Call Me Mayor Chapter 25

Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman, o kung may dapat ba akong maramdaman.

“Vaughn, okay ka lang ba?”

Pinuntahan ko si Vaughn sa kwarto niya at kinumusta siya, hindi maganda ang mood niya kagabi, malamang hindi siya nakatulog nang maayos.

Sinuot na ni Vaugh ang coat niya bago niya ako nilingon, lumapit siya sa 'kin saka marahang hinaplos ang pisngi ko. Tipid na ngumiti na lang ako sa kanya.

“I'm fine, I'm sorry about my sudden outburst last night, something terrible came up,” sabi niya kasabay ng pagdilim ng anyo niya.

Napabuntong hininga na lang ako at hinawakan ang kamay niya na nakahawak sa pisngi ko.

“Wag kang matakot, alam kong mananalo ka. You did your best and you're the best politician for me,” sabi ko naman saka ngumiti nang matamis sa kanya.

“Thank you.”

Hindi ko sigurado kung ano ang bumabagabag sa isip ni Vaughn, dahil ba kay Arken? Kilala niya ba si Arken o talagang kalaban lang sa pulitika ang tingin niya rito?

“Si Arken Zaviere... mayor siya ng Caloocan City noon, pero nabalitaan ko na tatakbo siyang mayor dito ngayon? Pwede ba 'yon? Galing siya sa Caloocan tapos dito siya tatakbong gobernador? Hindi pwede 'yon, 'di ba?” sunod-sunod na tanong ko.

Halatang natigilan naman si Vaughn ngunit napakamot na lang siya sa batok n'ya.

“He has his ways,” tipid na sagot na lang niya.

Napatango na lang ako at hindi na nangulit dahil mukhang wala talaga siya sa mood pag-usapan iyon. Lumabas na lang ako ng silid ni Vaughn.

“Gina, pakitawag nga si Vander sa kwarto niya, mag-aalmusal na kamo,” utos ko kay Gina. Agad naman siyang tumango saka sinunod ang utos ko.

Napabuntong hininga ako at kinuha ang cellphone ko. Kagat kagat ko ang ibabang labi ko habang nagda-dalawang isip kung pipindutin ko ba iyon.

Huminga ako nang malalim saka nagtipa sa cellphone ko.

Arken Zaviere

Wala naman akong pakialam sa nangyayari sa kanya ngayon, wala na nga akong balak na magpakita sa kanya o gustuhin na makita siya. Nagtataka lang ako kung bakit sa lahat ng lugar na pwede niyang takbuhan bilang gobernador, bakit dito pa sa Sorsogon?

Hindi naman sa umaasa ako na ako ang dahilan, alam ko namang walang pakialam sa 'kin ang walang pusong lalaking 'yon, sobra lang talaga akong nagtataka sa nangyayari.

Baka naman nagkataon lang.

Napailing na lang ako, nagkataon man o hindi, wala naman akong pakialam. Buhay niya 'yon, matagal na akong nawalan ng pakialam sa kanya.

“Who is he?”

Halos mapatalon ako sa gulat at dali daling pinatay ang screen ng phone ko. Napatikhim ako at pilit na ngumiti kay Vander na nakatitig sa 'kin, hindi ko napansin na nasa tabi ko na pala siya. Minsan talaga ganyan si Vander, para siyang assassin kung minsan, nagugulat na lang ako nasa tabi ko na pala siya.

Maling ideya talaga na nag-search pa ako ng tungkol kay Arken. Kung maaari, ayokong makilala ni Van ang totoong tatay niya. Aminado akong natatakot ako, natatakot ako sa posibleng gawin ni Vander kapag nakilala niya ang tatay niya. Matalinong bata si Van, posibleng malaman niya kaagad na tatay niya si Arken.

“Ahm, wala lang, kalaban lang ni Vaughn sa pulitika,” sabi ko na lang saka muling ngumiti sa kanya.

“Si Arken Zaviere?”

