Camp Speed Chapter 13

“HELP ME,” nagsusumamong sabi ni Rodgine kay Nick nang muli siyang makalapit dito. Kunot-noo naman siya nitong tiningnan bago tinalikuran na para bang hindi siya nito nakausap kanina lang. Muli niyang isinuot ang wig, sunglasses at scarf niya para hindi siya makilala ng mga unipormadong lalaking nakikita niya ngayon. “Nicholai Velarde,” tawag niya rito.

“I’m sorry, Miss. I’m afraid I’m running late. Sa airport security ka magpatulong kung gusto mo,” masungit na sabi nito sa kanya.

Ang gwapo talaga niya kahit masungit siya. At ang sexy din ng boses. Husky, kinikilig na saad ng isang bahagi ng isipan niya. Agad naman niyang sinaway ang sarili dahil napa-paranoid na nga siya pero nagagawa pa niyang kiligin ng ganoon.

“Bipolar ka ba o sadyang moody ka lang? Akala ko ba magkakilala na tayo kanina?” aniya rito.

“Nagkakilala na tayo kanina but that doesn’t mean na close na tayo. Good bye,” paalam nito sa kanya pagkakuha nito sa maleta nito sa carousel. Agad naman niya itong pinigilan.

“Nand’yan na ulit sila. Please help me,” aniya rito. Muli ay kunot-noong tiningnan siya nito pagkuwa’y lumingon-lingon ito sa paligid na tila ba hinahanap ang mga lalaking sinasabi niya. “’Ayun sila o,” aniya ritong itinuturo ang mga unipormadong lalaking katulad noong mga naghahanap sa kanya sa Cebu noon.

Sa panggigilalas niya’y biglang nilapitan ni Nick ang isa sa mga unipormadong lalaki. Ang damuhong lalaking ‘to! Walang kwenta! Sayang ang kagwapuhan! Agad siyang tumalikod sa mga ito nang tumingin sa kanya si Nick at ang unipormadong lalaki. Kailangan na niyang makaalis sa lugar na iyon bago siya madakip ng mga taong iyon at ibalik sa Cebu.

Naglalakad na siya palabas ng airport nang biglang may humawak sa braso niya. Nanigas siya pero ipinagpatuloy niya ang paglalakad.

Lord, tulungan N’yo po akong makatakas, dalangin niya. Pilit niyang binabawi ang kanyang braso mula sa taong humawak sa kanya ngunit hindi siya nito binibitiwan. Sisigaw na sana siya nang biglang magsalita ang nakahawak sa kanya.

“It’s me,” anang baritonong boses ni Nick. Nakahinga siya ng maluwag.

“Gago ka! Bakit mo kinausap ‘yon?” sita niya rito.

“They’re waiting for a congressman’s arrival. Hindi naman ikaw ang hinahanap nila,” sabi nito sa kanya.

Napatanga siya rito. Sa ikalawang pagkakataon ay hindi niya nagustuhan ang indikasyon ng sinabi nito. Pakiramdam niya’y napakalaki niyang feeler sa pag-aakalang siya ang hinahanap ng mga unipormadong lalaking iyon. Paano ba naman ay pareho ng mga suot ang mga lalaking iyon ngayon sa mga lalaking naghahanap sa kanya sa airport sa Cebu noon. Kaya hindi niya naiwasan ang ma-paranoid.

“Akala ko kasi ako ang hinahanap nila. Pareho kasi sila ng uniform eh,” katwiran niya rito.

“Ngayong alam mo nang hindi ikaw ang hinahanap nila, siguro nama’y mapapanatag ka na,” seryosong sabi ni Nick sa kanya.

“Actually, hindi pa,” aniya rito. ‘Wag ka ng mahiya, Rodgine! Desperate times calls for desperate measures, ‘di ba?

“Bakit?” kunot-noong tanong nito sa kanya.

Napangiti siya dahil hindi naman pala ito masyadong masungit at walang pakialam sa mundo katulad ng iniisip niya kanina. Kung gayon ay baka kanina pa siya nito iniwan doon kahit na magkakilala na silang dalawa.

“Eh, wala kasi akong tutuluyan dito sa Maynila. Baka pwedeng—“

“No. Ginusto mo ‘to kaya gumawa ka ng paraan para sa sarili mo,” agad na sabi nito sa kanya hindi pa man niya natatapos ang mga sasabihin niya.

