, anong nangyari sa iyo?”
“Homer?” usal niya at tiningala ito. Nakahinga siya ng maluwag. “Akala ko kung sino ka na.”
“Bakit? May nambastos ba sa iyo?” tanong nito at tiningnan ang pinanggalingan niya.
Nang lumingon siya, wala na kinatatayuan si Kristian. Marahil ay pumasok na ito sa restroom. Ang bilis naman. Di niya napansin. Ni walang bakas nito. Parang imahinasyon lang kanina na nagkausap sila.
Ipinilig ni Alta ang ulo. “W-Wala. Bumalik na tayo sa table.”
“Ano ngang nangyari sa iyo?” giit ng kaibigan hanggang makabalik sila ng table nila.
Kinuha niya ang menu at umorder ng prawn sautéed in garlic na siyang unang pagkain sa menu na nakita niyang may garlic. “B-Bigla akong nagutom,” sabi niya at nakita pa sa gilid ng mata niya si Kristian na lumabas mula sa hallway kung saan nandoon ang restroom. Sinalubong agad ito ni Wanda at yumakap sa leeg nito. Magkahalong takot at matinding iritasyon ang nararamdaman niya.
“Ang weird mo,” sabi ni Homer. “At bakit may bawang ‘yang in-order mo? Makikikain pa mandin ako. Ayoko ng maraming bawang.”
“Umorder ka ng iba,” pakli ni Alta at umirap. “Basta ayokong lapitan ng aswang, bampira, multo…”
Hindi na siya malalapitan pa ni Kristian Cordero. Pero bakit parang malungkot siya habang nakikita itong nilalambing ni Wanda. Hindi naman siya possessive sa lalaki kahit gaano pa kaguwapo. Ngayon pa lang niya ito nakilala.
“THAT woman is so stupid. Huh! Napakaluma na ng style niya para magpapansin sa lalaki. Broken glass indeed. How cheap!”
Nanghahaba ang nguso ni Wanda habang nakaupo sa tabi ni Kristian. Humaharurot ang sportscar niya sa kahabaan ng Taft Avenue. Galing silang Malate at ihahatid niya ito sa condo nito sa Makati. She was the perfect arm candy for a man like him. A medaled athlete and a lovely woman. Colleague niya ang tiyuhin nito at na-meet na niya ito sa ilang parties. May imbitasyon siya para sa victory party ng Philippine team na nanguna sa SEA Games at ito agad ang sumalubong sa kanya. Halos di na siya nito iniwan.
Pinapalagpas lang niya ang pagiging possessive nito at di niya iniinda na minsan ay wala itong sense kausap. He had more than enough common sense for both of them. Subalit sa pagkakataong ito ay hindi niya gusto ang inasal nito.
“Anong problema kay Miss Kintanar? She’s actually the star with all those medals. Baka pagod lang iyong tao sa dami ng kinamayan niyang personalidad ngayon,” pagtatanggol ni Kristian sa babae.
“Oh, please! She tried to steal you away from me. Akala mo ba hindi ko nakita nang halos halikan mo siya? Inaakit ka niya.”
“Don’t give me that attitude. You don’t own me, Wanda.”
“I’m sorry,” mahinang usal nito at humilig sa braso niya. She actually purred.
Hindi niya masisisi si Wanda. Alta Kintanar was something. Napansin agad niya ito kaninang pagpasok ng bar. Parang may magnetong humihila sa kanya dito. She was not a stunning model, actress or socialite that he usually date. She was an athlete. Lithe and sometimes she acted like one of the boys despite of her feminine looks. But there was something about her that was calling out to him.
The call of blood? To mate?
Mahigpit niyang hinawakan ang manibela lalo na nang maalala kung paanong mag-react ang katawan niya nang hawakan nito ang kamay niya. He wanted to kiss her, make love with her and taste her blood.
Si Kristian mismo ang kumokontrol sa katawan niya. He only drank blood from people who were willing. He had slave or host where he could get his blood from. Hindi siya umiinom mula sa inosenteng mga tao na walang alam tungkol sa tunay niyang pagkatao.
Pero nakita ni Alta Kintanar kung sino talaga siya. Isang bampira. Nakita niya ang takot sa mga mata nito. Pwede niyang isiping dahil nakainom ito pero hindi amoy alak ang hininga nito.
Something else bothered him. Hindi niya magawang kontrolin ang utak nito. As a sanguis, he could control normal human. Nagawa nitong iwasan ang huli niyang tanong. Wala pang ordinaryong taong nakagawang iwasan ang mind control niya. Kahit sa mga bampira ay nagagawa niya iyon lalo na’t mas malakas siya.
Kung nakita nitong isa siyang sanguis, isa ring nakakabahalang pangitain ang nakita niya nang itulak siya nito kanina. Nakatayo daw ito habang nakatingala sa buwan na may rainbow ring sa paligid. Sa leeg nito ay may tatak ng crescent moon. He was not the type of sanguis who had visions. Hindi iyon kasama sa kakayahan niya. Pero bakit iyon ang nakita niya?
Ipinilig ni Kristian ang ulo. Ito ba ang itinakda? Imposible. Sa December pa magiging twenty-one ang itinakda. Nag-twenty-one si Alta.
Bakit ganito ang nararamdaman niya sa babae? Bakit nakita nito sa pangitain na sanguis siya? Is she a seer? Is she something else? Pero may isa nang kresme - si Jermaine. Posible rin naman na may dugong sanguis si Alta pero di nito alam.
Nagulat pa ang binata nang pagapangin ni Wanda ang daliri sa leeg niya. “Kristian, kailan mo ako papipirmahin ng kontrata para sa sports apparel line mo?”
Mariing nagdikit ang mga labi niya sa pagtitimpi. May agenda si Wanda sa pananatili sa tabi niya. She wanted to advance her career. She would use her body and her looks to get what she wanted. Pero hindi iyon ang paniniwala niya sa negosyo. Hiwalay ang personal niyang buhay sa trabaho. Kung pipiliin niya itong model, iyon ay dahil ito ang babagay sa imahe na gusto niyang i-project.
“I have people who will decide on that.” Itinigil niya ang kotse sa harap ng condo building nito. “Why don’t you take a rest? Your wrinkles are showing,” aniya at umangat ang gilid ng labi.
Nahigit ni Wanda ang hininga at kinapa ang pisngi. “I don’t have wrinkles,” kaila nito. “Binibiro mo ako.” Isiniksik nito ang katawan sa kanya. “Stay with me, darling.”
“I have an early business to attend to tomorrow. Goodnight.”
Nanghahaba ang nguso nitong bumaba ng sasakyan. Hindi man lang kasi siya nag-abalang halikan ito. He doubted if he’d call or see her again. He was not interested.
May mas importante siyang kailangang asikasuhin. He needed to probe on Alta Kintanar. Kailangan niyang malaman kung sino talaga ito.