Cupid's Match Chapter 16

“SO, ARE you ready to work?” masiglang tanong kay Yngrid ni DJ Kyle.

Hindi makapaniwalang nakatingin lang siya rito. Hindi niya alam kung makakaramdam siya ng inis dito o matutuwa siya sa ginawa nito dahil katulad nang sinabi nito sa kanya kahapo’y sinundo nga siya nito sa kanilang bahay kanina at inihatid sa opisina nang kaibigan nitong si Nick na may-ari ng isang advertising agency, ang Royale.

Hindi pa roon natapos ang lahat dahil ito pa mismo ang nagpaliwanag sa kanya ng lahat ng gagawin niya samantalang naroon naman sina Nick at ang executive assistant nitong si Rodge na siyang talagang dapat magpaliwanag sa kanya.

“Naiintindihan niya na, Kyle. Masyado kang tensed.” ani Nick dito.

“Gusto ko lang makasigurado na magiging maayos ang trabaho rito ni Yngrid. Gusto kong maging komportable siya kaya alagaan n’yo siya ha?” sabi nito sabay kindat sa kanya.

“Nililigawan mo ba si Yngrid, DJ Kyle?” tanong naman ni Rodge na ikinalaki ng kanyang mga mata.

“Hindi nam----------“

“Gusto ko sana, kung papayagan niya ako.” putol ni DJ Kyle sa iba pa niyang sasabihin habang diretsong nakatingin sa kanya.

Peste! Huwag kang tumingin sa’kin ng ganyan! nais niyang isigaw dito. Hindi siya nakapagsalita. Hindi niya kasi alam kung sinasakyan lang nito ang tanong ni Rodge o ano.

“Ang aga-aga, Kyle. Mamaya ka na manligaw.” sabi rito ni Nick. “Yngrid, sumunod ka sa’kin sa loob ha. Marami pa tayong gagawin.” baling naman nito sa kanya saka naunang pumasok sa kanilang opisina.

“O, siya. Ako’y pupunta na sa Makati dahil ako ang makikipag-meeting sa isang kliyente doon. Ang tamad naman kasi ng Boss natin eh. Puro racing. Sige ha.” paalam din ni Rodge saka nito tinungo ang elevator.

Natawa naman siya sa sinabi ni Rodge. Nai-kwento rin kasi sa kanya kanina ni DJ Kyle sa kanya na isang superbike champion si Nick Velarde. Kahit na busy daw ito sa pagpapatakbo ng minana nitong negosyo ay hindi nito napapabayaan ang minamahal na pakikipagkarera. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nasabi ni Rodge na tamad si Nick, dahil may iba pa itong ginagawa.

“Sige, DJ Kyle, una na ako.” paalam din naman niya kay DJ Kyle.

“Wait.” pigil nito sa kanya habang hawak ang kanyang kamay.

Nagdulot iyon ng isang sensasyong bago sa kanyang pakiramdam. Iyon bang tipong mainit ang kanyang katawan ngunit may kung anong kuryenteng pumasok doon. Isang malamig na kuryenteng nakapagpakilig sa kanya.

May…may sparks!

“Can I ask you out for lunch later? At, ‘wag kang tatanggi dahil tinanggihan mo na ako kahapon.” maagap na sabi nito.

“Pero baka marami kaming gawin nina Boss Nick mamaya.” tanggi niya rito.

“Nakakahalata na ako sa’yo, Yngrid, ha. Ayaw mo ba akong kasama?” tila nagtatampong tanong nito.

“Ha? Hindi naman sa gano’n. Baka kasi kung ano’ng sabihin ng ibang empleyado rito. Baka isipin nilang nakapasok ako dito dahil sa’yo.” katwiran niya na hindi makatingin ng diretso rito. Medyo totoo naman ‘yon pero in-interview din naman ako ni Boss Nick ah.

“Hindi mga tsismoso ang mga empleyado rito, Yngrid. Besides, I’m not your boss.”

“Kaibigan ka pa rin ng may-ari ng kompanya. Therefore, nakakahiya pa rin sa iba.”

“Pero hindi ako ang magpapa-sweldo sa’yo. ‘Wag ka ng umangal. Susunduin kita dito mamayang lunch para hindi ka na naman makatanggi.” nakangising sabi nito.

“Huwag mo na ngang gagawin ‘yon. Nakakataranta eh.”

“Bakit ka natataranta?” amused na tanong nito.

“Si Mama kasi, ang agang nanggising. Baka maghintay ka raw eh ako na nga raw ang binibigyan mo ng trabaho kaya pinag-ayos na agad niya ako. Wala pang alas-sais no’n ah.”

“Ah. Kaya pala bihis ka na agad pagdating ko sa inyo.” natatawang saad nito. “Eh kasi, baka nga hindi ka pumayag. So, magpapaalam na ako dahil magta-trabaho ka na. Good luck!” sabi nito sabay halik sa kanyang pisngi. “I’ll see you later. Bye!” paalam nito at nagtungo sa elevator.

