“Bakit ba ganyan ang boses mo? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo?”
Napabuntong hininga ako at napahilamos sa mukha ko. Tinawagan ko si Wrena dahil kailangan ko ng kausap, pero hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya ang problema ko.
“H-hindi ko na alam Wrena, hindi ko alam kung ano 'tong pinasok ko,” nauutal na sabi ko saka napapikit ng mariin.
Nandito ako sa sala ngayon. Wala akong balak matulog sa kwarto ni mayor ngayon. Natatakot pa rin ako, ramdam na ramdam ko pa rin ang mga kamay niya sa leeg ko na para bang sinasakal niya pa rin ako.
Nasasakal ako sa lugar na 'to, natatakot na 'ko. Wala akong kakampi rito kahit isa, kahit si Arkia na akala ko ay isang inosenteng anghel.
“Mahirap ba ang maging secretary ni mayor? Magresign ka na lang at bumalik dito, tatanggapin ka naman ulit ni Tita Celina,” sabi ni Wrena sa kabilang linya. Napabuntong hininga ako.
Gusto kong gawin 'yon, kung gano'n lang sana kadali, aalis agad ako rito at babalik kina Tita Celina o kaya naman doon sa Masbate, pero alam kong hindi basta basta si Mayor Arken, hindi niya ako hahayaang makawala ng gano'n ng hindi ako pinapatay.
“Huy, ano na ang nangyari sa 'yo? Bakit tahimik ka riyan? Kinakabahan na 'ko ha, sabihin mo nga sa 'kin kung nasaan ka nang mapuntahan na kita. Nag-aalala na 'ko.”
Natigilan ako nang biglang dumating si mayor. Hindi na ako nagpaaam kay Wrena at agad ng binaba ang tawag. Napalunok ako at napaiwas ng tingin kay mayor.
Muli akong tumingin sa kanya, nakasuot na siya ng sando at boxer na pantulog niya. Nagtungo siya sa kusina, siguro iinom siya ng tubig.
Muli akong napaiwas ng tingin nang makabalik din agad siya galing sa kusina. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, nanginginig din ang mga kamay at tuhod ko.
Takot na takot na ako sa kanya ngayon.
“What are you still doing here?” malamig na tanong niya.
Napalunok ako at napatingin sa kanya. Mas lalo akong kinabahan nang mapatingin ako sa mga mata niya. Kalmado na ang mga 'yon pero naaalala ko pa rin kung paano niya ako tingnan kanina habang sinasakal niya ako.
Para bang gusto niya na akong patayin kanina.
“M-mayor, papasok din po ako mamaya. D-dito lang muna po ako.”
Hindi na siya sumagot at umalis na rin kaagad. Pakiramdam ko nakahinga ako ng maluwag nang mawala na siya sa paningin ko.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at napayakap sa mga tuhod ko. Hindi ko na alam kung paano ako kikilos sa bahay na 'to, natatakot ako sa kalalabasan ng bawat galaw ko.
Nakasalalay ang buhay ko at buhay ng mga taong importante sa 'kin sa mga kilos ko.
Kahit takot na takot pa ako, pinilit kong lakasan ang loob ko na tumayo saka pumunta sa silid ni mayor. Para akong bibitayin sa sobrang bigat ng mga hakbang ko.
Napalunok ako at napatitig sa pinto ng silid ni Mayor Arken. Kahit ang hawakan ang doorknob, kinakabahan akong gawin.
Huminga ako ng malalim saka dahan-dahang binuksan iyon at nakatungong pumasok sa loob.
Agad akong dumiretso sa couch at umupo ro'n. Ang bigat ng paghinga ko, parang may nakadagan sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag.
Pasimpleng napatingin ako kay mayor. Hindi ako nito binalingan ng tingin at nakatutok lang sa laptop niya.
Napasinghap ako nang mapatingin siya sa 'kin. Agad akong nag-iwas ng tingin at napatungo, hindi ko na alam kung paano ako kikilos.
