MASAYANG humarap si Yngrid sa Tatay Baldo niya nang bisitahin nila ito sa kulungan. Kasama niya ang Mama niya at si Xavier pero nagloko si Xavier dahil gusto nitong magpabili ng ice cream sa labas kaya sinamahan ito ng Mama niya. Pinakain naman niya ang Tatay Baldo niya ng mga dala nilang pagkain para rito. Birthday bukas ni Xavier kaya ngayon na sila dumalaw sa Tatay Baldo niya. Maghahanda kasi bukas si Xavier at sila ang mag-aasikaso.
“Kumusta ka na, anak?”
“Okay naman po, ‘tay. ‘Eto, masaya ng konti. Pero malungkot pa rin ako dahil hindi pa kayo nakakauwi sa’tin.”
“Aba, dati-rati’y lukot ang mukha mo kapag hinaharap mo ako pero masayang-masaya ang dating mo ngayon ah. Masaya ako para sa’yo, anak. Kahit na nasa ganitong kalagayan ako, ‘wag mong pipigilan ang sarili mo na maging masaya, ha?”
“Opo, ‘tay.”
“O, eh may boyfriend ka na ba kaya ganyan ka kasaya?”
“Wala pa po, ‘tay. Pero may manliligaw ako. Kilala mo siya, ‘tay. ‘Yong DJ na palagi kong naririnig sa radyo.”
“Ah. Si DJ Kyle? Nabanggit nga sa’kin ng Mama mo na nakipag-date ka ro’n. Kumusta naman siya?”
“Ayos naman po, ‘tay. Mabait po siya at ramdam ko na mahal niya ako.”
“Eh, ikaw? Mahal mo na ba siya?”
“Eh, ano po ba sa tingin n’yo?” naiilang na tanong niya rito.
“Sa saya mong ‘yan, aba’y oo. Pero, mag-ingat ka, anak, ha. Sakaling saktan ka ng lalaking ‘yon ay sabihin mo agad sa’kin.” anito.
“’Tay, hindi naman siguro ako sasaktan ni DJ Kyle. Mabait po siyang tao. Hayaan mo, ‘tay. Isasama ko siya dito sa susunod. May importante daw kasi siyang gagawin ngayon eh kaya hindi siya nakasama.”
“Ah, gano’n ba? O, sige.” Pagkasabi nito niyon ay bigla itong nalungkot. Iyong tipong may pagkabalisa.
“’Tay, may problema ka ba?”
“Wala bang nagbabanta sa inyo, Yngrid? May nangyari bang masama sa inyong tatlo? Kapag may nangyaring masama sa inyo ng Mama mo at ni Xavier, hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko.”
“Huwag po kayong mag-alala, ‘tay. Magiging maayos lang ang lahat. Walang mangyayaring masama sa’min nina Mama at Xavier. Habang wala po kayo sa bahay ay ako muna ang bahala sa kanya. Basta mag-ingat din po kayo rito ha?”
“Sige, anak.”
“I LAB you, Ate Yeng!” masayang sabi kay Yngrid nang kapatid niyang si Xavier. Birthday nito at binigyan niya ito ng birthday party sa malawak na daan sa tapat ng bahay nila. Tuwang-tuwa itong makalaro ang mga batang kaklase nito at masaya siya para rito. Masaya na siya tuwing nakikita niyang masaya ito.
Maging siya’y masaya rin dahil naroon si DJ Kyle. And speaking of DJ Kyle, nang lingunin niya ito’y hawak nito ang pabitin na inihanda nila ni Yngrid para sa palaro. Ito ang nagtataas-taas niyon para abot-abutin ng mga bata dahil wala yatang tali para hawakan iyon. Matangkad naman ito kaya pwede.
“Ate, sali ako d’on.” excited na sabi ni Xavier.
“O, sige. ‘Wag lang masyadong tatalon ha.” bilin niya rito. Mas malaki kasi ito sa mga batang naroon at baka kapag tumalon ito’y maipit ang mga batang maliliit.
“Hoy, ‘te!” untag sa kanya ni Destiny na major host ng party. “In love na in love ka ah.”
“Hindi naman masyado.” nakangising saad niya.
“Asus! ‘Oy, in love ba naman sa’yo ‘yang si DJ Kyle?”
“Siguro.”
“Hindi mo alam? Bakit? Hindi pa ba niya sinasabi sa’yo na mahal ka niya? Para saan pa ang mga effort niya?” sunod-sunod na tanong ni Destiny.
“Des, masyado pang maaga para roon. Ilang linggo pa lang siyang nanliligaw eh.”
“At ilang linggo rin siyang nanuyo sa’yo bago mo siya payagang manligaw. Yngrid, nasa twenty-first century na tayo. Hindi na uso ngayon ang ligawan.”
“Puwes, ibahin mo ‘ko, Destiny. Gusto kong ligawan ako. ‘Wag ka ngang kontrabida. Ngayon lang ako naligawan kaya pagbigyan mo na ako.”
Umingos ito sa kanya. “’Sus! Kitang-kita naman sa’yo na mahal mo na siya pero nagpapakipot ka pa. Naku! Kapag may nahanap ‘yan na iba at bumigay ‘yon agad, wala ka na, ‘te. Good-bye-Yngrid na ang magiging drama n’yan.” pananakot pa nito sa kanya.
“Hindi ‘yon gagawin ni DJ Kyle sa’kin.” aniya.
“Ikaw ang nagsabi.” nagkibit-balikat na sabi nito.
