Broken Vows Trilogy Chapter 5

ANG BUONG akala ni Anna ay wala na siyang mararamdaman pa sa kung sakaling mawala na rin sa kanya ang kaisa-isang kamag-anak niya. Wala rin naman ipinakita sa kanya ang matanda kaya mas lalong tumibay ang akala niya. Ito lang ang kumupkop sa kanya pagkatapos niyang maulila sa ina at abandunahin siya ng kanyang ama. Pero tanging iyon lang ang ginawa ng Lolo niya sa kanya....ang kupkupin.

Nag-iisang anak lang ang kanyang ama at matagal na rin na patay ang kanyang Lola. Sa parte naman ng kanyang ina, matagal na rin itong ulila at wala rin mga kapatid o kahit anong malapit na kamag-anak. Tanging ang Lolo niya lamang ang maaaring kumupkop sa kanya. Ginawa man nito iyon sa kanya, pero alam niyang tila may mali. Sadya naman talagang malupit ito. Dating mataas ang posisyon nito bilang sundalo. Bihirang-bihira itong magpakita ng emosyon. Wala siyang maramdaman rito kung hindi ang pag-aalaga nito sa kanya financially. Kahit sa iisang bubong sila tumitira ay ni hindi man lang siya nito kausapin kung kumusta ba siya o ano. Kapag sinusubukan niyang ilapit ang sarili rito, lumalayo ito sa kanya. Hindi nito gustong lumapit siya rito. Hindi siya nito gusto.

Hindi rin gusto ni Anna ang Lolo. Pero hindi niya maiwasan na masaktan na ngayong malubha ang sakit nito at ang sabi ng Doctor ay malamang, hindi na rin magtatagal ang buhay.

Ang Lolo na lang niya ang natitira niyang kamag-anak. Ang alam niyang tatanggap pa rin sa kanya. Paano kasi ay nasa isang bansa ang kanyang ama at kahit alam nito ang kalagayan ng ama, hindi raw ito makakauwi. Hindi nito gustong umuwi. Wala na talaga itong pakialam sa pamilya nito at kahit sa kanyang mismong laman at dugo nito.

“Anna, puwede kang matulog...” nag-aalala ang tinig ni Daimon. Dahil hindi pa rin tumigil ang lalaki sa pagsunod sa kanya sa kabila ng mga pagtanggi at pag-alam nito sa dahilan kung bakit ayaw niyang mapalapit rito. Mas naging pursigido pa nga ito. Nalaman rin nito ang tungkol sa nangyari sa kanyang Lolo. Sinamahan siya nito. Dinamayan. At dahil pakiramdam niya ay kailangan rin niya ng karamay, pinayagan na niya ito. Nasa Cebu kasi ngayon si Alexa para sumali sa isang linggong painting competition. Hindi niya rin naman gustong istorbohin ito dahil alam niyang pangarap nito iyon.

Umiling si Anna. “Paano kung matulog ako ay bigla na lang mawala si Lolo?”

“Huwag kang mag-isip ng ganoon. Hindi mangyayari iyon...” wika ni Daimon na tila ba siguradong-sigurado.

Matagal ng may sakit sa puso ang kanyang Lolo at ngayon ay inatake ito. Minsan na rin naman itong inatake pero naging malala ang ngayon. Sa tindi ng atake ay na-comatose ito. Walang kasiguraduhan kung magigising pa raw ito.

Malamlam ang mga mata na sinalubong niya ng tingin si Daimon. “Natatakot ako...”

Niyakap siya ni Daimon. Nakaramdam si Anna ng kakaiba sa yakap nito na kahit alam niyang mali iyon, hindi niya naggawang tanggihan. She really needed someone right now. Daimon was there. Nakakatakot man ang nararamdaman niya sa yakap nito, hindi niya maitatanggi na nagustuhan niya iyon.

“Whatever happens, I’m here. I will always be here. Kung may masamang mangyari, gigisingin kita. Just sleep, Anna. Halos beinte kuwatro oras ka ng gising simula nang dalhin sa ICU ang Lolo mo...”