Natigilan ako sa tanong niya, napaiwas ako ng tingin sa kanya saka tumango. Marahil nabasa niya 'yon sa cellphone ko kanina.

“Kumain ka na,” sabi ko na lang saka pinaupo siya sa tabi ko. Tahimik na umupo na lang siya saka nagsimulang kumain.

DUMIRETSO AGAD ako sa vet clinic pagkahatid ko kay Vander sa school. Binati ko ang mga staff na bumabati rin sa 'kin.

“Legit ba yung tsismis na may tinatago raw na babae si Mayor Vaughn?”

Natigilan ako sa paglalakad nang marinig ko ang dalawang staff na nag-uusap.

“Normal lang naman na magkaroon ng girlfriend 'yong tao 'no,” sabi naman nung isang staff at hinampas sa braso ang kausap.

“Kung may girlfriend man siya, bakit kailangang itago? Hindi ba siya proud sa jowa niya?”

Napailing na lang ako at tumuloy na lang papuntang opisina ko. Hindi naman ito ang unang beses na nakakarinig ako ng gano'n, marami talaga ang kumakalat na tsismis na may tinatagong babae si Vaughn, alam ko namang ako iyon, maingat kami ni Vander kapag nauwi dahil maraming mga mata sa paligid, ayokong madamay si Van sa gulo ng pulitika, nangako naman sa 'kin si Vaughn na hindi mangyayari 'yon.

“Dr. Macarios, good morning!” bati sa 'kin ng isa sa vet nurse na close ko na si Ember.

“Ikaw pala, Ember, magandang umaga,” bati ko rin sa kanya saka umupo sa swivel chair. Tiningnan ko ang schedule ko ngayong araw, mukhang hindi ako magiging busy nang sobra hindi tulad kahapon, talagang napagod ako.

Binuksan ko ang pinakababang drawer ng table ko, natigilan ako nang diyaryo tungkol sa kanya ang bumungad sa 'kin. Napabuntong hininga na lang ako at napaiwas ng tingin do'n.

Tatlong taon na ang diyaryo na 'yon, hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang itapon 'yon, siguro dahil tungkol kay Arkia ang balita ro'n.

Inamin na ni Arken sa lahat ang tungkol kay Arkia three years ago, kumalat sa social media 'yon dahil na rin may kasikatan si Arken. Marami ang negatibong reaksyon, pero lumipas din naman ang issue tungkol do'n, natanggap din naman ng mga tao iyon hindi kalaunan.

Tipid na napangiti na lang ako nang muli kong maalala si Arkia. Sa totoo lang, walang araw na hindi ko naiisip ang batang 'yon. Gusto niya pa rin kayang maging madre? Mas naging close na kaya sila ni Arken? Kasama niya na kaya ang totoong ina niya?

Sana maayos ang lagay niya ngayon. Maikling panahon lang ang pinagsamahan naming dalawa pero naging mahalagang parte siya ng buhay ko.

“Ang swerte naman ng Sorsogon, dalawang gwapo ang naglalaban para maging governor natin,” kinikilig na sabi ni Elein na vet nurse rin.

“Sinong bet niyo?” tanong naman ni Ember.

Nanatili akong tahimik habang chine-check ang tuta na si Lizzie. Napailing na lang ako at pinilit na magfocus sa tuta. Ano ba naman ang mga nurse na ito? Hanggang sa trabaho nagtsi-tsismisan.

“Kung hitsura ang basehan, ahm, kay Mayor Arken ako, bet ko yung mga rough looking men, yung tingin pa lang para ng nalulusaw ang panty mo,” kinikilig na sabi ng isang staff.

Lihim na napaismid na lang ako, gwapo rin naman si Vaughn ah. Mas maamo nga ang mukha ni Vaughn kaysa kay Arken eh.

“Kay Mayor Vaughn ako, bukod sa hindi yata marunong ngumiti si Mayor Arken, mukha rin siyang gwapong drug lord, o kaya yung mga mafia boss sa mga palabas,” nakangiwing sabi ni Jian.

