NAGSISIMULA nang uminit ang ulo ni Caraleigh dahil sa mga pambubuska ng mga kasama niya sa opisina. Mala-flower shop kasi ang buong opisina nila dahil sa mga padalang bulaklak sa kanya ni Cage. Akala niya’y nagbibiruan lang ito at si Lemon nang nagdaang araw pero tinutoo nito ang lahat.
“Dalaga na si Martinez!” tudyo sa kanya ng numero unong alaskador sa Maximus na si Dave.
“Tumahimik kayong lahat kundi sasapakin ko na talaga kayo! Magtrabaho na nga kayo hindi ‘yong kung anu-ano ang inaatupag n’yo!” sigaw niya sa mga ito.
“Isang malaking selebrasyon kasi dito sa Maximus ang nangyayaring ito, Martinez. Ang tanging babae sa ahensyang ito ay dalaga na!” segunda pang pambubuska ni Bert.
“Sa wakas, may nakatisod din!” sabi naman ni Hue na isa sa mga kapatid niya.
Naku! Sana lang ay wala dito si Calyx. piping dalangin niya. Si Calyx kasi ang pinaka-alaskador sa kanilang magkakapatid at sa buong ahensiya.
Apat silang magkakapatid na nagta-trabaho sa Maximus. Si Calyx---na sumunod sa kanya---ang humahawak ng lahat ng kaso sa buong Luzon samantalang si Hue naman sa Visayas at si Kieno sa Mindanao. Naroon lang sa Maynila ngayon si Hue para magpasa ng report tungkol sa isang buwang takbo ng negosyo sa Visayas.
Siya ang ‘Ate’ ng mga ito pero siya pa ang bine-‘baby’ katulad ni Lemon dahil babae daw siya. Si Lemon ay nasa huling taon nito sa kolehiyo. Magtatapos ito ng kursong Hotel and Restaurant Management. May restaurant ang pamilya Martinez na pinamamahalaan ng kanyang Tita Frecy na ina ng apat. Binigyan naman siya ng isang negosyo ng Papa niya pero ang assistant niyang si Gaile ang namamahala niyon. Ang Cara’s Finest na tindahan ng kung anu-anong arts crafts. Nasa pagiging detective kasi ang hilig niya.
“Utang-na-loob! Tantanan n’yo na ako! Kung naiinggit kayo at gusto n’yo rin ng mga bulaklak, sige. Kunin n’yo na ang lahat ng ‘yan at ibigay n’yo sa mga babae n’yo!” aniya sa mga ito.
“O, may patay bad ito?” bungad ng kadarating lang na si Calyx. Kasunod nito ang kanilang amang si Maximo. Napangiwi siya.
“Wala, Sir.” nakangising sagot ng lahat.
“May sakit?” tanong ni Calyx.
“Wala po, Sir.” sagot naman ng lahat. Tila naglalaro lang ng Pinoy Henyo ang mga ito sa pahulaang iyon.
“Eh, ano? ‘Wag n’yong sabihing…” ibinitin pa nito ang sasabihin dahil lumapit ito sa isang bungkos ng rosas malapit sa kanya at binasa ang card na nakalagay roon. “Cage Alonzo? ‘Yong naging assignment mo? Bawal ‘yon ah!”
Number one rule sa kanilang ahensiya na huwag ma-involve o magkaroon ng intimate contact sa kanilang mga subject. Hindi naman maikokonsiderang intimate contact iyong kanila ni Cage dahil wala naman silang relasyon at tapos na ang trabaho niya sa pamilya ng mga ito. Hindi na niya sasamahan pa ang mga itong dumalaw sa puntod ng kanyang Mama France dahil alam naman na ni Cage kung nasaan iyon.
“Pwede ba, Calyx? Wala naman kaming relasyon ng lalaking ‘yon!”
“Eh, ano’ng ibig sabihin nito?” tanong nito. Kung makapagsalita ito sa kanya’y parang hindi siya mas matanda dito samantalang beinte-kuwatro pa lang ito at beinte-otso na siya.
“Tanungin mo ang magaling n’yong bunso!” aniya.
