Campus Romance Chapter 17

“MAY problema ka ba, Freya?” nag-aalalang tanong kay Freya ng kaibigan niyang si Minie.

“Bakit?” tanong niya rin dito. Wala naman siyang problema.

“Bakit kanina ka pa diyan tulala habang nakangiti? Hello? Nandito tayo sa pavilion. Para kang luka-luka,” prangkang sabi nito sa kanya.

Ganoon ba siya kahalata? Kung bakit ba naman kasi napanaginipan pa niya si Prime. Nanliligaw daw ito sa kanya at mahal na mahal daw siya nito. Kahit na anong pigil niya sa kanyang sarili dahil bago pa lang ang pagkakaibigan nila ni Prime ay kinikilig pa rin siya. Hindi niya mapigilan ang umasa na baka sakaling maaari ring mangyari iyon sa totoong buhay.

And it’s official. Gusto ko na talaga si Prime.

“In love ka,” ani Minie. Parang naidagdag na rin sa mga sinabi ng isipan niya ang sinabi nito. Nagsimula iyon nang araw na mag-mall sila ni Prime para bilhan siya nito ng damit para sa anniversary ng kompanya ng mga ito kung saan siya ang date nito.

“Paano mo naman nasabi ‘yon?”

“You have the signs of the love disease. Si Prime ‘no?” tanong nito sa kanya.

“Bakit mo naman nasabing si Prime?”

“Hindi ba? Hello! Palagi kaya kayong magkasama. At saka, usap-usapan na dito sa buong school pati sa Facebook ‘yong pagde-date n’yo noon sa mall. Hindi na slave ang turing niya sa’yo,” sabi nito. Alam ni Minie ang tungkol sa parusa ni Prime sa kanya pero nagulat siya sa sinabi nito.

“Ano’ng usap-usapan? Sino’ng nag-uusap?” tanong niya rito.

“Ang buong school nga. May nakakita sa inyo no’n sa McDo. Sinabi mo pa nga raw na love mo si Prime,” anito.

The heck! Naalala niya ang dalawang babaeng katabi ng mesa nila noon. “Nagbibiro lang ako no’n,” aniya rito.

“Hayaan mo na sila. Crush mo naman talaga si Prime noon pa man eh. Pero, seriously, in love ka na ba sa kanya? Kasi, hindi ‘yon imposible since madalas kayong magkasama.”

“I don’t know,” aniya rito.

“Paano’ng hindi mo alam? Dapat alam mo,” anito.

“Naguguluhan pa rin ako ngayon,” sabi niya rito.

Nginitian siya nito. “Alam mo ba, may napanood akong isang koreanovela. Para malaman ng heroine kung in love ba siya sa hero, niyakap niya patalikod ang hero. Kapag may naramdaman siyang kakaiba, ‘yong para bang thug-thug-thug sa heart niya, at chuva-chuchu sa sarili niya, in love na talaga siya sa guy na ‘yon,” kwento ni Minie.

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. “Effective ba ‘yon?” tanong niya rito. Paano naman niya iyon magagawa kay Prime ng hindi ito magtataka?

“Oo! Trust me. At saka, wala namang mawawala kung susubukan mo eh,” ani Minie.

Nagkibit-balikat lang siya.

ISANG araw ay nagulat si Freya ng maging panauhin nila sa kanilang tahanan si Prime. Marami na itong libreng oras ngayon dahil tapos na ang championship game ng mga ito at panalo ang team nila.

Marami itong dalang pagkain para sa kanilang mag-anak. Nagtipon sa kanilang living room ang buong pamilya niya ng dumating ito. Nagkataon pang naroon ang Kuya Ylac niya dahil katatapos lang ng assignment nito sa Bahamas.

“Natanggap mo na ba ang sasakyang ipinadala ko sa inyo?” tanong ng papa niya rito.

“Yes, tito. Pero hindi ko po ‘yon matatanggap. Nakapagpabili na naman po ako kina daddy ng bagong kotse kaya okay lang po,” magalang na sabi ni Prime dito na ikinagulat nilang lahat.

