Cupid's Match Chapter 1

Nang magmulat ng mata si Alberto Alonzo ay tumambad sa kanya ang isang nakakasilaw na liwanag. Sinikap niyang sanggain ang liwanag sa pamamagitan ng kanyang dalawang kamay dahil masakit iyon sa mata. Pero maliban sa silaw ng liwanag na iyon ay wala na siyang iba pang nararamdamang sakit. He was supposed to feel so much pain after the accident he’d just had. Pero wala siyang maramdaman.

And then, he realized he was lying in a white floor. Tumingin siya sa paligid at nakita niyang nasa isang puting kwarto siya. Hindi ito normal na kwarto lang sa ospital na malamang ay pagdalhan sa kanya pagkatapos ng kanyang aksidente. Walang kama, walang table, walang ibang gamit doon. Maging ang suot niyang damit ay ang damit pa rin niya noong naaksidente siya. It was just a white room. Tumayo siya at naghanap ng tao sa kwartong iyon pero siya lang talaga ang naroon.

Dapat ay makaramdam na siya ng pangamba ngayon pero wala siyang ibang nararamdaman kundi ang gaan ng kanyang pakiramdam. And then, a realization dawned on him.

Nasa langit na ba ako?

“Wala ka pa exactly sa langit.” sabi ng isang boses na nagmumula sa likod niya. Pagkalingon niya’y nakita niya ang isang matandang may halo. He’s holding a long parcel and a feather. Seryoso itong tumingin sa kanya.

“Sino po kayo?” tanong niya rito.

“Ako si San Pedro.” kaswal na sagot nito na para bang sanay na itong makarinig ng ganoong tanong. Nanlaki naman ang kanyang mga mata pero wala siyang naramdamang kahit na anong takot.

“Ahm, makakaakyat po ba ako sa langit?”

“Gusto mo na bang umakyat ngayon doon?” tanong nito habang nagsusulat sa hawak nitong mahabang listahan.

“Kung mararapatin niyo po’y gusto ko pong sa langit mapunta. Ano po ba ang hatol niyo sa’kin?”

“Naging isa kang mabuting tao, mabait na amo, mapag-arugang kapatid at mapagmahal na asawa’t ama. Malaki ang pag-asa mong makaakyat sa langit. But! You still have an unfinished business left on earth. Alam mo ba kung ano iyon?” anito.

“Hindi po ako nakapagpaalam ng maayos sa mga anak ko. Hindi ako nakapagbilin sa kanila.” aniya.

“At ano ang gusto mong sabihin sa kanila sakaling nakapagpaalam ka sa kanila? Ano rin ang gusto mong ihabilin sa kanila gayong ayos na ang mga buhay nila?”

“No. Their life isn’t settled yet. I want them to experience love. I want them to know what the truth behind their mother’s decision is when she decided to leave us. I want them to feel love in the most awesome way like I did before. I want them to fall in love. Alam kong naging bitter sila pagdating sa usaping pag-aasawa o pakikipagrelasyon. Alam ko ring hindi nila siniseryoso ang mga babaeng nakakasama nila sa buhay. Gusto kong matutunan nilang pahalagahan ang mga babae.” paliwanag niya.

“Oh.”

“Hey, I heard someone talk about love here.” sabi ng isang batang lalaki na may pakpak at halo rin na bigla na lang sumulpot sa tabi ni San Pedro. He’s feet was above the room’s floor. He was floating. Pero hindi naman gumagalaw ang mga pakpak nito.

“Ano sa tingin mo ang kailangan nating gawin sa gusto niyang mangyari sa kanyang mga anak, Gabriel?” tanong dito ni San Pedro.

“Oooh. It’s interesting. Ako nang bahala do’n.” sabi ni Gabriel.

“You’re Angel Gabriel?” manghang tanong niya rito.

“Yes. And I’m your guardian angel.” nakangiting sabi nito sa kanya. Lumapit ito sa kanya at nakipagkamay sa kanya. Mas lalo siyang namangha rito.

“You are?” hindi makapaniwalang tanong niya.

