NGINITIAN NI Rodgine si Manang Yolly nang dalhan siya nito ng pagkain sa kanyang kwarto. Hindi siya nakapasok ngayon dahil inabot siya ng lagnat. Nagkaroon siya ng toncilitis na kinatatakutan niya. Nasobrahan nga siya sa matatamis na kinain nila ni Daniel nang nakaraang gabi. Masasarap ang mga iyon pero delikado sa toncils niya.
“Salamat po, manang,” nakangiting sabi niya rito. Medyo malat ang boses niya dahil ganoon siya kapag nagkakaroon ng toncilitis.
“Hay nakung, bata ka! Hindi ako sanay na makita kang ganyan,” naiiling na sabi niya rito.
“Manang, mild lang po ‘to. Don’t you worry,” aniya rito.
“O, siya. Kumain ka na at uminom ng gamot. Uuwi na daw si Nick. Pinapagamot lang niya sa veterinarian si Snowy dahil pati ‘yong aso ay nagkasakit,” ani Manang Yolly.
“Hala! Baka dahil pinaliguan ko siya kagabi,” aniya.
“Baka nalamigan nga kagabi kaya nagkasakit.”
“Manang, sorry. Sinunod ko lang naman ‘yong utos ni Nick eh,” aniya rito.
“Alam ko. Hayaan mo at pagsasabihan ko ‘yang si Nick mamaya—“
“Ano po ‘yon, manang?” anang baritonong boses ni Nick mula sa pintuan ng kwarto niya.
“Halika ngang bata ka,” tawag ni Manang Yolly dito. Lumapit naman si Nick sa kanilang dalawa. “Ako’y nahihilo na sa inyong dalawa. Ikaw, Nick, kung nagseselos ka ‘wag mong idaan sa pagpaparusa kay Rodgine. At kung gusto mo siya, sabihin mo. Hindi ‘yang nato-torpe ka,” sermon ni Manang Yolly kay Nick.
Napanganga siya dahil sa mga sinabi nito. Na-amuse siya kay Manang Yolly. Pakiramdam niya’y matagal na nitong kinikimkim ang opinion nitong iyon. At nagtuwa siya dahil nasa side niya ito. Ang tanging nagawa lang ni Nick ay tumango dito.
Way to go, Manang Yolly!
“Ikaw na ang magpakain kay Rodgine. Alagaan mo siya dahil kasalanan mo kung bakit may sakit siya ngayon. Inutusan mo siya ng inutusan kagabi kaya nagkasakit siya,” pangongonsensiya pa rito ni Manang Yolly bago ito lumabas ng kwarto niya.
Si Manang Yolly lang pala ang katapat ni Nick. Hindi ito maka-hindi sa matanda. Pinigilan niya ang sariling mapatawa.
“Sinabi mo ba kay manang na sabihin ang lahat ng ‘yon sa’kin?” masungit na tanong sa kanya ni Nick.
“Ganyan ba talaga ang tingin mo sa’kin?” inis na tanong niya rito. Umayos siya ng higa at nagtalukbong ng comforter. Kumain kang mag-isa mo d’yan!
“Rodgine, you have to eat first. Kailangan mo pang uminom ng gamot,” ani Nick. Pero hindi niya ito pinansin.
Ha! Mararanasan mo na ring masungitan. Inalis nito ang talukbong ng kumot niya pero nagtalukbong ulit siya. Inulit na naman nito ang pag-alis sa talukbong niya pero binalik ulit niya iyon sa dati.
“Rodgine, ano ba?” tila naiinis na sabi nito sa kanya.
“Hindi kita inoobligang gawin ang sinabi ni Manang Yolly. Bakit ka ba nandito? Si Snowy na lang ang intindihin mo. Tutal, kasalanan mo kung bakit siya nagkasakit,” aniya rito habang nakatalikod ng higa dito.
“Fine! Put all the blame on me. Kasalanan ko na ang lahat! Kasalanan ko nang nagka-toncilitis ka dahil sa sobrang kain mo ng matamis sa date n’yo ni Daniel,” sarkastikong sabi nito sa kanya.
“Kasalanan mo naman talaga ah! Kung sinabi mo naman sa’king ‘wag akong makipag-date sa kanya, hindi ako makikipag-date sa kanya eh,” parang batang sabi niya rito.
“Rodgine, kumain ka na,” anito sa kanya. Bumangon siya at mataman itong tiningnan ng deretso sa mga mata.
