Campus Romance Chapter 16

“ANO’NG gagawin natin dito?” nagtatakang tanong ni Freya kay Prime nang itigil nito ang sasakyan nito sa tapat ng isang mall. Sabay na naman silang umuwi nito dahil gumawa na naman siya ng “errand” para dito sa lahat ng libreng oras niya. Kaya tinawagan na niya ang kanyang mama niya na medyo male-late siya ng uwi.

“Ano bang ginagawa sa mall?” isang sarkastikong tanong ang isinagot nito sa isang matinong tanong na itinanong niya. Inirapan niya ito. “Kapag nahanginan ka, titirik na talaga habang buhay ‘yang mga mata mo ‘pag ginawa mo pa ‘yan.”

Wala siyang pakialam sa sinabi nito. Muli niya itong inirapan at saka nagpatiuna sa paglalakad patungo sa mall. “’Napaka’ talaga, ‘napaka’!” bubulong-bulong na sabi niya.

“You almost sound like a bee whenever you do that,” ani Prime na nasa tabi na pala niya. Hindi na niya naintindihan pa ang sinabi nito dahil bigla na lang nitong hinawakan ang kamay niya at inakay siya papasok ng mall. May kakaiba siyang nararamdaman.

When Prime’s palm touched hers, it felt like everything inside her stirred. His hand was warm and unintentionally, she liked the feel of it against her own hand. Pakiramdam niya’y naging maayos ang lahat. Napakasarap sa pakiramdam na hawak nito ang kamay niya. She felt this strange feeling of wanting to hold his hand like that forever. Her heart beats erratically like that of a horse running so fast just to win a race.

Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon katindi ang epekto sa kanya ng paghuhugpong ng kanilang mga kamay. When she looked at Prime, he seemed so casual about it which made her feel bad. Kaya binawi niya ang kamay niya rito kahit na ayaw pa niya iyong gawin. Nang bawiin niya ang kanyang kamay ay napatingin sa kanya si Prime at napatigil din sila sa paglalakad. Hindi niya alam kung guni-guni lang ba niya iyon o talagang may panghihinayang siyang nakita sa mga mata nito. Ngunit agad itong nagkibit-balikat at nagpatiunang maglakad. Wala sa sarili namang sumunod siya rito.

For a minute there, she wished that the world will stop spinning so she could hold Prime’s hand forever. Strange and stupid, aniya sa sarili. Why would she wish that?

Her mind was too busy trying to analyze her feelings that she almost forgot they’re in a mall. Bumalik siya sa huwisyo niya nang bigla na lang tapikin ni Prime ang pisngi niya.

“Pick something,” untag sa kanya ni Prime.

“For you?” pang-aasar niya rito. Nasa isang chic boutique kasi sila. Napatawa ang sales lady na siguro’y mag-a-assist sa kanila roon.

Imbes na patulan ang pang-aasar niya’y binalingan nito ang sales lady. “Just let her try anything that suits her. We need a formal attire,” utos nito sa babae.

Formal? Para saan naman ‘yon? At bakit ako? sunud-sunod na tanong niya sa kanyang sarili.

“Saan ko gagamitin ang formal attire?”

“We’re going to attend our company’s anniversary party.”

“D-date mo ‘ko?”

“Yeah. Dahil alipin kita ay kailangan mong sundin ang utos kong ‘yon. Si Daphne sana ang magiging date ko kaso si Jasper na pala ang date niya,” anito. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. Hindi niya nagustuhan na second option lang siya nito para maging date sa party na iyon.

“Kailan ba ‘yong party?”

“After pa naman ng championship namin.”

“Eh, bakit ngayon na tayo bibili ng susuotin? Matagal pa naman pala ‘yon. At saka, baka maging busy na ako after ng championship n’yo dahil ang exhibit naman namin ang haharapin ko. Isa pa, by that time, tapos na ang serbisyo ko sa’yo.”

Kumunot ang noo nito. “Sinabi ko sa’yo ngayon dahil alipin pa rin kita ngayon. Counted pa rin ang pagsama mo sa’kin sa party na ‘yon dahil ngayon natin ‘yon pinag-usapan. Isa pa’y bawal kang tumanggi ngayon kaya, I therefore conclude na date kita sa anniversary party na ‘yon,” deklara nito.

“Bahala ka na nga,” aniya rito pagkatapos ay pumili na siya ng mga damit. Ayaw na niyang makipag-argumento pa kay Prime dahil alam niyang hindi siya mananalo dito ngayon. Tatakutin na naman siya nitong dadagdagan nito ang panahon ng pagiging alipin niya rito kaya pumayag na rin siya. Mapapagod lang siya kaya mabuti pang sundin na lang niya ito. Babawi na lang siya rito kapag tapos na ang pagiging “alipin” niya rito.

FREYA smiled for herself when she saw Prime’s expression after she stepped out of the fitting room. Matinding paghanga ang makikita sa mga mata nito. Bawing-bawi naman siya sa reaksyon ni Prime na iyon sa sinabi nito kaninang “second option” lang siya nito para maging date sa anniversary party ng kompanya ng mga ito. She felt like she was the most beautiful woman in the whole wide world.