“Yes. At dahil huling hiling mo na iyon, I intend to grant it.” anito.

“Ano’ng gagawin mo?”

“I’ll play Cupid. Pero huwag kang mag-aalala. Hindi ko papanain ang puso ng mga anak mo para lang ma-in love sila. Magse-set lang ako ng isang sitwasyon para makilala nila ang mga babaeng para sa kanila. Besides, best friend ko naman sina Destiny at Fate.” nakangiting paliwanag nito.

Pagkatapos ay lalong tumindi ang silaw ng liwanag sa paligid nila. Maya-maya’y biglang parang nasa sinehan lang sila dahil may screen na lumabas sa hilagang silangan ng kwartong iyon. Lumabas sa mala-cinema screen na iyon ang mukha ng bunso niyang anak na si Kyle. Nakasuot ito ng head phone at kasalukuyan itong nakayukyok sa hospital bed. Naawa siya sa kanyang bunso pero kitang-kita niya kung gaano siya kaimportante dito. Si Kyle ay nagta-trabaho bilang disc jock sa Dream Radio na parteng pag-aari nito. Pag-aari kasi ng pamilya nina Red na matalik na kaibigan ni Kyle ang Dream Radio pero nang mamatay ang mga magulang ni Red ay sumosyo na si Kyle sa istasyon. It was ironic that Kyle had agreed to his radio program entitled Dream Love. He was a DJ love doctor. Para sa isang taong ayaw ma-in love o iniiwasan ang pag-ibig, nakakagulat iyon.

“Malaki ang pag-asa ng isang ‘to.” sabi ni Angel Gabriel. Tumango lang siya. Proud siya sa kanyang mga anak pero gusto niyang matutunan ng mga ito kung paano magmahal at maramdaman ng mga ito ang pagmamahal na nararapat lang sa mga ito.

Nagbago ang kulay nang screen. Pagkatapos ay lumabas doon ang mukha ng middle child niyang si Nicko. Kung si Kyle ang pinaka-tahimik at pinaka-seryoso, si Nicko ang pinaka-masungit at pinaka-mainitin ang ulo. Nakilala niya ang lugar kung nasaan si Nicko ngayon. Sa Alonzo Tower iyon na pinamamahalaan nito at pag-aari ng kanilang pamilya. Pinapagalitan nito ang isang housekeeper. Nicko was half-naked while shouting at the boy who seemed to be so frightened now. Well, hindi na iyon nakakagulat dahil lahat naman ng taong nakakaharap ni Nicko ay natatakot dito.

“I can see your point now, Albert. Dapat talaga niyang maranasang magmahal at magpatawad.” komento ni Angel Gabriel habang nakatingin kay Nicko. Nakangiting tumango siya rito dahil pareho sila ng opinyon.

Muling nagbago ang liwanag ng screen at lumabas doon ang mukha ng panganay niyang anak na si Cage. He was lying in a bed, his arms wrapped around a woman beside him. Napailing lang siya pagkakita dito. Sa tatlong anak niya, si Cage ang pinaka-prangka, pinaka-maloko, pinaka-makulit, pinaka-maingay at sa lahat ng babaeng natanong niya tungkol dito, ito ang pinaka-gwapo. Kaya hindi na siya nagtataka na kahit na panandaliang aliw lang ang habol nito sa mga babae’y pumapayag pa rin ang mga babaeng iyon sa gusto nitong mangyari. Matindi ang kamandag ni Cage na hindi niya kinukunsinti. Marami nga itong babae, pero hindi naman ito marunong rumespeto sa mga iyon at lalong hindi ito marunong magmahal. Dahil katulad ng mga kapatid nito, hindi ito naniniwala sa pag-ibig.

“Mag-e-enjoy ako sa isang ‘to.” ani Angel Gabriel. Napatawa siya sa sinabi nito.

“So, sino ang uunahin mo sa kanila, Gabriel?” tanong dito ni San Pedro.