Napatango na lang ako, tama siya ro'n, wag na nilang iboto si Arken, masama talaga ang ugali no'n, walang puso at mahilig mamaril. Ni ayoko ng nakakarinig maski ng salitang ‘baril’, muntik ng mawala sa 'kin ang anak ko ng dahil sa baril na 'yon.

“Correct, may tiwala na ako kay Mayor Vaughn, naging mabuting mayor siya rito sa Sorsogon City, kumbaga subok na,” sabi naman ni Ember.

Lihim na napangiti ako sa sinabi ni Ember.

“Bakit? Diba gano'n din naman si Mayor Arken sa Caloocan? Ang dami niyang napagtapos ng libre, ang dami niyang naibigay na mga kagamitan sa mga public hospitals doon, marami siyang nabigyan ng trabaho saka diba bali-balita na halos naubos ang mga adik sa Caloocan City? Trending na trending nga siya sa social media no'n eh,” pagtatanggol naman ni Elein sa panig ni Arken.

“True, triggered din sa kanya yung mg senador. Malamang takot sila kapag tumakbo si Mayor Arken, ang lakas ng hatak no'n sa mga tao. Ni ayaw na ngang bitiwan ng Caloocan si Mayor Arken eh,” pagtatanggol pa ng isang staff kay Arken.

“Kahit na, dapat lahat tayo rito si Mayor Vaughn ang boto. Wag kayong magpapaakit porke't gwapo ang Mayor Arken na 'yon,” sabi ni Jian.

“Hindi naman namin boto si Mayor Arken dahil lang sa gwapo siya 'no. Gwapo rin naman si Mayor Vaughn diba? Ang basehan namin eh yung pagiging competent ni Mayor Arken,” bwelta naman ni Elein.

Napailing na lang ako nang magsimula na silang mag-away away na parang mga bata. Pati yata ang tuta ay naririndi na sa kanila dahil nakatitig lang siya sa mga ito na tuloy pa rin sa pag-aaway.

“Teka nga, two over two kasi tayo eh, tanungin natin si Doc Ayen,” sabi naman ni Jian.

Natigilan ako nang mapatingin silang apat sa 'kin. Napakurap na lang ako at niyakap ang tutang si Lizzie.

“Wag niyo akong idamay sa pagpapaka-fangirls niyo, busy ako rito,” sabi ko na lang saka muling ibinalik ang atensyon ko kay Lizzie.

“Wala ka namang ginagawa eh, hinahaplos mo lang si Lizzie,” pambabara naman ni Ember. Napaismid na lang ako.

“Tinitingnan ko lang kung may problema siya sa balat niya, parte 'to ng check-up,” pagdadahilan ko na lang.

“Sus naman, ano ba'ng mahirap sa tanong namin, Doc? Nahihirapan ka bang pumili sa kanila?”

Natigilan ako sa tanong ni Elein. Oo nga naman, bakit nga ba hirap na hirap akong sagutin 'yon? Ang dali lang naman ng dapat kong isagot.

“Siyempre si Mayor Vaughn.”

Natuwa naman ang dalawa na boto kay Vaughn at nag-apir pa.

“Mas may tiwala ako kay Mayor Vaughn, saka isa pa, kahit na maraming nagawa si Mayor Arken sa Caloocan, hindi naman 'yon basehan para iboto ko siya kaagad. Hindi pa natin siya gano'ng kilala, si Mayor Vaughn marami ng napatunayan,” paliwanag ko habang hinahaplos ang balahibo ni Lizzie.