Gusto niyang patulan ang sinasabi nito dahil ramdam niya na ano man na oras, bibigay na ang katawan niya. Pero naisip niya si Daimon. Halos kasunod niya lamang ito na naroroon. Kung matutulog siya, kailangang manatili itong gising. “Pagod ka na rin, Daimon.”

“Sshhh... Don’t worry about me. I’m a guy. Malakas ang resistensya ko. Kaya kong hindi matulog ng dalawang araw o higit pa. Kaya please... ayaw kong makita ka na ganito dahil pakiramdam ko, napapagod at nasasaktan rin ako.”

Sandaling natigilan si Anna at napatitig kay Daimon. Ilang buwan na rin siyang sinusundan nito at sa kabila ng mga pagtanggi niya rito, hindi pa rin siya nito sinusukuan. Masasabi ni Anna na ilang beses na rin naman siyang natukso na pagbigyan ang lalaki. Pero palagi niyang isinasaisip ang tungkol sa kanyang ama at kung paano nito sinira ang pamilya niya. Natatakot siyang isang araw, mangyari rin iyon sa kanya. Natakot siyang magtake risk.

Pero pinatunayan ni Daimon na iba ito. Iba rin ang nararamdaman niya rito. Sa kabila ng pangungulit nito, sa mga araw naman na pumapalya itong kulitin siya, ay tila hinahanap niya ito. Pero nuncang aaminin niya iyon kahit sa matalik na kaibigan na si Alexa. Sinabi na niya sa kanyang sarili na ayaw na niyang mapalapit pa sa mga lalaki dahil na rin sa karanasan sa magulang. Kahit na mabait pa ang mga iyon, ayaw na niyang magtake risk. People changed. Gusto niyang panagutan ang kanyang pananaw. Ayaw niyang masaktan. But Daimon prove himself that he was worth her time. Worthy of her heart. Kaya ba talaga niyang panagutan ang kanyang pananaw gayong may nararamdaman rin siya rito? Kaya ba niyang pigilan ang nararamdaman ng kanyang puso?

Inalala ni Anna ang sinabi sa kanya ng manghuhula sa Quiapo. Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya naniniwala roon. Napilit lang siya ni Alexa na magpahula dahil promo raw iyon ng manghuhula at sayang naman kung hindi nila gagawin. Gusto na kasing magka-lovelife ng best friend niya at gusto nitong malaman kung malapit na ba raw dumating iyon. Sa kasamaang palad, hindi makita ng manghuhula ang para rito pero malinaw raw ang kanya. Binigyan pa siya nito ng clue sa magiging initials ng lalaki.

Masasabi ni Anna na maaaring si Daimon na nga iyon. JD, DJ. Magkabaligtad lang pero wala namang sinabi sa kanya ang manghuhula kung nasa chronological order ang initials na iyon. Paniwalang-paniwala si Alexa roon. Gusto nitong magka-love life na siya dahil na rin sa klase ng pananaw niya sa buhay. Gusto nitong mabago niya iyon.

Napangiti si Anna nang maisip na iyon nga si Daimon. Not bad, Not really bad.

Humilig si Anna sa balikat ni Daimon para tuparin ang hinihiling nito. Kinuha nito ang kanyang ulo at dinala iyon sa dibdib nito para lalo siyang maging komportable. Nanlalabo na ang mga pakiramdam niya dahil na rin sa pagod pero hindi niya naiwasan na mapansin at maramdaman ang malakas na tibok ng puso nito na tila nakikipag-duet sa kanyang puso. Nakakatakot pero gusto niya ang pakiramdam. Kakaiba pero masarap...

Nararamdaman niya na may nararamdaman rin naman talaga siya kay Daimon. Pinipigilan lang niya iyon dahil sa history ng kanyang mga magulang.