“Ano’ng kinalaman dito ni Lemon?” tanong ni Hue.
“Tanungin n’yo nga siya!”
“Sir, ano’ng masasabi mo dito?” kuha ni Calyx sa opinyon ng kanyang ama na katulad ng iba’y nakangisi rin lang sa isang tabi.
“Kapag may mga gustong manligaw kay Caraleigh, walang pipigil!” hayag nito at naghiyawan ang lahat.
“Magsama kayong lahat!” inis na sabi niya sa mga ito saka lumabas ng kanilang opisina. Lintik na Cage ‘yon. Siya ang may kasalanan ng lahat ng ito! Kung akala nito’y papayag siyang magpaligaw dito’y nagkakamali ito. Wala sa plano niyang magka-boyfriend muli at lalong wala sa plano niyang maka-date ang isang katulad ni Cage Alonzo.
Hindi si Cage ang tipo niyang lalaki. Masyado itong palikero, mukhang arogante, masyadong maloko at alam niyang ibibilang lang siya nito sa mga babaeng naka-date nito at hindi pinansin pagkatapos ng isang gabing puno ng kasiyahan. That is Cage Alonzo for you. At wala siyang balak na ma-involve dito.
And besides, she’s not yet ready to let go of Brian. Brian means so much to her. Ito ang lalaking tanging minahal niya. Ito ang una at huli niyang naging kasintahan at wala nang makapapalit dito sa kanyang puso. Kahit na sino pa iyon.
Namatay si Brian dahil sa isang aksidente noong nangarera ito sa Batangas tatlong taon na ang nakararaan. Mga banyaga ang kalaban nito at kinatawan ito ng Pilipinas sa karerang iyon. He was a famous and successful racer. They both planned to get married and live together then. Pero nangyari ang aksidenteng naging dahilan para mawala ito sa kanya.
Wala siyang sinisisi sa nangyari dahil aksidente lang ang lahat. Nasa isang karera si Brian at simula pa lang noong una silang magkasintahan ay alam niyang delikado ang propesyon nito. Pero mahal niya si Brian at minahal na rin niya ang panganib ng laro nito. Hindi nga lang talaga niya maiwasang malungkot at masaktan dahil napakaganda na ng pagsasama nila ni Brian. Handa na silang bumuo ng isang pamilya. Handa na silang gugulin ang panahon para sa isa’t isa. Pero bigla na lang itong nawala sa kanya.
Nasaksihan niya ang aksidenteng iyon at mas lalo siyang nasaktan dahil wala man lang siyang nagawa para mailigtas ang pinakamamahal. Katulad din ng wala siyang nagawa para panatilihin sa buhay niya ang kanyang Papa Art at Mama France. Pero wala tayong dapat ireklamo sa Panginoon dahil hiram lang natin ang lahat sa kanya.
It’s just that I miss him so much…
Ang pagpunta niya sa Batangas para mangarera isang beses isang linggo ay naging panata niya simula nang mawala si Brian. Doon kasi niya mas nararamdaman ang presensiya nito at doon din niya ito mas naaalala. Noong nabubuhay pa kasi ito’y naroon sila palagi sa Batangas dahil doon ito nagpa-praktis.
Hindi siya ganito ka-aloof sa mga lalaki dati o maging sa mga tao. Pero natatakot kasi siyang ang sunod na taong maging malapit sa kanya maliban sa mga kapamilya niya’y mawala rin sa kanya katulad nang nangyari sa kina Brian, sa kanyang Papa Art at Mama France.
“Caraleigh, matagal nang wala si Brian.” untag ng Papa niya sa pagmumuni-muni niya sa labas ng opisina.
Alam ng ama niya ang tungkol kay Brian pero hindi iyon alam ng kanyang mga kapatid. Ayaw na kasi niyang malaman pa ng mga ito dahil baka maawa lang ang mga ito sa kanya. Hindi naman siya dapat kaawaan.
“Three years pa lang po.” malungkot na sabi niya.