“Saka ano'ng sinabi niyo? Mukhang nakakatakot si Mayor Arken? Nakakatakot talaga siya 'no, pakitang tao lang 'yon at halata namang hindi talaga siya sincere sa pagtulong sa mga tao, kinukuha niya ang loob nila para kapag nahulog na ang loob sa kanya ng mga tao, madali na para sa kanya ang umakyat sa itaas. Si Mayor Vaughn, mahahalata mo sa kanya na sincere siya sa mga tao. Wag kayo basta basta boboto porke maganda yung image ng Arken na 'yon, malay niyo mamamatay-tao pala iyon o kaya naman mahilig mamaril. Wag kayo masyadong paka-siguro, doon na kayo sa katiwa-tiwala at subok na, saka ang Mayor Arken na 'yon--”

“Excuse me.”

Napatigil ako sa pagsasalita dahil sa boses na 'yon, napalunok ako at natulala. Parang may kung ano akong nararamdaman sa puso ko na hindi ko maipaliwanag. Mahigit anim na taon na ang nakakalipas pero saulong-saulo ko pa rin ang boses niya.

Nanginginig ang mga kamay na hinarap ko ang pinaggalingan ng boses. Napalunok ako at nanghihinang iniabot si Lizzie kay Ember. Nagtatakang napatingin naman sa 'kin ang mga kasama ko dahil halatang halata ang pagbabago ng ekspresyon ko.

“I think there's something wrong with my dog,” malamig na sabi nito saka inilapit sa akin ang bitbit niyang aso.

Pilit kong pinakalma ang sarili ko saka ngumiti sa kanya. Dahan dahan kong kinuha mula sa kanya ang aso. White Pomeranian ang breed ng aso kaya talagang maganda ito at malambot ang balahibo, puting puti ang balahibo nito na parang hindi naranasan marumihan.

“Bata, ano'ng pangalan mo? Wala ka bang kasamang parents?” tanong ni Jian sa kanya.

“I can handle myself, don't worry about the payment, I can pay for my dog's medication. My parents are busy as of now so I brought my dog here all by myself. By the way, if you're asking for my name, I'm Arkia Vei Zaviere,” dire-diretsong sabi nito.

Napasinghap sina Ember sa sinabi niya. Napaiwas na lang ako ng tingin at ibinaling ang atensyon ko sa aso niya.

Kaunti lang yata sa Pilipinas ang may apelyidong Zaviere kaya talagang nagulat sila.

“Kaano-ano mo si Mayor Arken? Ikaw ba yung anak niya?” tanong naman ni Elein.

“Well, obviously,” may bahid na pagsusungit na sabi ni Arkia.

Lihim na napangiti na lang ako, hindi pa rin pala nagbabago ang batang 'to, suplada pa rin siya. Paano naman kaya siya magiging madre niyan?

“Ano'ng pangalan ng aso mo?” tanong ni Ember.

Natigilan ako nang mapatingin sa 'kin si Arkia, agad din siyang napaiwas ng tingin pero nakita ko kung paano bahagyang namula ang magkabilang pisngi niya.

“Jona,” tipid na sagot niya.

Hindi ako umaasa na sa pangalan ko nanggaling ang pangalan ng aso niya ngunit pakiramdam ko, may kung anong pamilyar na pakiramdam ang humaplos sa puso ko.

Sabi na nga ba at mas gaganda pa si Arkia, siguro 12 years old na siya ngayon. Mas tumangkad siya at mas humaba ang buhok niya, mas lalo niyang naging kahawig si Arken ngayong malaki na siya. Kumusta na ba siya? Nagkaka-crush na kaya siya? Kumusta na kaya ang buhay niya sa school? May mga kaibigan na ba siya? May mga nanay pa rin bang umaaway sa kanya?

Malamang nandito rin si Arken, bakit naman niya hinahayaang mag-isa si Arkia? Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin siya nagbabago, hindi pa rin yata siya responsableng ama kay Arkia.

“Why aren't you checking on my dog? Are you sure you're doing your job properly?”

Natigilan ako at napatikhim na lang, inilagay ko sa higaan ang aso niya at sinimulang suriin ang aso.

“Ano ba ang problema kay Jona?” tanong ko.

Napatingin ako sa mga mata ng aso niya, namumula ang mga 'yon.

