Cupid's Match Chapter 15

“MAGANDA ang ngiti mo ngayon, Kyle.” puna kay Kyle nang ama niyang si Alberto Alonzo. Nasa ospital pa rin ito hanggang ngayon dahil hindi pa ito pinapayagang lumabas ng mga doktor. Aabutin pa daw ng tatlong linggo ito sa ospital bago payagang makauwi dahil marami pang gagawing tests dito ang mga doctor.

“Nag-iiba ba ang ngiti ko, Dad?” paiwas na tanong niya rito.

“Oo. Hindi ba, Henry?” anito sa assistant nitong nasa likuran niya.

“Opo, Sir.” simpleng sagot nito. Well, that’s Henry. Kung tahimik siya’y mas tahimik naman ito.

“May nakilala ka bang bagong babaeng nakapagpapasaya sa’yo, anak?”

“Wala po, Dad. Kumusta na kayo?” pag-iiba niya ng usapan.

“Mabuti naman ako. Kailan mo siya ipapakilala sa’kin?” makulit na tanong nito. Kilalang-kilala talaga siya ng kanyang ama kaya hindi siya basta makakapagsinungaling sa harap nito.

“Dad, nai-date ko lang siya dahil nanalo siya sa contest na ginawa ng istasyon. Kalokohan na naman ni Red eh.” aniya.

“Pero dahil sa kalokohang ‘yon kaya nakakangiti ka ng ganyan.”

“Dad, nakakatuwa lang talaga siya.” aniya.

Totoo naman ang sinasabi niya dahil hindi niya makalimutan ang mga hirit at tanong sa kanya ni Yngrid. Dalawang araw na ang nakalipas matapos nilang mag-date at gusto niya muli itong makausap. Nakakatuwa kasi itong kausap dahil nakakalimutan niya ang kanyang mga problema tungkol sa kanilang pamilya.

Nang gabing maka-date niya ito’y nakalimutan niya ang tungkol sa paghihiganti kay Baldonado Gener. Hindi pa rin siya nakakaisip ng paraan para makaganti dito. Basta determinado siyang maiparamdam dito ang sakit na naiparamdam nito sa kanilang magkakapatid nang malaman nilang na-comatose ang kanilang ama.

“You looked younger now, Kyle. Ipakilala mo siya sa’kin. Baka sakaling bumata ako nang dahil sa kanya.” anang daddy niya.

“Dad, sinabi ko na nga, ‘di ba? Naka-date ko siya dahil lang sa pa-contest ni Red.”

“Kaibigan mo naman si Red. Baka pwede mong hingin sa kanya ang address nang babaeng nagpa-ngiti sa’yo nang ganyan.” mapilit na sabi nito.

Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi nito. Parang naniniwala siya sa sinabi noon ni Cage na ang misyon nito ngayon ay bigyan sila ng love life.

“Sir, may report po na naipadala ang detective. Ito na po yata ang hinihintay n’yo tungkol sa pamilya ni Baldonado Gener.” singit sa kanila ni Henry. Ibinigay nito ang isang envelope sa kanyang ama.

“Dad, ano’ng gagawin mo d’yan?” curious na tanong niya rito.

“Aalamin ko ang tungkol sa pamilya ng taong ‘yon. Gusto ko silang tulungan.”

What the heck?

“Dad, siya ang dahilan kung bakit nandito ka sa ospital ngayon. Kung bakit muntikan ka ng mawala sa’min. ‘Tapos, tutulungan mo sila?”

“Kyle, matagal ko ng sinabi sa’yo. Aksidente lang ang nangyari.”

“Dad, lasing siya nang mangyari ang aksidenteng ‘yon. Kasalanan niya ang nangyari.”

“Kyle, okay na ako ngayon. You don’t need to worry about me. Hanapin mo na lang ang babaeng ‘yon at ipakilala mo sa’min.” nakangiting sabi nito at saka sinimulan nang basahin ang mga papel na nasa envelope. “He has a family. Wala siyang anak pero mayro’n siyang step-children.” anang daddy niya. “Ang asawa niya’y may brittle asthma at ang bunsong anak nito’y mentally retarded. The Hidalgo’s padre de familia died thirteen years ago because of liver cancer. Nakilala ni Marites Hidalgo si Baldonado Gener at nagkagustuhan ang mga ito. A typical love story, then.”

“Yngrid Hidalgo, the eldest daughter of Marites, had just been fired out of her job in Bellisima café.” Nagpanting ang tainga niya sa nabanggit na pangalan ng daddy niya.

No, that can’t be…

“Naghahanap siya ng trabaho ngayon. Henry, itanong mo nga sa AlCom o kaya nama’y sa Alonzo Tower kung may bakanteng trabaho sila roon. Besides, graduate ng HRM ang batang ‘yon. Pwede siya sa kompanya natin.”