Huminga ako ng malalim at tumayo upang kumuha ng damit pantulog ko. Nanginginig ang mga tuhod na nagtungo ako sa banyo.
Napapitlag ako nang sabay kaming mapahawak ni mayor sa doorknob ng banyo. Agad akong napaatras palayo sa kanya.
“S-sige, i-ikaw muna,” nauutal na sabi ko habang nakatungo.
Hindi ko na yata kayang tumingin sa mukha niya ng hindi natatakot.
Hindi siya nagsalita, natigilan ako nang tumalikod na lang siya at bumalik sa kama niya.
Napalunok ako at pumasok na lang sa banyo saka agad na sinara ang pinto at ni-lock 'yon.
Nanghihinang napaupo ako sa sahig. Napahawak ako sa dibdib ko dahil para ng sasabog ang puso ko, hindi ko alam pero mas lalong lumaki ang takot ko sa kanya ngayon, ni hindi ko siya magawang tingnan.
Pinilit kong tumayo kahit nanginginig ang mga tuhod ko saka pinakalma ang sarili ko. Hindi ako pwedeng lumabas ng banyo na 'to na nanginginig pa rin sa takot.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal nagshower. Siguro talagang sinasadya ko lang tagalan para tulog na si mayor paglabas ko. Hindi ko na alam kung paano ako makakatulog ng payapa.
Paano kung sakalin niya ako habang natutulog ako?
Napapikit ako ng mariin nang makitang gising pa si mayor paglabas ko. Halos isang oras na ako sa banyo, bakit gising pa rin siya?
Agad akong nagtungo sa couch at humiga, ni hindi na ako nag-abalang suklayin o patuyuin ang buhok ko. Basta na lang akong humiga at nagtalukbong ng kumot.
Napapikit ako ng mariin at napahawak sa leeg ko. Hindi ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon nararamdaman ko pa rin ang malalaking kamay niya sa leeg ko.
Napakadali lang sa kanya na masakal ako o kaya naman durugin ako, pakiramdam ko sobrang hina ko kumpara sa kanya. Natatakot pa rin ako. Hindi ko alam kung magagawa ko pa bang makatulog ng ayos.
Pasimple akong sumilip sa kanya, sinigurado ko na natatakpan pa rin ako ng kumot. Natigilan ako nang mapansing nakatingin siya sa pwesto ko. Napalunok na lang ako habang nakatingin sa mukha niya.
Bakit ganyan ang ekspresyon niya? Hindi ko maipaliwanag. Nasaan na ang masamang titig niya kanina?
Napailing na lang ako at tumalikod na lang saka pinilit na pumikit.
Pakiramdam ko napalitan na ng takot ang lahat ng nararamdaman ko para sa kanya.
* * *
“Hmm...”
Napadaing ako nang magising ako. Napatingin ako sa kama ni mayor at gaya ng inaasahan ko, wala na siya ro'n.
Napailing na lang ako at agad na dumiretso sa banyo para maghilamos at magtoothbrush.
Hindi ako nakatulog ng ayos kagabi, siguro nakatulog lang ako ng tuluyan nang maramdaman kong natapos na si mayor sa ginagawa niya.
Huminga ako ng malalim saka lumabas ng kwarto.
Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Arkia. Ano ba ang magiging pakikitungo ko sa kanya? Dapat bang magpanggap ako na walang nangyari?
Hindi ko na alam.
Natigilan ako sa naabutan ko sa kusina. Ipinaghahain ng almusal ni mayor si Arkia.
Bago 'to ha, ngayon ko lang naabutan si mayor sa umaga. Bakit nandito pa siya?
“Mama!”
Natigilan ako nang lumapit sa 'kin si Arkia saka hinila ako paupo. Nagtatakang napatingin ako sa kanya. Nakangiti siya ng matamis sa 'kin habang nakahawak sa kamay ko.
