Cupid's Match Chapter 18

NAASIWA si Yngrid paglabas niya nang cottage niya dahil nalabasan niya roon ang buong entourage ng escapade na iyon. Pawang naka-swim wear ang mga ito. Naka-bikini rin katulad niya ang dates nina Nick, Chord at Red samantalang naka-board shorts naman ang mga ito maging si DJ Kyle.

Inimbitahan siya ni DJ Kyle na sumama sa weekend get-away nito at ng mga kaibigan nito. Wala siyang ginastos alinman sa mga dala niya roon dahil si DJ Kyle mismo lahat ang bumili ng mga dala niyang damit papunta roon. Hindi nga sana siya sasama pero ipinagtabuyan siya ng kanyang ina maging ng mga kaibigan niya. Mabuti na lang at naroon si Rodge. Ito kasi ang date ni Nick.

“Sexy!” bati sa kanya ni Chord.

Hindi siya nabastusan dito, sa halip ay ngumiti pa siya rito. Nang makita niyang nanlilisik ang mga mata ni Kyle habang nakatingin kay Chord ay tumaas ang confidence na rumampa sa harap ng mga ito. Hindi mukhang mahalay ang suot niya kahit nakausot siya ng red cut-out bikini na binili ni Kyle at pinatungan niya iyon ng white sheer button-down top.

“Hi!” bati niya sa mga ito.

“Hindi ka ba natatakot na mangitim? Baka magka-sun burn ka. Sayang ang balat mo.” ani Red.

“Don’t worry, Red. I’ll take care of my date.” sabi ni DJ Kyle dito saka siya nito hinawakan sa kanang kamay. Katulad dati’y kinilig na naman siya. At para itago ang pamumula ng kanyang mukha ay tumingin siya kay Rodge.

Napaka-sexy nito sa suot na white two-piece bikini. Mukhang sanay na sanay itong magsuot nang ganoon dahil wala man lang itong ipinatong na kahit na anong damit. Maging sina Primrose Emerie at Heart---na dates nina Chord at Red, respectively---kasi’y may nakabalot na sarong sa baywang.

“O, ‘wag ka ng magtaka sa suot ko. Sanay na ako dahil hindi mo na maitatanong, champion swimmer ako.” anito.

“Talaga?” manghang tanong niya rito.

“Oo. No’ng high school pa siya.” sabat naman ni Nick.

“At least, naging champion ako!” ani Rodge dito.

“Whatever!” sabi na lang ni Nick saka nagtungo sa may dagat at iniwan silang lahat doon.

“O, ‘wag na rin kayong magtaka sa inaasal ng damulag na ‘yon dahil champion din siya. Champion sa pagka-masungit.” ani Rodge na ikinatawa nilang lahat.

“So, let’s go? The beach is waiting for our sexy bods, guys. Come on!” yaya ni Chord sa kanilang lahat saka ito humarap kay Primrose Emerie. “Shall we?” magalang na tanong nito.

“Sure.” pagpayag naman ni Primrose Emerie. Tumingin pa ito sa kanila bago sumama kay Chord papunta sa beach. “You all look so damn sexy in your outfits, guys.”

“Thanks.” sabay-sabay nilang sabi rito.

Kung ira-rangko silang mga babaeng naroon ay baka siya ang nasa pinakamababang pwesto kasama si Rodge sa pagkakaroon ng right manners and right conduct kumpara kay Primrose Emerie. Si Heart naman kasi’y tahimik lang, mukhang palaging palaban pero makikita mong galing sa isang prominenteng pamilya dahil sa pananamit at kilos. Hindi niya sinasabing galing sila ni Rodge sa hindi magandang pamilya, pero loka kasi si Rodge at siya nama’y mahirap lang talaga.

“Heart, let’s-------------“

“Hindi mo kailangang umaktong parang si Chord dahil kaya ko ang sarili ko, Red.” putol ni Heart sa iba pang sasabihin ni Red saka nagpatinuna sa paglalakad patungo sa dagat. Agad namang tumiklop si Red at sumunod na lang dito.

“Go, Heart! Idol!” sigaw ni Rodge. “Ang galing naman. Partner-partner kayo rito ah. Parang nahanap n’yo na ang mga babaeng makakapagpatiklop sa inyo.” ani Rodge kay DJ Kyle.