“Baka naman pwedeng magtrabaho ako para sa’yo. Kahit ano—“

“No,” putol nito sa iba pa niyang sasabihin saka walang anu-anong tinalikuran siya at naglakad palabas ng airport una sa kanya. Agad naman siyang sumunod dito para kumbinsihin pa ito. Hindi siya basta sumusuko na lang. Lalo na ngayon at kailangang-kailangan niya ng tulong.

Sampung libong piso lang ang dala niyang cash. Kung gagamitin niya ang credit card niya’y tiyak na mate-trace iyon ng mommy at lola niya maging ang cell phone niya kaya wala siyang balak na gamitin ang mga iyon. Kung uupa siya ng isang apartment doon sa Maynila ay malalagas agad ang sampung libong piso niya. Kakain pa siya.

Ang sabihin mo, gusto mo lang talagang mapalapit kay Nick!

‘Oy, hindi ah. Slight lang, pilyang saad ng isang bahagi ng isipan niya.

“Nick, naman. Hindi ka ba makokonsensiya? Kapag may nangyaring masama sa’kin sa kalakhang Maynila na ito, kargo de konsensiya mo ‘ko. Hindi ka makakatulog—“

“Who told you that? Ano’ng pakialam ko sa’yo?” masungit na sabi nito sa kanya.

“Ang harsh mo namang magsalita,” aniya rito.

“Sinasabi ko lang ang naiisip ko. Now, if you’ll excuse me. I still have a meeting to attend to,” paalam nito sa kanya.

May tumigil na sasakyan sa harapan nila at may bumabang driver doon para pagbuksan si Nick ng pintuan ng kotse. Ngunit bago pa man makasakay si Nick sa kotse ay hinawakan niya ito sa braso at hinila palayo sa kotse. Makapal na kung makapal ang mukha pero mas nauna pa siyang sumakay dito sa loob ng kotse nito.

“What the hell do you think you’re doing? Do you want me to call the airport authorities? Ipapa-deport kita pa-Cebu,” banta sa kanya ni Nick pero umarte siyang hindi ito naririnig at prente siyang umupo sa loob ng kotse nito.

“Sir, mukhang napapagod na si Ma’am,” sabi naman dito ng driver nito.

“Hindi ko siya kasama. Pababain mo siya ng kotse ngayundin,” utos naman dito ni Nick.

“Manong, tara na po. Kung ayaw niyang sumakay, iwan na natin siya dito,” sabi naman niya sa driver ni Nick. Pinigil niya ang sariling matawa pagkakita sa panlalaki ng mga mata ni Nick habang nakatingin sa kanya. “Sasakay ka ba o iiwan ka namin dito ni manong?” tanong pa niya rito.

Ang lakas talaga ng apog mo, Rodgine! Hands down! Napangisi siya nang sumakay si Nick sa loob ng kotse at tumabi sa kanya.

“Sir, saan po tayo?” tanong ng driver dito.

“Sa police station,” agad namang sagot ni Nick.

“’Oy ha! ‘Wag kang ganyan. Be a good citizen and help me,” aniya rito.

“You nuzzled over my chest in the airplaine para makapagtago ka sa mga naghahanap sa’yo at ipinagtanong ko sa mga unipormadong lalaking iyon kung ikaw ba ang hinahanap nila o hindi. Napakabuti ko na naman na kapag pinatira pa kita sa bahay ko at bigyan ka ng trabaho,” sabi nito sa kanya.

“Ipagtatayo kita ng rebulto,” sarkastikong sabi niya rito.

“Marunong ka bang magseryoso? Maybe that’s why your mom just wanted you to marry someone you don’t love. Para alam mo kung paano magkaroon ng responsibilidad,” anito sa kanya.

Napipilan siya sa sinabi nito. Hindi niya alam kung paano sasagot dito pero parang may kumurot na kung ano sa puso niya nang marinig ang mga sinabi nito.

Bakit kasi nagpumilit ka pa sa kanya, Rodgine?

“Manong, pakitigil na lang po sa may tabi ‘yong kotse. Baba na po ako,” aniya sa driver nito.

“What are you planning to do?” tanong sa kanya ni Nick.

