Six Years Ago
BATA pa lamang ay nakasanayan na ni Daimon na pumunta sa Quiapo. Deboto kasi ang kanyang Lola Silvia na siyang nag-alaga sa kanilang tatlong magkakapatid simula nang maghiwalay ang mga magulang nila noong isang taong gulang pa lamang siya. Dahil siya ang masasabing pinalaking apo nito, malapit siya sa Lola. Ito na ang kanyang itinuring na magulang dahil nang maghiwalay ang mga magulang niya at bihira na lang silang dalawing magkakapatid ng mga ito. Iniwan na lang sila nito sa ina ng kanyang ama habang naging abala ang mga ito sa kanya-kanyang buhay.
Ang kanyang ama ay naging mas lalong abala sa negosyo nito na kahit nasa Pilipinas naman ay bihira silang bigyan ng oras. Paano ay bukod sa negosyo ay marami rin babae sa buhay nito na naging malaya na nitong ibalandra nang maghiwalay ang mga ito at ng Americana na ina. Ang kanyang ina naman ay bumalik sa America at doon ay bumuo ng panibagong pamilya. Simula noon, bihira na rin silang dalawin nito.
Siya, at ang nakakatanda niyang kapatid na si Cristiano at Alekos ay lumaki na hiwalay ang mga magulang. Alam niyang lubos na naapektuhan ng sitwasyon ang kanyang dalawang kapatid dahil na rin ang mga ito ang nakakita kung paano nasira iyon. Ang mga ito ang naging saksi kung paano nag-away ang mga magulang. Malaki ang itinanda nito sa kanya kaya may alam na ang mga ito sa pangyayari, hindi niya kagaya noon kaya masasabi niyang wala namang gaanong epekto sa kanya ang nangyari. Isama pa na hiwalay at tila wala man na pakialam sa kanila ang mga magulang, binusog naman siya ng Lola Silvia niya ng pagmamahal. Kahit wala na ang asawa nito na isang Greek upang partner-an ang pagmamahal na iyon sa kanya at magsilbi rin na ama sa kanya, naging sapat na sa kanya ang pagmamahal.
Siya ang paboritong apo ng kanyang Lola Silvia kaya kapag pumupunta ito ng Quiapo, siya ang palaging kasa-kasama nito. Dahil mahal na mahal rin niya ito, pinagbibigyan niya ito sa mga gusto nito. Sa ngayon ay dalawang taon na itong namayapa pero kahit ganoon, ipinagpapatuloy niya ang ginagawa nito. Naging deboto rin siya ng Poong Nazareno. Tuwing unang linggo ng buwan ay nagsisimba siya roon.
Hindi nagustuhan nina Cristiano at Alekos ang kanyang ginagawa. Paano kasi ay tila simpleng tao lamang siya kapag pumupunta siya sa Quiapo. Ni hindi siya nagdadala ng sasakyan at hindi rin pinapasama ang mga body guards na itinalaga ng mga ito sa kanya. Noon pa man ay mayaman na naman sila dahil kahit iniwan sila ng ama sa Lola, financially ay hindi naman sila nito pinabayaan. Nang mamatay rin ito ay ipinamana nito sa panganay niyang kapatid na si Alekos ang shipping company na pinamumunuan nito na siyang unang pinamunuan naman ng kanilang Lolo noon. Sa Pilipinas nakabase ang business dahil simula nang makilala ng kanyang Lolo ang Lola ay mas pinili na raw nito na manirahan roon at doon gumawa ng sariling pangalan.
Si Alekos ang presidente at CEO ng Jason Shipping at si Cristiano naman ang Chief-operating officer noon. Samantalang siya, dahil bago pa lang siyang nakatapos ng masteral niya sa isang ivy schools sa America ay hindi muna ng mga ito binigyan ng mataas na puwesto. Gusto ng mga itong magtrabaho siya sa ilang mababang puwesto para na rin maramdaman niya ang pakiramdam. Ngunit kahit ganoon, gusto pa rin siyang ingatan ng mga kapatid dahil na rin sa yaman nila. Ilang beses na ang mga itong nakatanggap ng death threats ng dahil roon. Bilang matagumpay na businessman at itinuturing na pinakamayamang tao at pamilya sa Pilipinas, marami rin ang mga itong nakakaaway at naiinggit sa mga ito.