“Oo nga eh. Parang ikaw kay Nick.” nakangising sabi rito ni DJ Kyle dahil mukhang hindi masyadong nasala ni Rodge ang mga dapat sabihin.

“Ha? Jusko, Kyle! ‘Pag puti ng uwak mangyayari ‘yon kaya ‘wag ka ng umasa.” ani Rodge.

“Pwede mo namang gawing puti ang uwak, Rodgine. Mag-isip ka lang ng mabuti. Matalino ka naman pagdating sa kalokohan eh.” makahulugang sabi rito ni DJ Kyle. Katulad nang kung paano nito kausapin noong nakaraan si Nick. Maging siya’y hindi makuha ang sinasabi nito. “Halina nga kayo do’n.” yakag sa kanila ni DJ Kyle.

Ngayon lang niya napansin na hawak pa rin nito ang kanyang kamay. Kaya pala kanina pa siya naiinitan. Nang tumingin siya rito’y sumikdo na naman ang puso niya.

Nakasuot ito ng board short at nahantad ang matitipuno nitong dibdib. Parang heaven ah…at hell pala. Heaven dahil isang magandang tanawin si DJ Kyle. Noon pa man ay alam na niyang maganda ang katawan nito pero mas maganda iyon ngayong nahantad iyon sa kanya. Mukhang kay sarap sandalan ng dibdib nito. Tila iniukit din ng isang magaling na iskultor ang katawan nito dahil tingin niya’y perpekto iyon. Namangha din siya dahil may six pack-abs ito.

At, hell, dahil mas matindi pa ang intense appeal nito kaysa sa init ng araw.

“Let’s go?” tanong nito sa kanya.

“Kailangan mag-swimming din ako?” tanong niya rito. Kunot-noo lang ang isinagot nito sa kanya. “Eh kasi, hindi ako marunong lumangoy. Baka malunod ako. Baka malalim ang dagat dito.”

“I see. Tuturuan na lang kita. It’s not forever that you don’t know how to swim.”

Me, love it! Ibig sabihin, magkaka-moment na naman silang dalawa. Napangisi siya sa isipin.

“Let’s go. Sa pool muna tayo. Mamaya na tayo mag-swimming sa dagat.” sabi ni DJ Kyle saka siya iginiya papunta sa pool area ng resort.

“Sige. Pupuntahan ko muna si Bossing Nick. Baka nagpakalunod na ‘yon dahil hindi nakasama si Muriel dito.” ani Rodge.

“Sige. ‘Tapos, kapag nalunod, i-mouth-to-mouth resucitation mo ha?” biro niya rito.

“Nyek? Hahayaan ko na lang siyang mamatay!” anito saka tumakbo papunta sa may dagat.

Nagtuloy naman sila ni DJ Kyle sa poolside. Ipinatong nito ang dala nilang tuwalya sa mga table na naroon saka siya nito inakay patungo sa hanggang beywang niya na tubig. Nang simulan siya nitong turuan ay naiinis siya sa sarili dahil natatakot talaga siyang lumangoy. Kahit mababaw lang iyon. Nalunod na kasi siya dati at ayaw na niyang maulit pa iyon.

“Ang hirap mo namang turuan.” reklamo ni Kyle.

“Eh ‘di ‘wag mo na akong turuan.” naiinis na sabi niya rito dahil naiinis na rin naman siya sa sarili niya. Ano bang magagawa ko kung takot talaga akong lumangoy?

“Ayaw mo talagang mag-swimming, ‘no?”

“Ayaw ko nga kasi hindi ako marunong lumangoy.”

“Okay lang. Dito na lang tayong dalawa.” sabi nito saka lumapit pa ng mas malapit sa kanya.

“Ano’ng gagawin natin dito?” kinakabahang tanong niya.

“Ano bang gusto mong gawin natin dito?” masuyong tanong nito sa kanya.

Titig na titig ito sa kanyang mga mata na pakiramdam niya’y siyang dahilan kung bakit nanunuyo ang kanyang lalamunan ngayon at kung bakit tila ilang sandali na lang ay bibigay na ang kanyang mga tuhod.