Walang anu-anong kinuha niya ang hawak nitong mga papel. Tiningnan niya kung naroon nga ang picture ni Yngrid at labis siyang nadismaya sa nakita. Si Yngrid nga ang Yngrid Hidalgo na sinasabi ng daddy niya sa report.

“Kilala mo ba siya, Kyle?” tanong ng daddy niya.

Umiling siya. Hindi pa rin makapaniwala sa nakita. Masaya siyang kasama si Yngrid nang gabi ng date nila. Natuwa siya rito. Pero tila biglang naglaho agad ang pagkaaliw niya rito dahil napalitan iyon ng galit. Kaya pala tinanong siya nito noon, pagkasabi niya ng kanyang pangalan, kung kaanu-ano niya si Alberto Alonzo.

“Hindi po, Dad.” aniya rito. I had a date with an enemy!

“Sir, magre-resign na daw ang secretary ni Miss Lucille dahil manganganak na. Nangangailangan siya ng bagong secretary ngayon.” ani Henry.

“O, sige. Puntahan mo mamaya si Yngrid. Sabihin mo sa kanya na kukunin siya ng kompanya.”

“Dad, ako na lang ang gagawa niyon.” agad na sabi niya rito. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang ideyang naiisip niya pero may isang ideyang pumasok sa isip niya kung paano makakaganti kay Baldonado Gener.

Muli niyang binasa ang report tungkol sa mag-anak at napangiti siya. Katulad nang nasulyapan niya kanina’y malapit nga sa isa’t isa ang mag-amain dahil hindi katulad ng ibang step-fathers ang turing ni Baldonado kay Yngrid. Mahal na mahal ni Baldonado Gener ang mga anak ni Marites Hidalgo at itinuring nito ang mga iyong parang tunay na mga anak.

Ayon sa report ay si Baldonado pala ang nagpa-aral kay Yngrid. Nang hindi pa ito nakukulong ay katulong ito ni Yngrid na gumastos sa bahay pati na rin sa pagpapaaral sa mentally retarded nitong step-son na nagngangalang Xavier. Isa pa’y tulungan din ito at si Yngrid sa pagbili ng gamot ni Marites Hidalgo pati ni Xavier. Ayon pa sa report, malaki ang impluwensiya ni Baldonado kay Yngrid ngayon dahil ito ang nagturo dito kung paano tumayo sa sarili nitong mga paa.

“You’re not planning anything against them, do you, Kyle?” kunot-noong tanong ng daddy niya.

Agad na umiling siya. “Of course, wala, Dad.”

“O, sige. Ikaw na nga lang ang kumausap sa kanila. Besides, maganda si Yngrid. Baka magustuhan mo siya.” nanunudyong sabi nito.

“Yes, Dad. She’s pretty, indeed.” sang-ayon niya rito.

And I would make her fall in love with me, real hard. Then, I’ll break her heart. Now, that’s a perfect plan for a revenge.

Hindi pa siya sigurado sa kanyang naiisip pero kukumpirmahin niya ang kanyang mga hinala kay Yngrid mismo. Kung talagang malapit ito kay Baldonado Gener ay sigurado siyang kapag nasaktan niya ito at makita iyon ni Baldonado ay tiyak na masasaktan din ang huli. Kung makikita nitong masasaktan si Yngrid ay tiyak na maghihirap ang kalooban nitong makitang nasasaktan ang anak nito.

“PESTE! Bakit ba ang daming exam at interview sa mga call center agency? Pahirap sila ah!” naghuhuramentadong sabi ni Yngrid habang naglalakad siya papunta sa bahay nila.

Kagagaling lang niya sa isang mall dahil doon naka-base ang isnag call center agency na pinag-apply-an niya. Nakapasa siya sa unang exam at ikalawang interview pero kailangan muli niyang mag-exam at magpa-interview.

Naglakad siya patungo sa kanto at lumiko roon dahil iyong daang iyon ay papunta sa kanilang bahay. Ilang hakbang na ang nagagawa niya nang may makita siyang nakaparadang kotse sa tapat ng bahay nila. Isa iyong Benz.

Baka naman kay Attorney Caddie. nagkibit-balikat na sabi niya. Kapitbahay nila si Attorney Cadencia Lacson. Isang mayaman, magaling na abogado, higit sa lahat maganda, makulit at luka-luka. Hindi pa rin nila makuha ang dahilan ni Caddie kung bakit nagtitiyaga itong manirahan sa lugar nilang pulos mahihirap ang nakatira samantalang nang imibitahan siya nito sa bahay ng mga ito’y daig pa niya ang nakapasok sa isang palasyo. Ayon dito’y mas komportable raw ito roon.

