NANG sumunod na Sabado ay niyaya ni Anna ang matalik na kaibigan na mag-usap. Dahil nasa usual routine nito si Jaysen ay hindi na niya ito isinama. Nagpresinta rin si Daimon na samahan ito kaya kahit malayo sa tabi ng anak, panatag si Anna. Pumayag si Alexa na makipagkita sa kanya kaya naman inaasahan niya talaga na magpapakita ito.
Pero nang may makitang pamilyar na bulto si Anna sa coffee shop kung saan niyaya niya ang kaibigan, nagkaroon na agad siya ng hinala na in-Indian siya nito. Nakita naman siya agad ng “ipinadala” nito kaya baka pa siya makapagdesisyon kung magpapakita rin siya rito ay nawalan na ng pagpipilian si Anna.
“Hey, Anna!” sita agad nito sa kanya. Kinawayan siya nito. Tuluyan na siyang napalapit sa lalaki. Pinakatitigan naman siya agad nito. “You look exhausted, ah.”
Tumaas ang isang kilay ni Anna. Nag-ayos naman siya pero mababakas ba talaga ang kalungkutan sa mukha niya dahilan para mukha siyang pagod na pagod?
“Paano, kanina ka pa kasi takbo nang takbo sa isip ko,” ngumisi ang lalaki.
Napailing-iling si Anna. “Kailangan ba talaga kapag makikipag-usap ka sa akin, may pumapaunang banat muna, JD?”
Ngumisi lalo si JD. “I’m used to it.”
Ngumiti si Anna. Nasasanay na rin naman siya sa kalokohan ni JD, lalo na sa wala yatang katapusan na banat nito. Simula nang magkakilala sila ni JD sa apartment ni Alexa, naging in touch sila. Paano kasi, kahit tumanggi siya na ibigay rito ang cell phone number niya, kinuha naman iyon nito sa matalik na kaibigan. Halos araw-araw ay tine-text siya nito ng mga banat at pick-up lines nito. Nire-reply-an rin naman niya paminsan-minsan ang mga kakulitan nito.
Nakausap ni Anna si Alexa pagkatapos ng unang beses na pagkikita nila ni JD. Kinumpirma nga nito ang pinagsasabi ng maloko nitong pinsan. Ngunit kahit ganoon, hanggang sa text at facebook pa lang rin niya ma-reach ito. Naging matindi kasi ang jetlag nito at hindi raw muna nito siya kayang asikasuhin sa mga susunod na araw. Ngayon na lang siya nagkaroon ng oras na makipag-usap rito pero hindi naman ito dumating.
“But seriously, Anna. I think there is something wrong with you.”
Hindi pinansin ni Anna ang sinabi ni JD. “Si Alexa?”
“Well, tinamaan siya ng artist side niya. Tinopak. Hindi ka na raw niya sisiputin. Eh ayaw ko naman na ganunin ka na lang `di ba? Sa gentleman ko na ito, hahayaan na mangyari na lang iyon?”
Umiling si Anna. “It’s okay, JD. Nag-abala ka pa. Sanay na rin naman ako kay Alexa,” hindi miminsan na ginawa iyon sa kanya ng kaibigan. Pero sa tuwina ay iniintindi na lang niya ito dahil nasanay na nga siya. Isama pa na hindi naman niya talaga kailangang pangunahan at hingan ng oras ang kanyang kaibigan palagi dahil may sarili itong buhay.
Hinawakan ni JD ang kamay niya. “You can always count on me, Anna. Bakit nga ba tila gustong-gusto mong makausap si Alexa? May problema ka ba? Alam mo, puwede ka namang mag-open sa akin. Magkaibigan na tayo `di ba?”
Tinitigan niya si JD. Masasabi nga niya na maaari na niyang maituring na kaibigan si JD dahil na rin sa araw-araw nitong pangungulit sa kanya. Pero hindi niya ugali na magkuwento na lamang palagi ng nararamdaman niya sa iba, lalo na sa mga bago pa lamang niyang kakilala.
“T-tungkol ba ito sa pagsasama niyo ng asawa mo?”
Kumunot ang noo ni Anna. “Paano mo nalaman ang tungkol roon?”
“Sinabi sa akin ni Alexa. Nadulas lang siya actually kaya kung may binabalak kang magtanim ng galit sa kanya, don’t. Hindi niya sinasadya. But I’m curious. Ito nga ba ang gusto mong i-open up sa kanya?”
Huminga nang malalim si Anna. Noong una pa lang talaga niyang puntahan si Alexa sa apartment nito, iyon na ang gusto niyang sabihin rito. Gusto niyang hingiin ang opinion nito tungkol roon. Kailangan niya ng magpapayo dahil naguguluhan siya sa damdamin niya kay Daimon. Hanggang pagkatapos ng araw na iyon, naguguluhan pa rin siya. Inasahan niya na masasagot ang problema niya ng araw na iyon pero pakiramdam niya ay lalo pa siyang nagulo. At nang mangyari ang date nila na iyon ni Daimon, lumala pa lalo iyon.
