Camp Speed Chapter 12

“MY ANSWER is still a ‘no’,” mariing sabi ni Rodgine kay Remus. Iyon na yata ang ika-sampung “no” niya rito sa araw na iyon. Pagkagaling pa lang nila sa Batangas noon ay umuungot na ito sa kanya na siya na ang sumama kay Toffee tuwing klase nito sa Camp Speed pero hindi siya pumayag at alam nito kung bakit. Naikwento na niya rito ang buong pangyayari matapos nang naging encounter nila ni Nick sa Camp Speed nang nakaraang weekend. At inis na inis siya rito dahil kahit alam nito kung ano ang nangyari sa kanila ni Nick ay ipinagpipilitan pa rin nitong siya ang sumama kay Toffee sa Camp Speed.

“Sino ang sasama kay Toffee do’n? Alam mo namang marami akong inaayos para sa negosyo natin,” pangungumbinsi pa nito sa kanya.

“Ako na lang ang mag-aayos ng mga dapat ayusin para sa negosyo natin. Para hindi naman ako mag-astang senyorita. Don’t you think so?” aniya rito.

Malapit na silang magbukas ng dalawang branch ng Chipud—ang sarili nilang restaurant ni Remus—sa Maynila. Chipud ang napili nilang pangalan ng kanilang restaurant dahil sa dalawang rason, “cheap food” at “seafood”—na siyang pangunahing putahe na ino-offer ng restaurant. Ginawa lang nilang parang balbal ang spelling ng restaurant para makamasa. Casual dining lang iyon at pang-masa talaga.

Sa Maynila nila binalak mag-expand kaysa dagdagan nila ang branch nila sa Visayas. Gusto na rin kasi nilang i-invade ang Luzon at sisimulan nila iyon sa Maynila. Hinihintay na lang nilang matapos ang renovation ng napili nilang lokasyon sa dalawang malalaking mall sa Maynila at kaunting promotion na lang ng restaurant nila’y maaari na silang magbukas sa publiko.

“O, sige. ‘Yong sa promotions na lang ang iintindihin mo,” agad na sabi nito sa kanya na ikinangiti niya.

“Mabilis ka naman palang kausap eh. Pinahirapan mo pa ‘yong sarili mo na kumbinsihin ako. Saan ka ba nagpagawa ng ad at flyers?” tanong niya rito.

“Sa Royale,” anito.

“Come again?” aniya rito. Napakurap-kurap pa siya sa harapan nito pagkarinig sa sinabi nito.

“Sa Royale Advertising Agency,” sagot nito.

“Damn you! Nananadya ka ba talaga, Remus?” pasinghal na tanong niya rito.

“What? Nakausap ko si Nick last Saturday. Nabanggit niya sa’kin na may-ari siya ng isang ad agency. Hindi ko naman alam na siya pala si ‘Sirius’ kaya sabi ko sa kanya, sa kanila na lang tayo magpapagawa ng ad,” paliwanag nito sa kanya.

“This can’t be happening!” sigaw niya habang nakatingala.

Frustrated na frustrated siya ng mga oras na iyon. Nananadya ba ang tadhana? Bakit bigla naman yata’y lahat na lang ng bagay sa buhay niya’y nakaugnay kay Nick ngayon? Pakiramdam niya’y wala siyang ligtas sa presensiya nito.

“So, Camp Speed or Royale?” tanong sa kanya ni Remus sa pinaseryosong tinig ngunit alam niyang pinipigil lang nito ang sariling huwag matawa sa harapan niya.

“Kung pagbuhulin ko kaya kayong mag-ama ni Toffee?” naiinis na sabi niya rito.

“Ano ba naman kasi ang ikinatatakot mo ngayon? Sabi mo nga, there’s no way na magkakagusto ka ulit kay Nick after what happened between you two. You wouldn’t fall for the ‘world’s biggest jerk’ for the second time around, remember?” paalala ni Remus sa kanya.

Oo nga naman, Rodgine. Ano nga ba ang ikinakatakot mo sa pagkikita n’yo ni Nick? tanong niya sa sarili.