“Mama, tingnan mo po si Papa. Siya ang nagluto ng almusal ngayon, super happy po ako kasi first time niyang sumabay sa 'kin mag-almusal. Kain ka na po, Mama. Si Papa ang nagluto niyan,” masiglang sabi niya saka ipinaghain ako.
Hindi ako nakapagsalita habang nakatitig kay Arkia. Bakit siya ganito? Akala ko ba alam na niya na hindi ako ang tunay niyang Mama? Bakit siya umaakto ng ganito ngayon?
Naguguluhan ako.
“Mama, ayaw niyo po bang kumain?” nakangusong tanong ni Arkia. Tipid na ngumiti na lang ako.
Napatingin ako kay mayor na tahimik lang habang nagkakape. Nakasuot na siya ng damit pangtrabaho, hindi ko alam kung bakit hindi pa rin siya naalis.
Agad akong napaiwas ng tingin nang mapadako ang tingin niya sa 'kin. Napalunok ako saka alanganing ngumiti kay Arkia.
“A-ano, wala kasi akong gana kumain. M-magkakape na lang ako,” tipid na sabi ko saka agad na tumayo para magtimpla ng kape ko.
Palihim kong hinihiling na sana umalis na si mayor at magtrabaho na. Si Arkia ay matitiis ko pa, pero hindi talaga ako makakilos ng ayos nang nandito siya.
Pasimple akong napatingin kay mayor nang tumayo siya saka sinuot ang coat niya.
“Aalis ka na po, Papa?” tanong ni Arkia.
“Yes, be a good girl. Don't eat gummy bears again.”
Napapitlag ako nang mapatingin si mayor sa direksyon ko. Agad akong napatungo at itinuloy na lang ang pagtitimpla ng kape.
Pakiramdam ko nakahinga ako ng maluwag nang tuluyan na siyang umalis. Kahit papa'no nabawasan ang bigat sa dibdib ko.
Umupo na lang ulit ako sa tapat ni Arkia habang nakatingin sa kapeng tinimpla ko. Wala akong gana kumain kahit yata ang uminom ng kape.
“Ano'ng meron sa inyo ni Papa? May gusto ba siya sa 'yo?”
Natigilan ako at napatingin kay Arkia na walang emosyon na nakatingin sa 'kin. Napalunok ako saka alanganing ngumiti sa kanya.
Mukhang ito ang totoong Arkia.
“B-bakit mo naman naitanong 'yan?” tanong ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kanya.
“Forget it, wag kang umasa agad porke't sumabay sa 'tin mag-almusal si Papa. Ididispatsa ka rin niya kapag wala ka ng pakinabang sa kanya,” malamig na sabi niya saka tumayo at umalis.
Napabuntong hininga na lang ako. Paano ko kaya mapapa-amo ang batang 'yon?
Napaisip tuloy ako kung totoo ba ang mga sinabi niya sa 'kin nung magkasundo pa kami. Totoo bang gusto niyang maging madre?
Kahit papa'no, naramdaman ko ang sinseridad niya kahit saglit lang. Malungkot lang talaga si Arkia kaya siya ganyan, nasabi niya rin sa 'kin na sinaktan siya ng naging nanny niya noon. Baka ayaw niya lang magtiwala ulit.
* * *
“Ano yung arte mo kagabi teh? Kinabahan ako sa 'yo ah,” sabi ni Wrena habang nakain ng chips. Napabuntong hininga na lang ako.
“Bakit? Ano'ng nangyari sa 'yo kagabi, Ayen?” nag-aalalang tanong ni Aljen. Umiling na lang ako saka tipid na ngumiti sa kanya.
“Nako, tumawag sa 'kin 'yan kagabi. Patulog na sana ako no'n eh, nanginginig yung boses kaya kinabahan ako,” sabi naman ni Wrena. Tiningnan ko siya ng masama.
Pati ba naman kay Aljen sinabi niya, baka mag-alala rin 'to sa 'kin eh.