“Hindi mo ba talaga ako gusto? As in? Kahit kaunti?” seryosong tanong niya rito.
“Eat, now,” utos lang nito sa kanya.
Naiinis na sinunod niya ang utos nito. Mabilis na kinain niya ang lugaw na inihanda para sa kanya ni Manang Yolly saka uminom siya ng gamot. Pagkatapos ay muli siyang humiga patalikod kay Nick.
Am I not beautiful enough for him? O mali lang ang approach ko sa kanya? napu-frustrate na tanong niya sa sarili. Bakit kasi dito pa siya na-in love. Kung kay Daniel sana madali lang.
There’s no easy way in love, Rodgine, anang isang bahagi ng isipan niya. At nakatulugan niya ang isiping iyon.
Pagkagising niya’y nagulat siya ng makita si Nick na nagbabasa ng libro sa tabi niya. Nakasampa pa ito sa kama niya. Oh, god. How can I ever have him?
“Gising ka na pala. You have to eat then, you’d take your medicine again,” sabi nito sa kanya.
Did she hear him right? Hindi ito masungit sa kanya? Hindi sarkastiko pero kalmado at malumanay ang tinig nito? Anong nangyari?
“Are you Nick?”
“I don’t want to have that kind of conversation with you, Rodgine,” malumanay pa ring sabi nito sa kanya.
“Wow! As in, wow! Hindi ko akalain na marunong ka naman palang hindi magsungit at maging malumanay sa pagsasalita,” nangingiting sabi niya rito.
“Just eat,” anito. Kaya may ngiti sa mga labi at ganang kumain siya ngayon.
“Kung ganyan ka palagi, hinding-hindi na ako magkakasakit,” aniya rito.
“You’re still as crazy as ever kahit na may sakit ka,” naiiling na sabi nito. Gusto niyang maiyak sa tuwa nang makita niyang may sumilay na ngiti sa mga labi nito. It was a genuine smile. At kahit na hindi ito ngiting-ngiti sa kanya ay nakita pa rin niya ang munting ngiti na iyon. That smile of his touched her heart.
“Marunong ka naman palang ngumiti eh. Ulitin mo ulit ha?”
“Ngingiti ulit ako kung magaling ka na bukas.”
“Game! Magaling na ako,” agad na sabi niya rito.
“Silly. You’re voice is still hoarse.”
“But I feel better now. Now that you’re here,” banat niya rito.
“Eat, now. Kapag hindi ka pa gumaling dito, pagbabayarin kita dahil may appointment akong hindi sinipot dahil sa’yo,” banta nito sa kanya pero ikinasaya iyon ng puso niya.
He had given up something for her.
NAKITA NI Rodgine si Nick na nakahiga sa sofa ng entertainment room nito. Kagagaling lang niya sa salas kung nasaan ang mga kasama nila sa bahay at sinabi ng mga itong nasa entertainment room daw si Nick. Dalawang araw na siyang hindi pumapasok sa trabaho at ganoon din si Nick dahil inaalagaan siya nito. Hanggang ngayon kasi’y nilalagnat pa siya at hindi pa rin nawawala ang toncilitis niya.
Blessing in disguise para sa kanya ang pagkakasakit niyang iyon dahil pakiramdam niya’y unti-unti na niyang nakukuha ang loob ni Nick. Naging malumanay kasi ito sa kanya, hindi na rin siya nito sinusungitan at napaka-sweet pa nito sa kanya. Ito ang nagpapakain at nagpapainom ng gamot sa kanya. Umaalis lang ito sa tabi niya upang tingnan kung maayos naman ang kondisyon ni Snowy dahil dalawa silang alaga nito ngayon. Ang katawan lang niya ang may sakit ngayon, pero ang puso niya ay masaya at healthy.
Isang pagpapatunay na ‘okay’ na sila ni Nick ay suot niya ang isang sweatshirt nito na pinahiram nito sa kanya. Isipin pa lang niyang ginamit nito iyon ay kinikilig na siya. She felt like she’s now part of him—she felt like he’s allowing her to penetrate his heart now. Kaya kahit na may sakit siya ay Masaya pa rin siya.
Habang naglalakad siya palapit kay Nick ay nag-iisip na siya ng paraan kung paano ito tutuksuhin ngayon. Mas matindi na ang gagawin niya ngayon dahil may bendisyon na siya ng mga kaibigan nito at wala na rin itong nobya ngayon. At pinalakas nito ang loob niya dahil naging malumanay na ito sa kanya at ngumiti na rin ito sa kanya.