“Ah, basta. Ayoko ‘yong nagkikita kami,” simpleng sabi niya rito.

Aminin man niya o hindi ay natatakot siya para sa kanyang sarili—o sa kanyang sarili mismo. Lalo na’t hindi naging “maayos” ang pakiramdam niya noong muli silang nagkita ni Nick. Tumalon, nag-cart wheel at nag-somersault pa nga ang puso niya, hindi ba? She was afraid that if she got close to him again, she might fall hard. Real hard. Ayaw niyang maulit muli ang nangyari noon. And that’s what’s keeping her guarded.

“Kasi in love ka pa rin sa kanya,” ani Remus sa kanya.

“Hindi na nga. Baka lang kasi...ah, basta.”

“Baka mas lalo kang ma-in love sa kanya.”

“Hindi na nga ako in love sa kanya!” mariing tanggi niya rito.

“It doesn’t show. Bakit affected ka pa rin sa presensiya niya?” kastigo ni Remus sa kanya.

“Ayoko lang siyang makita! Iyon lang ‘yon. I promise, I swear,” aniya ritong itinaas pa ang isang kamay na parang nanunumpa nga talaga. Pagkuwa’y bumuntong-hininga siya. “Sobrang sakit ng ginawa niya sa’kin, Remus. I can’t describe the pain, actually. Ayoko na ulit masaktan, He’s not even sorry for what he did yet. Kaya please lang, ‘wag na natin siyang pag-usapan, okay?” pakiusap niya rito.

“Aminin mo man o hindi, hindi ka pa rin nakaka-get over sa kanya. Hindi mo maloloko ang sarili mo, Gine. You have to face it or it will eat you. Ikaw rin,” banta pa nito sa kanya.

“Kaibigan ba kita o ano?” sita niya rito.

“Friends with benefits kaya tayo,” nangingiting sabi nito sa kanya at alam niya kung ano ang tinutukoy nito.

Kaya hindi ito nakaangal sa kanya nang magpakilala siya kina Nick bilang “wife” nito ay dahil sa tuwing gusto nitong makawala sa mga babaeng nagiging clingy rito’y siya ang ginagawa nitong “dahilan” para makipaghiwalay sa mga iyon. Ipinapakilala siya nitong nobya sa mga babae nito at sesegundahan pa iyon ng pagtawag ng “mommy” sa kanya ni Toffee. Kaya hindi mapipigilang umasa ng bata minsan na maging totoong mommy na siya nito.

“Alam mo, itigil na natin ‘yang pagiging ganyan natin. Kawawa naman si Toffee. Umaasa,” pagkuwa’y sabi niya rito.

“Gusto mong ituloy na natin sa totohanan?” pilyong tanong nito sa kanya.

“Gago! Itigil na nga eh,” aniya rito.

“Ah, so babawiin mo rin kina Nick ang sinabi mong ‘wife’ kita?” anito sa kanya na ikinaungol niya.

“Siyempre, hindi,” agad na sabi niya rito.

Kahit na anong mangyari ay hindi dapat malaman ni Nick na hindi sila totoong “kasal” ni Remus. Nang umalis siya sa poder nito limang taon na ang nakalipas ay ang alam nito’y nagpakasal na siya sa lalaking itinakda ng mommy niya para sa kanya dahil iyon ang sinabi niya kay Laida—na kasambahay nito. Kaya nagpakilala siya sa mga ito bilang “wife” ni Remus noon. Alam niyang inaasahan ni Nick na kasal na siya.

“You have to face him, Gine. Malay mo, nagsisisi na siya sa sakit na idinulot niya sa’yo noon at gusto ka na niya ngayon. ‘Tapos dahil sinabi mong asawa kita, nawala ang lahat ng chances mo sa kanya. Sayang,” sabi pa ni Remus sa kanya.

“’Wag mo nga akong demonyuhin. ‘Kainis ka, Remus!” naiinis na sabi niya rito. Tumawa lang ito saka siya iniwang nag-iisa sa may sala.