“Bakit hindi mo tatanggapin?” tanong niya rito.

“Basta,” nakangising saad nito na ikinakunot-noo niya.

“I see,” sabi naman ng papa niya. “Pero humihingi pa rin kami ng dispensa sa nagawa ni Freya,” anang papa niya.

“Oo nga, hijo. Mabuti na lang at hindi mo na pinaabot pa sa pulisya ang nangyari,” segunda naman ng mama niya.

“Dear parents, tapos na po ‘yon. Guilty na ako at naparusahan na rin kaya pwede bang ‘wag na lang nating pag-usapan ang lahat?” sabi niya sa mga ito. Lahat ay natawa sa sinabi niya. “Ano nga pala ang ginagawa mo dito?” tanong niya kay Prime. Nagkukulong siya sa kanyang studio sa likod ng kanilang bahay nang tawagin siya roon ni Letty at sinabing may bisita siya. Hindi naman niya inasahan na si Prime pala iyon.

Natapos na ang isang buwang serbisyo niya rito bilang “alipin” nito pero hindi naman natapos ang pagsasama nila. Simula ng pag-uusap nila noon sa McDo ay naging close na sila ni Prime. Nakakabiruan na niya ito at nakakausap na rin niya ito ng matino hindi katulad ng dati. Sa mga nakalipas na araw ay naging constant man sa buhay niya si Prime.

“Gusto ko pong makita ‘yong studio ni Freya,” ani Prime.

“Ah, talaga? Boyfriend ka ba nitong kapatid ko?” maangas na tanong dito ng Kuya Ylac niya.

“Kuya!” saway niya rito.

“Kaibigan ko lang siya,” nakangiting sagot nito sa kanyang kapatid.

Kaibigan? Now, why does that hurt? Echosera!

“Kaibigan lang? Hindi nagdadala dito si Freya ng lalaking ‘kaibigan’ lang. Ka-ibigan, oo,” sabi naman ng kuya niya. Pinandilatan niya ito ng mga mata.

“Hindi ko pa siya sinasagot eh,” pabirong turan ni Prime. Kailan pa siya nanligaw dito?

“Aba, eh sagutin mo na itong dalaga namin, Prime. Kahit na tamad ‘yan, maganda naman ‘yan at matalino. Magaling din siyang artist kaya hindi ka na rin lugi,” pabirong saad ng kanyang ama.

“Papa!” saway niya rito. Sinasabi na nga ba niya na nangti-trip lang ang mga ito.

“Ito namang anak ko, nahihiya pa. Mabuti nga at sinasabi ko na sa nililigawan mo ang lahat ng strength mo eh,” biro pa ng papa niya.

“Mama, inaaway na naman nila ako!” sumbong niya sa kanyang ina na tatawa-tawa lang sa isang tabi.

“Hayaan mo na, anak. Ngayon lang ulit sila nakakita ng bagong lalaki mo kaya pagbigyan mo na. Prime, dito ka na kumain ha,” anang mama niya. Sa sinabi nito’y parang madami siyang lalaki sa buhay.

“Hindi ko siya lalaki,” aniya sa mga ito. “Halika na nga sa likod,” yaya niya kay Prime.

“Teka lang. Ipagpapaalam pa kita sa kanila,” ani Prime. Muling hinarap nito ang kanyang pamilya. “Anniversary po ng kompanya namin sa Sabado at ipagpapaalam ko po sana sa inyo si Freya. Siya po kasi ang date ko,” anito.

“Talaga? How romantic,” komento ng mama niya. She rolled her eyes. There she goes again.

“We’re also invited so magkikita tayo roon,” anang papa niya.

“Oh, bunso. Wala ka ng problema kapag nagpakasal kayo. Magkaibigan naman pala sina daddy at ang daddy ni Prime,” pang-aasar sa kanya ng kuya niya.

“I bet the Castillos would also be there, kuya,” pang-aasar din niya rito.