Ang gwapo talaga niya. Ang gwapo ng ilong niya. Ang ganda ng mga mata niya. Makinis ang mukha niya. At mapupula ang mga labi niya. Nakakapang-akit ang mga labi nito na tila ba inaanyayahan siyang halikan ang mga iyon. Tumigil ka, Yngrid. Hindi gawain iyon ng isang matinong babae. paalala niya sa sarili.

Pero hindi na niya nagawa pang tumutol nang tinawid ni DJ Kyle ang distansiya ng kanilang mga mukha at hinalikan ang kanyang labi. Kahit na wala siyang karanasang humalik ng isang lalaki ay may ideya naman siya kung paano gawin iyon lalo na’t parang tinuturuan na rin siya ni DJ Kyle ngayon kaya tinugon niya ang halik nito sa parehong intensidad na ibinibigay ni DJ Kyle sa kanya.

Wala na siyang pakialam sa oras o sa paligid o sa katinuan niya.

Besides, hindi naman talaga ako matino.

KINAGABIHAN ay hawak-kamay silang naglakad ni DJ Kyle sa tabing dagat pagkatapos ng salu-salo nila sa hapunan kasama ang mga kaibigan nito. Pagkatapos niyon ay nagkanya-kanya na sila ng gawain.

“I’ve always loved the sea and the sky. Tahimik sila pareho at magandang tingnan, pwera na lang kung may bagyo.” ani DJ Kyle.

“Ako, hindi ko na nagawang tingnan kung ano ang tahimik sa hindi dahil ano’t ano pa man, kailangan pa rin naming magtrabaho para may makain kami sa araw-araw at may pambili ng gamot nina Mama.”

“Gusto ko palaging manatili malapit sa dagat at tumingin sa langit dahil kahit papaano’y nakakalimutan ko ang problema ko sa katahimikan nila.”

“Kaya tahimik ka rin gano’n?”

“Hindi naman. Mas pinipili ko lang na ‘wag magsalita dahil ano pang silbi kung magsasalita ako eh hindi rin naman nila maririnig?”

“Weh? Halos lahat ng tao sa buong Pilipinas ay nakikinig sa’yo DJ Kyle.”

“No. I mean, as a person, as me.”

“May problema ba kayo sa pamilya mo? Sabihin mo sa’kin, makikinig ako.”

“Sigurado ka?”

“Oo naman. Nakinig ka rin naman sa istorya ng pamilya ko noon eh.” nakangiting sabi niya rito.

Umupo sila sa isang malaking bato sa may dalampasigan habang nakatingin sa mga bituin sa langit saka ito nagsimulang magkwento.

“Naaksidente ang father ko about a month ago. Car accident. Lasing daw ‘yong driver na nakabangga sa kanila. I was so furious that time, hindi ko na hinintay pang makapagpaliwanag ang may kasalanan dahil nag-a-agaw-buhay ang father ko kaya sinabi ko sa abogado namin na ipakulong agad ang may sala. Namatay ang driver namin na malapit sa’kin dahil isa siya sa mga nagpalaki sa’kin.”

“You know what, Yngrid? I grew up without a mother’s care. Father ko lang ang nagpalaki sa’min kasama pa ang kanang-kamay niyang lalaki rin at ang driver namin na namatay sa aksidente. We had maids, pero mas close ako sa driver na ‘yon at sa kanang-kamay ng father ko. Nang malaman kong namatay ang driver namin at na-comatose ang father ko for how many weeks, galit ang naramdaman ko sa taong nakabangga sa kanila. My father is all I have for a parent. Mahal na mahal ko siya at hindi ko pa siya kayang mawala sa’kin. Kaya gusto kong paghigantihan ang taong may kasalanan ng lahat. Gusto kong maranasan din niya ang sakit na naramdaman ko, namin noon. Mayro’ng nagsasabi sa’kin na tama ang ginagawa ko. Pero…”

“Hindi lahat nangyayari sa buhay natin ay sinasadya. Ang nangyari sa father mo ay isang aksidente lang. ‘Wag mong isisi sa taong may kasalanan ang lahat dahil malay mo, iyon talaga ang tadhana ng lahat ng sangkot.”

Hindi niya alam kung bakit pero bigla siyang kinabahan sa itinatakbo ng pag-uusap nila ni DJ Kyle. Medyo nakaka-relate kasi siya sa kwento nito dahil parang ganoon din ang nangyari sa Tatay Baldo niya. Oo at ang Tatay Baldo niya ang may kasalanan sa aksidente dahil lasing ito pero paano kung iyon talaga ang nakatakdang mangyari?