She picked the red draped dress she’s wearing now because she instantly fell in love with it. Tama naman siya dahil sumakto iyon sa katawan niya. In her own opinion, bagay na bagay iyon sa kanya. Hindi siya biased tumingin. Kung hindi iyon bagay sa kanya’y itatapon na lang niya iyon sa isang tabi.

“Bagay na bagay po sa inyo, Ma’am. Ang ganda-ganda n’yo po at ang sexy-sexy pa. Bagay na bagay kayo ni Sir Prime,” anang sales lady na umasiste sa kanya. Nginitian siya nito.

“Maganda ang napili mong damit para sa kanya. We’ll take it,” sabi ni Prime sa sales lady. Tumalim ang tingin niya rito. “What?” anito sa kanya.

“Miss, we’ll take it,” panggagaya niya sa tono ng pananalita nito habang sinasabi iyon sa sales lady. Saka siya naiinis na pumasok muli sa fitting room at hinubad ang damit. Mabilis na nagpalit siya ng damit at saka diretso na siyang lumabas ng boutique na iyon.

Bumibilis ang tibok ng puso niya dahil sa inis kay Prime. Palagi na lang siya nitong nagagawang asarin sa araw-araw na pagkikita nila. Nang makalabas ito ng boutique ay ibinigay nito sa kanya ang paper bag na may lamang damit.

“Salamat ha,” sarkastikong sabi niya rito.

Hindi nito pinansin ang pananarkastiko niya. “Saan mo gustong kumain?” tanong nito sa kanya.

“Sa Mcdo!” masayang hayag niya at saka hinila ito sa pinakamalapit na McDonald’s. Humanap sila ng bakanteng upuan doon at saka pina-order si Prime ng mga paborito niyang pagkain. Natuwa siya dahil hindi ito nagreklamo ng sabihin niyang ito na lang ang um-order dahil pagod na siya.

Napapangiti siya tuwing naaalala ang pagbabago ni Prime simula nang manggaling sila sa habitat. Kahit na may mga bagay pa rin itong ipinapagawa sa kanya’y hindi na naman ganoon kahirap ang mga iyon. At hindi na rin siya gaanong naaasar dito ngayon.

“Yay! Thanks,” pasasalamat niya rito ng ihain nito sa kanya ang mga in-order nitong pagkain.

Binuksan niya ang burger na in-order nila ni Prime kanina at tinanggal ang isang bahagi ng burger bun doon. Nilagyan niya iyon ng fries saka binudburan ng ketchup at muling ibinalik sa pagiging burger.

“Why do you do that?”

“Masarap kaya. Try mo,” alok niya rito. Sinubuan niya ito ng sariling bersyon niya ng burger. He indulged her. Kumagat ito sa burger niya. “Ano?” excited na tanong niya rito.

“Your eating habit is really weird. Iba kang kumain sa mga babaeng kilala ko. But that’s really good,” sabi ni Prime. Natutuwa talaga siya dahil bumait na ito.

Napabungisngis siya dahil sa sinabi nito. Hindi lang naman siya ang “weird” kumain. Pati sina Drea at Tracy din. Hindi alam ng marami na adik sa ketchup si Drea. Kahit anong pagkain ay nilalagyan nito ng ketchup. Kahit may sabaw pa iyon basta mag-crave ito sa ketchup. Tuwing kumakain ito ng French fries sa McDo ay dapat maraming ketchup ang nasa harapan nito. Si Tracy naman ay adik sa ice cream. Hindi na niya matandaan kung anong dish ang niluto nito dati na sa halip na cream ang gamitin ay ice cream ang nilagay nito. Mas masarap daw kasi iyon. Sa tuwing kumakain naman ito sa McDo ay ang sundae at fries ang inuupakan nito. Imbes na ketchup ang sawsawan nito ng fries ay iyong sundae iyon.

Siya? Lahat ay trip niya sa pagkain. Sa kanilang tatlo, siya ang pinakamalakas kumain. Nagpatuloy silang kumain at hindi na siya nito pinuna pa.

“You have ketchup on your face,” sabi sa kanya ni Prime. Umabot siya ng tissue pero kinuha nito iyon sa kanya at ito na mismo ang nagpahid ng ketchup sa gilid ng kanyang labi.

Her heart jumped. And again, it beat crazily fast. Hindi na naman niya alam kung paano iyon kalmahin. But she loves the feeling. Mukhang tama ang Kuya Ylac niya sa sinabi nito sa kanya. She have a heart and no matter what she do, it will love.

In love ka na kay Prime? kastigo niya sa sarili. Hindi niya iyon agad na nasagot kaya nagpaalam siya kay Prime na magsi-CR muna siya. Nahuhulog na nga ba siya kay Prime?

Noong una’y labis na inis ang nararamdaman niya rito dahil ginawa siya nitong alipin pero binago nito ang pagtingin niya rito simula nang manggaling sila sa habitat.

Parang noong pagkagaling nila sa habitat ay nagbago ang lahat sa pagitan nila.

Kinikilig ako! hiyaw ng isipan niya. Nagbabalik crush pa lang siguro ang nararamdaman niya kay Prime ngayon.