“So? I don’t care,” kibit-balikat na sabi nito at saka umalis doon. Napangisi naman siya. Her brother is still affected whenever the Castillos are involved. Lalo na kay

Zesska Castillo.

“Oh, sige. Pumunta na kayo sa studio ni Freya at maghahanda naman kami ni Letty ng pananghalian natin,” excited na saad ng mama niya. Alam niya kung ano ang iniisip nito sa kanila ni Prime pero ayaw muna niya iyong isipin ngayon. She wanted Prime and her to have a good time.

Studio! Napangiwi siya. Magulong-magulo ang studio niya dahil may ginagawa pa siya roon. Ginagawa pa niya roon ang portrait ni Prime na isasali niya sa exhibit. Ayaw pa niya iyong ipakita dito.

“Maghintay ka muna rito. Aayusin ko lang ‘yong studio,” nakangiwing sabi niya rito.

“Bakit?”

“Madumi pa ro’n,” katwiran niya.

“So? You’re painting, baby. That’s understandable. Unless, may itinatago kang sikreto mo ro’n kay Prime,” anang papa niya.

“Meron ba?” segunda pa ni Prime sa papa niya. Inirapan niya ito.

Hindi na niya ito sinagot dahil patakbong tinungo niya ang kanyang studio na nasa likod ng kanilang bahay at agad na inayos ang kanyang mga gamit doon. Lahat ng canvass niyang may mukha ni Prime ay itinago niya sa isang sulok saka siya bumalik sa loob ng bahay at sinundo si Prime.

“Bakit ba hindi ka muna nag-text bago ka nagpunta dito?” tanong niya rito habang naglalakad sila papunta sa kanyang studio.

“Naistorbo ba kita?”

“Oo. May ginagawa kaya ako.”

“Oh, sorry. Kasalanan ko. Sige, uuwi na lang ako,” kunwari’y nagtatampong saad nito.

Natawa siya sa histura nito. Tila ito nagtatampong inahing manok. “Ang pangit mo, Prime.” Iginiya niya ito patungo sa studio niya.

“Ang gwapo ko kaya.”

“Says who?”

“Marami. Gusto mong isa-isahin ko sila sa’yo? Si Myrna, Yesha, Fretzie, Trish, Wena—“

Tinakpan niya ang bibig nito dahil natutulili ang tainga niya sa mga sinasabi nitong pangalan ng babae. How the hell did he remember those girls’ names?

“Bakit?” tanong nito. Nasa loob na sila ng kanyang studio.

“Sinabi ko bang isa-isahin mo ang pangalan ng mga babaeng ‘yon? At saka, ni hindi ko sinabi sa’yo na gusto kong malaman,” paingos na sabi niya rito. Nabuhay na naman ang pagkainis niya rito dahil sa mga pangalan ng babae na binanggit nito. Namawis ang ilong niya na nangyayari lang tuwing nagseselos siya.

Oh my god! I’m jealous!

“Selos ka?” nakangising tanong ni Prime sa kanya.

“Excuse me? Ako? Magseselos? Hindi ‘no! Bakit naman ako magseselos? Sinabi lang nilang gwapo ka, samantalang ako, madalas kitang kasama. Bakit ako magseselos gayong nakikita ka lang nila?” dire-diretsong sabi niya.

“Selos ka nga,” sabi ni Prime.

“Hindi nga eh!” inis na sigaw niya rito.

“Ano’ng hindi, eh namamawis na ang ilong mo? Sabi nila, kapag namamawis daw ang ilong, selosa o nagseselos. Kapag naging tayo pala, kailangan kong mag-ingat sa pakikipag-usap sa mga babae dahil selosa ka,” anito.

Kapag naging tayo? Ano’ng ibig niyang sabihin?

Napapantastikuhang tumingin siya kay Prime. Ano ang sinasabi nitong “kapag naging tayo”? Pinahiran nito ng panyo ang ilong niya at hindi na iyon namamawis ngayon. Ngunit pakiramdam naman niya’y nasa hot seat siya ng mga oras na iyon. Kinakabahan siya na nae-excite na kinikilig na ewan. Real crazy!