“Hala, bakit Ayen? Ano ba'ng nangyari?” tanong ni Aljen.
Natahimik na lang ako. Mga kaibigan ko sila, gustong gusto ko ring sabihin sa kanila ang problema ko kaso hindi pwede. Ayokong madamay sila, paniguradong pati sila hindi palalagpasin ni mayor.
“Wala, na-homesick lang ako, 'wag na kayong mag-alala sa 'kin,” nakangiting sabi ko na lang.
“Kapag may problema ka, tumawag ka rin sa 'kin. Nakakatampo na kay Wrena ka lang natawag,” nagtatampong sabi ni Aljen. Natawa na lang ako at inakbayan siya.
“Hindi kita basta matawagan, future attorney, kasi alam kong busy ka sa pag-aaral,” sabi ko na lang. Napaismid naman siya.
“Para ka namang others, Ayen. Kahit na ga'no ako ka-busy, basta ikaw ang tumawag, kakalimutan ko lahat,” sabi naman niya. Natawa na lang ako.
“Kaya nga ayaw ka niyang tawagan eh. Nagiging asong ulol ka kapag tinatawagan ka ni Ayen,” pambabara naman ni Wrena kay Aljen.
“Wag ka ngang panira, kaya wala kang boyfriend eh,” sabi naman ni Aljen.
“Wow naman, bakit may girlfriend ka ba?” pang-aasar pa ni Wrena.
Natatawang napailing na lang ako sa kanilang dalawa. Wala talagang araw na hindi nagbangayan ang dalawang 'to.
“Wala pa, loyal kasi ako kay Ayen, ikaw bente yata ang crush mo. Mali 'yan,” napapailing na sabi ni Aljen.
“Sus, loyal daw, wala lang talagang gustong pumatol sa 'yo,” sabi ni Wrena saka humagalpak ng tawa. Natatawang napailing na lang ako.
Gwapo naman si Aljen, mabait pa at matalino. Sa totoo lang marami ang nagkakagusto sa kanya rito sa amin, pero nasa akin lang talaga ang atensyon niya kaya minsan nakokonsensya ako kasi pagkakaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay.
“Teka Ayen, gabi na ah. Hindi ka ba hinahanap ni mayor? Ikaw na yata ang pinakatamad na secretary na nakilala ko,” napapailing na sabi ni Wrena.
Napalunok ako at napakagat sa ibabang labi ko. Mukhang kailangan ko ng bumalik sa realidad.
“H-hindi naman kasi mahigpit si mayor,” pagpapalusot ko na lang.
Ayoko ng bumalik kay mayor.
“Kahit na, nako, gagabihin ka rin sa daan. Umuwi ka na, pumunta ka na lang ulit dito bukas,” sabi naman ni Wrena.
“Gusto mo ba samahan ka na namin papunta ro'n? Mamamasahe na lang kami ni Wrena pabalik,” sabi naman ni Aljen.
“Oo nga, samahan ka na lang namin,” segunda naman ni Wrena. Agad akong napailing.
“Hindi na, wag na kayong mag-alala sa 'kin. Kaya ko na ang sarili ko.”
Buti na lang at napilit ko sila na huwag na akong samahan pabalik kay mayor. Baka malaman pa nila ang sitwasyon ko ro'n. Ayoko na silang idamay sa problema ko.
“Mama! Bakit ngayon ka lang po?”
Natigilan ako nang salubungin ako ni Arkia pagkauwi ko. Naabutan ko sila ni mayor sa hapag, mukhang si mayor din ang nagluto ng hapunan ngayon.
“P-pasensya na Arkia. Binisita ko lang ang mga kaibigan ko,” sabi ko na lang.
Hinila ako ni Arkia paupo sa tabi niya. Nahihiwagahan talaga ako sa batang 'to, bakit kaya siya ganito?
