Call Me Mayor Chapter 7

“A-ano'ng gagawin ko? Paano kung nasa labas si mayor?”

Para akong ewan na paikot-ikot dito sa kwarto. Kinakabahan akong lumabas at pumunta sa dining room dahil baka nandoon si mayor.

Hindi ko alam kung paano siya haharapin o kung paano siya pakikitunguhan.

Malambot ang kama ni mayor at malaki, mabango rin ang unan at kumot na halos pakiramdam ko kayakap ko lang si mayor, pero hindi ako nakatulog ng ayos. Nahihiwagahan pa rin ako kung bakit ginawa ni mayor 'yon.

“Okay lang 'yan, normal pa rin ang pakikitungo ko. Tama, pinatulog niya lang ako sa kama niya, walang ibang meaning 'yon,” pangungumbinsi ko sa sarili ko.

Natigilan ako nang marinig kong pumihit ang doorknob. Agad akong tumakbo at tumalon sa kama saka nagtulug-tulugan.

“I know you're awake, get up before I shoot your head.”

Agad kong idinilat ang mga mata ko dahil sa sinabi ni mayor. Bumangon ako at napakamot sa batok ko. Nahihiyang tumingin ako sa kanya.

Ang gwapo niya sa suot niyang kulay gray na three piece suit. Kahit siguro ano'ng isuot niya, gwapo pa rin siya.

Siguro gwapo rin siya kapag walang suot.

“G-good morning, mayor,” sabi ko na lang saka nagkunwaring humikab.

“What are you still doing here? You're being an irresponsible mother to Arkia,” nakakunot-noong sabi niya. Pinigilan kong mapaismid.

“Ahm, ano kasi eh... Masarap ang tulog ko dahil dito ako sa kama mo natulog,” nakangiting sabi ko saka tinapik ang kama.

Joke lang iyon, hindi ako nakatulog ng ayos kakaisip sa 'yo, mayor.

Napatingin ako kay mayor. Walang emosyon na nakatingin lang siya sa 'kin. Napakurap na lang ako at muling napaiwas ng tingin sa kanya.

Nakakainis naman, bakit naging komportable ulit ako kay mayor? Akala ko pa naman magtatagal ang takot na naramdaman ko sa kanya, pati yung takot ko marupok din.

Hindi na siya nagsalita at lumabas din agad. Napasimangot na lang ako at tumayo saka sumunod sa kanya.

Ang gwapo ng likod ni mayor kapag naglalakad, kapag naglalakad siya parang siya ang may-ari ng mundo, ang confident niya kahit naglalakad lang. Ang ganda ng tindig niya.

“Mama!”

Natigilan ako nang lumapit sa 'kin si Arkia saka niyakap ako sa baywang. Kahit alam kong ka-plastikan niya lang 'to, sinakyan ko na lang at ngumiti sa kanya saka niyakap din siya.

“Bakit po ngayon ka lang nagising, Mama? Hindi po ako makapagbreakfast kasi po hindi ka kasabay,” nakangusong sabi pa niya.

“Sorry, Arkia,” sabi ko na lang.

Kasalanan ng Papa mo eh.

“Papa, sasabay ka po ba sa 'min kumain?” tanong ni Arkia.

Napatingin ako kay mayor habang naghihintay rin ng isasagot niya. Ayaw kong sumabay siya sa 'min mag-almusal na medyo gusto rin.

“I'm busy, I just woke her up for you. I'll go ahead,” sabi niya saka marahang ginulo ang buhok ni Arkia.

Napakurap ako nang mapatingin din siya sa 'kin. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya.

“Take care of our daughter.”

Napasinghap ako nang hawakan din ni mayor ang buhok ko. Napakagat ako sa ibabang labi ko saka muling napatingin sa kanya. Para na namang may nagkakarera sa dibdib ko nang magtagpo ang mga tingin namin.

“I'll go ahead.”

Umalis na rin agad si mayor. Napahawak ako sa dibdib ko dahil pakiramdam ko nagwawala pa rin ang puso ko. Napailing na lang ako at napatingin kay Arkia. Napapitlag naman ako nang mapansing nakatingin siya sa 'kin.

“May gusto ka ba kay Papa?” tanong niya.

Nakagat ko ang dila ko sa tanong niya. Bakit niya ba ako tinatanong ng bagay na hindi ko rin alam ang sagot?

“Kain na lang tayo,” sabi ko saka ngumiti ng matamis sa kanya.