Pero matigas ang ulo ni Daimon. Iba siya sa kanyang mga kapatid. Maayos lang siya sa simpleng pamumuhay. Mababa rin ang loob niya. Sa kabila ng risk, nagagawa niya pang maglibot sa Quiapo pagkatapos ng misa. Paborito niyang pumunta sa bangketa, sa tindahan ng mga pirated CD’s roon at pati na rin sa linya ng mga manghuhula. Natutuwa lang siyang tignan ang mga tao kaya niya ginagawa iyon. Ngayong araw ay ginawa na naman niya iyon at itinuturing niyang ordinaryo na iyon sa kanya.
Hanggang sa makita niyang lumabas ang isang babae sa isang tent ng manghuhula...
“Love life ang nahulaan niya sa `yo?” halos isigaw ng babaeng kasama nito. “Sabi ko sa `yo, girl, eh. Magiging masuwerte ka diyan!”
Nakita niyang ngumiwi ang babaeng umagaw ng kanyang atensyon. Nakasuot lamang ito ng simpleng T-shirt at pantalon. Nakalugay ang mahabang buhok nito at wala rin kahit anong make-up sa mukha nito. But despite of those, she was a sight to behold. Sandaling natulala at tinulos sa kinatatayuan si Daimon. Lumakas rin ang tibok ng kanyang puso.
“Ano ka ba! For all I know, fake ang manghuhula na iyan.”
“Bitter ka talaga, friend! Ako nga love life ang gustong malaman pero hindi raw niya makita. Hah! Kung sino naman itong may gusto, oo....”
“Eighteen years old pa lamang tayo, Alexa! `Wag ka ngang atat! Hala, tara na nga doon sa tindahan ng mga DVD’s. May kailangan akong bilhin na DVD. Wala kasi sa mall kaya susubukan kong magbaka-sakali rito.”
Tumango ang kaibigan ng magandang babae. Nagpunta ang mga ito sa hilera ng mga nagtitinda ng pirated DVD’s. Dahil sa kakaibang naramdaman, sinundan ni Daimon ang mga ito. Narinig rin niya na naghanap ang mga ito ng DVD ng A Walk To Remember. Doon ay hindi na niya napigilan ang sarili na lapitan ito.
“Hi Miss! Puwede ba akong magpakilala?”
Kailanman ay hindi naggawang lumapit ni Daimon sa mga babae kaya hindi niya sigurado kung tama ba itong ginawa niya at sinabi. Hindi siya nagkaroon ng ganoong klase ng interes sa babae, maliban sa ngayon. Kaya ayaw sana niyang palagpasin ang pagkakataon na malapitan ito.
Tinignan siya ng babae. Kumunot ang noo nito. Pagkatapos ay umiling. “Hindi!” mataray na sagot nito at kinuha sa tindera ang binili na DVD. Akmang aalis na ito nang tumili ang kaibigan nito.
“Anna, baka siya na ang sinasabi ng manghuhula sa `yo! Ang bilis, ha? Pero infairness, muy guwapo, ang lalaking ito! Bet na bet!” nagniningning ang matang wika ng kaibigan nito. Inayos-ayos pa nito ang buhok pagkatapos ay inilahad ang kamay sa harap niya. “Ako, puwede mo akong makilala. Ako si Alexa at---“
Hindi niya pinansin ang sinabi ng kaibigan nito. Nanatili pa rin ang interes sa babaeng tinawag nitong Anna. “No, I’m only interested with her...” mas malapit na siya rito kaya mas lalo siyang nagkaroon ng tanawin sa magandang bulto at mukha nito. Mas naging malakas rin ang tibok ng kanyang puso.
“Ay one-woman, girl! Jackpot! Puwede na talaga ito!” mukhang hindi naman nadismaya ang kaibigan nito. “Ano ba ang pangalan mo, mister? Kasi nagpahula kami nitong kaibigan ko. Ang sabi ng manghuhula, may darating raw na lalaki sa buhay niya na magpapawala ng lahat ng pait at sakit sa pusong bato nitong si Anna. Siya rin ang magiging love of the life ni Anna. May clue nga at ang initial daw ng pangalan ng lalaki ay J at D. Iyon ba ang initials ng pangalan mo?”
“My name is Daimon Jason...”
“D at J. J at D! Binaligtad lang! Girl, ito na nga yata ang sinasabi ng fortune teller!” kinikilig na wika ng kaibigan ng babae.