Napu-frustrate na nahiga siya sa malaking sofa na naroon at tumingin sa kisame ng bahay na tinutuluyan nila nina Remus sa Maynila. Bumili pala ito ng bahay doon para kapag pumupunta-punta ito sa Maynila ay may natutuluyan ito. Sa pagtitig niya sa kisame ay tila tuksong nakapaskil doon ang mukha ni Nick nang muli niya itong makita sa Camp Speed. Ang paraan ng pagngiti at pagkindat nito sa kanya ay ibang-iba na kompara noong mga panahong kasama niya ito noon. Noong mga panahong mahal na mahal niya ito pero hindi naman nito naibalik sa kanya ang pagmamahal na ibinibigay niya rito. Sa katunayan ay sinaktan siya nito ng labis na naging dahilan para maghiwalay sila noon.

Then, five years ago seemed like yesterday...

Five years ago...

NAPAMURA si Rodgine pagkuwa’y yumuko siya mula sa kinauupuan niya sa loob ng eroplano. Sa totoo lang ay kinakabahan siya dahil baka mamaya ay makita siya ng mga taong naghahanap sa kanya. Kahit na may suot siyang wig, dark sunglasses at scarf sa ulo ay todo pa rin ang tago niya sa kanyang kinauupuan. Nagpasalamat siya ng may lalaking umupo sa tabi niya. Nasa may bintana siya at dalawang upuan ang nasa gilid niya bago mag-aisle kaya may posibilidad na hindi siya makita ng mga taong naghahanap sa kanya.

She cursed her mother and grandmother under her breath. Kung hindi dahil sa binabalak ng mga itong ipagawa sa kanya ay hindi sana siya ora-oradang magdedesisyon na umalis ng Cebu sa araw na iyon. Wala siyang ibang dala kundi isang backpack, credit card, cell phone na pinatay niya at sampung libong piso. Kung hindi sana sinabi ng mga ito sa kanyang balak siyang ipakasal ng mga ito sa kung sinong lalaki’y baka naglalamyerda pa rin siya kasama ang mga kabarkada niya ngayon sa kung saang beach na naisin nila. But desperate times calls for desperate measures. She has to move out of Cebu to save her dignity and love life.

Nunca siyang magpapakasal sa isang lalaking hindi naman niya mahal. At lalong hindi siya magpapakasal ng dahil lang sa pera. Marami man siyang luho sa katawan ay hindi ibig sabihin niyon ay ibebenta na niya ang sarili para makuha ang mga iyon. Kung kailangang paghirapan niyang makuha ang isang bagay ay gagawin niya. Hindi siya sanay sa “shortcuts”. And marrying a millionaire is a ‘shortcut’ for her mother and grandmother.

Nagdesisyon siyang magtungo sa Maynila para tumakas sa “responsibilidad” na iniatang sa kanya ng magaling niyang ina at lola. Ayaw niya munang makita o makasama ang mga ito dahil baka tumindi ang samaan nila ng loob ng kanyang kapamilya. Silang tatlo na lang ang naiwan doon at ayaw niyang magkasira pa sila. Kailangang bigyan niya ng ‘space’ ang mama at lola niya para mapag-isipan ng mga ito ang sinasabi ng mga ito. Baka nabibigla lang ang mga ito.

Two months ago, her father died and he left them problems. Problema at hindi mana! She can’t believe that her father had been gambling. She can’t even swallow the fact that he had tried gambling and lost everything. Isinugal nito ang lahat-lahat sa kanilang pamilya. Ipinusta nito ang kanilang negosyo, bahay at lupa at maging ang kanilang ari-arian. He was a good man. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa nito ang mga bagay na iyon. He shouldn’t have died first. He should’ve fixed these problems before he died. Hindi siya dapat ang humaharap sa kasalanan nito. Hindi siya dapat ang maging kabayaran sa kasalanan na ginawa ng kanyang ama.

Sana lang ay maisip iyon agad ng mommy at lola niya. Hindi naman sila maghihirap na talaga. Hindi lang matanggap ng mommy at lola niya na bababa ang tingin sa mga ito ng mga amiga ng mga ito sa alta-sosyedad.