“Ano’ng tayo?” tanong niya rito. Gusto ba siya nito?

Her heart was suddenly filled with so much hope and she felt like having her faith back in love.

“Joke lang,” nakangising saad ni Prime. Sumimangot siya at binato ito ng maduming tissue na ginagamit niya sa kanyang paints.

“Bakit hindi mo tinanggap ‘yong sasakyang binili para sa’yo ni papa? Bayad namin ‘yon para sa nasira kong Hammer mo,” aniya rito.

“Let’s just say na tamang kabayaran na ‘yong pagiging slave mo sa’kin,” nakangising saad nito. Muli niya itong binato ng maduming tissue pero tumawa lang ito.

“Thank you,” sabi niya rito.

Tinanguan siya nito. “Pakitaan mo nga ako ng talent mo,” udyok nito sa kanya.

“May bayad ‘yon,” aniya rito pero umupo na siya sa isang stool at humarap sa nakahandang canvass.

“A kiss, perhaps?” he teasingly asked her. Inirapan niya ito at muling binato ng tissue.

“What do you want me to paint? You should know, portrait painting ang forte ko.”

“Then, paint me.”

Kung alam lang nitong ito ang laman ng mga canvass niya nitong mga nakaraang araw. Wala na siyang ibang maisip na maipinta kundi ang mukha nito. Wala naman siyang magawa kaya ito ang ipinipinta niya.

“Ayoko. Tinatamad ako,” pagsisinungaling niya. Pakiramdam niya’y hindi siya magsasawang ipinta ang gwapong mukha nito. Mayroon pa nga siyang pinta ng katawan nito dahil hindi niya iyon makalimutan. Itinago niya iyon sa isang kahon niya dahil natutukso lang siya. Hindi niya hahayaang makita nito iyon dahil sigurado siyang tutuksuhin siya nito.

“’Wag na lang. Show me all your paintings and tell me about them,” request na lang nito. Nakangiting sinunod niya ito. Ipinakita niya ang framed paintings niya simula noong bata pa siya pati na rin ang mga sketchbook niya at sinabi niya rito ang kwento sa bawat pinta na iyon.

Then, she accidentally showed him her other sketchbook full of his faces. Binabawi niya iyon dito pero inilalayo nito iyon sa kanya. Napayuko siya dahil sa hiya at tinabunan niya ang kanyang mukha gamit ang kanyang dalawang kamay.

“I look terribly good in these sketches. Thanks,” nakangiting sabi nito.

“Conceited. Ang yabang-yabang mo,” aniya rito saka mabilis na hinablot ang kanyang sketchbook at saka itinago iyon sa isang kahon.

“Huhulaan ko. May mga canvass ka na ditong may mukha ko.”

“Excuse me! Masyado ka naman yatang bilib sa sarili mo. ‘Yong mga nasa sketchbook, wala lang akong magawa noon kaya ko nagawa ‘yon. Ikaw ang napag-trip-an ko.

Bakit naman kita ipipinta?” pagsisinungaling niya rito.

“Siguraduhin mo lang,” anitong umupo sa stool na inupuan niya kanina. “Boring siguro ang naging relationship n’yo ni Iñigo, ‘no?” pagkuwa’y sabi nito.

“Paano mo naman nasabi ‘yon? Hindi mo naman kilala si Iñigo,” aniya.

“Because, you’re both painters. Pareho ang hobby n’yo. What is there to talk about? Ano pa ang ide-discover n’yo sa isa’t isa?”

“Well, we totally have different personalities. Tahimik siya, madaldal ako. There are times when he just wants to hug me when all I want is for us to talk. Sweet kaya ‘yon. Hindi boring ang naging relationship namin ‘no,” pagtatanggol niya sa naging relasyon nila ni Iñigo.

“Do you miss him?” seryosong tanong nito sa kanya.

“No. Palagi ko naman siyang nakikita—“

“No. I meant, missing him as a boyfriend.”