Sumimangot si Anna. “Baliw ka talaga, Alexa! Tara na nga. Mamaya budol-budol pa ang lalaking ito at---“
“What? Mukha ba akong masamang loob?” biglang na-conscious si Daimon. Simple rin lang naman siyang manamit dahil ayaw rin naman niyang makaagaw ng atensyon kapag isinuot niya ang mga mamahalin niyang damit. Maingat rin siya.
“Kahit na hindi, hindi ako interesado sa `yo.”
Nasaktan si Daimon. Iyon ang unang beses na lumapit siya sa isang babae pero bigo pa siya. Samantalang kapag pumupunta siya sa mga party, mga babae pa mismo ang lumalapit at nakikipagkilala sa kanya. Pero hindi niya gustong sumuko. Kinuha niya ang wallet niya at inilabas roon ang calling card.
“Please call me, or see me. Here’s my card. Nagpapatunay rin diyan na hindi ako masamang tao. Puwede niyo akong i-research ng dahil diyan. I know what I’m doing is kind of awkward and crazy but I really like you, Anna. I’m serious about it!”
Si Alexa ang kumuha ng calling card niya. “Don’t worry! Ako ang bahala.” Ngumiti ito sa kanya. Itinago nito ang calling card niya. Pagkatapos ay naiinis naman na kinaladkad na ito ni Anna palayo sa kanya.
Alam ni Daimon na maaaring walang kasiguraduhin ang ginawa niya pero umaasa siya na makikita niya muli si Anna. Kakaiba ang nararamdaman niya rito. Hindi niya maipaliwanag dahil sa sobrang tindi...at sarap. Alam niyang nakakapagtaka dahil unang beses pa lang niya na nakita ito. Hindi niya pa ito kilala. Tinarayan pa nga siya nito. Maaaring hindi rin siya sigurado kung ano ang nararamdaman niya rito. Maraming walang kasiguraduhan maliban sa isang bagay.
She blew him away.
HINDI binigo ni Alexa si Daimon. Ito mismo ang kumontak sa kanya kinagabihan para sa mailap na kaibigan nito. Ibinuyo siya nito kay Anna. Tila gustong-gusto siya nito para sa kaibigan. Minsan ay ipinagtaka niya kung bakit ganoon na lang ang interes nito sa pambubuyo nito sa kanya sa kaibigan nito. Ang dahilan ni Alexa, gusto daw nitong sumaya si Anna.
Ilang buwan rin ang lumipas pero mailap pa rin sa kanya si Anna. Pinaparamdam nito na hindi siya nito gusto sa kabila ng mga efforts na ginagawa niya rito. Halos araw-araw ay binabantayan niya ito sa kolehiyo kung saan ito pumapasok. Sinusubukan na yayain mag-dinner. Niyayaya na ihatid pauwi. Pero kailanman ay hindi siya nito pinagbibigyan. Kahit kasama ang matalik na kaibigan na si Alexa, hindi pa rin siya nagkakaroon ng pagkakataon na makipag-date rito. Minsan na binisita niya ito sa bahay ng mga ito pero itinakwil lang siya nito. Ang palagi lang niyang nagagawa ay ang masilayan ito at habulin ito. Kahit alam niya ang number ng cell phone nito, hindi niya ito makausap ng matino. Ilang beses rin itong nagpalit ng number dahil sa kakulitan niya pero ayaw niyang sumuko. Gusto talaga niya si Anna. Pakiramdam rin niya ay mahal na niya ito. Hindi niya maggawang layuan ito sa kabila ng pananaboy nito sa kanya.
Hindi araw-araw ay magkasabay na umuwi sina Alexa at Anna. Magkaiba kasi ang kurso ng mga ito kaya magkaiba rin ang schedule. Fine arts ang kinukuha ni Alexa samantalang Journalism naman ang kay Anna. Magkaedad ang mga ito at pareho ng nasa ikadalawang taon ng kolehiyo. Maaaring masasabi na tila siya cradle snatcher sa kanyang ginagawa pero eighteen na si Anna. Hindi ba at tamang edad na rin naman iyon para magkanobyo ito? Isa pa, limang taon lang ang agwat ng edad nila. Hindi niya naiisip na hindi siya bagay rito. Isama pa na naniniwala siya na age doesn’t matter.
Ngayong araw ay natiyempuhan niya na hindi kasama ni Anna si Alexa. Nagustuhan niya iyon dahil na rin sa okasyon ngayon. Gusto rin naman niya si Alexa na nasa tabi dahil alam niyang boto ito sa kanya pero gusto niyang siya mismo ang gumawa ng paraan para naman kahit papaano, pansinin at kausapin siya ni Anna.