ILANG araw pagkatapos ma-ICU ng Lolo ni Anna ay namatay ito. Namuhay lalo ang sakit. Pakiramdam talaga niya ay nag-iisa na siya dahil kahit hanggang nangyari iyon, hindi pa rin niya naasahan ang kanyang ama na umuwi. Na-extend si Alexa sa Cebu kaya hindi rin siya nito nadamayan. Ngunit kahit ganoon, nanatili si Daimon sa kanyang tabi. Inalalayan siya nito sa pagsubok na kanyang dinaanan. Lalo niyang nakita ang kapursigihan at kabaitan nito. Dahil roon, nakabuo si Anna ng isang desisyon.

Sinubukan ni Anna na pagbigyan si Daimon sa paglapit sa buhay niya. Ngunit kahit kakaiba na ang nararamdaman niya rito, parang lalong namuhay ang takot sa puso niya nang makilala ito nang husto. Kapareho niya ay produkto rin ng isang broken family si Daimon.

Napag-aralan ni Anna sa isang klase niya ngayong college na namamana rin pala ang ugali ng isang bata sa mga magulang nito. Although mas malaking factor ang environment na kinalakihan nito, maaari pa rin na mamana nito ang genes ng mga magulang. Kagaya ng kanyang ama, nalaman niyang playboy rin ang ama ni Daimon.

Mabait naman si Daimon. Sa pakikipaglapit niya rito, puro kabutihan ang ipinakita nito sa kanya. Walang kahit na anong mali. Ngunit ayaw magpakasigurado ni Anna.

Sinubukan niya si Daimon.

Kahit si Anna ay masasabi na napaka-weird ng gagawin niya rito pero dahil na rin sa kanyang nakaraan, ninais niya na subukan ang faithfulness ni Daimon. Kahit na mabait ito sa kanya, iba pa rin ang kapit ng tukso. Lalo na at hindi naman niya ito nadadala sa isang alinlangan na sitwasyon. Alinlangan na lugar...

“Seryoso ka ba, Anna? Dito mo tayo gustong mag-date?” gusot ang mukhang tanong ni Daimon sa kanya. Dinala niya ito sa isang bar kung saan nasabi sa kanya ni Alexa minsan na maraming magagandang babae na pumupunta. Mahilig kasi ang kaibigan niya at ang malalapit nitong pinsan sa mga night-outs. Hindi naman niya gustong sumama rito kahit na ba minsan ay niyaya siya nito.

“Yep! Hindi pa ako nakakapunta ng bar. Gusto kong subukan.”

Pumayag si Daimon. Madilim ang bar pero napansin agad niya na marami nga talagang babae. Umagaw rin sa atensyon ng mga ito ang kasama niyang lalaki. Ilang babae ang nakita niyang paulit-ulit na tumitingin sa direksyon ni Daimon. Inoobserbahan niya si Daimon. Tumitingin ito pero hindi nagtatagal iyon. Halos ang buong atensyon nito ay ibinigay lang nito sa kanya.

Um-order si Daimon ng maiinom. Napakunot ang noo niya nang makitang cocktail drink lang ang in-order nito.

“Hindi ako mahilig uminom ng mga strong na alak. Umiinom lang ako ng ganoon kapag may problema,”

Tumango-tango si Anna. Mabilis lang nila na naubos ang cocktail drink na in-order nito. Gusto pa sana niya pero pinigilan siya ni Daimon. “Masarap pero taksil ang mga ganitong inumin, Anna. Ayaw kong malasing ka.”

Nagustuhan niya ang concern ni Daimon sa kanya. Sinunod niya ito. Nang yayain niya si Daimon na sumayaw ay pumayag ito pero naramdaman niya na mukhang hindi nito nagustuhan iyon.

“Hindi ko talaga hilig ang mga ganitong bagay,” sabi nito ng tanungin niya ito kung ano ano ang problema.

“Hindi ka komportable?”

Tumango ito. “Pero dahil gusto mo, ginagawa ko....”

Dagdag puntos rin sa kanya ang sinabi nito. Gumagawa si Daimon ng mga bagay na kahit hindi nito gusto ay ginagawa nito para sa kanya. Pinapakita lang nito na willing itong mag-adjust para sa kanya at uunahin ang kanyang kasiyahan kaysa sa kasiyahan nito.

Ilang sandali pa ay bumalik na sila sa table kanina. Ngunit sa pagbalik ay may sumunod na babae sa kanila. Ngumiti ito ng mapang-akit kay Daimon.