“Baba ng sasakyan mo, malamang. Maraming salamat sa mga naitulong mo ha. Pasensiya na rin sa abala,” aniya rito habang hinihintay na itigil ng driver sa tabi ang kotse.

“Manong, mag-drive ka lang,” utos ni Nick sa driver na ikinakunot niya ng noo.

“Bababa na ako,” aniya rito.

“Fine. I’m going to let you stay at my house pero para makabayad ka sa’kin, kailangan mong magtrabaho para sa’kin,” pagkuwa’y sabi sa kanya ni Nick.

Bipolar ba ito?

“Ayaw mo?” tanong nito nang hindi siya nagkomento sa sinabi nito. Nagulat kasi siya sa sinabi nitong iyon. Kanina’y sabi nito sa kanya’y hindi siya nito tutulungan, pagkatapos ngayon nama’y tutulungan na siya nito.

“Sagutin mo nga ang tanong ko, bipolar ka ba? Bakit bigla naman yata’y nagbago ang isip mo agad-agad,” aniya rito.

“I just want to sleep soundly tonight,” simpleng paliwanag nito na para bang naipaliwanag ng mga katagang iyon ang mga nais niyang marinig mula rito.

“Seryoso ka talaga? Tutulungan mo ako?” paniniguro niya rito.

“Ayaw mo?”

“Tinatanong nga kita kung totoo ‘yong mga sinabi mo. Mamaya n’yan nabingi lang pala ako, sabihan mo akong feelingera,” aniya rito.

“I’ll let you stay at my house but you need to work for me. You’re going to be my executive assistant. Ano ba ang natapos mong kurso?” pagkuwa’y tanong nito sa kanya.

“Sa lahat ng boss, ikaw ‘yong nag-hire muna bago nag-interview,” nakangising saad niya rito.

“Hindi ba pwedeng sagutin mo na lang ng deretso ang bawat tanong ko hindi ‘yong kung anu-ano pa ang sinasabi mo?” masungit na sabi nito sa kanya.

“Okay, okay. Chill ka lang. Business Management ang natapos kong kurso. Next question,” aniya rito.

“Full name.”

“Rodgine Lores Ruiz. Next question.”

“Wala na. Itikom mo na lang ‘yang bibig mo. Your work starts effective today. Lahat ng utos ko ay susundin mo—“

“Kung sinong mamali ay—“

“Kapag hindi ka sumunod sa lahat ng utos ko, ibabalik kita sa Cebu,” banta nito sa kanya.

“Sabi ko nga eh,” aniya rito saka umayos ng upo at tumingin na lang sa labas ng bintana. Pero dahil natukso siyang muling tingnan si Nick ay bumaling siya paharap dito. Nakita niya itong nakapikit ang mata kaya napagmasdan niya ng maayos at malaya ang hitsura nito.

Nick should stand for about six feet tall. Hindi lang siya sigurado pero kung ang pagbabatayan ay ang taas niya, hindi hamak na malaki ang agwat ng height nilang dalawa. Five-one lang kasi siya kaya pasadong-pasado sa kanya ang height ni Nick lalo na ang katawan nito. Napakaswerte niya dahil sa unang pagkikita pa lang niya’y halos yakapin na niya ito. Nagkaroon siya ng pagkakataong maramdaman ang lapad ng dibdib nito at maamoy ito. She remembered how he smelled and she remembered how his warmth lingered on her face.

Napangiti siya sa kanyang sarili dahil nakaramdam siya ng kilig. Dahil sa kapilyahan at kalokahan niya’y naka-“tsansing” pa siya kay Nick kanina. Para-paraan lang nga. Pinagmasdan naman niya ang mukha nito. Seryoso ang mukha ni Nick lalo na tuwing nagsusungit ito. Pero ngayon ay napaka-kalmado ng hitsura nito kaya napakasarap titigan ng mukha nitong maaliwalas. Hindi masyadong makapal ang kilay nito at hindi mo rin agad mahahalat ang pilik mata nito.

What’s distracting about him is his lips. Iba ang kurba niyon kompara sa mga labi ng mga lalaking usual niyang nakikita. Mas manipis ang upper lip nito kaysa sa lower lip na animo palaging naka-pout. His lips looks so inviting—inviting to be kissed. Idagdag pa ang hitsura ng buhok nito ngayon. It make her feel like she wants to run her fingers through his hair. Lalo na ng magmulat ito ng mga mata. Noon lang niya nakita na maganda pala ang mga mata nito.