“O, hihintayin mo pang mag-thirty years bago siya pakawalan? I’m sure, kung nasaan man si Brian ngayon ay naghihirap din siya katulad mo dahil hindi siya makalaya. Let go of the past, anak. Alam kong mahal na mahal mo siya pero hindi na siya babalik pa. Naiintindihan mo naman ‘yon, ‘di ba?”
“Papa, hindi gano’n kadali ‘yon.”
“Caraleigh, kailangan mong maging masaya muli. Hindi magiging masaya si Brian kung nakikita ka niyang ganyan. Alam kong hindi madali pero magagawa mo kung gusto mo lang. Anak, maawa ka sa sarili mo. Hindi kailangang mamuhay ka sa isang alaala na lang buong buhay mo. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa kanya. Buhay ka pa, Caraleigh. You could still love again.”
“Papa…”
“Hihintayin ko ‘yon, anak. At hindi ako susukong tulungan ka. By the way, I like that Cage guy’s guts. Akalain mo ‘yon? Napadalhan ka niya ng bulaklak?”
“Papa! Ayoko sa kanya!”
“Well, wala tayong magagawa kung mapilit siya. Kung ipipilit pa niya, baka sakaling makalusot nga.” nakangisi pang sabi nito.
“Papa!” naiiling lang na sabi niya rito.
If ever the time would come that she would be ready to let go of Brian, she wouldn’t dare fall in love with Cage Alonzo.
“SIS, AYOS na ayos!” bungad kay Caraleigh ng kanyang kapatid na si Kieno. Sunday get-together nila iyon at naroon ito ngayon dahil birthday ni Tita Frecy. Kailangang kompleto silang lahat sa araw na iyon.
“Two thumbs up para sa’kin!” sabi naman ni Hue.
“Hanga na ako sa kanya.” sabi naman ni Calyx.
“Siyempre, bet na bet ko siya.” sabi ni Lemon.
Naguguluhan na siya sa mga sinasabi ng mga ito. “Teka, ano bang sinasabi n’yo? Hindi ko ma-gets.”
“Sagutin mo na si Cage!” sabay-sabay na sigaw sa kanya ng mga ito na labis na ikinakunot ng kanyang noo. Hindi naman niya pinayagang pestehin ni Cage ang buhay niya kaya bakit sinasabi ng mga kapatid niyang sagutin na niya ito?
Ilang beses nang pumunta sa kanilang opisina si Cage pero hindi niya ito hinaharap. Ang mga kaopisina niya, si Calyx at ang kanyang Papa ang humaharap dito. Wala siyang pakialam kung anuman ang gawin dito ng mga iyon. Tuwing pumupunta naman ito sa kanila’y hindi niya ito hinaharap. Sa kasasabi niya rito ng ‘no’ ay hindi pa rin ba nito nakukuha ang ibig sabihin niyon?
Masyado naman siyang slow.
“Hindi siya nanliligaw sa’kin!” ganting sigaw niya sa mga ito.
“Dahil sa’min muna siya nanligaw.” ani Calyx.
“Ano?”
“Nanligaw siya sa’min. Naging errand boy namin siya ni Daddy. Tinutulungan din niya si Mommy na makakuha ng maraming customer. Tinulungan niya si Lemon na matapos ang thesis sa entrepreneurship. Natalo niya si Hue sa chess at natalo naman niya si Kieno sa fencing. Amazing, huh?” saad ni Calyx. Napamata lang siya sa mga sinabi nito. Hindi siya makapaniwala.
“Ate, that’s fact number nine. Guys will do anything to get the girl’s attention. Kaya ‘wag ka ng magtaka kung bakit ‘to ginagawa ni Kuya Cage. And fact number twenty-two, when a girl says ‘no’, a guy hears it as ‘try again tomorrow’.” ani Lemon.
Kaya pala. “Lemon, sinabi mo ba sa kanya ang tungkol sa ninety-nine facts na ‘yan?” nakapamaywang na tanong niya rito.
“Ate, hindi ko na kailangang sabihin pa sa kanya ang mga ‘yon dahil tunay na lalaki naman siya. It’s natural for him to do that.” sagot nito.