“Hi loverboy, care to have a dance with me?” wika nito. Namumungay pa ang mga mata nito. Naging alerto si Anna. Ito na ang kailangan niya para lalong masubok si Daimon.

Pinagmasdan niya ang babae. Maganda ito, malaki ang iginanda kaysa sa kanya. Tangang lalaki na lang siguro ang hindi papatol rito.

Ngunit ni isang hint ng tukso ay wala syang nakita kay Daimon. Disgusto ang nakita niya roon.

“You ask me that when you clearly see I’m with a girl?”

Tumaas ang isang kilay nito. “Is she your girlfriend? You don’t look like lovers to me...”

“Kahit na ganoon ang sitwasyon, hindi mo pa rin ako dapat na nilapitan dahil alam mo naman na may kasama ako. Isa pa, babae ka. Have some respect for yourself. Hindi ka dapat basta na lang nagyayaya ng sayaw sa taong hindi mo naman kilala.” Iyon lang at niyaya na siyang umalis ni Daimon sa bar. Halatang nairita ito. Pumayag na rin naman siya sa gusto nito dahil ayaw rin naman niya na nagkakaganoon si Daimon.

“This is why I hate bars. Maraming babaeng akala mo ay nagkukulang na ng supply ng tela sa Pilipinas. Isama pa na madalas, walang respeto sa sarili.” Wika nito sa kanya pagkatapos.

“At hindi mo gusto iyon? Hindi mo gusto ang babae? If you ask me, maganda siya...”

Kumunot ang noo ni Daimon. “What? You’re expecting me to like that kind of girl? I’m with you, Anna. Bakit ko iintindihin ang ibang babae? Hindi ka lang basta-bastang babae para sa akin. I respect you so much.”

Matamang tinitigan niya si Daimon. Na-guilty siya sa ginawang pagsubok rito. Inamin niya rito ang naging plano.

“Y-you think so little of me?” halatang nagulat at nasaktan si Daimon sa kanyang rebelasyon.

Hindi nagustuhan ni Anna ang naramdaman sa nasasaktan na si Daimon. Nataranta siya. “I’m sorry, Daimon. I---“

“Hindi ko inaasahan na iisipan mo ako ng masama pagkatapos ng lahat ng ginawa ko sa iyo, Anna....”

“Daimon...”

“Ilang buwan kita na inantay. Sinundan kita kahit ilang beses mo akong tinatanggihan. Ipinilit ko ang sarili ko sa `yo at ito lang ang matatanggap ko? Pakiramdam ko ay minaliit mo ang pagkatao ko. Hinusgahan mo ako samantalang lahat naman ng ipinakita ko sa `yo ay kabutihan!” puno ng hinanakit na wika ni Daimon.

Nang dahil roon ay kumawala na rin si Anna. “Gusto na kita, Daimon. Pero natatakot ako. Ayaw kong masaktan. Ayaw kong maggaya kay Mommy. Gusto kong makasigurado na hindi ka kagaya ni Daddy. Ng ibang lalaki. Na hindi mo ako iiwan at sasak---“

Pinutol ni Daimon ang pag-amin niya sa pamamagitan ng paghalik sa kanyang labi. Sandaling nagulat si Anna, pero hindi sa ginawa nito pero sa kakaibang naramdaman niya sa kanyang puso. Hindi naging normal ang tibok noon at kahit na ba alam niya na hindi dapat iyon ginawa sa kanya ni Daimon, hindi niya mapigilan ang sarili na magustuhan ang ginawa nito. Nalalasahan rin niya ang labi nito. Matindi ang halik, tila mapagparusa pero masarap...

Lalong napagtanto ni Anna na dahil sa halik na iyon, may nararamdaman rin siya kay Daimon. Kagaya nito, mukhang mahal na rin niya ito. Hindi naman siya makakaramdam ng ganoon kung hindi niya ito mahal.