“No.” Because you’re there.

Oh my god! You can’t deny the fact that you’re in love with Prime now, kastigo niya sa sarili.

“Good,” sabi nito. Napangiti naman siya. She suddenly wanted to be sweet to him.

“Paint your ideal girl,” sabi niya rito.

“Bakit pa? I can always paint her in my mind, kaya ‘wag na lang.”

“Sino ang ideal girl mo?” interesadong tanong niya rito.

“Secret. But I’ll give you clues. Straight ang buhok niya, unique at nakatira siya sa Crescentville,” nakangiting sabi nito.

Oh-my-gosh! Ako ba ‘yon? May gusto sa’kin si Prime? Kinikilig siya.

Hindi nasagot ang alinman sa mga tanong niya dahil sinundo na sila roon ni Letty para kumain ng tanghalian.

HINDI agad umalis ng bahay nina Freya si Prime. Nagyaya pa itong mag-movie marathon kaya hayun sila ngayon sa kanilang entertainment room at nanonood ng romantic movies habang kumakain ng popcorn. Tig-isa sila ni Prime ng bowl ng popcorn dahil paborito niya iyon at baka hindi sapat sa kanila ang isa lang.

“Grabe ka!” sabi sa kanya ni Prime pagkatapos ng pelikula nang makitang malapit na niyang maubos ang isang bowl ng popcorn.

“What? Favorite ko kaya ‘to,” katwiran niya rito. Kinuha nito ang kanyang bowl at sinalinan pa iyon ng popcorn. “Thanks.” Sinimulan niyang kainin ang popcorn. Nang mapansin niyang tila nakikipag-unahang makaubos sa kanya si Prime ay binilisan pa rin niya ng kain. Tawa siya ng tawa ng maunahan niya ito sa pag-ubos niyon.

“Talo ka. Paano ba ‘yan?” sabi niya rito.

“I don’t care. I’m so full,” anitong hawak-hawak ang tiyan.

“Hindi pwedeng walang consequence ang natalo,” giit niya.

“Grabe ka naman!” reklamo nito sa kanya.

“Gano’n talaga ‘pag loser. Para naman hindi unfair, ganito na lang. Bubuksan natin ang tv. Kung ano ang makikita nating ginagawa ng isang model do’n, ‘yon ang gagawin mo. Ano?” suhestyon niya rito.

Nagkibit-balikat lang ito at pumayag sa gusto niya. Kinuha niya ang remote control ng tv roon saka binuksan ang tv. Mula sa malaking screen ng tv monitor ay lumabas ang isang shampoo commercial ng isang sikat na aktres kasama ang ka-love team nito.

Oh, no! hiyaw ng isipan niya. Alam niya kung ano ang mangyayari sa susunod. Tawa ng tawa si Prime ng mapanood ang nangyari sa commercial. Tila naman siya naestatwa mula sa kanyang kinauupuan niya. Bakit pa ba niya naisipan ang ganoong consequence?

Malay ko ba na ‘yong commercial pala na ‘yon ang lalabas.

“Paano ba ‘yan? I would get a kiss,” tatawa-tawang saad ni Prime.

“H-hindi pa ako nagtu-tooth brush,” alanganing saad niya. Pesteng tv! Hindi pa nakisama sa’kin!

“There’s no need for that,” anito saka siya mabilis na kinabig upang magtagpo ang kanilang mga labi.

She was expecting it to be just a peck but he urged her to open her mouth and she did. Sinasabi ng isip niya na itulak na niya ito palayo pero ayaw sumunod ng katawan niya. Hanggang sa nadala na lang siya sa ginagawang paghalik sa kanya ni Prime.

It was nothing like her past boyfriends’ kisses. Prime’s kiss was so far the best. His kiss made her want to have more, to taste more of his lips as if urging her to beg him not to stop. His kiss was more passionate, sweet and powerful. It made her heart beat so crazily fast, erratic that she didn’t know how to keep it steady.