Iyon ang pangalawang pagkakataon na hinalikan siya nito sa pisngi pero ganoon pa rin ang epekto niyon sa kanya. Para na naman siyang tangang nakatayo sa labas ng opisina ng presidente ng kompanya habang nakangiti at ang isang kamay ay hawak ang pisnging hinalikan ni DJ Kyle samantalang ang isa nama’y nasa tapat ng kanyang puso at dinadama ang mabilis na tibok niyon.

“Daydreaming is not tolerated in this company, Miss.” anang isang boses mula sa kung saan.

Umayos siya ng tayo at ipinilig ang ulo. Nang tumingin siya sa paligid ay nakita niya ang isang gwapong lalaking nakasuot ng two-piece business suit. Ang gwapo niya. Ang kaso’y hindi niya naramdaman ang kakaibang kilig na naramdaman niya nang una niyang makita si DJ Kyle. Para bang wala itong dating sa kanya.

“Are you having an affair with my friend?”

“No, Sir. Bakit ako magkaka-affair sa kaibigan mo eh wala naman siyang asawa.” lakas-loob na sabi niya rito. Umatake na naman ang pagkamadaldal niya.

“So, pinopormahan ka niya?”

“Hindi. Magkaibigan lang po kami. Besides, siya ang nagpasok sa’kin dito sa kompanya n’yo.” sagot niya rito.

“I just saw him kiss you.”

“Sa pisngi lang ‘yon.”

“Nanghihinayang ka?”

“Hindi naman masyado. Pero--------Oh, shit!” Tumawa ito ng mahina. Tumikhim siya. “Good morning nga pala, Sir. Sige, papasok na po ako sa loob.”

“Kanina pa tayo magkausap pero ngayon mo lang ako nagawang batiin. How rude of you.”

“Mas rude kaya ang ginawa mo kasi nanonood ka ng mga hindi mo dapat pinanonood.” parang batang pangangatwiran niya rito.

“Then, bakit hindi kayo humanap ni Kyle nang isang pribadong lugar para mahalikan ka niya sa pisngi?” nanunudyong sabi nito.

Sumimangot siya rito. “Bigla ka na lang kasing sumulpot.”

“Gusto kita. I’m Chord, by the way.” pakilala nito saka naglahad ng isang kamay sa kanya. Agad naman niya iyong tinanggap. “And don’t you dare try to be formal with me. Hindi mo naman ako boss kaya pwede tayong maging magkaibigan.”

“Chord, pati ba naman ikaw? Ang aga-aga. Mamaya na kayo magligawan.” singit ng boss niyang si Nick. Nakadungaw ang ulo nito sa pintuan ng opisina nito at mukhang hinahanap na siya.

“Nick, kailan ka ba magbabago? Ang KJ mo eh.” ani Chord dito.

“’Pag puti ng uwak.” seryosong saad naman ni Nick. “Yngrid, pumasok ka na sa loob. Madami pa tayong gagawin. Chord?”

“Hindi ako pwedeng tumambay dito dahil marami pa kayong gagawin. Sabi ko nga eh. Hahabulin ko na lang si Kyle at magpapa-update ako. Mukhang nahuhuli na ako sa balita eh.” nakangiting sabi nito kay Nick pagkatapos ay bumaling sa kanya. “Okay, then. Next time ha. Tandaan mo ang sinabi ko. Hayaan mo, sasabihin ko rin ‘yon sa kaibigan ko. Sige. See you later, Yngrid.” paalam ni Chord sa kanya saka kinindatan pa siya at umalis na.

Napangiti lang siya sa ginawa nito dahil nagmumukha itong kenkoy. Mukha pa naman itong CEO ng isang malaking kompanya. Medyo nakakainis siya pero makakasundo ko siya.

Ngunit walang epekto sa kanya ang ginawa nitong pagkindat. Ang gwapo niya pero hindi ako kinilig? Bakit?

Dinama niya ang kanyang puso pero normal ang pagtibok niyon. Bakit noong si DJ Kyle ang kasama niya, ngiti pa lang nito’y kinikilig na siya?

Oh-my-gas! Naloloka na yata ako.

Bago pa siya masiraan ng ulo kakaisap ng sagot sa tanong niya’y pumasok na siya sa opisina ni Nick Velarde. Mahaba pa ang oras bago magtanghalian at kailangan niya pang magtrabaho.

Kina-tanghalian nga ay sinundo siya ni DJ Kyle sa kanilang opisina katulad nang sinabi nito kaninang umaga. Ipinagpaalam pa siya nito kay Nick at agad namang pumayag ang huli. Napailing na lang siya sa boss niya nang tumango lang ito bilang sagot sa lahat ng sinabi ni DJ Kyle. Kalahating araw pa lang niya itong nakikilala pero pakiramdam niya’y matagal na niya itong kilala dahil agad niyang nakuha ang ugali nito.

Tahimik na tao si Nick at magsasalita lang ito kung talagang kailangan. Hindi niya alam kung bakit pero may pagkakahawig ang ugali nito sa ipinakitang ugali sa kanya ni DJ Kyle noong unang beses nilang nag-date pero mas malala lang ng kaunti si Nick. Mabait naman ito, hindi nga lang madaldal katulad niya. Hindi pa rin bumabalik si Rodge dahil hindi lang daw ang pakikipag-meeting sa mga kliyente nila ang pinapagawa dito ni Nick kaya tahimik sa kanilang opisina at pati siya’y natahimik din.