“Nicko first, then Kyle and I’d put Cage last. Ngayon pa lang, may kandidato na ako kay Nicko at kay Kyle. Alam kong matagal mo nang gustong sabihin ito sa mga anak mo pero ayaw mo silang pangunahan sa kanilang desisyon. It’s about time that they learn to fall in love and forgive their mother. Para kay Cage, sigurado akong magugustuhan niya ang kandidato ko para sa kanya. Pero malay mo, ang mga kandidato ko sa kanila’y hindi pala ang gusto para sa kanila nina Destiny at Fate. Katulad mo, ayaw ko ring pangunahan ang mga kaibigan kong iyon.” paliwanag ni Angel Gabriel.

“Okay. Gabriel, iiwanan kita dito. Ikaw na ang bahala kay Alberto Alonzo at sa problema niya. Tawagin mo na lang ako kapag tapos na ang lahat.” paalam ni San Pedro pagkatapos ay bigla na lang itong nawala sa puting kwartong iyon.

“Don’t worry, Albert. Holding room lang ito para sa mga kaluluwang may naiwang unfinished business sa earth. Mas maganda rito ang langit at mas magiging panatag ka roon.”

“So, kalian ako makakaakyat sa langit?”

“After this.”

“BAKIT hindi niyo inayos ang mga sira dito? Hinihintay niyo pa na malaman ko at ako mismo ang mag-ayos? Aba! Sinu-swerte naman yata kayo! Trabaho niyo ang pangalagaan ang lahat ng bagay sa building na ito!” singhal ni Nicko sa housekeeper na namataan niya malapit sa unit niya sa Alonzo Towers. Lumabas siya sa kanyang unit na tuwalya lang ang nakatapi sa kanyang katawan.

Inis na inis siya dahil maliligo siya pero sira ang kanyang shower. Kadarating lang niya galing sa bahay ng kaibigan niyang si Kendrick at papunta siya sa ospital dahil tumawag kanina ang kapatid niyang si Kyle at sinabing nagkamalay na raw ang kanilang ama. Ayon sa mga doctor ay himala raw na maagang nagkamalay ang kanilang ama kaya lubos silang nagpapasalamat sa Diyos.

Tatlong linggo nang nasa comatose state ang kanyang ama dahil nabangga ang kotseng sinasakyan nito patungong AlCom. Sumadsad ang kotse ng daddy nila sa road barriers dahil binagga iyon ng rumaragasang bus. Nakainom daw ang driver niyon. Dead-on-arrival sa ospital ang driver ng daddy niyang si Viktor. Malala ang natamong pinasala ng katawan ng kanyang ama. Halinhanan silang magkakapatid sa pagmo-monitor sa kalagayan nito. May mga private nurses naman silang kasama sa pagbabantay sa daddy nila pero mas gusto pa rin nilang isa sa kanila ang naroon araw-araw. Para sakaling magising ang daddy nila ay makita nitong kahit isa sa kanila’y naroon. Si Kyle ang naiwan sa ospital dahil wala pa itong duty sa radio station. Siya naman ay bibisitahin sana ang extension site ng Alonzo Tower sa Parañaque City pero tinawagan siya ni Kyle at sinabi ngang nagkamalay na ang kanilang ama.

“Sorry po, Sir. Ire-report ko na po sa engineering.” nakayukong saad ng housekeeper.

“Araw-araw niyong nililinis ang unit ko, ‘di ba? Bakit hindi niyo naayos noon pa ang sira dito?” inis pa rin na tanong niya rito.

Limang araw kasi siyang hindi umuwi sa Alonzo Tower dahil siya ang nagbantay sa daddy nila sa ospital. Ang pagsa-shower sana niya ngayon ang kauna-unahang shower niya pagkatapos nang limang araw niyang hindi paliligo ng maayos dahil hindi siya komportable sa bathroom ng ospital. Hindi naman niya magawa dahil sira ang bathroom amenities niya. At talagang naiinis siya. Masyado pa naman siyang sensitive sa katawan.

“Eh, Sir, hindi naman po ako ang nakatoka sa unit niyo eh. Si Mang Andoy po ang nakatoka diyan. Hindi niya po naihabilin sa’min dahil may sakit po siya ngayon.” paliwanag ng housekeeper.