Valentines day ng araw ngayon. Kagaya ng karamihan sa mga lalaki, may dala rin siyang bulaklak para kay Anna. Pinasadya niya pa talaga ang magandang pagkakaayos noon. May dala rin siyang balloon. Umaasa siya na kahit papaano, pansinin naman sana siya ni Anna. Lalo na at punong-puno ng magkasintahan sa paligid.
“Please date me, Anna. Hayaan mong mapalapit ako sa `yo.”
“Ilang beses mo bang kailangan ang pagtanggi ko para lang tumigil ka, Mr. Jason?” iritang sabi nito nang harangin niya ito.
“I like you. I can’t just give you up! Ngayon ko lang naramdaman ito,”
“Wala akong pakialam sa nararamdaman mo,”
Napangiwi si Daimon. “That’s harsh.”
“I repeat, wala akong pakialam---“
“But I do, Anna. I do care about you. Bakit ba ayaw mo sa akin?”
“Dahil hindi totoo ang nararamdaman mo.”
Kumunot ang noo ni Daimon. “Hindi ka naniniwala na gusto kita? Na wala akong nararamdaman para sa `yo?”
“Oo,” balewalang sagot lang nito.
Tumaas ang isang kilay ni Daimon. “You don’t believe in love, ne? But you watch romantic movies. Una tayong nagkita nang bumili ka ng DVD ng A Walk To Remember at---“
“Binili ko iyon dahil kinailangan naming i-review ang pelikula para sa project sa English class ko. Iyon lang iyon.” sagot nito.
“Ang pagpapahula mo sa fortune teller---“
“Alexa insisted that. Pinilit niya lang ako roon. Bibili lang naman talaga ako ng DVD dahil wala akong makitang ganoon sa mall. Nagbaka-sakali lang ako sa Quiapo. At malay ko ba na huhulaan ako tungkol sa aking buhay pag-ibig. Hindi ko gustong ma-in love,”
“Iyon ang dahilan kung bakit paulit-ulit na tinatanggihan mo ako?”
“Oo. Kaya huwag ka ng umasa dahil---“
“No. Lalo mo lang akong binigyan ng pag-asa, Anna. Dahil alam ko na wala naman talaga akong kalaban. Siguro ay nagkukulang lang talaga ako sa mga ginagawa ko. I’m not good with this. First time ko na manghabol ng babae. Hayaan mo, gagawa pa ako ng paraan. Palalambutin ko ang batong puso mo---“
“You can’t do anything about it, Daimon. Bata pa lang ako, sinabi ko na sa sarili ko na hindi ako magmamahal. Kaya please...” itinaas nito ang dalawang kamay. Pumikit pa ito, tila kaunti na lang ay sasabog na.
Hinawakan niya iyon at ibinaba. “I can do something about it. Trust me. I’m an optimistic person. Naniniwala ako na may pag-asa pa ang lahat ng sakit. Gagawan natin ng paraan lahat ng takot mo. Just trust me...”
Nagmulat na ng mga mata si Anna. Tumingin sa kanya. Sandaling natigilan ito pero mamaya ay naningkit rin ang mga mata. “I won’t trust you.”
“But why, Anna? Wala naman akong ginagawang masama sa `yo. May gumawa ba ng masama sa `yo? Iyon ba ang dahilan kung bakit ayaw mong hayaan na lumapit sa `yo? Kaya hindi mo gusto na magkagusto, na magmahal? Aayusin natin ang---“
“Gusto mong malaman? Oo!” halos sumigaw ito. Mukhang galit na galit. Kumawala na ang pinipigil na galit. “May nanakit sa akin. Bata pa lang ako, sinira na nila ang puso ko. Paano ako maniniwala sa pag-ibig gayong nakita ko kung paano noon sirain ang Mommy ko? Kung paano noon sinira ang buhay ko. Ang pamilya ko... Kung kahit sa sarili kong pamilya, wala akong nakuhang pag-ibig. Mahirap para sa akin ang magmahal, lalo na sa isang lalaki. Pinapapaalala noon ang lahat ng sakit na ginawa ng Daddy kay Mommy. Sa pamilya namin.”
Tila naghihisterya na si Anna sa galit. Naramdaman niya ang sakit. Niyakap niya ito. “Anna....”