“Well, kahit na. Tigilan n’yo na ang pag-entertain kay Cage dahil ayaw ko sa kanya, okay? Kahit kailan ay hindi ko siya magugustuhan dahil hindi ko tipo ang mga tipo niya.” mariing sabi niya.
“Kaya nga namin siya gusto dahil hindi siya pumapayag sa gusto mo eh.” ani Calyx.
“O, tama na ‘yan. Pinagkakaisahan n’yo na naman ang Ate n’yo. Halina kayo sa komedor dahil nakahanda na ang pagkain.” nakangiting sabi sa kanila ng Tita Frecy niya.
Agad na nagpuntahan sa komedor ang kanyang mga kapatid.
“Happy birthday, Tita!” bati niya rito.
“I’m sorry about those guys, Caraleigh. Wala lang magawa ang mga ‘yon. Ikaw naman kasi. Bakit hindi ka pa mag-boyfriend muli?”
“Tita, ayaw ko lang talaga.”
“Well, tingin ko naman bagay kayo ni Cage. Mabait siyang bata at gusto ko siya para sa’yo.”
“Tita!” saway niya rito.
Tumawa lang ito at iginiya siya patungo sa komedor. Pero pagkarating nila roo’y umakyat hanggang sa ulo niya ang kanyang dugo dahil sa inis. Nakita niya ang nakangiting mukha ni Cage habang nakatayo sa tabi ng kanyang ama at hawak ang isang tray ng cheesy oysters.
“What the hell are you doing here?” singhal niya rito.
“I’m here as an assistant cook.” kaswal na sagot nito.
“And as our future-brother-in-law.” pambubuska sa kanya ni Calyx.
“Yeah, right.” inis na saad niya. Lumapit siya kay Cage at hinila ito palabas sa garden na malapit lang sa komedor kahit dala pa rin nito ang tray ay wala siyang pakialam.
Gusto na niyang tapusin ang kalokohan nito ngayundin. “Ano ba talaga ang gusto mo, ha?”
“Ikaw. Gusto kita.” sagot nito.
“Bakit? Oh, ibig mong sabihin, gusto mo akong ibilang sa mga babaeng idini-date mo pagkatapos ano? Kakalimutan mo lang sa sunod na araw. Hindi ako ang tipong babaeng papayag sa gano’n, Cage. Kaya ang mabuti pa, humanap ka ng isang babaeng gano’n. Nagsasayang ka lang ng oras mo sa’kin dahil sinisigurado ko sa’yong wala kang makukuha sa’kin. I will never like you. Hindi ikaw ang tipo kong lalaki kaya napaka-imposibleng magustuhan din kita. Kaya ngayon pa lang, sinasabi ko na sa’yo ito para ma-save ang oras na gugugulin natin sa paghahabulan, okay?”
“Ang haba no’n ah. Hindi ba pwedeng gusto kita dahil gusto kita?” anito. Napalabi siya dahil sa sinabi nito. “I’m going crazy about you. Hindi ko sasabihin na pansinin mo ang lahat ng ginawa ko sa pamilya mo, pero tingnan mo ako ng diretso. Kapag nasabi mo sa’kin ng diretso at hindi ka nauutal na wala akong pag-asa sa’yo, I swear that you’ll never see me again.”
Tumaas ang isang kilay niya rito at nang mapagawi ang tingin niya sa direksyon ng pasukan sa komedor ay nakita niyang nakasilip doon ang kanyang pamilya. Mukhang nakikinig ito sa kanilang usapan. Nang muli siyang humarap kay Cage ay umayos siya ng tayo at humugot ng isang malalim na hininga saka tumingin ng diretso sa mga mata nito.
Shit! mura niya. Nainis siya kay Cage dahil sinseridad ang nabasa niya sa mga mata nito. Sinabi nga nitong huwag niyang pansinin ang mga ginawa nito nitong mga nakaraang araw pero naalala niya ang mga sinabi sa kanya kanina ng kanyang mga kapatid. You don’t want him, Caraleigh, right? Then, let’s do this!
“I don’t like you and I will never will, Cage.”