“Naths, h'wag ka na lang muna kaya pumasok. Mukhang babagsak ka na, e. Ang putla mo pa,” tila nag-aalalang sabi ni Gina.
Tipid na ngumiti na lang ako at umiling. Muli akong bumalik sa pagme-make up para naman kahit papa'no mabawasan ang pamumutla ng mukha ko.
“Ayos lang ako. Kahit naman may sakit ako nakakakilos ako, diba? Alam mo 'yan,” sabi ko na lang saka sinuklay ang buhok ko.
Napabuntonghininga si Gina. “Masyado ka bang pinahihirapan ni Ashteroh?” tila nag-aalalang tanong n'ya.
Umiling na lang ako at tumayo saka nagsuot ng blazer. “Hindi naman. Sa totoo lang kayang kaya ko naman ang mga pinapagawa n'ya,” saad ko.
Totoo naman 'yon. Kung 'yung mga pinapagawa n'ya lang naman ang pag-uusapan, hindi ako gaanong nahihirapan sa mga 'yon... mas nahihirapan ako sa tuwing nakikita ko silang dalawa ni Thalia na magkasama. Mas masakit at mas mabigat ang puso ko kaysa sa katawan ko.
Napabuga na lang ako ng hangin nang makasakay sa tricycle. Napapikit ako nang mariin at napahawak sa sentido ko... Medyo nahihilo nga talaga ako. Dahil siguro nawala sa isip ko ang magpalit agad ng damit kahapon.
“Ma'am Naths. Good morning!” bati sa akin nina Mira.
Ngumiti ako sa kanila at tumango. “Good morning din,” sabi ko na lang.
Pinilit kong pasiglahin ang boses ko. Kapag napansin nilang may sakit ako, siguradong magsasabi sila kay Killian. Ang OA pa naman ng lalaking 'yon.
“Ma'am Naths, may sakit ka po ba?” tanong ng isang staff.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko. Ang talas talaga ng pakiramdam ng mga 'to... Hindi ko rin naman kasi masyadong maitago ang panghihina ko. Ayoko talaga ng nagkakasakit dahil ang bigat sa katawan. Ayoko ng pakiramdam na mahina ako.
Pumasok na ako sa elevator para magtungo sa 6th floor. Napabuga ako ng hangin at napahawak sa sentido ko. Ang bigat na talaga ng katawan ko. Buti na lang walang inuutos si Ashteroh ngayong araw. Ang sakit talaga ng ulo ko, siguro iidlip muna ako saglit.
“May sakit ka 'no?”
“Ay kabayong pating!” Napapitlag ako sa gulat nang biglang may magsalita sa likod ko.
Agad akong lumingon doon at gano'n na lang ang gulat ko nang makita si Killian na nakapamulsa habang seryosong nakatingin sa akin. Napalunok na lang ako saka alanganing ngumiti sa kanya.
“Ahm... h-hindi naman. Keri naman haha,” sabi ko saka pilit na tumawa.
Napailing na lang si Killian saka bigla na lang akong inakbayan. Bumukas ang elevator nang nasa 6th floor na kami pero agad namang pinindot ni Killian ang top floor. Nagtatakang napatingin ako sa kanya.
“Magpahinga ka sa office ko. Alam kong matigas ang ulo mo at hindi ka uuwi. Kahit saglit lang matulog ka muna. Mukha kang zombie,” sabi n'ya nang sumara na ang elevator.
Hindi na lang ako nagsalita dahil wala rin naman akong kawala sa akbay n'ya. Napabuntonghininga na lang ako saka tumango.
Agad n'ya 'kong hinila papunta sa office n'ya nang makarating kami sa top floor. Pinaupo n'ya ako sa couch saka inayos ang unan doon. Napakurap na lang ako nang basta n'ya akong pinahiga.
“Tingnan nga natin.” Hinawakan n'ya ang noo ko. “Tsk, ang init mo, oh. Um-absent ka na nga lang muna. Importante ang trabaho pero mas importante ang kalusugan mo,” tila nanenermong sabi n'ya saka umupo sa mini table.
“Okay lang naman ako. Mawawala rin 'to bukas. Alam mo namang hindi ako nagkakasakit nang malala 'no,” sabi ko na lang saka tinawanan siya.
“H'wag kang tumawa tawa riyan. Akala ko ba hindi ka pinapahirapan ni Ashteroh Alexeev? Ayan na nga, oh. Nagkasakit ka pa dahil sa kagaguhan n'ya,” naiinis na sabi n'ya saka napaismid.