Naramdaman niyang tumulo ang luha ni Anna. “I have a broken family. Playboy ang Daddy ko at masyado namang selosa ang Mommy ko. Nagpakasal lamang sila dahil nabuntis ni Daddy si Mommy. Noong nagsasama pa sila, palagi silang nag-aaway. Nakita ko ang pait ng pagsasama nila. Halos araw-araw na nag-iinom si Mommy dahil na rin sa sakit. Pinabayaan niya ako ng dahil doon at si Daddy naman ay walang pakialam sa akin. Para sa kanya, isa lang akong pagkakamali. Isang pagkakamali na sumira sa kinaaliwan nitong buhay.
“I hated it! I hate him. Nakakainis rin ang pagkatanga ni Mommy kay Daddy. Fourteen years old ako nang tuluyan na talaga silang maghiwalay. Hindi na kinaya ni Daddy ang lahat. Hiniwalayan na niya si Mommy. Si Mommy naman, hindi rin kinaya iyon. S-she killed herself...
“I don’t want to be like her. I don’t want to believe in love, too, because of that. It’s scary. So I just believe it didn’t exists because love...its just an emotion that will bring you so much pain. Hindi rin nakatulong sa akin na pagkatapos ng lahat, iniwan nila ako sa Lolo ko na halos wala rin naman na pakialam sa akin....”
Ikinagulat ni Daimon ang mga pagtatapat ni Anna. Hindi niya inaasahan iyon. Pero ganoon pa man, naiintindihan niya ito. Naalala niyang madalas ay ganoon rin ang pananaw ng kanyang dalawang kapatid sa buhay dahil na rin sa klase ng pamilya na mayroon sila. Tumatak rin sa isip ng mga ito ang naging masamang pagsasama ng mga magulang at dahil roon, tila mga naging commitment phobic ito.
Pero hindi siya. Palagi siyang inaalalayan ng Lola niya sa buhay. Naniniwala siya na may pag-ibig. At ipinapangako niya, gagawin rin niya ang lahat para maramdaman iyon ni Anna. Siya mismo ang magpaparamdam noon rito.
“MOMMY, bakit palaging puro pictures ko lang po ang nasa albums?”
Bahagyang natigilan si Anna sa tanong ng anak. Kasalukuyan silang nagba-browse ng photo albums dahil kailangan ni Jaysen ng pictures nito noong baby pa ito para sa assignment nito. Nag-aaral na ngayon ang kanyang anak. Sa paghahanap ay naging interisado si Jaysen sa mga larawan nito at lahat ng photo albums ay binuksan nito.
Hindi agaran ang magiging operasyon kay Jaysen dahil nais ng Doctor na i-stabilize pa ang katawan nito. Buwan pa raw ang bubuuin bago mangyari iyon para masigurado na rin na makakaya nito ang operasyon. May mga gamot na ipapainom sa kanilang anak. Pero sinigurado naman ng Doctor na kahit ganoon ay maaari pa rin ipagpatuloy ng bata ang normal nitong buhay.
“Lahat naman po ng photo albums na ito ay ang mga tinabi mo po, `di ba? Lahat nakita ko na po pero napansin ko po na wala kayong picture dalawa ni Daddy... Kung may picture man po kayo ay iyong kasama po ako....”
Hinalikan niya ang anak. “Hindi kami mahilig sa picture, eh. Isa pa, ikaw ang star ng buhay namin kaya tama lang na ikaw lang palagi ang laman ng photo albums...”
Hindi ikinatuwa ni Jaysen ang mga iyon. Malamlam ang mga mata na tumingin sa kanya ang anak. “Hindi niyo po ba love ni Daddy ang isa’t isa?”
Bukod sa pagkagulat, namutla rin yata si Anna sa tanong ng anak. “B-bakit mo naman natanong `yan, Anak?”
“Eh kasi po, wala po kayong picture ni Daddy dito. `Yung kayo lang dalawa. Magkagalit po ba kayo kaya ganoon? Kasi po sabi ni Santo, magkagalit daw po si Tito Cristiano at Tita Maria kaya hindi po sila nagsasama sa isang house. Kapag po galit sa isa’t isa, hindi po love `di ba?”
Si Crisanto o Santo kung tawagin nila ang halos kasing laki rin ni Jaysen na lalaking anak ng kapatid ni Daimon na si Cristiano. Isang buwan pagkatapos nilang ikasal ni Daimon ay nagulat na lang sila nang sabihin nito na nagpakasal rin ito sa isang babaeng nakilala nito sa States. Mabilis rin na nabiyayaan ang mga ito ng anak pero sa bilis ng pagkakilala nito at ng asawa, at kabilis na nagkaanak, ay naging mabilis rin na nagkahiwalay ang mga ito. They were divorced.