“Hindi iyan sapat na rason para hindi niyo malaman na may sira sa unit ko!” singhal niya rito.

“Sorry po, Sir.” hinging-paumanhin nito.

“You’re fired! Tawagin mo si Cresia at bilisan mo!” utos niya rito.

Hindi na niya ito hinintay pang makapagsalita. Pumasok siya sa kanyang unit at kinuha ang kanyang cell phone na kasalukuyang naka-charge. Tinawagan niya ang cell phone ng kapatid niyang si Cage pero hindi nito iyon sinasagot. Sunod na tinawagan niya ang bunso niyang kapatid na si Kyle pero hindi rin ito sumasagot. Napamura siya sa iritasyon at naitanong sa sarili kung bakit hindi ba sinasagot ng kanyang mga kapatid ang cell phones ng mga ito. He settled for calling her cousin Lucille who is the current vice president of AlCom. Nagpasalamat siya dahil ilang ring lang ng cell phone nito’y sinagot agad nito ang tawag niya.

“Cille, okay lang ba si Dad?” tanong niya rito. Ang alam kasi niya’y nasa ospital na ito.

“Thank God, he is.” anito.

“Pakisabi, I’ll be there in a bit. I promise. Maliligo lang talaga ako.”

“Okay. You sound irritated. Something wrong?” concerned na tanong nito.

“Nothing unusual. Hindi lang naayos ng mga tao dito ang sira sa unit ko bago ako dumating.”

“Nagalit ka na naman sa kanila?”

“Siyempre. Five days akong hindi nakaligo ng maayos pagkatapos, pagdating ko dito, hindi rin ako makakaligo ng maayos? I’m expecting them to work efficiently. Hindi porke nawala ako ng limang araw ay hindi na nila gagawin ang dapat nilang gawin.”

“Kuya Nicko, you should loosen up a bit. Palagi ka na lang galit.”

“Give me something I should be happy about, Cille.” sarkastikong sabi niya rito.

“Oka---y. I’ll adjust the meeting’s time.”

“Okay. Hey, I got to go. May kakausapin lang akong tao eh.” paalam niya rito dahil may kumatok sa pinto niya. Malamang ay si Cresia na iyon. Ang operations manager ng Alonzo Towers na pinamamahalaan niya.

“Okay. I’ll see you later. Hindi ka pa naman hinahanap ni Tito Al eh. And don’t bark at someone again today, okay?” bilin nito sa kanya.

“Right.” tanging sabi niya rito. Narinig pa niya ang tawa ng pinsan niya bago niya tinapos ang tawag. Binuksan niya ang pinto ng unit niya at pinapasok si Cresia. Kitang-kita niya na takot na takot na ito sa kanya pero nakangiti pa rin ito. “I need to take a shower, Cresia.” pormal na sabi niya rito.

“Sir, sorry po. Hindi naman po namin alam na nasira pala iyong shower niyo eh. Ngayon lang po siguro iyan. Kasi noong nagpaalam sa’kin si Mang Andoy, hindi pa iyan sira eh. Daily po niya tsine-check ang unit niyo, lahat-lahat dito kaya imposibleng makalampas sa inspection niya ang sirang shower niyo.” paliwanag ni Cresia.

“Halika dito, Cresia.” sabi niya rito. Tinungo niya ang kanyang shower room at sumunod naman sa kanya si Cresia. Pinihit niya ang shower controller. “See? Imposibleng nawalan ‘to basta na lang ng tubig dahil may sarili tayong tangke. How can you explain this, Cresia?”

“Eh, Sir, if you don’t mind. Pwede ka naman po munang maki-shower sa katabing unit eh. Wala ngayon iyong may-ari ng unit kasi umuwi muna sa kanila. Mamaya pa iyon uuwi.” suhestiyon ni Cresia.

“What? Alam mong bawal iyon, Cresia!” nakapamaywang na sigaw niya rito. Lumayo ito sa kanya.

“Sir, naman! Gusto mo bang maligo ng maayos o hindi? No choice ka. Wala ka namang tabo diyan sa loob para ipang-ligo mo. So, you better accept my suggestion. Hindi naman malalaman ng may-ari eh. Don’t worry, mabait iyon.” ani Cresia.