Pabalik siya sa kanilang mesa nang makita niyang nakatitig si Prime sa sundae na nasa harapan nito. Naalala tuloy niya ang isang McDo commercial at gusto niya itong tuksuhin.

“And I can’t fight this feeling anymore. I’ve forgotten what I’ve started fighting for. It’s time to bring this ship into the shore and throw away the oars forever,” kanta niya rito. “Parang ikaw ‘yong nasa McDo sundae commercial ah. Ganyan ding tingnan no’ng lalaki ‘yong sundae do’n,” sabi niya rito ng makuha niya ang pansin nito.

“Ang tagal mo kasi. Gusto ko na ‘tong kainin kanina pa,” anito. Nagbago na talaga ito. Nabawasan ang pagka-pormal at seryoso nito at umaliwalas ang mukha nito. Mas lalo itong gumwapo sa paningin niya.

“Ah. Akala ko pa naman, in love ka na sa’kin at sinasabi mo ‘yon d’yan sa sundae,” biro niya rito.

“Paano kung in love na nga ako sa’yo? Ano’ng gagawin mo?” tanong nito na ikinabigla niya. Napaawang ang kanyang mga labi sa sinabi nito.

“T-talaga?” maang na tanong niya rito.

Ngumisi ito. “Yeah. Ang kulit mo kasi. ‘Di man kita kasama, ‘di ka naman nawawala sa isip ko,” anito.

Aba, aba, aba! Marunong na itong bumanat ng gano’n ha. Humanda ka, aniya sa sarili. “Ang corny mo, Prime! Nakaka-turn off,” natatawang sabi niya rito.

“”Ah gano’n? Sinasagot na nga kita, ayaw mo pa,” biro nito. Nanlaki ang mga mata niya rito. Hindi niya inaasahan na makikipagbiruan ito sa kanya ng ganoon.

“Kailan ako nanligaw sa’yo? Sa pagkakaalam ko, ikaw itong sumusundo sa’kin sa room, pumupunta sa bahay at nangungulit—“

“Ikaw nga itong palagi akong sinusundan,” putol nito sa iba pa niyang sasabihin. Natawa naman siya.

“Only because I’m your slave,” aniya.

“Slave of my love?” ani Prime.

“Akin ka na lang Prime!” sigaw ng isang babae na katabi ng table nila. Kumunot ang noo niya habang nakatingin sa babaeng iyon. They were probably their schoolmates.

Kilala ng mga ito si Prime. Nginitian niya ito at saka tumayo mula sa kanyang kinauupuan at tumabi kay Prime.

“Ate!” tawag niya sa babaeng sumigaw. Pagkatapos ay niyakap niya si Prime. “Love ko ‘to!” nakangiting sigaw niya rito.

“Parang hindi ka nagbibiro,” tudyo sa kanya ni Prime.

“Aminin mo nga sa’kin. Bipolar ka ba?” tanong niya ritong hindi umaalis sa tabi nito. Gusto niyang malaman kung bakit bigla na lang itong naging mabait at kung bakit nakikipagbiruan ito sa kanya ng ganoon ngayon.

“No. Bakit?”

“Bakit bigla ka na lang nagbago?”

“Bawal na akong magbago, gano’n?” balik nito sa kanya.

“Hindi naman. Nakakapanibago lang. Kung hindi ka bipolar, baka in love ka!” aniya rito.

Kumunot ang noo nito sa kanya. “Hindi ah,” agad na sabi nito. “Ikaw? Kumusta na kayo ni Iñigo?”

Ito naman ang pinangunutan niya ng noo. “Paano mo nakilala si Iñigo?” tanong niya rito.

“Business parties. At saka, narinig ko ang usapan n’yo after my car accident. Kaya nalaman ko na si Iñigo ang ex mo,” paliwanag ni Prime.

Speaking of Iñigo, hindi na niya ito naaalala pa kung hindi lang nabanggit ni Prime ngayon. Nakikita man niya ito sa school ay hindi na niya ito napapansin. Parang nakalimutan na rin ng puso niyang masaktan dahil dito.

“We’re still classmates pero hindi ko na siya pinapansin,” aniya.

“Dahil may ibang boyfriend ka na?”

“What? Wala ah. Si Iñigo ang huling ex ko,” aniya rito ng bigla siyang may maalala. “Narinig mo ang pinag-usapan namin noon ni Iñigo? Hindi totoo ‘yon. Gusto ko lang ipakita sa kanya na hindi siya kawalan. That I won’t dwell over him,” paliwanag niya rito.

Ngumiti ito sa kanya. “Good.” Nawi-wirduhang tumingin siya rito.

Hindi pa doon natapos ang araw ng pagsasama nila. Nagyaya pa si Prime na mag-arcade sila. Kaya late na rin silang nakauwi. Siya muna ang hinatid ni Prime pauwi dahil hiniram nito ang kotse niya. Ito na lang daw ang susundo sa kanya sa kanilang pagpasok kinabukasan.

Sukat sa sinabi nitong iyon ay kinilig siya. Hanggang sa kanyang pagtulog ay si Prime pa rin ang nasa isip niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.