“I love you, Anna. I love you so much. And no matter how hard and strong you are to push me away, I’ll stick with you like glue. Like a moth in a flame. Lalapit ako sa `yo hanggang sa magustuhan mo rin ako. Mahalin mo rin ako. Its going to be hard, I know. But hard is not impossible. Kaya magtiwala ka sa akin. Subukan mo. I promise you, I’ll never ever gonna hurt you. Alam ko na hindi perpekto ang pamilya ko, ang mga magulang ko. Pero nagsilbi na sila sa aking aral para huwag gawin ang pagkakamali. Sana ay iyon ang makita mo...”

Tinitigan niya si Daimon. Makikita ang sincerity sa mga mata nito. Gustong maiyak ni Anna, sa guilt dahil sa ginawa niya rito pero dahil na rin sa saya. May isang tao ng handa siyang mahalin. Pinapangako na hindi ito magagaya sa mga magulang niya. Hindi siya sasaktan.

At sa araw na iyon, nagtiwala siya sa mga pangako ni Daimon.

“HAHATIIN niya ang chest ko?” nanlaki ang mga mata ni Jaysen nang maintindihan nito ang sinasabi niyang paliwanag sa darating na operasyon nito. “A-ayaw ko, Mommy! Bad iyon. Magkakaroon ako ng malaking sugat! Hindi po ba at ayaw niyo noon? Ayaw ko rin po noon!”

Pinakalma ni Anna ang anak. “Para sa ikabubuti mo iyon, Anak. Para maalis iyong bad element na nandiyan sa heart mo.”

Lalong natakot si Jaysen. “Bad element? Ano po iyon, Mommy? Mayroon rin po ba ganoon si Santo? Ayaw ko po noon....”

Nilapitan ni Daimon si Jaysen. Niyakap ito para mawala ang takot ng anak. Napagdesisyonan nila na sabay na aminin rito ang kondisyon sa paraang maiintindihan nito at hindi rin ito matatakot. “Ayaw rin namin ng ganoon, Jaysen. Kaya ipapaalis natin, okay?”

“No, Daddy! Masakit po iyon!” nagsisimula ng mamula ang mga mata ni Jaysen, tanda na malapit na itong umiyak.

“May ibibigay sa `yo na gamot para hindi maging masakit. Hindi mo mararamdaman na may aayusin sila sa heart mo.”

“Sigurado po ba kayo diyan, Daddy?”

“Of course, Baby.” Hinalikan pa ni Daimon si Jaysen. “Hindi ka namin pababayaan ng Mommy mo. Mahal na mahal ka namin...”

Pero sa kabila noon ay napaiyak pa rin si Jaysen. Malakas na humikbi ito. “Pero ayaw ko pa rin po, Daddy. `Takot ako. Wala naman po nasasabi sa akin si Santo na may gagawin rin sa kanya na ganito. This is not normal. I don’t want to be abnormal. Ayaw ko rin magkaroon ng sugat. Hindi ako papayag!”

Nag-walk out si Jaysen sa harapan nila. Akmang susundan niya ito nang pigilan siya ni Daimon. “Ako na ang bahala.”

“Hindi ko na alam ang gagawin ko...” kanina pa nila kinakausap si Jaysen. Pinaliliwanagan sa gagawin rito ilang linggo mula ngayon. Na-plano na ang surgery para kay Jaysen. Ilang linggo mula ngayon ay itinakda ang surgery nito. Pero kagaya ni Anna ang isip ni Jaysen. Iniisip niya ang pinakamasamang pangyayari. Ayaw nitong pumayag. Nahihirapan itong intindihin ang sitwasyon nito. Mas pinangungunahan ito ng takot. Pero kailangan na nilang sabihin rito ang totoo para maihanda ito. Iyon nga lang ay nagkakaroon sila ng hindi magandang oras sa pagpapaliwanag rito.

Hinawakan ni Daimon ang balikat niya. “Relax, Anna. Alam kong mahirap pero kumalma ka, okay? Maayos rin natin ito.”