“Kain ka po, Mama,” nakangiting sabi ni Arkia saka naglagay ng ulam sa plato. Alanganing ngumiti na lang ako at umiling.
“K-kumain na 'ko eh, kayo na lang ni may---”
Agad na naputol ang sasabihin ko nang mapatingin sa 'kin si mayor. Napalunok ako at napakamot sa batok ko.
Bawal ko nga pala siyang tawagin na mayor sa harapan ni Arkia.
Para saan pa ba 'to? Alam na naman ni Arkia na hindi ako ang tunay niyang Mama.
Siguro hindi alam ni mayor na alam na ni Arkia.
“K-kayo na lang ni Arken ang kumain,” sabi ko na lang. Napasimangot naman si Arkia.
“Magpapahinga na ako ha, bukas na lang tayo mag-usap ulit,” sabi ko saka ngumiti kay Arkia.
Umalis ako ng dining room ng hindi binabalingan ng tingin si mayor.
Agad akong nagtungo sa silid ni mayor at umupo sa couch na tinutulugan ko. Napabuntong hininga ako saka napapikit ng mariin.
Gaano katagal ko kaya kailangang manatili rito? Hindi na talaga ako komportable, hindi na ako nakakahinga ng ayos.
Sa tuwing nakikita ko si mayor, parang gusto kong magtatakbo palayo at magtago sa kanya.
Napailing na lang ako at kumuha ng pantulog ko saka nagshower.
Natagalan na naman ako sa banyo, parang gusto ko na lang magkulong dito at 'wag ng lumabas.
Natigilan ako at napatingin sa tatlong toothbrush pagkatapos kong magshower. Tipid na napangiti ako habang nakatingin sa mga 'yon.
Buong akala ko talaga ay may pag-asang lumambot ang puso sa 'kin ni mayor, kahit hindi na niya ako magustuhan, basta ituring niya lang ako ng ayos.
Pero ngayon alam kong imposible na 'yon, habang buhay na sa isip ko ang ginawa niya nung nakaraan, ang pananakal niya sa 'kin, ang nanlilisik na tingin niya sa 'kin, hindi ko malilimutan ang mga 'yon.
Lumabas na ako ng banyo pagkatapos makapagtoothbrush at magbihis. Natigilan ako nang maabutan ko si mayor na nakaupo sa kama niya habang nakatingin sa direksyon ko.
Agad akong napaiwas ng tingin. Agad akong nagtungo sa couch at umupo ro'n. Pinatuyo ko na lang ang buhok ko gamit ang tuwalya habang nakatingin sa sahig upang hindi magtagpo ang mga mata naming dalawa.
Hindi na lang siya nagsalita saka hinubad ang coat at waistcoat niya saka hinagis ang mga 'yon sa kama. Tila nakahinga ako ng maluwag nang pumasok na siya sa banyo.
Napabuntong hininga na lang ako at sinuklay ang buhok ko habang nakatingin sa salamin. Napakagat ako sa ibabang labi ko at napahawak sa leeg ko, medyo sumasakit pa rin ang leeg ko, pero wala namang marka na ipinagpapasalamat ko.
Humiga na ako pagkatapos kong magsuklay. Pumikit ako at pinilit ang sarili ko na matulog. Hindi na yata talaga ako makakatulog ng payapa hangga't nandito ako sa poder ni mayor.
Napasinghap ako nang bumukas ang pinto sa banyo. Napapikit ako ng mariin, humigpit din ang kapit ko sa kumot ko.
Kumalma ka, Ayen. Huminga ka nang ayos.
Kumalat ang amoy ng shower gel ni mayor sa kwarto. Napalunok ako at napadilat, halos mapatalon ako sa gulat nang makitang nakaupo siya sa kama habang nakatitig sa 'kin.
Agad akong napakurap saka napaiwas ng tingin sa kanya. Bakit niya ba ako pinahihirapan ng ganito? Ni hindi ako makatulog ng ayos dahil sa kanya.