“She doesn't want to play with me anymore, she's also shivering, gusto niyang nakabalot lang sa kumot. Ayaw niya ring kumain, and worst, she's coughing ang vomiting,” tila nag-aalalang sabi ni Arkia habang nakatitig sa aso niya.

Hinawakan ko ang tainga ng aso saka tiningnan ang ilong nito. Mainit ang tainga ng aso, tuyo rin ang ilong nito.

“Base sa mga sinabi mo, sa tingin ko may lagnat si Jona. Ember, paki-check ng temperature niya. Ms. Zaviere, let's talk in my office,” sabi ko saka bahagyang ngumiti kay Arkia.

Hindi na lang kumibo si Arkia at sumunod sa 'kin sa opisina ko.

“Kumusta ka na?” tanong ko sa kanya pagkapasok namin sa opisina ko.

“Aren't we here to talk about my dog?” malamig na tanong nito.

“Gusto lang kita kumustahin.”

“My affairs are none of your concern anymore, please be professional, doc,” malamig na tugon niya pa. Napangiti na lang ako imbis na mainis.

“Na-miss kita.”

Alam kong hindi sinabi ng Papa niya ang dahilan kung bakit ako nawala at umalis sa poder nila, hindi naman siya gano'ng kahibang para sabihin ang totoo sa anak niya, hindi niya sisirain ang imahe niya rito.

“Na-miss din kita, s-sobra.”

Natigilan ako sa sinabi niya. Napaiwas siya ng tingin sa 'kin pero hindi nakawala sa paningin ko ang pamumula ng ilong at mga mata niya.

“Alam ko ang ginawa ni Papa sa 'yo, a-ayaw na kitang harapin dahil do'n, nahihiya na 'kong humarap sa 'yo dahil sa ginawa ni Papa, p-pero ang bait mo pa rin sa 'kin, pinapahirapan mo 'ko.”

Parang may mabigat na dumagan sa dibdib ko nang tuluyan nang mabasag ang boses niya kasabay ng pagdaloy ng masasaganang mga luha sa magkabilang pisngi niya.

Lumapit ako sa kanya at umupo sa tapat niya saka hinila siya para yakapin. Napangiti na lang ako nang gumanti siya ng yakap sa 'kin saka tuluang napahagulgol ng iyak.

“Wala ka namang kasalanan sa 'kin, kung alam mo lang kung gaano ako nalungkot na iwan ka. A-alam mo namang tunay na anak na ang tinuring ko sa 'yo diba?” tanong ko saka hinaplos ang malambot na buhok niya.

Natigilan ako nang agad siyang kumalas ng yakap sa 'kin at tumayo. Agad niyang pinahid ang mga luha niya saka napaiwas ng tingin sa 'kin.

“F-forget it, I'm not supposed to be here.”

Natigilan na lang ako nang agad siyang lumabas ng opisina ko.

* * *

“May gusto ka bang ipabili?” tanong ko kay Vander sa kabilang linya.

“Just go home immediately after that, it's not safe to be alone at night, there are a lot of murderers out there.”

Natatawang napailing na lang ako sa sinabi ni Vander, ito yata ang napapala ng kakanood niya ng kung ano-ano.

“Susuntukin ko sila, wag kang mag-alala,” sabi ko na lang saka kumuha ng tomato sauce at inilagay 'yon sa cart.

“Your punches are nothing if they have gun. I told you many times that we should buy a gun. Vaughn will surely give us permission to have a gun with us.” Napailing na lang ako sa mga sinasabi ni Vander.

Hindi ko alam na namamana rin pala ang hilig sa baril.

Pumila na lang agad ako sa cashier upang bayaran ang mg pinamili ko pagkatapos kong kausapin sa phone si Vander. Natigilan ako nang mapatingin sa stall ng gummy bears. Tipid na napangiti na lang ako habang nakatingin do'n.

Bigla ko na namang naalala si Arkia. Umalis din kaagad siya sa vet clinic kanina, ni hindi ko nagawang gamutin ang aso niya dahil nagmamadali siyang umalis.