“Are you okay, Miss?” tanong sa kanya ng lalaking katabi niya.

Napanganga siya pagkakita sa gwapong mukha nito. Even his voice is sexy. Kung kailan naman may gwapo siyang nakatabi sa eroplano, doon hindi presentable ang hitsura niya.

Sasagot na sana siya dito ng makita niyang palapit na ang mga naghahanap sa kanya kaya muli siyang yumuko at umarte na sumasakit ang ulo.

“First time mo ba?” muling tanong sa kanya ng lalaking katabi niya.

Sumulyap siya sa mga lalaking naghahanap sa kanya. Hindi mukhang goons ang mga ito. Pero pawang mga nakauniporme ang mga ito kaya alam niyang body guards ito ng kung sinong mayamang tao sa kanilang bayan. Umarte siyang nahihilo kaya napayukyok siya sa may gilid ng lalaking katabi niya. Agad naman siya nitong inalalayan paayos ng upo pero isinubsob niya ang kanyang mukha sa dibdib nito para hindi lalong makita ng mga unipormadong lalaking naghahanap sa kanya ang mukha niya.

Hmmm. Ang bango, aniya pagkatapos amuyin ang lalaking katabi niya.

“Miss, gusto mo bang sabihin ko sa stewardess na nahihilo ka? First time mo ba? Gusto mong uminom ng gamot?” nag-aalalang tanong sa kanya ng lalaki.

“Gusto ko lang matulog. Kaso lang, nakakatulog lang ako sa dibdib ng isang lalaki eh,” sabi niya rito sa mahinang boses.

“What? Are you serious?” tila galit na tanong nito sa kanya.

Pero hindi niya pinansin ang sinabi nito. Mas lalo siyang nagsumiksik sa dibdib nito. Feel na feel niya ang dibdib nito lalo na’t bangong-bango siya rito. She can feel his warmth and she’s loving it. Pilit siyang itinataboy ng lalaki pero makulit siya—dahil kailangan niyang magtago—kaya nagsusumiksik siya pa rin siya rito.

Mamaya ko na iintindihin ang hiya! Kapag nakalipad na ang eroplanong ‘to. Bahala na mamaya sa lalaking ‘to, sabi niya sa sarili.

“Miss, if you won’t stay away from me, I’m calling the airport police,” banta sa kanya ng lalaki sa seryosong tinig pero muli ay hindi niya ito pinansin. Baka kasi nandiyan pa ang mga taong naghahanap sa kanya.

Ang bango-bango talaga!

“Miss!” narinig niyang tawag ng lalaking katabi niya pero alam niyang hindi siya ang tinatawag nito.

Nag-angat siya ng tingin para tingnan kung wala na roon ang mga lalaking naghahanap sa kanya. Nang makitang “cleared” na ang eroplano at narinig niyang magte-take off na sila’y nakahinga siya ng maluwag. Kaya humiwalay na rin siya sa lalaking katabi niya.

“Yes, Sir? May problema po ba?” tanong ng isang stewardess sa lalaking katabi niya.

“Can I change seats with someone?” anang lalaking katabi niya dito.

“Ay, gusto mo dito ka na lang?” alok niya rito. Gusto niyang mapangisi nang makitang tumalim ang tingin nito sa kanya. Kahit na “lethal” ang hitsura nito ngayo’y napakagwapo pa rin nito sa paningin niya. Mas naging astig pa nga ang dating nito sa kanya nang tingnan siya nito ng ganoon.

Gagi! Masama na nga ang tingin niya sa’yo, parang kinikilig ka pa, aniya sa sarili.

Siyempre, ‘no! Hombre ang lolo mo!

“I’ll see what I can do, Sir,” anang stewardess bago umalis. Hinarap naman siya ng lalaki.

“Nahihilo ka ba kanina o nanantsing ka lang?” sita nito sa kanya.

“Feeling mo naman! Hindi ‘no! Gusto ko lang talagang matulog,” aniya rito.