Naniniwala siyang hindi siya iiwan na lang basta ni DJ Kyle. Nararamdaman niyang mahal siya nito at gayundin naman siya rito. Aminado naman siyang gusto niya ito noong una pa lang. Pero lumalim pa iyon dahil sa panliligaw nito sa kanya. Sinabi na rin niya noon pa man na handa siyang magmahal dahil matagal na niya iyong hinihintay na dumating sa kanya. Hindi niya pakakawalan na lang basta ang oportunidad na magkaroon ng buhay pag-ibig.
Hindi naman sila nagmamadali ni DJ Kyle. Kahit na hindi niya alam ang totoo nitong pangalan ay alam naman niyang mabuti itong tao. Parang nakadagdag sa excitement ng kanilang relasyon ang pagiging misteryoso nito. Isa pa, sinabi naman sa kanya ng mga kaibigan nitong walang ibang babae sa buhay ni DJ Kyle kundi siya lang.
“O, nandiyan na ang Prince Charming mo.” sabi nito sabay nguso sa likuran niya. Nang lumingon siya’y nakita niyang palapit sa kanila si Kyle. Medyo pawisan ito.
“Des, bigyan mo ako ng towel, dali.” pakiusap niya kay Destiny. Mabilis naman itong kumuha ng towel at ibinigay sa kanya.
“Salamat.” aniya rito.
“Ha? Wala ‘yon. Nakakatuwa ang mga bata.” nakangiting sabi ni DJ Kyle.
Kinikilig ako!
“Oo nga eh. Halika nga rito. Pinapawisan ka na eh.” aniya. Lumapit siya rito at pinunasan ang noo nitong pinagpapawisan.
Ang yummy niya!
“Ang sweet mo naman.” nakangiting sabi nito sa kanya. Pumulupot ang kamay nito sa kanyang baywang dahilan para mas maging malapit silang dalawa. “Ang sweet mo ngayon. Ano’ng nakain mo?”
“Spaghetti.”
“Dapat pala, palagi kitang pakainin ng spaghetti eh.” biro nito.
“Yngrid, ang sweet niyo naman!” sigaw ng isang kapit-bahay nilang kumakain sa isang table doon.
“Mild sweetness pa lang po ‘yan, Ate.” biro ni DJ Kyle dito.
“Ang gwapo naman niya. Magaling kang pumili.” sabi naman ng isa.
Napayuko si DJ Kyle at bahagyang namula. “Ang galing nila, ‘no? Gwapo nga naman ako.”
“Aba! Ang kapal ng mukha mo ah.” aniya rito at saka itinakip sa mukha nito ang tuwalyang hawak niya. Tumawa lang ito saka tinanggal ang tuwalya sa mukha at bigla na lang siyang hinalikan sa mga labi.
Mabilis lang iyon pero parang nararamdaman pa rin niya ang mga labi nito sa kanya. Naroon na naman ang kakaibang tibok ng kanyang puso na nakapagpapakilig sa kanya. Pakiramdam din niya’y mas lalong uminit ang paligid dahil nakayakap pa rin sa baywang niya ang kamay ni DJ Kyle. Pakiramdam niya’y isa siyang bulkan na mamaya lang ay sasabog na sa sobrang kilig at init ng mukha niya.
Nakaramdam siya ng hiya ng maghiyawan ang mga tao sa kanilang paligid at humingi pa ng isang ‘kiss’ mula sa kanila.
“Bakit mo ginawa ‘yon?” nanlalaki ang mata na tanong niya rito.
“I can’t help it. You’re just so delectable.” nakangising turan nito.
Pabirong hinampas niya ito sa braso at saka siya yumuko. Mas lalong nag-init ang magkabila niyang pisngi at hindi siya makatingin ng diretso rito. Iniangat naman nito ang mukha niya at hinawakan siya sa baba.
“You know what I want to be in in life?”
“Ano?”
“To be with you all the time.” masuyong sabi nito saka siya niyakap ng mahigpit. Muling naghiyawan ang mga tao dahil roon. Para silang nagshu-shooting ng isang pelikula kung saan silang dalawa ni DJ Kyle ang bida.
Hindi siya makaapuhap ng sasabihin dito dahil labis na pagkagalak ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Parang isang fairy tale ang nangyayari sa kanila na hiniling niya sa isang fairy godmother o kaya nama’y sa isang shooting star na mangyari at ngayon nga’y nagkakatotoo na.
Dati-rati’y nangangarap siyang magkaroon ng isang buhay pag-ibig. Ang tanging pangarap niya’y makahanap ng isang lalaking magmamahal sa kanya at mahal din niya pero sobra pa ang ibinigay sa kanya ng Diyos. Hindi niya kailanman inasahan na mangyayari ang ganito sa kanya. Hindi niya inasahan na magiging ganito siya kasaya. Kaya labis siyang nagpapasalamat sa Maykapal.
Gusto ko ring makasama si DJ Kyle sa lahat ng oras dahil…mahal ko siya.
“I love you, Yngrid.” ani DJ Kyle nang humiwalay ito sa kanya. Titig na titig ito sa kanyang mga mata at ramdam niya ang sinseridad sa tinig nito.
“Mahal din kita, DJ Kyle.” aniya rito.
“Really? I mean…You mean…”
“Oo.”
“Oo as in, ‘tayo’ na?” paniniguro nito.
“Oo nga!” masayang hayag niya. Wala itong ibang sinabi sa kanya. Hinalikan lang nito ang mga kamay niya at pisngi saka siya niyakap ng mahigpit.
“Yngrid, from now on, you can call me ‘Kyle’. Sasabihin ko na sa’yo ang totoong pagkatao ko bukas.”