“We all live in the same roof, Jaysen. Hindi kami kagaya nina Tito Cristiano mo...”
Tinitigan siya ng kanyang anak. Mukhang hindi ito kumbinsido. Nagsisimula nang maging mapag-usisa ang kanyang anak sa murang edad nito. Pero hindi na rin kataka-taka ang pagiging curious nito dahil matalas ang pag-iisip ni Jaysen. Isama pa noong bata siya, nasa ganoong edad pa lamang siya ay naging obvious na sa kanya ang problema ng mga magulang kahit na ba noon ay madalas ang mga itong nagtatago para hindi niya makita iyon. Malamang ay nararamdaman rin talaga ni Jaysen na may kakaiba sa relasyon nila ni Daimon. Isama pa na madalas na nakakausap nito ang pinsan na si Santo at malay ba niya kung ano ang napapag-usapan ng mga ito kapag mag-isa na lang. Matalas rin kasi ang isip ng anak ni Cristiano. Malamang ay nasasabihan ito ng pinsan ng nararamdaman nito sa mga magulang at dahil roon ay mas lalo itong naging mausisa.
Bumuntong-hininga siya. Napakabata pa ng kanilang anak para ma-expose sa masamang sitwasyon nila ng asawa. Ayaw niyang maramdaman nito na may problema, lalo na sa kondisyon nito. Hindi niya maaaring hayaan na malungkot ang kanyang unica hija.
“You really think we are not in good terms with your Dad because we don’t have pictures together, huh? May nakatabi talaga na photo album for that, baby....” wika ni Anna saka kinuha sa pinakataas na shelf ang isang separate album. Matagal na niyang itinago iyon at hindi ninais na tignan. Pero dahil na rin sa kagustuhan na huwag magtaka ang anak, napilitan siyang kuhanin iyon.
Naroroon sa photo albums ang mga larawan nila ni Daimon noong masaya pa ang kanilang relasyon. Mga larawan noong bago sila ikasal, mga larawan noong honeymoon nila at noong napakasaya nila sa pagdating ni Jaysen sa kanilang buhay. Napaka-sweet ng mga larawan na iyon. Napaka-romantic. Parang may bumikig sa lalamunan niya habang hindi niya mapigilan na mapasilip rin nang binubuklat ni Jaysen ang mga albums.
Nakaramdam ng kakaiba si Anna sa puso niya. She feels like she was suddenly missing those moments.
But no. No way!
“Sweet naman po pala kayo ni Daddy. At may picture pa na naka-kiss!” tuwang-tuwa si Jaysen sa nakita. Itinuro pa nito iyon.
Pinilit na ngumiti ni Anna. May kung anong namumuo sa kanyang puso. May tila bumabangon. Pero sa pagbangon ng masasayang alalaala ay tila bumabangon rin ang mga sakit.
Kung totoong mahal mo ako, hindi mo ako magagawang pagtaksilan, Daimon...
“Convinced ka na na-love namin ang isa’t isa? Na hindi kami galit sa isa’t isa?” Sana hindi mo rin mahalata na dati pa ang mga larawan na `yan, Anak.
Tumango si Jaysen. Ngumiti ito ng pagkakatamis-tamis na para bang wala itong problema. Na para bang wala itong sakit. Hindi pa nito alam ang tunay na lagay dahil ayaw nila na mag-isip ito tungkol roon. Napagpasyahan nila ni Daimon na sabihin rito ang lahat kapag malapit na iyong gawin para maiwasan ang mahabang panahon na matatakot ito. Kapag nagtatanong ito sa pinapainom nilang gamot, sinasabi lang nila na para lumakas lang ito kaya ginagawa iyon.
“But I would love to see that happen in front of my eyes, Mommy... Not just in pictures.”
Anna was stunned. Makakaya ba niyang pagbigyan ang hiling ng kanyang anak? Mahal niya ito pero mahal rin niya ang sarili niya. Hindi na niya gustong masaktan pa muli. Hindi na niya gusto pang umibig. Nawala na iyon sa kanya. Natatakot siyang bumalik muli na kahit na ba nararamdaman niya na sa simpleng pagbalik lamang sa larawan ng nakaraan, ay tila bumabalik na nga muli...