May pag-asa na talaga silang dalawa ngayon.
Marahan siyang naglakad papunta sa sofa pagkuwa’y dinukwang doon si Nick at halikan ito sa pisngi. “Hi!” bati niya rito.
“What was that for?” gulat na tanong nito sa kanya.
“A kiss for my crush,” nakangising sabi niya rito.
“Magtino—“
“Magtino ka na nga, Rodgine,” una na niya rito dahil alam niyang iyon na naman ang sasabihin nito sa kanya. “Akala ko pa naman nagbago ka na. O naging sweet ka lang sa’kin dahil may sakit ako? Sana pala palagi na lang akong may sakit,” nakasimangot na sabi niya rito.
Gaga ka talaga, ever!
Tumayo ito mula sa pagkakahiga sa sofa at tumingin ng deretso sa kanya. “Hindi ka pa rin kasi nagtitino. Ang kulit mo pa rin. Sinabi ko nang ‘wag kang babangon sa kama mo, bumangon ka pa rin,” sermon nito sa kanya.
“Matino naman ako ah. At saka, ‘di ako papayag na ikaw lang ang magmo-movie marathon habang ako, mamatay sa boring do’n sa kwarto,” aniya rito. Umupo siya sa tabi nito.
“Ano’ng gusto mong panoorin?” tanong sa kanya ni Nick na ikinangiti niya.
“Surprise me,” aniya rito. Tumayo si Nick para mag-play ng isang movie. Natawa siya ng maya-maya ay lumabas sa screen ang characters ng Toy Story. “Hindi ko alam na mahilig ka pala sa cartoons,” aniya rito.
“May matututunan kang aral d’yan, so watch and learn,” anito sa kanya.
Umisod siya palapit dito at saka siya humilig sa balikat nito. Hinayaan lang naman siya ni Nick kaya sinamantala niya ang pagkakataon. Ginagap niya ang isang kamay nito.
“Uuy, perfect fit,” aniya rito saka itinaas ang magkahugpong nilang kamay. Hindi ito nakapagsalita dahil nagulat ito sa ginawa niya. Sinamantala naman niya ang naging reaksyon nito. Mabilis na hinalikan niya ito sa labi. “I really like you. Seriously,” sabi niya rito.
Hindi niya ugaling manligaw ng isang lalaki. Pero inaamin niyang nanunukso siya ng mga lalaki noon—just for fun—lalo na kung nang-trip ang mga kabarkada niya. Pero si Nick ang kauna-unahang lalaking ginusto niyang tuksuhin ng hindi dahil sa trip lang kundi dahil gusto niya ito. Nang una pa lang niya itong makita sa eroplano noon, alam na niya sa kanyang sarili na magugustuhan niya ito ng higit pa sa isang kakilala o kaibigan. Kaya nang maramdaman niyang unti-unting nahuhulog ang loob niya rito’y hindi na niya pinigil pa ang kanyang sarili.
Ang lahat ng panunukso niya rito noon, iyon ay dahil gusto niyang magustuhan siya nito. Gusto niyang kumagat ito sa mga panunukso niya dahil gusto niyang gustuhin din siya nito. At ngayong wala na itong nobya, sasagarin na niya ang panunukso dito. Kailangang magkagusto na ito sa kanya.
“Hindi ko alam na nakakalasing na pala ang paracetamol ngayon,” kunot-noong sabi nito sa kanya. Napangiti siya rito. She would always love his serious and deadly stares—it’s him.
“Hindi pa. But if I’m ever drunk, I’d be drunk for your love,” aniya rito. Then, she heard him curse under his breath. Pakiramdam niya’y naaapektuhan na rin ito ng panunukso niya.
Sa wakas!
“Manood ka na lang nga. Kung hindi, dadalhin na kita sa kwarto mo,” anito sa kanya na ikinadismaya niya.
“Sa kwarto mo?” aniya ritong may pilyang ngiti sa mga labi.
“Rodgine,” nagbabantang sabi nito sa kanya.
“Fine, fine. Ang hirap mo talagang paamuin. Pa-kiss nga ulit,” aniya rito. Ilalapit pa lang niya ang mukha niya rito pero pinigilan siya nito sa pamamagitan ng paghawak sa noo niya habang inilalayo siya sa mukha nito.
“Rodgine, act like a girl and mind your manners. Hindi gawain ng isang mabuting babae ang manukso sa isang lalaki. Kapag may nakakita sa mga ginagawa mo, ano na lang ang sasabihin nila sa’yo? You’ll look cheap,” anito sa kanya. Kumurot sa puso niya ang mga katagang binitawan nito sa kanya kaya hindi niya napigilan ang malungkot sa harap nito.