Kapag may nakita kang isang magarang sasakyan sa kalsada nila’y asahan mo nang bisita iyon ni Caddie. Marami itong mayayamang manliligaw pero ang kapitbahay nitong si Kiel ang napupusuan nito na isang simpleng technician lang.

Hay, pag-ibig nga naman.

“Yngrid!”

“Ay, tipaklong!” gulat na sigaw niya. Malapit na siya sa bahay nila nang tawagin siya ni DJ Kyle. Nananaginip ba ako? Tinapik-tapik niya ang kanyang pisngi. Gising naman ako. Ano’ng ginagawa niya dito?

“Hi! Kanina pa kita hinihintay. Sabi ng Mama mo, nagpunta ka raw sa computer shop. Kalaro ko lang kanina si Xavier eh. Pero napagod kaya pinapasok ko na muna.” anito nang makalapit siya.

Nakilala na agad niya ang pamilya ko?

Napamata lang siya rito dahil hindi siya makapaniwala na naroon ito sa harap niya. Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang maka-date niya ito.

“O, ‘wag mo ‘kong tingnan ng ganyan. Alam kong gwapo ako.” birong saad nito.

“Aba, ano’ng nakain mo at marunong ka ng mag-ganyan ngayon?”

“Nawili kasi ako sa’yo noon kaya nag-practice ako.”

“Gano’n?”

“Oo. Hey, can I ask you out?” tanong nito na ikinabigla niya.

“Ngayon?”

“Oo. Snack lang naman. Gusto ko lang makipag-kwentuhan sa’yo.”

“Bakit?”

“Gusto ko lang. Ayaw mo ba?”

“Hindi naman sa gano’n. Kaya lang kasi, may interview pa ako bukas sa call center.”

“That’s what I’m going to talk to you about.”

“Ha? Alam mong may interview ako bukas?”

“Hindi. Pero may io-offer akong trabaho sa’yo.”

“Ano naman?”

“Be my friend’s secretary. Nangangailangan kasi siya ngayon ng secretary dahil manganganak na ‘yong sekretarya niya. Tinanong ko si Red kanina kung saan ka nagta-trabaho kasi sabi mo no’ng date natin, kailangan mo ng pera. Sabi naman niya, wala kang trabaho kaya ikaw sana ang ire-recommend ko sa friend ko.” paliwanag nito.

Napangiti siya sa mga sinabi nito. Mukhang hinanap pa nito ang bahay nila para makita at makausap lang siya. Hoy, Yngrid! Nagpunta siya rito ngayon dahil aalukin ka niya ng trabaho at hindi ang makipaglandian sa’yo.

“Mas malaki naman ang ibibigay sa’yong sweldo ni Nick kaysa sa isang call center agent. Hindi mo pa kailangang magpuyat para lang kumita.”

“Sigurado ka? Baka mamaya, alilain nila ako ro’n ha.”

“Hindi. Bakit ka naman nila aalilain do’n? Kilala ko ang mga nagta-trabaho kay Nick. Mababait silang lahat. Medyo masungit lang talaga si Nick pero kaya mo ‘yon. Napagtiyagaan mo nga ang katahimikan ko, konting tiyaga lang kay Nick ang kailangan mo.” sabi pa nito.

“Magiging secretary lang niya ako? Mas malaki ang kita? Sige ba! Kailan ba ako pwedeng mag-apply sa kanya?”

“Dadalhin kita sa opisina niya bukas kaya maghanda ka ng maaga.”

“Okay. Salamat ha.” nakangiting pasasalamat niya rito.

“Wala ‘yon. So, will you go out with me?” muling tanong nito.

“Marami pa akong gagawin eh.” Arte mo, ‘te! Pakipot ka pa!

“Kahit makiusap ako, hindi ka pa rin sasama?” nakasimangot na sabi nito.

Natawa siya rito. “Bakit? Nagagandahan ka na naman sa’kin, ‘no?” biro niya rito.

“Oo naman. Anyone can see that you’re pretty.”

“Naks naman! Sige na nga. Pero d’yan lang sa tabi ha. Ayoko sa sosyal na lugar.”

“Okay. Anything you want.”

“Tamang-tama! Nand’yan si Manong Kwek-kwek. Masarap ang mga luto niya kaya halika na.” yaya niya rito. Hinatak niya ang braso nito at hinila papunta sa tribike na dala ng suki niyang nagtitinda ng kwek-kwek.

“Dito mo lang gustong kumain?” hindi makapaniwalang tanong nito sa kanya.