“At nakakatulog ka lang talaga sa dibdib ng isang lalaki? What are you?” tanong nito sa kanya. Hindi niya nagustuhan ang indikasyon ng sinabi nito. Pero kasalanan naman niya dahil sa sinabi niya kanina.

“Fine. Umaarte lang ako. May mga lalaki kasing naghahanap sa’kin kanina at nagtatago ako sa kanila. Sumiksik ako sa’yo para magtago. Sorry,” hinging-paumanhin niya rito.

“Bakit ka nagtatago sa kanila? Dahil sa utang? Wanted ka ba?” kunot-noong tanong nito sa kanya.

“Hindi, tange! My mother and my grandmother wants me to marry someone I don’t love. Para maisalba ang mga negosyo namin. Ipambayad-utang daw ba ako? Siyempre, hindi ako pumayag. Kaya tumakas ako, lumayas ako,” kwento niya rito.

Hindi niya alam kung naniniwala ito sa kanya dahil hindi na ito nagtanong o nagkomento pa pagkatapos. Nang bumalika ng stewardess at sinabing walang gustong makipagpalit ng upuan dito ay hindi na ito nagpumilit pa. Naging matiwasay ang biyahe nila at nakatulog naman siya ng maayos sa balikat nitong hindi naman niya sinasadya. Nagpasalamat na lang siya dahil hindi ito nagreklamo. Kaya feel na feel niya ang paghilig ng ulo sa balikat nito. She enjoyed his warmth and his manly scent. Kaya labis niyang na-enjoy ang biyaheng iyon. Pansamantala’y kinalimutan niya ang mga problemang naiwan niya sa Cebu. Salamat sa gwapong lalaking ito.

“Miss, nag-land na tayo,” imporma sa kanya ng lalaking katabi niya.

“It’s Rodgine,” pakilala niya rito. Noon lang niya tinanggal ang suot na wig, sunglasses at scarf sa ulo. Pagkatingin niya sa lalaki’y hindi niya alam kung nagulat lang ito sa ginawa niyang pagtanggal ng “props” niya o napatitig ito sa kanya. Nginitian niya ito.

“May tatanggalin ka pa ba?” pagkuwa’y tanong nito sa kanya na parang nakabawi na sa pagkabigla.

“Wala na. Bakit? Ano pa ba ang dapat kong tanggalin?” kunot-noong tanong niya rito.

“Babae ka talaga?” anito.

“Oo ‘no! Gusto mo ng pruweba?” tanong niya rito. Mukha ba akong bakla? Hinawakan niya ang himlayan ng dulo ng suot niyang t-shirt. Tangkang itataas niya iyon ng pigilan siya ng lalaki na mukhang takot na takot. Natawa tuloy siya sa hitsura nito.

“Your name sounds like a guys’ name,” anito sa kanya. Natawa siya dito. Hindi iyon ang unang beses na may nagkamali sa pangalan niya. Panlalaki daw ang pangalan niya pero babaeng-babae siya.

“Ah...Eh, ikaw? Ano bang pangalan mo? Baka naman pang-babae?” biro niya rito.

“It’s Nick,” anito sa kanya.

“Nicola?” biro pa niya rito.

“Nicholai—Nick Velarde,” pakilala nito sa kanya sa buong pangalan nito.

Gotcha! Para-paraan din.

“It’s nice meeting you, Nick!” nakangiting sabi niya rito. May sasabihin pa sana siya rito ngunit hindi na niya naituloy pa dahil sinabihan na sila ng isang stewardess na maaari na silang bumaba ng eroplano. Mabilis namang nagpaalam sa kanya si Nick—kasimbilis ng pagkuha nito sa puso niya.

Sayang! Yayayain ko pa sana siyang magkape, aniya sa sarili.

If you’re meant to be, fate would find a way for you to meet again, anang isang bahagi ng kanyang isipan na pinanghawakan niya.

And as if Fate had heard her prayers, she suddenly needed Nick’s help again. Dahil may nakita siyang mga unipormadong lalaki na mukhang may hinahanap na kung sino nang makalabas sila sa arrival area ng airport. Bigla siyang na-paranoid.

Seriously? Hanggang dito ba naman?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.