Napaiwas na lang din siya ng tingin sa 'kin saka pinunasan ang buhok niya ng towel. Napabuntong hininga ako at napatitig sa kisame.
Hindi ko alam kung ilang minuto na kaming tahimik. Pasimple akong napapatingin sa kanya, nag-aalala ako dahil nakakunot ang noo niya.
Galit na naman ba siya sa 'kin?
Bumangon ako at inayos ang unan ko. Natigilan ako nang tumayo si mayor saka lumapit sa pwesto ko.
“B-bakit?” nauutal na tanong ko nang nasa tapat ko na siya.
Napapikit ako nang mariin nang iangat niya ang kamay niya. Hindi ko alam pero kusang gumalaw ang mga kamay ko para takpan ang leeg ko. Nagsumiksik ako sa couch saka pinilit na lumayo sa kanya.
Mas bumigat ang paghinga ko, hindi ko maidilat ang mga mata ko dahil natatakot ako na makita ang mukha niya.
“G-galit ka na naman ba sa 'kin? S-sasakalin mo ulit ako?” nauutal na tanong ko habang nakahawak pa rin sa leeg ko.
Pakiramdam ko literal na nanginginig ang mga kamay ko, siguradong kitang kita niya ngayon na nanginginig ako sa takot dahil sa kanya.
Ayoko sanang makita niya ako sa ganitong sitwasyon, pero hindi ko maiwasan.
Natigilan ako nang hawakan niya ang nanginginig na mga kamay ko saka marahang inalis ang mga 'yon sa pagkakatakip sa leeg ko.
“Does your neck hurt?”
Pakiramdam ko nagtayuan ang mga balahibo ko dahil sa pagbabago ng boses niya. Para bang hindi si mayor ang nasa harapan ko ngayon.
Napalunok ako at dahan-dahang idinilat ang mga mata ko. Napakagat ako sa ibabang labi ko nang makitang nakatingin siya sa leeg ko, napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya.
“A-ayos lang ako, m-matutulog na 'ko,” sabi ko na lang saka muling lumayo sa kanya.
Natigilan ako nang mapansing nabasa ang pisngi ko. Napahawak ako ro'n, napalunok ako nang mapansing luha iyon.
Napaiyak na pala ako ng hindi ko namamalayan.
Napapitlag ako nang maramdaman kong hinawakan ni mayor ang pisngi ko at marahang pinahid ang luha ko ro'n.
“I... I won't...” hindi niya naituloy ang sasabihin niya at napabuntong hininga na lang.
“G-gagawin ko ang lahat ng gusto mo. A-aalagaan ko si Arkia, m-magiging mabait na 'ko sa 'yo ngayon. S-sana lang 'wag mo na 'kong hawakan ulit, mayor. N-natatakot ako.”
Saglit siyang natahimik. Ramdam kong nakatitig siya sa 'kin ngunit hindi pa rin ako tumingin sa kanya. Ayokong tumingin sa mga mata niya, natatakot ako... Natatakot ako na baka mabago na naman ang nararamdaman ko.
Mas ayos na ngayon na natatakot ako sa kanya.
Napasinghap ako nang bigla niya akong buhatin, agad akong napakapit sa batok niya at napatingin sa kanya. Hindi naman siya nagsalita at nanatiling buhat ako.
Amoy na amoy ko ang mabangong amoy ni mayor lalo pa't sobrang lapit namin sa isa't isa.
“M-mayor...”
Natigilan ako nang marahan niya akong inihiga sa kama. Nagtatakang napatingin ako sa kanya.
“Sleep here, I'll sleep on the couch.”
Magp-protesta pa sana ako ngunit agad siyang nagtungo sa couch at umupo ro'n. Kinuha niya rin ang mga papeles niya at doon binasa ang mga 'yon.
Napahawak ako sa puso ko dahil para na namang nagwawala 'yon.
Ganito ba siya humingi ng tawad?