“Yngrid, he shouldn’t have driven if he knows he’s already drunk.” halos mangiyak na sabi ni DJ Kyle. Nakatingala lang ito sa langit pero alam niyang pinipigilan nito ang maiyak sa harapan niya.

“Kumusta na ba ang father mo? Nagising na ba siya? Maayos na ba ang lagay niya?”

“Maayos naman na siya.” mahinang sagot nito.

“O, ‘yon naman pala eh. Siguro nama’y nagsisisi na ang taong may kasalanan. Hindi naman masamang magpatawad. Aksidente lang ang nangyari at hindi sinasadya. Kung nakakulong ngayon ang may sala, alam kong nagsisisi na siya sa nagawa niya dahil hindi rin naman niya inaasahang mangyayari ‘yon eh.” paliwanag niya.

Tumingin ito sa kanya ng mataman. Ilang minuto siguro itong nakatingin sa kanya. Blangko ang ekspresyon ng mukha nito at hindi niya alam kung ano ang iniisip nito kaya tumingin na lang siya sa langit. Sakto naman na may dumaang shooting star kaya hinawakan niya ang kamay ni DJ Kyle at nag-wish.

Kung anuman ang sakit at galit sa dibdib ni DJ Kyle, sana maibsan na iyon ng nararamdaman namin para sa isa’t isa.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong nito sa kanya.

“Nakakita ako ng shooting star kaya nag-wish ako.”

“Bakit kailangang hawakan mo pa ang kamay ko?” nanunuksong tanong nito. Naipagpasalamat niyang bumalik na ang dati nitong sigla. Hindi kasi siya sanay makitang nalulungkot ito.

“Eh, kasi para sa’yo naman ‘yong wish ko.” aniya.

“Ano naman ‘yong w-in-ish mo para sa’kin?”

“Secret. Kapag sinabi ko ‘yon sa’yo, baka hindi matupad.”

“Ang daya naman. Sige nga, ako rin magwi-wish.” anito sabay hawak sa kanyang mga kamay malapit sa puso nito.

“Bakit ka magwi-wish eh hindi mo naman nakita ‘yong shooting star?”

“Magwi-wish nga ako na may shooting star ulit.” biro nito na ikinatawa niya. Corny man pero natawa pa rin siya. “Alam mo ba kung ano ang iwi-wish ko sakaling may dumaang shooting star?”

“Ano naman?”

“Iwi-wish ko na sana hindi dumating ‘yong panahon na magagalit ka sa’kin. I want us to stay like this…always.”

Oh my god! I’m in love!

MINURA ni Kyle ang sarili pagkatapos niyang maihatid si Yngrid sa cottage nito nang gabing iyon. What had I done? Sigurado siyang magagalit sa kanya si Yngrid oras na malaman nito ang tungkol sa plinano niya para makapaghiganti sa Tatay Baldo nito sa pamamagitan nito.

Nang araw na tanungin niya ito tungkol sa pamilya nito noon sa Uncle Cheffy’s---kung saan nagpakita siya ng reaksyon na talagang wala siyang alam tungkol sa mga ito upang patunayan ang mga nakasaad sa report ng imbestigasyon tungkol sa pamilya ng mga ito dahil kasama iyon sa plano niya---at sabihin nito kung gaano kahirap ang pamilya nito’y nag-alangan na siyang ituloy ang kanyang plano. Napatunayan nga niya noon na mahal na mahal ni Baldonado Gener si Yngrid na para bang tunay na anak nito ang huli. Pero iba rin ang naramdaman niya kay Yngrid noon.

He would admit that the moment he saw Yngrid in that car---on their first date---he instantly had this big crush on her. Lumalim pa iyon nang makasama niya ito at makilala hanggang sa hindi na niya iniisip ang tungkol sa kanyang plano.

Ngayong gabi lang nga niya muling naalala ang kanyang plano kung hindi pa niya naisip ang kalagayan ng kanyang ama at ang nangyari dito.

Yngrid made him realize that the accident was just an accident and no one wanted it to happen. It was just an accident…like how I fell in love with Yngrid. He really meant what he said about making Yngrid happy, because he now loves her.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.