Napairap naman siya at umupo na lang. Napailing na lang ako sa inasal niya saka naghanap ng ilulutong almusal sa ref. Hindi ko talaga maintindihan ang trip sa buhay ni Arkia, pero minsan nananaig talaga ang awa ko sa kanya.

“Ano ba'ng gusto mong almusal?” tanong ko na lang habang naghahalungkat sa ref.

Mukhang kailangan ko ng mag-grocery.

“Anything,” tipid na sagot niya.

“Eh kung pakainin kita ng lason, okay lang din?” tanong ko saka kumuha ng itlog at hotdog.

Napatingin ako kay Arkia, nakataas ang kilay niya sa 'kin pero wala siyang reaksyon.

“Are you finally showing your true color?” masungit na tanong niya. Natawa na lang ako.

“Hmm, sincere naman ako sa 'yo simula pa lang pero siyempre, hindi mo paniniwalaan 'yon. Sinasakyan ko na lang ang trip mo. Kung hindi mo ako kayang pagkatiwalaan at kung talagang susungitan mo ako ng ganyan kapag tayong dalawa na lang, ano ba'ng magagawa ko diba? Tratuhin na lang natin ang isa't isa na magkaaway,” sabi ko saka ngumiti ng matamis sa kanya.

Hindi ko na hinintay na may sabihin siya at agad na pinrito ang itlog at hotdog. Ipinagtimpla ko na rin siya ng gatas.

Magkaaway na kami ngayon pero ayaw ko siyang gutumin 'no.

“Magpanggap na lang tayo na sweet na mag-ina sa harap ng Papa mo. Ano? Deal?” tanong ko saka hinarap siya.

Hindi siya sumagot at malamig na nakatitig lang sa 'kin. Kapag ganyan siya, lalo niyang nagiging kamukha si mayor, tapos magka-ugali pa pala silang dalawa.

“Bakit hindi mo na lang sabihin sa Papa mo na alam mo na ang totoo? Na alam mo ng hindi naman ako ang Mama mo?” tanong ko saka ipinaghain siya. Inabot ko rin sa kanya ang gatas niya. Napaiwas siya ng tingin sa 'kin.

“I'll just play along. Maghahanap din naman siya ng magiging Mama ko kapag sinabi kong alam ko. Hindi niya rin hahanapin ang totoo kong Mama, ayaw niyang makilala ko si Mama,” sabi niya saka uminom ng gatas.

Napatango na lang ako at ininom ang kape ko saka kumagat sa hotdog habang nakatitig sa kanya.

Sa pagkakatanda ko limang taon pa lang si Arkia, bakit kung umasta siya parang magka-edad lang kami? Masyado siyang matured mag-isip para sa edad niya.

Pinanood ko na lang siya na kumain habang iniinom ang kape ko.

“Bakit ka ba tingin ng tingin?! Kumain ka na lang diyan,” pagsusungit na naman niya. Natawa na lang ako saka muling kumagat ng hotdog.

Ang cute niya kaso minsan gusto ko siyang sabunutan.

“Ang sungit mo, manang mana ka sa Papa mo,” napapailing na sabi ko na lang.

“Malamang, Papa ko siya eh,” sabi niya saka napairap.

Aba't... Masasabunutan ko talaga ang batang 'to eh.

“Ibig sabihin gagawin mo rin ang mga naging kasalanan ng Papa mo pag laki mo?” tila nanghahamon na sabi ko.

Napaismid siya saka napaiwas ng tingin sa 'kin. Ayos 'to, tinatablan na siya ng hiya sa 'kin.

“It's a different thing,” sabi na lang niya saka muling uminom ng gatas.

“Alam mo kayo ng Papa mo, magkaparehas talaga kayo. Ikaw, mabait ka sa harap ng Papa mo, yung Papa mo naman, mabait sa harap ng mga tao. Alam mo bang na-scam talaga ako ng Papa mo? Akala ko talaga napakabuti niyang mayor,” nakangiwing sabi ko.

“Mabait si Papa,” sabi naman niya saka tumingin ng masama sa 'kin.

“Siguro mabait siya, pero sigurado ako na hindi siya mabuting tatay sa 'yo.”

Nakita ko kung paano siya natigilan. Ang kaninang masamang tingin niya sa 'kin, mas lalong sumama.

“Kung mabuti siyang tatay sa 'yo, malamang hindi ka ganyan, dapat hindi ka niya iniiwan mag-isa rito, dapat ipinagmamalaki ka niya sa mga tao, ni hindi ka niya napalaki ng ayos, saka kung talagang naging mabuting ama siya sa 'yo, edi sana hindi ka malungkot ngayon. Bata ka pa lang pero miserable ka na,” napapailing na sabi ko.