Dati-rati’y alam niya kung hanggang saan ang limitasyon nila ng mga naging karelasyon niya. Nalalasing siya sa ginagawang paghalik nito sa kanya.

Siguro nga ay gusto siya ni Prime at mahal na niya ito. Hindi na niya alintana pa ang mga sinabi niya noon na hindi na muna siya muling magmamahal. What can she do? Love just happens.

“WOW! Ang saya mo ah,” puna kay Freya ng kaibigan niyang si Drea nang minsang tawagan siya nito mula sa Singapore. Mag-iisang buwan na ito roon. Ito ang kinatawan ng PrinceU sa Queensville University sa exchange-student program na taunang ginagawa ng dalawang sister schools.

Hindi naman siguro ito papayag na pumunta doon—maliban sa malaking oportunidad iyon—kung hindi nagkaproblema ito at si Dereck. Nahirapan din siya sa sitwasyon nito noon dahil isa din siya sa dahilan kung bakit nagkaroon ng problema sa kanya. Pero alam niyang maaayos din ang lahat sa pagitan ng dalawa. Mahal ng mga ito ang isa’t isa at kaunting pagpapaliwanag na lang nila kay Dereck ay maliliwanagan na ito.

“Hindi naman masyado,” aniyang sinundan ng isang bungisngis.

“Oh-my-god! Are you in love?” bulalas nito.

“Yeah.”

“Prime had enslaven your heart! Sinasabi ko na nga bang may something sa inyo eh,” sabi ni Drea.

“Talaga? Pero hindi ko mapigilan ang mangamba na baka hindi na naman maganda ang kalabasan nito. Ni hindi nga klaro sa’kin kung gusto ako ni Prime o hindi. We’re close now. Pero may sinasabi siyang ‘ideal girl’ daw sa buhay niya. Umaasa ako na ako ‘yon pero hindi pa rin ako sigurado dahil hindi pa naman niya sinasabi. For all I know, iba pala ‘yon. Umasa lang ako. Masakit ‘yon. And I don’t want to experience another heartbreak. Pagod na pagod na akong masaktan. Gusto ko namang maging masaya ng tuloy-tuloy sa isang relasyon,” paliwanag niya kay Drea.

Tumawa ito. “Naalala ko ‘yong isang bagay na tanging gusto mo sa isang lalaking prospect boyfriend mo, kailangang walang sabit!”

“Siyempre naman ‘no! Kailangang ako lang para sa kanya. Kailangang hindi na siya tumingin pa sa iba kung kami na. Gusto ko ng faithful at loyal boyfriend. Ayoko nang lalaking maloko at sa tingin ko pa lang ay magkaka-problema na kami.”

“Bakit? May sabit ba si Prime?”

“Wala naman. Not that I know of. Pero, hello? He is Prime Abellana. Campus figure sa PrinceU, captain ball pa ng varsity at tagapagmana ng Crescent Corporation.

Maraming babae ang maghahangad na maging nobya niya ‘no,” aniya.

“So, isa ka sa naghahangad na maging girlfriend niya?”

“Oo…Eh kasi naman!” pag-amin niya. Nag-init ang buong mukha niya sa pag-amin na iyon. Wala nang rason para itanggi pa niya iyon dahil hindi na niya kaya pang pigilin ang kanyang nararamdaman para kay Prime. Mahal na niya ito.

“May pa-master-slave chuchu pa kayo ha. Sa pagiging lovers din pala ang bagsak n’yo,” komento ni Drea.

“Chosera!”

“Seriously, Free. You and Prime look good together. He’s a good guy. Kapag kayo na, magiging masaya ako para sa inyong dalawa. You two both deserve to be happy and in love,” sabi ni Drea na tila may sakit sa himig ng tinig nito.

Huminga siya ng malalim. Nami-miss na niya ito. Gusto niya itong yakapin. Kung sakaling naroon man ito’y kanina pa niya ito nayakap. She wanted to comfort her personally.