Ang akala ni Anna ay magiging maayos na ang lahat pagkatapos ng date nila na iyon. She surrendered to him. She gave herself to him. Tila nagkaroon na rin ng kasagutan ang mga gumugulo sa kanya. Naging katakot-takot man at nakakapanghinayang ang mga rebelasyon, still, umasa si Anna na pagkatapos ng nangyari ay magiging maayos na ang relasyon nila ni Daimon.
Pero nagkamali siya. Nagbago ito.
“Hindi ka na ba masaya sa naging pagsasama niyo, Anna?”
“Hindi mo alam ang tunay na istorya, JD. Pero para punan ang curiousity mo, hayaan mong sabihin ko sa `yo ang tungkol sa mga nangyari.”
Inamin ni Anna kay JD ang nangyari sa kanila ni Daimon. Naging kakaiba para kay Anna ang asal nito. He was serious. Taimtim na nakikinig.
“I conclude with what you said that you are full of fears, Anna. Especially when it comes to love.”
Tumango si Anna. “Ganoon na nga. Noong una ay natatakot ako na magmahal dahil sa nangyari sa pamilya ko. Sumunod na natakot naman ako ay nang saktan niya ako. Pinipigilan rin ako ng mga sakit para mahalin muli siya. Natakot ako na kapag ibinigay ko muli iyon sa kanya ay sirain na naman niya iyon. Pinigilan ko ang damdamin ko, mas pinanaig ko ang mga sakit. Natakot ako na matalo na naman.”
“You never lose by loving, Anna. You lose when you hold it back.”
Bahagyang natigilan si Anna sa sinabi ni JD. Tila nagkaroon ng isang malaking epekto ang binitawang salita na iyon ni JD. Aaminin ni Anna na sa kabila ng lahat, may takot pa rin sa puso niya. Pero hindi kagaya ng dati, bearable na ang takot. Kaya na niyang isantabi iyon. Hindi na rin ganoon kasakit ang mga sugat. Pero sa sinabi ni JD, tila may malaking kamay na pumawi ng lahat ng natitirang takot at sakit sa puso niya.
“Y-you’re right,” wika ni Anna nang makabawi. “Pero hindi na lang ganoon ang sitwasyon ngayon.”
“May mas matindi pang problema bukod roon?”
“Nagbago siya pagkatapos ng gabing ibinigay ko muli ang sarili ko sa kanya,” panimula ni Anna. Masakit sa kanya na maalala pero kailangan niyang ilabas iyon. Naging malaking pagbabago para sa kanya ang ginagawa ni Daimon nang mga nakaraang araw. May nangyari sa kanila sa yate pero hindi na iyon muling naulit. Nararamdaman rin niya na tila si Daimon naman ang lumalayo sa kanya.
“Tinanong mo na ba siya kung bakit?”
Umiling si Anna pagkatapos ay kinagat ang ibabang labi. Inamin ang kanyang pagkakamali. “Natatakot ako.”
“Natatakot na naman saan?” mukhang nairita na si JD.
Napayuko si Anna. “Sinabihan niya ako ng mahal niya ako, dapat ay mapanatag ako roon. Pero pagkatapos ng nangyari, pinanlamigan niya ako. Sa pagkakatanda ko, wala naman akong mali na naggawa. Kaya ano ang naging mali? Paano kung sa kanya may mali? Paano kung pagkatapos ng lahat...napagtanto niya na hindi na niya ako mahal?”
Na-guilty nang husto si Anna sa ginawang pagpapaalala sa kanya na hindi lang naman talaga si Daimon ang nagkasala. Ang nanira ng mga pangako---siya rin pala. Hindi niya nga lamang agad iyon napansin at naalala dahil nabulag lang siya sa naging pagkakamali ni Daimon. Naging sarado ang isip niya. Ganoon naman talaga kapag nagalit ka sa isang tao? Ang nakita mo lang ay ang pagkakamali nito. Pero hindi pala ibig sabihin na dahil nasaktan ka, ikaw palagi ang tama. Na hindi mo na makikita at maalala rin ang naging pagkakamali mo...
Sinabi naman sa kanya ni Daimon na ayos lamang ang lahat. Naging madali lang para rito ang naging pagpapatawad. Kahit alam ni Anna na mali at tila unfair, tinanggap na rin naman niya iyon. Pinatunayan sa kanya ni Daimon kung gaano siya nito kamahal. He was willing to embrace all her faults, too. Pero ano ang nangyayari rito sa ngayon? Kasalanan ba niya ang panlalamig nito? Mukha namang hindi dahil sa mga sinabi nito sa kanya ng gabing iyon. Kaya mas ikinatakot ni Anna na baka dito may mali. Paano kung bigla-bigla na lang maisip nito pagkatapos ng nangyari na wala naman talaga itong nararamdaman sa kanya?
“Natatakot ako na malaman ang sagot niya, JD. Hindi ko yata makakaya kung sasabihin niya na lang bigla na siya talaga ang dahilan. Na napagtanto niya na hindi na niya ako mahal...”