“Hindi naman siya ang dahilan kaya ako nagkasakit, e. Hindi kasi agad ako nakapagpalit ng basa kong damit kahapon, natuyo na siya--” agad n'yang pinutol ang sasbihin ko.
“Let's normalize blaming everything to Ashteroh Alexeev, pwede ba?”
Natatawang napailing na lang ako sa sinabi n'ya. Mukha lang talagang intimidating si Killian dahil magaling siya magpatakbo ng hotel... pero siraulo at may pagka-isip bata talaga siya.
“Para ka ring ewan. May sakit ka na nga, ayaw mo pang magpahinga. Ano ba'ng tingin mo sa sarili mo? Robot?” tila nanenermong saad n'ya.
Napaismid na lang ako at napakamot sa kilay ko. “Sumasakit na nga ang ulo, puro ka pa sermon. Lalo akong magkakasakit sa ginagawa mo, e!” asik ko.
“Ririndihin talaga kita hanggang sa tumatak na sa isip mo ang pinagsasasabi ko sa 'yo. Nasasayang lang ang laway ko kakasermon, hindi ka naman nakikinig. Para kanino ba ang mga sinasabi ko? Diba para sa 'yo naman?”
Napanguso ako. “Oo na nga. Sorry na, Sir Killian. I always and forever making the listen of you so make no angry birds to the self in you and the peoples,” nakangising sabi ko na lang.
Agad na napatakip si Killian sa tainga n'ya. “Fuck! Sabi ko sa 'yo h'wag ka ng mag-english ng gan'yan at baka bumalik pa sa dati ang pag-e-english mo! Alam mo ba kung gaano nahirapan ang tutor mo sa 'yo?! My goodness,” reklamo n'ya at napapaypay pa sa sarili n'ya.
Napangisi na lang ako. Weakness n'ya talaga ang english kalabaw ko. Naalala ko pa dati talagang dumugo ang ilong n'ya nang inisin ko siya at in-english nang tuloy-tuloy.
Tumayo si Killian saka muling hinawakan ang noo ko. “Dito ka lang. Bibili ako ng gamot mo. H'wag mo ng tangkaing tumakas kung ayaw mong mabatukan,” pananakot n'ya.
Napaismid na lang ako. “Oo na, alis na. Matutulog na 'ko, ang gulo mo, e,” sabi ko na lang saka tinalikuran siya.
Naramdaman kong naglakad na siya at lumabas ng opisina. Pipikit na sana ako nang maalala kong hindi ko pa pala nasasabihan sina Dustin na magpapahinga ako.
“Tsk, naman...” reklamo ko nang maalala kong iniwan ko nga pala ang cellphone ko sa table ko kanina.
Tumayo na ako at lumabas ng opisina ni Killian. Agad akong nagtungo sa elevator at pinindot ang 6th floor. Napapikit na lang ako at sumandal dahil para akong matutumba. Mukhang dapat ko nga talagang ipahinga 'tong katawan ko.
Naramdaman kong bumukas ang elevator pero nanatili akong nakapikit. Hinang hina na ako. Ni wala na yata akong lakas na buksan ang mga mata ko.
Natigilan ako nang may humawak sa braso ko nang akmang matutumba ako. Napadaing na lang ako at napahawak sa sentido ko saka marahang idinilat ang mga mata ko.
“T-Tangina!” agad na mura ko nang mukha ni Ashteroh ang bumungad sa akin.
Napakunot ang noo n'ya. “What the heck is your problem? You're not answering my calls,” reklamo n'ya.
Napakamot ako sa batok ko. “Naiwan ko 'yung phone ko sa table ko. Bakit? May iuutos ka ba?” tanong ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kanya.
Nagtaka ako nang saglit na natahimik si Ashteroh. Muli akong tumingin sa kanya. Napapitlag na lang ako nang hawakan n'ya ang noo ko.
“You have a fever,” anas nito sa mahinang boses.
Napatikhim na lang ako saka pasimpleng inalis ang kamay n'ya. “Okay lang naman ako, Sir. Kaya ko pa ngang tumalon, e,” sabi ko na lang.
Inayos ko ang blazer ko at agad na bumwelo para tumalon pero muling hinawakan ni Ashteroh ang braso ko, tila pinipigilan ako sa balak kong gawin.
“Bakit ka tatalon? Baliw ka ba?” nakakunot-noong tanong n'ya.
Napaismid na lang ako at muling inalis ang pagkakahawak n'ya sa akin. Pinindot naman n'ya ang eight floor. Napakurap na lang ako nang hawakan n'ya ang braso ko at hinila ako palabas ng elevator.