Tiningnan niya ang wall clock niya. Alas dos na. Gusto na niyang pumunta sa ospital at makita ang kanyang ama.

“Okay. You’d better be sure na hindi magagalit iyon ha.” aniya.

MAAGANG bumalik sa kanyang tinitirhan ngayon si Xanthia dahil nabuwisit siya sa kanyang mga kapatid. Dahil weekend ngayon ay naisip niyang doon muna matulog sa bahay nila. Pero nagbago ang isip niya dahil sa mga barakong kapatid niya. Naiinis siya sa pambubuwisit ng mga ito sa kanya tuwing nakikita siya ng mga ito. Mabuti na lang at pinayagan siya ng kanyang mga magulang na mangupahan sa Alonzo Towers.

Kinailangan kasi niyang lumipat ng tahanan para maging tahimik muna ang buhay niya. Hindi kasi siya makapagtrabaho ng maayos sa bahay nila dahil sa ingay at pangungulit ng kanyang mga kapatid. Kailangan kasi sa trabaho niya ang matinding konsentrasyon at katahimikan at hindi niya iyon makakamit sa bahay nila. Suportado pa rin naman siya ng kanyang mga magulang sa pagtira niya sa condo unit niya ngayon.

Isa siyang sculptor-cum-romance writer. Dalawang uri ng art na kailangan ng matinding passion at para sa kanya, katahimikan din. Hindi kasi siya makagawa ng isang obra tuwing kinukulit siya ng kanyang mga kapatid at palaging nilalait ng mga ito ang gawa niya. Dati’y kailangan niya palaging umalis sa kanilang bahay kapag nandoon ang mga kuya niya para lang makapagsulat ng isang istorya. Ma-swerte naman siya tuwing weekdays dahil panay nasa trabaho ang mga kuya niya pero hindi pa rin sapat ang oras na iyon para makapag-focus siya sa ginagawa niya dahil nandiyan pa ang palagihang pag-aaway ng mga magulang niya. Kapag nagbati naman ang mga ito’y maingay pa rin dahil sa kinikilig na boses ng kanyang ina. Hindi rin siya makapag-concentrate.

Kaya laking pasasalamat niya na nang sabihin niya sa mga ito na gusto na niyang lumipat ng tirahan ay pumayag naman ang mga ito. Noong una’y nag-aalinlangan ang kanyang buong pamilya dahil babae siya at nangangambang baka kung anong mangyari sa kanya pero napapayag naman niya ang mga ito. Ngayon nga’y limang araw na siyang naninirahan sa condo unit niya.

May sapat na pera naman siya para sa pambayad condo unit dahil dalawa naman ang trabaho niya. Mabuti na lang nga at hindi kailangan ng dalawang trabaho niya ang mamalagi sa isang lugar kaya napapagsabay niya ang dalawa. Time management lang talaga ang kailangan. Kapag wala siya sa mood para mag-ukit ng kung anu-ano ay nagsusulat naman siya.

She’s happy in her new home but she’s still missing her family. Kahit na palagi siyang naaasar sa mga kapatid niya’y mahal niya ang mga iyon. Proud na proud naman siya dahil nagawa niyang tumira sa Alonzo Tower. Alonzo Tower is one of the most prestigious but affordable and comfortable condominium unit in the Philippines.

Sumakay siya ng elevator at binati niya ang elevator man na si Loki. Lahat ng tao sa tower ay mabait sa kanya at pakiramdam niya’y welcome na welcome talaga siya kaya masaya siya sa lugar na iyon. Naging instant friend pa niya si Cresia na operations manager ng tower.

Marami rin siyang nakilalang mga lalaki roon na gwapo, edukado, mabait at may-kaya sa buhay pero parang wala lang ang mga ito sa kanya. Wala kasi siyang maramdaman na connection sa bawat kakilala niyang lalaki sa tower na iyon. Walang ‘spark’ kumbaga. At iyon ang ikinangingitngit ng kalooban niya.