“Being in love isn’t cheap. I’m just expressing my feelings,” sabi niya rito. Mabigat ang naging dulot ng mga sinabi nito sa kanyang dibdib. Kaya siya na mismo ang lumayo dito. Cheap ba talaga ang mga ginagawa niya? Sa pagitan lang naman nilang dalawa iyon. At isa pa’y ginagawa niya iyon para dito—dahil mahal niya ito.
Ito ang kauna-unahang tao na nagsabi sa kanya ng cheap. Kung sino pa talaga ang mahal mo, iyon ang makakapanakit sa damdamin mo dahil lahat ng sasabihin nila ay makakaapekto sa iyo.
“Rodgine!” tawag nito sa kanya pero hindi niya ito pinansin. Nagpatuloy siya sa paglalakad palabas ng entertainment room. Ramdam niyang sumusunod ito sa kanya. Bago pa man siya makarating sa may pintuan ay tumunog na ang cell phone niya. Pangalan ni Daniel ang naka-register sa screen name.
“O, Daniel? How are you?” sagot niya sa tawag ni Daniel.
“How are you? Ikaw itong may sakit. Sorry ngayon lang ako nakatawag sa’yo. Naging busy kasi ako sa isang project eh,” paliwanag ni Daniel sa kanya. Kahit papaano ay napangiti siya dahil sa sinabi nito. Pampalubag-loob dahil sa masasakit na salitang binitiwan sa kanya ni Nick kanina. Bakit hindi na lang nga si Daniel?
Ay, tanga! First blow pa lang ng problema, suko na agad. Basta mo na lang isusuko si Nick ng gano’n na lang? Akala ko ba mahal mo siya? Fight for your love. Susuko ka naman agad eh nagsisimula ka pa lang. Worth it kapag minahal ka na rin niya, anang isang bahagi ng isipan niya sa kanyang sarili.
“I’m fine. May toncilitis lang ako at saka hindi naman malala ‘yong lagnat ko. Don’t worry, I’ll see you—“
“I don’t think this is part of your project with Royale and Rapture, Mr. Cross. Tapos na ang project mo sa’min ‘di ba?” sabi ni Nick kay Daniel sa cell phone niyang hinaglit nito mula sa kanya. Napamata lang siya dito dahil sa ginawa nito. Hindi niya iyon inaasahan.
“She won’t be seeing you anymore—“
“Nick, ano ba!” saway niya rito. Pilit niyang inaabot ang cell phone niya rito. Pero dahil matangkad ito kaysa sa kanya’y hindi niya maabot ang cell phone niyang pilit nitong inilalayo sa kanya.
“She’ll be very busy so she wouldn’t find a time to date,” sabi pa nito kay Daniel.
Naitaas niya ang isang kilay dito. Dati’y sinabi nito sa kanya na ‘bahala’ siya kung ide-date niya si Daniel. Pagkatapos ay sasabihin nitong hindi siya maaaring makipag-date ngayon. Iyong totoo, nagseselos ba ito?
“Ano ba’ng problema mo? Alam mo, ‘yang mood swings mo, kailangan nang magamot,” sabi niya rito nang matapos ang tawag ni Daniel. Ibinalik ni Nick sa kanya ang cell phone niya.
“Don’t date him,” utos nito sa kanya.
“At bakit naman hindi? Wala kang pakialam kung ide-date ko siya. With him, I wouldn’t look cheap. Hindi na rin ako mahihirapan pa sa kanya dahil gusto niya ako kaysa sa’yo,” paingos na sabi niya rito.Tatalikuran na sana niya ito pero hinawakan nito ang kamay niya. And then, that thrilling sensation surged her system.
“His hand wouldn’t be perfect with yours like this,” sabi nito sa kanya saka itinaas ang magkahugpong nilang kamay na ikinatanga niya rito.
Hindi man nito sabihin sa kanya ng deretso ngayon, alam niyang nakuha na rin niya ang loob nito sa pagkakataong iyon. Tama nga si Chord sa sinabi nito, kailangan lang magselos ni Nick.
Without separating their entwined hands, she extended her other hand through the back of his neck and hugged him tightly. Na-overwhelm siya sa kilig dahil sa sinabi nito. Alam niyang iyon na ang magandang simula para sa kanilang dalawa.
Sa wakas talaga!