“H-Hoy... Hindi ako rito pupunta. Tsk, may iuutos ka ba? I-text mo na lang!” asik ko.
Hindi siya nagsalita at agad akong dinala sa hotel room n'ya. Natigilan ako nang marahan akong itinulak nito paupo sa couch.
“A-Ano ba'ng problema mo? Sabi ko i-text mo na lang ang iuutos mo... Papalinisin mo na naman ba 'tong kwarto mo? Maayos naman, e. Ano bang--” Agad n'ya pinutol ang sasabihin ko.
“Manahimik ka. Magluluto ako,” tipid na sabi n'ya saka nagtungo sa kitchen area.
Napakurap na lang ako sa sinabi n'ya at napakamot sa batok ko. Ano naman kung magluluto siya? Bakit kailangan pang samahan ko siya?
Hindi na lang ako nagsalita at hinayaan siya sa trip n'ya... Mas ayos din naman 'to sa 'kin, e. Magagawa ko siyang titigan kahit likod man lang n'ya... Sa ganitong paraan na lang.
Pinanood ko siya habang naghihiwa ng kung ano. Tipid na napangiti na lang ako habang hindi maalis ang titig sa kanya. Dapat labanan ko na ang nararamdaman kong 'to dahil may nililigawan na siya... pero hindi ko mapigilan. Kahit anong panenermon ko sa sarili ko, hinahanap-hanap pa rin siya ng puso ko.
Napasinghap na lang ako at agad na napaiwas ng tingin sa kanya nang humarap na siya sa direksyon ko. Napakamot na lang ako sa leeg ko nang maglakad siya papalapit sa akin na may dalang mangkok at basong may tubig.
Natigilan ako nang ilagay n'ya ang mga 'yon sa table na nasa tapat ko. Naglagay rin siya ng gamot sa tabi ng bask. Nagtatakang napatingin ako sa kanya.
Umupo na lang siya sa single sofa na malapit saka isinandal ang likod n'ya sa backrest.
“Kainin mo 'yan,” tipid na sabi n'ya saka pumikit.
Napakurap na lang ako at tila hindi makapaniwalang tumingin sa kanya. Pakiramdam ko hindi yata nagproseso agad sa isip ko ang sinabi n'ya.
“B-Bakit?” nauutal na tanong ko.
Idinilat n'ya ang mga mata. “Mahihirapan akong pahirapan ka kung may sakit ka. H'wag ka ng puro tanong. Kumain ka na lang diyan,” tila iritadong sabi n'ya.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at tumango. Kinuha ko ang kutsara saka tinikman ang niluto n'yang soup.
“Eh... ang alat,” bulong ko.
Napasinghap na lang ako nang agad akong tiningnan nang masama ni Ashteroh. Napaismid na lang ako at kinain pa rin 'yon kahit medyo maalat.
Kinain n'ya rin naman kasi ang mga niluto ko noong birthday n'ya three years ago kahit na hindi masarap... Napangiti na lang ako nang maalala ko 'yon.
Tumuloy na lang ako sa pagkain. Narinig kong binuksan ni Ashteroh ang TV. Gano'n na lang ang gulat ko nang makitang nandoon ang gumanap na Hazel at Havon sa movie na pinanood namin noon.
“Hala! Kasal na sila in real life, oh! Team Havon talaga!” tuwang tuwa na sabi ko.
Gusto kong matawa nang mapaismid si Ashteroh saka agad na pinatay ang TV. Napasimangot na lang ako at muling kumain.
Ang KJ naman n'ya. Hanggang ngayon yata hindi pa rin siya nakaka-move on kay Homer.
Ininom ko na ang gamot pagkatapos kong kumain. Napatingin ako kay Ashteroh na nakatingin lang sa akin. Agad din naman siyang tumayo at nagtungo sa kama. Tahimik na hinabol ko na lang siya ng tingin.
Kinuha n'ya ang kumot saka hinagis sa akin. Nagtatakang napatingin ako sa kanya.
“Matulog ka,” saad n'ya saka muling unupo sa sofa.
“Bakit ako matutulog dito?” nagtatakang tanong ko.
“Kasi inutos ko... Matulog ka na,” sabi n'ya na lang saka muling pumikit.
Napabuga na lang ako ng hangin at humiga sa couch saka nagkumot. Tumitig na lang ako sa kanya na nakapikit na... Sana pumikit pa siya nang matagal para matagal ko rin siyang matitigan.
“Ashteroh... Hindi ko ginusto ang nangyari kay Thalia kahapon. Ayoko ng mag-sorry sa nangyari dahil wala naman akong kasalanan. Alam kong ginawa ko ang best ko para mabantayan siya,” sabi ko na lang saka agad na umiwas ng tingin sa kanya.