Huminga si Anna nang malalim at hinayaan si Daimon na sundan ang anak. Umaasa siya na sana ay mapapayag ito ng ama nito. Kahit madalas ay si Anna ang kasama ni Jaysen, madalas ay nakikinig ito kay Daimon. Malapit rin ito sa ama. Tuwing nasa bahay si Daimon ay palagi itong mas gustong lumapit rito. Spoiled rin ito kay Daimon. Lahat ng hinihiling ni Jaysen rito ay ibinibigay nito.

Treinta minutos ang lumipas at mula sa pag-iyak ay nakangiti na si Jaysen. Masigla na muli ito. Nabuhayan ng loob si Anna. Nang tignan niya si Daimon ay nakangiti na rin ito. Mukhang nakumbinsi nito si Jaysen. Mas magaling yata talaga ito na magpalaki ng anak kaysa sa kanya.

Kaya tama lang talaga ang naging desisyon ko na sa kabila ng mga nangyari, hindi ko siya hiniwalayan...

“Payag na po ako na hatiin ang chest ko, Mommy!” bungad pa nito sa kanya saka yumakap sa kanyang paanan.

Lumuhod siya para pantayan ito. Niyakap niya ito at hinalikan ang ulo. “Very good talaga ang baby ko,”

Tumingin si Jaysen kay Daimon pagkatapos ay ibinalik muli ang tingin sa kanya. “Pero may condition po iyon, Mommy!”

Kumunot ang noo niya. “Ano naman iyon?”

“Daddy promised me we are going to Disneyland next week!”

Nanlalaki ang mga matang tinignan niya si Daimon. Nagkibit-balikat lang ito. “Desperado na ako. Isa pa, kailangan niya ang ganito para ma-distract siya sa gagawin sa kanya,”

May punto si Daimon pero mas kinain ng pag-aalala si Anna. “Pero mas kailangan niyang magpahinga. Magiging mahirap ang---“

“Hindi pa ganoon ka-severe ang sakit ni Jaysen. Alam ko na maaaring delikado na mapagod siya at maaaring makasama iyon pero hindi ko papayagan iyon. Kung kailangang buhatin ko siya sa paglilibot niya sa Disneyland, its okay. Hindi ko siya hahayaan na mapagod, ipinapangako ko iyan sa `yo. Kung ikinatatakot mo naman ang biyahe, I can even charter a flight for this. Ilang linggo pa rin naman bago ang operasyon. May oras pa rin siya na magpahinga nang matagal bago ang operasyon. And more so, ikokonsulta rin natin sa Doctor ang tungkol rito.

Tinitigan niya si Jaysen. Inamin rin naman sa kanya ng Doctor na maaari nga na mamuhay pa rin ng normal si Jaysen dahil may gamot rin naman na nag-i-stabilize sa kondisyon nito sa ngayon. Pero dahil masyado siyang nag-aalala sa welfare ng kanyang anak, hindi niya maiwasan na matakot. Natatakot siya na mag-take risk rito. Si Jaysen ang pinakaimportanteng tao sa buhay niya. Ito ang buhay niya. Natatakot siya na ipagsapalaran na lang ito kagaya na lang ng puso niya noon kay Daimon.

Napapikit si Anna. Nakikita naman niya na para sa ikabubuti ng anak nila ang gusto ni Daimon. Gusto lang nito na maging masaya si Jaysen. Nakita rin naman niya ang kakaibang saya ni Jaysen sa balita na gusto nitong pumunta sa Disneyland. Ilang beses na rin nitong sinasabi sa kanya ang kagustuhan na magpunta roon pero dahil hindi niya gusto ang lumalabas silang pamilya, binabalewala na lamang niya.

Delikado ang magiging plano pero dahil alam niyang kailangan rin niyang pagbigyan ang kagustuhan ng anak. Natatakot siya pero kailangan niyang magtiwala sa mga salita ni Daimon. Ikokonsulta rin naman nila sa Doctor ang tungkol roon kaya hindi pa sigurado. Walang mangyayaring masama sa kanyang anak. Pero sa tingin niya, mas magiging doble ang takot. Magtitiwala na naman siya kay Daimon. Sa mga salita nito.

Na sinira lang nito mahigit isang taon pa lamang ang nakalipas ng ikasal sila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.