“Oo. Bakit, ayaw mo? ‘Ay nako, ‘pag hindi mo natikman ang kwek-kwek ni Manong, hindi ka pa pwedeng mamatay.” biro niya rito. Sa lahat ng kwek-kwek na natikman niya, pinaka-masarap ang kwek-kwek nang suki niya. Masarap kasi itong gumawa ng sauce. “Manong, isang trenta isang sampu.” aniya sa kanyang suki.

“Ano ba ang kwek-kwek?” tanong ni DJ Kyle.

“Ser, itlog ng pugo po ‘yon na binalutan ng harina at pinirito lang. Masarap po ito. Subukan n’yo.” anang suki niya.

Ibinigay nito sa kanya ang order niya. Tumuhog siya ng isang kwek-kwek sa isang stick at iniabot iyon kay DJ Kyle.

“Heto. Subukan mo lang. Kapag hindi mo nagustuhan, ipatapon mo ako sa Ilog Pasig.”

Kinuha nito ang stick na iniabot niya at inamoy iyon. “Safe ba ‘to?” tanong nito.

“Naka-dalawa na ako. Kung hindi safe ‘yan, ‘di dapat kanina pa ako namatay.” Isinubo nito ang isang kwek-kwek saka ito pumikit. Inaasahan na niyang hindi nito iyon iluluwa pero nagustuhan niya ang histura nito.

“Masarap pala.” nakangiting sabi nito na parang isang batang noon lang nakatikim ng isang masarap na pagkain. Tumuhog pa ito ng isang kwek-kwek at isinubo iyon. Tawa lang siya ng tawa rito hanggang sa maubos nito ang sampung pisong kwek-kwek. “Manong, babalik ako dito ulit at bibilhin ko ang lahat ng tinda n’yo. Basta sarapan n’yo palagi ha?”

“O, Manong, may big time customer na kayo ha. Kaya next time, bigyan n’yo ako ng malaking discount dito.” biro niya sa kanyang suki.

“’Wag na, Yngrid. Hati naman tayo sa lahat ng bibilhin ko sa kanya eh.” nakangiting sabi ni DJ Kyle sa kanya.

“Palibhasa big time ka ha.”

“Maraming salamat sa inyong dalawa.” anang suki niya.

“Welcome po.” magalang na sabi ni DJ Kyle dito. Nang makaalis sa harap nila ang kanyang suki ay naglakad na sila pabalik sa tapat ng bahay nila.

“O, umuwi ka na dahil may trabaho ka pa mamaya.” pagtataboy niya rito.

“Pinapaalis mo na agad ako?” tila nagtatampong saad nito.

“Ang pangit tingnan, DJ. Mamaya kasi niyan ako ang sisihin ng listeners mo kung bakit na-late ka sa programa mo.”

“Sige na nga. Susunduin kita bukas dito ng alas-siete ng umaga at ako mismo ang maghahatid sa’yo sa opisina ni Nick, okay?” sabi nito saka walang anu-anong hinalikan siya sa pisngi. “See you tomorrow, Yngrid!” sabi nito saka sumakay sa kotse nito.

Hanggang sa makaalis ang kotse nito’y tila namatanda siyang nakatayo sa harap ng bahay nila habang nakatingin sa kawalan at hawak ang kanyang pisngi. Ang isang kamay niya’y tila may sariling pag-iisip na dinama ang kanyang dibdib. Mabilis ang tibok ng kanyang puso. Pakiramdam pati niya’y anumang sandali’y matutunaw siya mula sa kinatatayuan niya.

“It’s just a simple peck on your cheek pero kung maka-react ka ay parang hinalikan ka na niya ng torrid.” anang isang boses sa kanyang tabi.

Nagulat siya nang may biglang magsalita roon. Pagtingin niya rito’y nakita niya ang magandang mukha ni Caddie at ang nakakalokong ngiti nito.

“Bakit ka ba bigla na lang sumusulpot sa kung saan?” sita niya rito.

“Kanina pa kaya ako dito. Hindi mo lang namalayan kasi, kinilig ka sa binigay na kiss sa’yo ng lalaking ‘yon.” Sumimangot siya dahil sa sinabi nito. “What? It’s not like ngayon lang ako nakakita ng isang lalaking humalik sa isang babaeng matagal na panahon nang tigang ang love life.”

“Ang sama ng ugali mo! Nasaan ba si Kiel para maipatali na kita sa kanya?”

“Ooooh. I like that.”

“Ewan ko sa’yo, Caddie!” inis na sigaw niya rito saka siya pumasok sa kanilang bahay. Nang maisarado niya ang pinto at alam niyang hindi na siya makikita pa ni Caddie ay hinawakan niya ang kanyang pisngi at kinikilig na ngumiti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.