Napasinghap ako at napahawak sa pisngi ko nang tumama ro'n ang binato niyang hotdog sa 'kin.

Bakit naman sa lahat ng ibabato niya, hotdog pa? Ang halay naman.

“I hate you!”

Napakurap na lang ako nang magtatakbo siya palabas ng dining room. Napabuntong hininga na lang ako.

Kung hindi ko makukuha ang loob niya sa maayos na paraan, dito muna ako magsisimula.

Alam kong lalambot din si Arkia sa 'kin, iinisin ko na lang muna siya sa ngayon.

Sabi nga nila, the more you hate, the more you love.

* * *

“Crush mo na si mayor?”

Napalunok ako sa tanong ni Wrena sa kabilang linya.

“Oo yata, ano'ng gagawin ko?” natatarantang tanong ko.

Nakikipagchikahan na lang ako kay Wrena ngayon dahil natapos ko na naman ang lahat ng trabaho ko kay Arkia kahit nagsusungit siya palagi.

“Tanga ka ba? Crush mo na si mayor simula pa lang nung maging mayor siya,” sarkastikong sabi niya.

Napapadyak ako sa sahig saka umupo sa kama ni mayor. Kumuha ako ng isang unan saka niyakap 'yon at inamoy.

Ang bango, kaamoy ni mayor.

“Hindi eh, ibang crush na ngayon. Ano'ng gagawin ko Wrena?” tanong ko saka isinubsob ang mukha ko sa unan.

Ang bango talaga.

“Ano pa bang ibang crush ang sinasabi mo? Kung mas naging crush mo siya, baka hindi mo na siya crush, baka gusto mo na siya,” tila kinikilig na sabi niya sa kabilang linya. Napasinghap naman ako.

“Hindi pwede!” sabi ko saka agad na napatayo.

“Bakit naman hindi pwede? Kasalanan ba'ng magkagusto kay mayor? Okay lang 'yan, malay mo type ka rin ni mayor kaya ka niya ginawang secretary niya.”

Nararamdaman kong nakangisi siya habang sinasabi ang mga 'yon.

“Hindi niya ako type.” Bawal din akong magkagusto sa kanya.

Napabuntong hininga ako at muling umupo sa kama, muli kong inamoy ang unan ni mayor. Naaadik na yata ako sa amoy ni mayor, mukhang tokhang na lang ang kulang sa 'kin.

“Dapat kasi galingan mo sa pang-aakit kay mayor. Kahit na paramg bato siya, lalaki pa rin 'yon 'no!”

Napasinghap ako sa sinabi niya. Isinubsob ko ang mukha ko sa unan ni mayor saka nagpagulong-gulong sa kama.

Muli akong bumangon nang mahimasmasan na ulit ako.

“Ano ba'ng pinagsasasabi mo riyan?” kunwaring naiirita na sabi ko. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko para pigilin na mapatili.

“Ay sus, kapag ganyang pabebe ang boses mo alam kong kinikilig kang gaga ka,” tila nanunuksong sabi niya.

“Hindi ah, imbento ka na naman,” sabi ko na lang saka napaismid.

Hindi rin pala maganda na kilalang kilala na ako ni Wrena, kahit tono lang ng boses ko, alam na niya kung ano ang nararamdaman ko.

“Okay lang naman na ma-in love ka riyan kay mayor. Basta ba hindi ka kawawa sa bandang huli, alam mo naman ang mga tulad natin, walang laban kay mayor,” babala niya. Napangiti na lang ako at tumango.

“Yes, Ma'am, iingatan kong maigi ang puso ko. Hindi ako mai-in love kay mayor 'no, saka alam ko naman ang pinagkaiba ng estado naming dalawa.” Bawal ko rin talaga siyang mahalin.

Ilang minuto pa kaming nagkwentuhan ni Wrena bago niya binaba ang tawag, nagtatrabaho pa rin kasi siya hanggang ngayon sa convenience store.

Napabuntong hininga ako at humiga sa kama saka inangat ang unan ni mayor. Naningkit ang mga mata ko habang nakatitig do'n.

“Hindi ako mai-in love sa 'yo, promise,” sabi ko habang seryosong nakatitig sa unan.

“Kasi naman eh!” naiinis na sabi ko saka niyakap muli ang unan at sinubsob ang mukha ko ro'n.

“What are you doing?”