His eyes looking like that together with his lips—it’s a killer. He’s lethal and she better look away now.

Okay, fine. It’s official. Crush ko na talaga siya ngayon, kinikilig na sabi niya sa sarili.

“Problem?” untag nito sa kanya. Agad naman siyang umiling dito.

“Wala, wala,” aniya rito saka tumingin sa labas ng bintana. Napakagat-labi siya pagkatapos.

Pahiya ka do’n, Rodgine.

MUNTIKAN nang pagsisihan ni Rodgine ang pagsama kay Nick dahil unang araw pa lang niya kasama ito’y isinabak na agad siya nito sa matinding trabaho. Una ay umuwi muna sila sa bahay nito. Akala niya’y mananatili sila doon buong araw ngunit nagkamali siya. Ipinakita lang nito sa kanya ang magiging kwarto niya—na akala niya’y sa maids quarter pero hindi naman pala—kumain din sila pagkatapos ay lumarga na sila sa sunod-sunod na meeting. Si Nick kasi ang namamahala ng Royale Advertising Agency na minana nito mula sa ama nito.

‘Executive assistant’ ang sabi nitong trabaho niya pero pakiramdam niya’y naging ‘personal assistant’ siya nito sa dami ng demands nito. Sa pagkakaalam niya’y ang gawain ng isang executive assistant ay tulungan ito sa paper works at maging organizer nito pero pati ang pagtimpla ng kape, pagharang sa mga tawag ng nobya nito at pagpapa-photocopy ng kung anu-anong file ang sinakop na ng trabaho niya. Pakiramdam niya’y sinusubukan lang siya ni Nick. Kaya kung iyon ang binabalak nito’y hindi niya ito uurungan.

“Kaya pa?” tila nang-aasar pang tanong nito sa kanya nang makarating sila sa opisina nito sa Royale.

“Oo naman. Kayang-kaya. Sanay na sanay ako sa ganitong trabaho,” sarkastikong sabi niya rito.

“Good. We still have one more meeting tonight.”

“Ano? Isa pa? Hindi ka ba napapagod?” tanong niya rito.

“This is what you’ve bargained for, remember? Sabihin mo lang kung ayaw mo na,” anito sa kanya.

Masungit pero gwapo naman. Keri lang, anang makulit na bahagi ng isipan niya.

“Hindi ‘no. Kayang-kaya ko pa. Saan ba ang next meeting?” tanong niya rito.

Kakayanin niya ang ganoong buhay basta ba hindi muna siya makakabalik sa Cebu at hangga’t crush pa niya si Nick. She would tolerate his mood swings because she has a crush on him. Kapag nawala ang pagka-crush niya rito’y magra-riot silang dalawa panigurado. Kaya maswerte ito dahil crush niya ito.

At talagang siya pa ang maswerte, ha?

Siyempre, ‘no! Minsan lang akong magka-crush sa isang lalaki. Choosy kaya ako. Kaya swerte siya, sagot niya sa sarili saka muling napatitig kay Nick. Hindi niya alam na nakatingin din pala ito sa kanya kaya nagtama ang mga mata nila. Ngunit sa kanilang dalawa ay ito ang agad na nagbawi ng tingin.

“Ikaw naman, Boss Nick. Aminin mo nga sa’kin, nagagandahan ka sa’kin ‘no?” pabirong tanong niya rito.

“Maganda? Saang banda?” masungit na sabi nito sa kanya saka siya tinalikuran. Gustong-gusto niya ang pagkibot ng mga labi nito.

Hoy, Rodgine! Palaging ‘yong lips na lang niya ang napapansin mo. Tama na! saway niya sa sarili pero hindi niya mapigilang palaging maalala ang hitsura ng mga labi nito. Ah, nagnanasa na yata ako sa mga labi niya.

Ngayon mo lang na-realize?

“Hina-hard mo ako ha. Ang harsh mo talaga. Magkakagusto ka rin sa’kin next time. Itaga mo ‘yan sa bato,” pahabol na sabi niya rito bago pa ito makalayo sa kanya.

He needs to know that she’s going to trouble him real soon. She would make sure of that. Hindi naman maaaring siya lang ang magka-crush dito. Dapat ay magka-crush din ito sa kanya. So, let the game begin.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.