Isa pa sa dahilan nang pag-alis niya sa kanilang tahanan ay para iwasan ang pagma-matchmake ng mga magulang niya sa kanya sa kung sinu-sinong lalaki. Rinding-rindi na siya at sawang-sawa na siya sa kaka-matchmake ng magulang niya sa kanya at sa pang-aasar ng mga kuya niya sa kanya dahil ‘zero’ pa rin ang lovelife niya. Marami na siyang nakilalang mga lalaking inaanak o kaya’y kakilala ng mga magulang niya pero wala pa rin siyang magustuhan sa mga ito. Simula yata noong isilang siyang ‘tigang’ na ang puso niya.

Paano kasi’y sinanay siya ng kanyang ina sa mga kwentong fairy tales at happy ever afters kaya masyadong mataas ang pananaw niya sa isang relasyon o sa pag-ibig. Na hindi siya dapat basta lang pumasok sa isang relasyon porke ba bagay kayo ng lalaki o dahil gwapo siya at na-meet niya ang standards mo. Dapat lang siyang pumasok sa isang relasyon kung alam niyang may pag-ibig na namamagitan sa kanila ng lalaking iyon.

Naniniwala siya sa kasabihang ‘love conquers all’ dahil ang mga tao, tuwing may problema sa pag-ibig ay apektado ang iba pang aspeto ng kanilang buhay. Halos ang buhay ng tao ay umiikot sa buhay pag-ibig ng mga ito. We live to love; its God’s will. Sisiguraduhin niyang kapag nagka-boyfriend siya ng totohanan at kapag nagmahal siya, gagawin niya ang lahat dahil hindi basta lang ang pag-ibig.

“Thank you, Loki.” aniya sa elevator man nang makarating sila sa pinakatuktok ng tower kung nasaan ang unit niya. Lumabas siya ng elevator.

“You’re always welcome, Miss Xanthia.” nakangiting sabi naman nito sa kanya.

Nang sumarado ang elevator ay tinungo niya ang kanyang unit. Kinuha niya ang kanyang susi sa kanyang bulsa at sinuksok iyon sa key hole ng pinto. Pero nagulat siya dahil bukas pala ang kanyang pinto.

Hala! Naiwan ko bang bukas ang unit ko? tanong niya sa sarili. Pumasok siya sa loob ng kanyang unit at inisip ang ginawa niya kanina bago siya umalis. Ang natatandaan niya’y ni-lock niya ang kanyang pinto. Iyon ang isang bagay na hindi niya makakalimutang gawin bago umalis ng bahay. Kaya nagtataka siya kung bakit bukas na ang kanyang pinto. Nagpasya siyang tawagan na lang si Cresia dahil baka pumasok ito sa kanyang unit at nag-check.

Pero nang malapit na siya sa telepono niyang parte ng amenities ng unit niya’y narinig niya ang lumalagaslas na tubig na galing sa shower. Lalo siyang nagtaka at ngayo’y nakaramdam na rin ng takot dahil baka may nanloob sa unit niya. Kinuha niya ang isang mahabang sculpture na hitsurang lalaki kahit na parang stick figure lang iyon ay masakit iyon kapag naihamba sa’yo. Sakali mang may nanloob sa kanya ay mabuti na iyong handa siya. Hindi siya magdadalawang isip na saktan ang nanloob na iyon sa unit niya.

Mabilis ang naging pagtibok ng kanyang puso tanda na kinakabahan siya at natatakot. Dahan-dahan niyang tinalunton ang daan papunta sa kanyang bathroom area. Nakabukas ang bathroom door niya. Hindi niya gawaing mag-iwan ng bukas na pinto kaya ngayo’y sigurado na siyang may ibang tao ngang pumasok sa unit niya. Mas lalong lumakas ang tunog ng lumalagaslas na tubig dahil nasa pintuan na siya ngayon ng banyo niya.

Itinaas niya ang stick sculpture at handa siyang ihampas iyon sa taong nanloob sa kanya. Nang makapasok siya sa loob ng kanyang banyo at tumingin sa shower area ay isang nakakabinging sigaw ang pinakawalan niya.

PrevNext

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.