Imagine? Ang madaldal na katulad ko? Natahimik na lang ng basta dahil tahimik ang boss ko?

“So, kwento ka naman tungkol sa family mo.” sabi kay Yngrid ni DJ Kyle. Kasalukuyan silang kumakain sa Uncle Cheffy’s na malapit lang sa gusali ng Royale.

“Mahirap lang kami. Namatay ang tunay kong ama, bata pa lang ako. Lately lang namin nalaman na may severe asthma pala ang Mama ko at mentally retarded si Xavier pagkapanganak pa lang nito. Kailangan kong kumayod mabuti para sa ikabubuhay ng pamilya ko.” aniya.

“Nagpa-check up na ba kayo para sa kalagayan ng Mama mo at ni Xavier?”

“Nagpa-check up na. Pero ang dami pang hinihinging tests kaya tumigil na rin kami sa kababalik sa ospital. Masyadong mahal ang gastos. Hindi namin kaya. Lalo na ngayong…nakakulong ang Tatay Baldo ko.”

“Ha? Sino’ng…’Di ba sabi mo kanina, namatay na ang-----------“

“’Yong tunay na ama ko ‘yon. Itong si Tatay Baldo eh step-father ko lang.”

“Bakit? Ano’ng nangyari?”

Bigla siyang nakaramdam ng lungkot. Hangga’t maaari ay ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa Tatay Baldo niya dahil maging siya’y naiiyak din katulad ng kanyang ina. “Ha? Wala ‘yon. ‘Wag na natin siyang pag-usapan.” sabi niya rito. “Fries?” alok niya rito. Naabutan pa niya itong tila masama ang naging pagtingin sa kanya.

“May ginawa ba siyang masama sa’yo?” tanong nito.

“Ang Tatay ko? Wala ah. Hindi niya kami kayang gawan ng masama. Mahal na mahal kami no’n at mahal ko siya katulad ng pagmamahal ko sa Papa ko. Nagpapasalamat ako sa kanya kasi minahal niya ang pamilya namin na parang tunay niya talaga kaming anak ni Xavier.” aniya.

“Really? So, hindi siya katulad ng mga stereo-type step-fathers na nambubugbog?”

“Hindi kaya. Mahal na mahal kami no’n. Lahat gagawin niya para sa’min.” malungkot na sabi niya dahil naalala na naman niya ang kinalaglagyan ng Tatay Baldo niya.

“Close kayo?” biglang tanong nito.

“Oo. Lahat ng kalokohan ko ngayon, sa kanya ko natutunan. Pero hindi siya masamang tao ha.” agad na sabi niya rito.

“Papayag kaya siya kung ipagpapaalam kita sa kanya?” tanong nito.

“Ha? Bakit? Para saan?” kunot-noong tanong niya rito. Uminom siya ng iced tea dahil naramdaman niyang biglang nanuyo ang kanyang lalamunan.

“I’d like to get to know you better. I’d like to court you, Yngrid. Gusto kong magiging maayos sa pamilya mo ang lahat.” sinserong sabi nito. Muntikan na niyang maibuga dito ang iniinom na iced tea kung hindi niya agad iyon nalunok. Natawa naman ito sa kanya.

“H-ha?” Peste! Siya ‘ata ang papatay sa’kin ah.

“Sabi ko, gusto kitang ligawan.”

Napatanga lang siya dahil sa sinabi nito. Wala siyang maapuhap na sasabihin. Hindi siya makapaniwala sa tinanong na lang nito basta dahil kahit na matagal na niyang ‘crush’ ang pagkatao nito bilang ‘DJ Kyle’ ay hindi pa niya alam ang tungkol sa tunay nitong pagkatao.

“I know it’s a little bit fast, pero ano’ng magagawa ko kung simula nang guluhin mo ang tahimik kong pagkain noo’y ginulo mo na rin ang pag-iisip ko?” seryosong saad nito habang titig na titig sa kanya.

Naasiwa naman siya sa ibinibigay nitong tingin sa kanya dahil naiilang siya gayong hindi siya makatingin ng diretso rito. Oh-my-gosh! Kinikilig ako!

“You mean, baliw ka na?” biro na lang niya rito para maitago ang pagkailang at pagkakilig.

“Malapit na.” pagsakay nito sa biro niya.

“Baliw ka na nga talaga, DJ Kyle.”

“Malapit na nga. So, will you let this crazy twerp court the pretty you?” anitong masuyong ngumiti sa kanya.

Oh, shet! Haba ng hair ko, ‘day! Kinikilig talaga ako. Ano bang ginagawa ng lokong ‘to sa’kin? Nagiging luka-luka na ako! Pigil na pigil niya ang mapangiti dito para hindi nito masyadong mahalata na kilig na kilig siya. Dalagang Pilipina yata ako, DJ Kyle kaya ‘wag mong asahang magiging madali para sa’yo ang lahat kahit crush kita.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.