“Everything will be all right between you and Dereck, Drea. I swear. Maliliwanagan din si Dereck. Just don’t give up. At saka, ‘wag ka ng ma-guilty. Mahal mo siya at mabuti nang alam mo ‘yon. I’ll help you talk to him pagbalik mo dito. Cheer up, okay?”

Naramdaman niyang nakangiti na ito sa kabilang linya dahil sumigla na ang boses nito. “Thanks, Free! I miss you. Sana’y hindi kayo magkaroon ng problema ni Prime na katulad nito.”

“Ay, ‘wag naman sana. Hindi pa nga kami, problema na agad ang sinasabi mo. ‘Yon nga ‘yong gusto kong iwasan kaya ayokong mag-boyfriend ‘di ba?” aniya.

“It’s inevitable,” makahulugang saad nito.

“Ano ba ‘yan? Natatakot na ako. Ayoko na nga,” biro niya.

Alam naman niyang hindi iyon maiiwasan pero sakali man, gusto niyang agapan. If love is inevitable, so does getting hurt.

“Hey, I don’t want you to be scared. Tell Prime about what you really feel para maging maayos na ang lahat. I’m sure ikaw ‘yong ideal girl na tinutukoy niya,” sabi sa kanya ni Drea.

Ilang minuto pa silang nagkwentuhan bago ito nagpaalam sa kanya. Ikinwento din nito sa kanya ang tungkol sa secret admirer ni Tracy. Napagkwentuhan na nila dati iyon ni Tracy at ang ipinayo niya rito’y tanggapin lang nito ng tanggapin ang mga bigay ng secret admirer nito. Wala na naman itong ibang aalalahanin dahil nakipaghiwalay na ito sa nobyo nitong si Francis. At masaya siya para kay Tracy dahil doon.

Lumabas siya ng kwarto pagkatapos ng pag-uusap nila ni Drea at dumiretso sa studio niya. Ang katabi niyon ay ang dark room ng Kuya Ylac niya. Mukhang naroon ito ngayon dahil may nakakalat na gamit sa labas. Nagkibit-balikat lang siya at saka pumasok sa kanyang studio.

Tinapos na niyang ipinta ang portrait painting ni Prime. Iyon ang pinakamagandang alaala niya sa mukha nito. Nakangiti ito sa kanya at buhay na buhay ang mga ito. She will never get tired of him. Dahil mahal niya ito. Dito lang siya nakaramdam ng ganoon katinding pagmamahal. Hindi pa man niya sigurado kung gusto rin siya nito’y umaasa ng lubos ang kanyang puso na sana’y mahal din siya ni Prime.

Inilagay niya sa isang kahon ang pinta at ihahanda na niya iyon para sa susunod na linggo. Taunang school exhibit na nila sa susunod na linggo at iyon ang isasali niya roon. Wala na siyang pakialam kung tuksuhin man siya ng mga tao. Mas gusto niyang sabihin sa lahat na mahal niya si Prime. Hindi na siya natatakot pang magtiwala sa pag-ibig dahil dito.

Pagkagaling naman niya sa studio ay nadatnan niyang naghahanda para sa kanilang hapunan ang mommy niya at si Letty. Nakigulo siya sa dalawa na hindi niya karaniwang ginagawa. Tamad kasi siyang talaga at wala siyang hilig sa gawaing-bahay lalo na sa pagluluto. Pero dahil gusto niyang magpakitang gilas kay Prime ay mag-aaral siyang magluto.

Nagpaturo siya kay Letty ng simpleng pritong itlog, karne at isda. Doon niya nalaman na kailangan palang lagyan ng seasonings ang karne o isda bago iprito. Kailangan din pala munang painitin ang kawali bago lagyan ng mantika at kailangang kumulo din ng mantika bago ilagay at iprito ang karne. Mali talaga ang ginawa niya noon nang magprito siya para kay Prime kaya naging pork a la negro iyon.

Sa susunod ay sinisiguro niyang maipagluluto na niya si Prime ng maayos. She realized that you would do a thing you didn’t want to do before for the man you love. That’s how powerful love is. And she’s proud to love again.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.