Hindi agad nakasagot si Ashteroh.
“I know. Thalia told me that last night.” Napabuntonghininga siya. “I'm sorry.”
Natigilan ako sa sinabi n'ya. Tumingin ako sa kanya pero nanatili siyang nakapikit.
“B-Bakit ka nagso-sorry?” tanong ko.
“Basta sorry. H'wag ka ng maraming tanong,” tila naiiritang sabi n'ya.
Napangiti na lang ako at umayos ng higa habang nakatitig pa rin sa kanya. Mukhang nahihiya siyang mag-sorry sa akin.
“Hindi ka dapat nagso-sorry sa taong pinaparusahan mo,” nasabi ko na lang.
Idinilat na ni Ashteroh ang mga mata saka napatingin sa akin. “Why?” tanong n'ya.
Kasi umaasa ako.
Tipid na ngumiti ako. “Wala, parang ang weird lang pakinggan.”
“Tumahimik ka na at matulog,” sabi na lang n'ya saka nag-iwas ng tingin sa akin.
“Okay.” Napangiti ako.
Pumikit na lang ulit siya at hindi na nagsalita pa. Napabuntonghininga na lang ako at nanatiling nakatitig sa kanya hanggang sa tuluyan akong inantok.
MEDYO MAGAAN na ang pakiramdam ko nang magising ako. Hindi naman kasi talaga ako sakitin. Mabilis akong gumaling pag nagkakasakit ako.
Bumangon ako at napatingin sa sofa na inuupuan ni Ashteroh kanina, wala na siya ro'n. Tumayo ako at hinanap si Ashteroh. Dapat talaga umalis na ako pero gusto ko munang magpasalamat sa kanya. Pinagluto n'ya ako at pinagpahinga kahit na galit siya sa akin.
Natigilan na lang ako nang marinig ko ang boses ni Thalia mula sa balcony. Napatigil ako nang mapansing nag-uusap sila ni Ashteroh doon.
“Ashteroh, to be honest... I know that Nathalie is your past lover,” saad ni Thalia.
Natigilan ako... Kung gano'n, natatandaan n'ya ang tungkol sa amin ni Ashteroh? Bakit siya nagpanggap na hindi n'ya naaalala?
“I just... don't want things to be awkward between us. Siya lang ang nag-iisang tao na naging totoo sa 'kin. Siya lang ang kaibigan ko na totoo ang ipinakita sa 'kin. Akala ko mas maganda kung magpapanggap na lang ako na hindi ko naaalala... pero parang pinalala ko lang ang sitwasyon,” dagdag pa ni Thalia.
Hindi nagsalita si Ashteroh. Tahimik na nakinig lang siya sa mga sinasabi ni Thalia.
“I... I know you just see her in me. We shouldn't be hasty about things between us. Alamin mo muna ang nararamdaman mo... And besides, you know that I'm still in process of healing, I'm still not over Xeon. I-I don't want to be unfair to you,” sabi pa ni Thalia.
Napalunok ako kasabay ng malakas na pagkabog ng dibdib ko habang pinakikinggan ang mga sinasabi n'ya. Napatingin ako kay Ashteroh at hinintay ang sasabihin n'ya... Kinakabahan ako, sobrang kinakabahan ako sa sasabihin n'ya.
“It doesn't matter, Nathalia,” sabi ni Ashteroh saka tumingin kay Thalia.
“What do you mean?”
Napakagat ako sa ibabang labi ko at agad na tumalikod. Nanginginig ang mga kamay na tinakpan ko ang tainga ko upang hindi ko marinig ang isasagot ni Ashteroh... pero tila yata matigas ang ulo ko. Nanghihinang inalis ko ang mga kamay ko ro'n at pinakinggan ang isinagot n'ya.
Alam ko na ang kahihinatnan nito. Alam kong masasaktan na naman ako... pero may maliit na parte sa akin ang umaasa... umaasa na iba ang magiging sagot n'ya sa inaasahan ko.
“I'm serious about you. It doesn't matter if you still love him, I can be your rebound. I can take care of you too like he did... and besides, I don't see Nathalie in you. I really like you, Thalia.”
Mapait na napangiti na lang ako nang tuluyang kumawala ang mga luha sa mga mata ko... Ano ba'ng iniisip ko? Ano pa ba'ng dapat asahan ko? Bakit wala akong kadala-dala?
Hindi na ako ang mahal n'ya. Wala na siyang nararamdamang pagmamahal sa akin... dapat ko na lang tanggapin ang katotohanan.