Agad akong napabangon nang marinig ko ang boses ni mayor. Nanlaki ang mga mata ko saka tumingin sa kanya na nakatayo at nakasandal sa pintuan habang nakatingin sa 'kin.

Pakiramdam ko teenager ako na nahuli ng crush ko na pumupuslit ng damit niya sa locker at inaamoy-amoy 'yon.

Agad kong inihagis pabalik sa kama ang unan ni mayor. Dali dali akong tumakbo sa couch at humiga ro'n saka nagtalukbong ng kumot.

Hindi ako palamura pero sampung beses ko na yatang minura ang sarili ko sa isip ko. Pakiramdam ko rin iteral na nag-iinit ang magkabilang pisngi ko dahil sa kahihiyan.

“Why the hell are you talking to my pillow?”

Napakagat ako sa ibabang labi ko at napapikit ng mariin nang marinig ko ang mga hakbang niya.

Nagpapanggap ba siya na hindi niya nakita na inaamoy ko ang unan niya?

Hindi ako nagsalita. Pinakikiramdaman ko lang siya habang nakatalukbong pa rin ako. Ayokong makita niya ang mukha ko, siguradong pulang pula pa rin ang mukha ko ngayon.

Bakit naman kasi ang aga umuwi ni mayor ngayon? Usually 11 or 12 na siya ng madaling araw nauwi. 9 pm pa lang ngayon, diba dapat busy ang mga mayor? Bakit siya pa-chill chill lang?

Napalunok ako at pasimpleng sumilip sa kanya. Inaalis na niya ang pagkakabutones ng polo niya.

Napasinghap ako nang mapatingin siy sa direksyon ko, muli akong nagtalukbong ng kumot.

Ilang beses na akong napahiya sa harap ni mayor, pero ito na yata ang pinakanakakahiya sa lahat. Wala na nga yata akong mukhang ihaharap sa kanya.

Narinig kong bumukas ang pinto sa banyo saka sumara. Agad akong bumangon saka napahawak sa dibdib ko. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, parang may kung anong nagkakarera ro'n.

“Ang tanga mo talaga,” naiinis na sabi ko saka binatukan ang sarili ko.

Napatingin ako sa pinto ng banyo. Napabuntong hininga ako saka muling humiga sa couch.

Ayoko ng matulog ulit sa kama, nakakapraning. Hindi ako nakakatulog ng maayos.

Pumikit na lang ako at pinilit na matulog pero gaya ng inaasahan ko, lumabas na ng banyo si mayor, gising na gising pa rin ang diwa ko.

Pasimpleng sumilip ako sa kanya, umupo siya sa kama habang nakatingin sa direksyon ko.

Napatikhim ako at napilitan na lang bumangon dahil nahuli na rin naman niya ako.

Hindi ko na lang siya tiningnan, nagtungo ako sa may table saka kinuha ang suklay ko ro'n at sinuklay ang magulo kong buhok.

Cool ka lang, Ayen. Kunwari nagkaroon ka ng amnesia at nalimutan mo ang kahihiyan mo kanina.

Pasimple akong tumingin kay mayor. Tumayo siya at kinuha ang mga gamit niya saka nagtungo sa couch. Natigilan ako at nagtatakang napatingin sa kanya.

Sa couch ulit siya matutulog?

“It's comfortable here, sleep on the bed,” sabi niya habang nakabaling ang tingin niya sa mga papeles na gabi-gabi na lang yata niyang inaasikaso.

Hindi na ako masyadong nakakalabas kaya hindi na ako updated sa nangyayari rito sa Caloocan City, kung ano ba ang mga bagong programa ni mayor, kung ano na naman ba ang magagandang nagawa niya lalo na sa mahihirap.

Ang bait niyang mayor, pero hindi siya mabait na tao. Pwede ba 'yon?

Hindi na lang ako nagsalita at nagtungo sa kama at umupo. Kailangan cool lang ako para kunwari hindi ako napahiya kanina.

Hanggang ngayon hiyang hiya pa rin ako sa nangyari.

Napatingin ako sa cellphone ko nang magvibrate 'yon. Agad kong binuksan ang message nang makitang galing iyon kay Aljen.

Ayen, sabi ni Wrena kayo na raw ni mayor? Support na lang ako sayo kahit masakit. Kapag sinaktan ka ni mayor isumbong mo sakin, senador ang tatay ko.

Natatawang napailing na lang ako sa text niya. Madalang niya talagang ipagyabang na senador ang tatay niya pero mukhang napilitan siya ngayon.

Nagtype ako ng reply sa kanya...

Wag kang maniwala riyan kay Wrena. Fake news!