Gusto ko pa sana siyang makausap nang matagal, hindi ko alam kung bakit umalis siya kaagad sa kalagitnaan ng malalim na pag-uusap namin. Marami akong gustong itanong sa kanya pero hindi ko naman alam kung saan siya hahagilapin.

Natigilan ako nang mapatingin sa stall ng binatog sa labas ng grocery store.

Ilang taon na rin akong hindi nakakatikim ng binatog. Paboritong paborito ko 'yon noon, pero simula nang umalis ako sa poder ni Arken, hindi ko na tinangkang kumain no'n ulit. Halos lahat yata ng simpleng bagay na may kaugnayan kay Arken ay matagal ko ng pinutol.

Napailing na lang ako at nagtungo sa parking area at inilagay sa backseat ng kotse ang mga pinamili ko at agad na sumakay sa loob saka pinaharurot 'yon.

Nagiging lutang ako ngayong araw, kasalanan ni Arken 'to, bakit dito pa sa Sorsogon niya kailangangang tumakbong gobernador? Naubos na ba ang probinsya sa Pilipinas at Sorsogon na lang ang natitira? Mahigit 11 hours ang biyahe mula Caloocan papunta rito sa Sorsogon, bakit nagpakalayo pa siya kung pwede namang Caloocan na lang ang pamahalaan niya?

“Ahh!”

Napatili ako nang biglang may humarang sa daan at bumangga sa kotse ko. Napasinghap ako at napatakip sa bibig ko nang bumagsak sa sahig ang nabangga ko.

“Ayen, kalma, kailangan mong lumabas at tulungan siya,” kinakabahang sabi ko habang pilit na pinakakalma ang sarili ko.

Nanginginig ang mga kamay na lumabas ako at silipin kung sino ang nabangga ko.

Napasinghap ako nang mapansing may hawak itong baril, may dugo rin siya sa bandang tiyan niya na sa tingin ko ay tama ng baril. Agad akong lumapit sa kanya at pinakiramdaman ang pulso niya. Nakahinga ako nang maluwag nang mapansing may pintig pa iyon, kaso mahina na.

Natigilan ako nang mapatingin sa mukha ng lalaki. Bahagya akong napaatras nang mapagtanto ko kung sino siya.

“Arken?” tila hindi makapaniwalang tanong ko.

“Fuck those motherf-cker, where the hell are you when I fucking need you, Adham?” mahinang bulong niya habang nakapikit pa rin.

Mas lalong nanghina ang mga tuhod ko nang dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata niya, nagsalubong ang tingin naming dalawa.

“Damn, am I dead already?” tila paos na tanong niya saka hinawakan ang sugat niya sa tiyan.

“T-tumayo ka, d-dadalhin kita sa ospital,” nauutal na sambit ko saka hinawakan ang braso niya at inalalayan siyang bumangon.

Napapikit na lang siya at nanatiling nakaupo sa sahig, sinubukan ko siyang alalayan patayo pero hindi siya kumilos. Idinilat niya ang mga mata saka diretsong tumitig sa mga mata ko.

“A-ano ba?! Tumayo ka! Mauubusan ka na ng dugo sa ginagawa mo!” natatarantang sabi ko.

Doktor ako ng mga hayop, oo nga at hayop siya, pero yung katawan niya tao pa rin, hindi ko alam kung magagawa ko siyang gamutin.

“Hey, angel, you look like someone I know,” mahinang sambit niya saka hinila ako papalapit sa kanya.

“Ano ba ang trip mo ha?! Sabi ng pumunta na tayo sa ospital eh! Gusto mo bang mamatay rito?!”

Hindi naman siya nagsalita at nanatiling nakatitig sa 'kin.

“I'm dead anyway.”

Pakiramdam ko tumigil ang lahat sa paligid ko nang hilahin niya ang braso ko papalapit sa kanya saka siniil ng malalim na halik ang labi ko.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.