Tumango-tango si JD. “Naiintindihan kita, Anna. Pero ang masasabi ko lang, hindi dapat si Alexa o ako ang pinuntahan mo. It really should be him. Malulutas lang ang lahat ng gulo sa utak mo kapag tinanggal mo ang takot sa puso mo. Paano kung simpleng misunderstanding lang naman ang lahat `di ba? Madaling malutas pero pinoproblema mo nang husto. Kausapin mo siya. Iyon lang ang paraan para maging maayos ang lahat. Remember what I told you. You don’t lose by loving; you lose when you hold it back. If you continue holding back your thoughts, ikaw rin ang mahihirapan. Ikaw rin ang lalong masasaktan.”
Tumango si Anna. Tama si JD. Pakiramdam niya ay nabunutan ng tinik siya sa puso. Nakakatakot man pero kailangan niyang harapin iyon para sa peace of mind niya. “Maraming salamat, JD. Akalain mo `yun, kaya mo rin naman palang maging seryoso...”
“Bakit, hindi ka ba talaga naniniwala na seryoso talaga ang pagbibigay ko ng banat sa `yo?”
Tumaas ang isang kilay ni Anna. “Gusto mo talaga ako?”
Ngumisi si JD. “Seriously Anna... gusto talaga kita. Ano nga iyong banat ko sa `yo? `Yung sa tambutso? Ah, kasi umuusok ka sa kagandahan at kaseksihan.” Lumawak pa lalo ang ngisi nito nang tignan siya. “Physically, napakaganda mo, Anna. Marami talaga na magkakagusto sa `yo at isa nga ako roon. Pero hindi naman talaga puwede `di ba? Lalo na sa nalaman ko na may asawa at anak ka na pala. But its okay. Bukod sa makulit, maintindihin rin naman ako. Ipagdadasal ko na lang kay Lord na sana next life time, pagkakataon naman natin. Hintayin mo ako, ha?” kinindatan pa siya nito pagkatapos.
“Sira ka talaga!” hindi naman mapigilan ni Anna na mapangiti. Masasabi niya na nagulo rin naman siya ni JD. Pero nang subukan niyang kapain ang nararamdaman niya rito sa simula pa lang, naramdaman niya na masaya siya pero hindi iyong klase ng saya na maiisip niyang sasaya siya sa piling nito habang buhay. Sinubukan rin naman niya na kapain ang nararamdaman, lalo na ng mga sumunod na araw na naging in touch sila pero iba pa rin talaga ang nararamdaman niya kaysa kay Daimon. Mas matindi ang nararamdaman niya sa asawa. Si Daimon, kahit wala itong sinasabi na nakakatawa o ginagawa man lang, napapangiti na siya. Ang makita niya ito, ang malaman na mahal siya nito ay masaya na siya. Kaya masasabi ni Anna na hindi naman talaga totoo ang hula. Hindi si JD ang itinakda para sa kanya. It was Daimon. It was always Daimon. Charming lang talaga si JD kaya nagagawa siya nitong pangitiin at pasayahin.
“Hindi ako makina para maging sira. Pero on a serious note again, Anna, wala ka ba talagang gusto sa akin? Hindi mo ba ako type? Kahit naging type lang?”
“Hmmm...Try mo ipa-blood typing ako para malaman mo.”
Ngumiti si JD. “Aha! Natututo ka na sa akin ha! Natututo ka na rin na bumanat!”
Ngumisi si Anna. Pagkatapos ng mga seryosong pinag-usapan, bumalik na muli si JD sa paboritong personalidad nito. Nagkuwento ito at dahil naaliw rin siya sa mga kuwento nito, ni hindi na niya namalayan ang oras. Gabi na nang maalala niyang tignan ang cell phone para malaman ang lagay ng mag-ama niya. Alam ni Daimon na pupunta siya sa coffee shop na iyon at sinabi rin nito na susunduin siya nito sa lugar basta mag-text lang siya kapag pauwi na siya. Nang tignan niya ang cell phone ay kinabahan siya nang makitang may sampung missed calls si Daimon. May limang messages rin ito. Nang basahin niya ang pinakahuling message ay nalaman niya na susunduin na siya nito dahil nagyaya na raw umuwi si Jaysen. Thirty minutes ago pa ang huling message kaya naisip ni Anna na anumang oras ay darating na si Daimon doon.
Akmang magpapaalam na siya kay JD dahil na rin hindi niya gustong makita ni Daimon ito roon at baka iba ang isipin ng asawa pero bago pa niya iyon maggawa, napansin na niya si Daimon na nasa loob ng coffee shop. Nakatayo ito sa may pintuan, hawak-hawak ang tila antok na antok ng anak nila at madilim ang mukhang nakatingin sa kanya. Pero hindi niya masisisi ang asawa. Niloko niya ito. Ang paalam niya ay si Alexa ang kasama niya pero iyon, isang hindi nito kilalang lalaki ang nakita nitong kasama niya.
Kailangan na talagang magkaliwanan. Magpapaliwanag siya sa asawa. At ito rin ay kailangang magpaliwanag sa kanya.