Ito talagang si Wrena, loka-loka rin eh.

Napailing na lang ako at nilagay sa bedside table ang cellphone ko. Napabuntong hininga na lang ako at sumandal sa headboard ng kama.

Napatingin ako kay mayor na abala sa pagt-type sa laptop niya.

Ang gwapo niya talaga kahit palaging seryoso, pero gusto ko siyang makita na nakangiti. Pati kasi picture niya sa munisipyo, seryoso siya eh.

Minsan napapaisip ako kung paano siya nanalong mayor, nung nangangampanya pa lang siya, madalang na talaga siya ngumiti. Kung nangiti man siya, tipid na tipid lang.

Siguro dahil noon pa man maganda na ang mga plataporma niya, medyo hindi na rin nakakapagtaka na nanalo siya.

Pero kung tatakbo man siyang senador o presidente, siguro dapat trabahuhin na niya ang ngumiti.

Napaiwas ako ng tingin nang mapatingin siya sa direksyon ko. Nilaro ko na lang ang mga daliri ko habang nililibot ang tingin sa kabuuan ng kwarto niya, pilit kong iniiwas ang tingin ko sa kanya.

Naramdaman kong muli niyang binalik ang tingin sa ginagawa niya.

Napabuntong hininga na lang ako at napatungo. Namimiss kong kulitin sj mayor at tanungin ng tanungin hanggang sa mapikon siya.

Wala na akong lakas ng loob na kulitin siya, nahihiya na 'ko.

“Damn.”

Natigilan ako at nagtatakang napatingin kay mayor nang tumayo siya.

“Why are you so quiet?!”

Napakurap ako dahil sa tanong niya. Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa 'kin.

“D-diba ayaw mo ng maingay?” nauutal na tanong ko.

Bakit ba siya nagagalit?

Napapikit siya ng mariin saka naiinis na umupo ulit sa couch. Napalunok naman ako habang nakatitig lang sa kanya.

“Are you still mad at me?” tanong niya.

Napaiwas ako ng tingin sa kanya. Bakit naman naisip niya 'yon?

Nahihiya ako dahil nahuli niya akong inaamoy ang unan niya. Ano ba'ng pinagsasasabi niya?

“Ahm, nag-aadik ka ba, mayor?” tanong ko saka napakamot sa batok ko.

Napakunot ang noo niya habang nakatingin sa 'kin.

“Ang gulo mo kasi, palagi kang naiirita kapag maingay ako, tapos naiirita ka rin kapag tahimik ako. Saan ako lulugar?” nakangusong tanong ko.

Litong lito na ako.

Hindi siya sumagot, napaiwas na lang siya ng tingin saka napailing. Napakurap na lang ako nang kinuha na lang niya ang laptop niya saka nagtype ro'n.

Tingnan mo 'to, ang gulo niya talaga.

“Mayor, kumain ka na ba?”

Nakita ko na natigilan siya sa pagt-type dahil sa tanong ko. Muli siyang napatingin sa 'kin.

Pa-fall muna ako ngayon.

“So what if I didn't? Will you cook for me or what?” walang emosyon na tanong niya.

Siya pala ang pa-fall.

“Gusto mo bang ipagluto kita?” tanong ko saka napaiwas ng tingin sa kanya.

“No, you don't have to. Go to sleep,” sabi na lang niya saka muling ibinaling ang tingin sa laptop niya.

Napasimangot na lang ako at nanatiling nakatitig sa kanya. Hanga na talaga ako sa pagbabago ng mood niya.

“Mayor.”

“What?” tanong niya habang nakatingin pa rin sa laptop niya.

“May bipolar disorder ka ba?”

Muli siyang napatigil sa pagt-type saka napatingin sa 'kin. Napakagat ako sa ibabang labi ko nang tingnan niya ako ng masama.

“Bakit ka nagagalit? Naiinis ka kapag tahimik ako,” bulong ko na lang saka hinablot ang isang unan saka niyakap 'yon.

Pahamak na unan 'to.

Hindi na lang ako nagsalita at nilaro-laro ang mabangong unan ni mayor. Bigla tuloy akong na-conscious, unan ko ang ginagamit ni mayor. Malamang kumapit na ro'n ang amoy ng cheap kong shampoo.

Natigilan ako nang padabog na inilapag ni mayor ang laptop niya sa mini table.

“Why aren't you saying anything?!”

Napaawang na lang ang labi ko sa tanong niya. Ano ba ang problema ni mayor?

Nagpapacute ba siya sa 'kin?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.