Dominant Series 6 & 7: Deception and Amorous Chapter 30

Maraming dumaang garbage truck. May mga tao rin may dala-dalang sako at patpat. May mga minor-de edad at may mga matatandang nagsimulang maghanap-buhay mula sa mga basurang tinatapon ng mga truck. Nag-agawan pa ang mga ito sa basura na pwedeng gamitin pa. Basura para sa iba pero sa mahihirap na taong tulad nila, ginto ang tingin nila. Bigla siyang nalungkot sa parteng iyon. Ang daming tanong sa utak niya at isa na ro’n, kung bakit ‘di pantay ang lahat. Pero nanatili lamang ang lahat ng ‘yon sa kaniyang utak, wala siyang planong kwestyunin ang likha ng Diyos.

“Anong iniisip mo?” mayamaya’y tanong nito sa kaniya. Binalik nito sa kaniyang bag ang tubig at bahagya siyang tinapik.

Bumaling ang kaniyang tingin dito at tipid na ngumiti. “Wala,” napatingin siya sa katawan nitong maraming pasa. Hindi na siya nagkomento pa, at baka maiiyak lang siya. “Bakit ang bait-bait mo?”

Ngumisi ito. “S’yempre! Gwapo ako, eh.”

Napangiti siya kahit papaano. Lagi talagang pinapakita sa kaniya ni Fender na okay lang ito at ‘wag siyang mag-alala.

NATATAWANG pinagmasdan ni Blessy si Fender habang naglalaro ito ng habul-habulan sa mga bata. Mga anak ito ng kanilang kapit-bahay at ilan sa mga batang iyon, mga wala ng magulang.

Simula nung dumating sila sa Payatas Dump site, do’n na rin sila muna pansamantalang tumira. Magkasama nila ni Fender sa isang maliit na bahay na gawa sa tagpi-tagping kahoy, sako at karton. At kapag umuulan, lagi silang nababasa sa loob pero walang problema ‘yon kay Blessy.

Walang problema sa kaniya kahit puro napapalibutan sila ng basura, dahil kahit papaano, do’n sila nakakakita ng pangkabuhayan nila ng lalaki. Doon sila kumukuha ng pang-araw-araw nilang pagkain. Nangangalakal sila at binibenta ang mga kalakal na nakukuha. Ang kita, hinahati nila sa pagkain at pag-iipon.

“Anong iniisip ng napakagandang girlfriend ko?”

“May makakarinig sa ‘yo!” bahagya niya itong inirapan.

Tapos na itong nakikipaglaro ng habul-habulan sa mga bata at balik na ulit sila sa kanilang trabaho. Hindi sila pwedeng tumigil at hihiga-higa na lang sa tabi. Walang pagkaing gagapang sa kanilang paanana kung tatamad-tamad silang dal’wa.

“Bakit? Totoo naman napakaganda mo, ah. Kahit lumang blusang suot mo at pantalon, sobrang ganda mo pa rin sa paningin ko.”

Inirapan niya ito at dinampot ang sako. Lagi nitong bukambibig ang pagiging maganda niya. Alam niyang binubola lang siya minsan ng nobyo para bigyan niya ito ng halik. Nagsimula siyang humakbang habang nakasunod ito sa kaniya.

“Blessy, maganda ka nga.”

“Bilisan mo d’yan. Magbebenta pa tayo kasabay nila Tonyong at Indang.”

Napakamot ito sa ulo nang marinig ang pangalang Tonyong. “Ayaw ko talaga sa lalaking ‘yon.”

“Bakit naman? Sila ang una natin naging kaibigan ng kapatid niya. Sila ang ang tumulong sa’tin nung bagong salta pa lang tayo rito.” Lumingon siya rito at sandaling tumigil.

“Oo na po, Ma’m. Tayo na po, okay na po ba?”

“Fender...”

“Nagseselos kasi ako sa tuwing malapit siya sa ‘yo at nakikipagtawanan ka sa kaniya.”

Parang may kung anong dumaan sa dibdib niya sa sinabi nito. Ito ang kauna-unahang nagsabi ito na nagseselos at ‘di niya mapigilang kiligin.

“Fender naman. Alam mo naman na kaibigan lang natin si Tonyong.”

“Eh ang puso ko kasi. May magagawa ba ako?”

Napabuntunghinga na lamang siya at hinawakan na ang kamay nito. “Tayo na nga at baka maubusan tayo. Ikaw talaga, sa pangit kong ito, may gana ka pa magselos sa iba. Samantalang ikaw lang naman gusto ko.”

“Hindi ka pangit. Maganda ka.”

“Oo na!” Tuluyan niya itong hinila. Magtatrabaho pa sila.

NAPABANGON si Blessy mula sa pagkakahiga sa lumang kotson na pinatungan ng lumang banig. Napansin niyang wala si Fender sa kaniyang tabi at wala rin ito sa loob ng maliit nilang tagpi-tagping bahay.

Marahan niyang hinawi ang nakatabing kumot sa kaniyang katawan. Hinagilap niya ang kaniyang tsinelas at lumabas sa barong-barong bahay nila.

“Saan kaya ang lalaking ‘yon?” mahinang usal niya. Mabilis niyang nayakap ang sarili nang salubungin siya ng malamig na hangin. Isang manipis na kamesita lang ang kaniyang suot at hanggang tuhod na shortpant.

Nagsimula siyang humakbang para hanapin

ang lalaki kung nasaan ito. Parati niyang napapansin na nawawala tuwing gabi. Nung una, hindi niya pinapansin. Iniisip niyang baka nagpapahangin lang sa labas si Fender. Pero ngayon, pakiramdam niya may kinakababalahan ito. May tinatago ito sa kaniya at ‘yon ang gusto niyang malaman kung ano.

“Fender, saan ka ba?”

Palinga-linga siya sa paligid. Wala rin siyang mapapagtanungan dahil lahat ng kapit-bahay nila, nagpapahinga na rin. May mga ibang tao siyang nakita pero natutulog na rin ang mga ito sa tabi-tabi.

“Ang lalaking talagang ‘yon! Pinagpaalala ako ng sobra.” napahimutok siya sa sarili. Panay linga pa rin ang kaniyang ginawa pero dahil madilim ang ibang parte ng lugar na tinitirhan nila ngayon, limitado lang ang nakikita ng kaniyang mata.

“Ang lamig!” Niyakap niya nang mahigpit ang sarili at nagpasyang bumalik sa barong-barong. Doon na lang niya hihintayin ang lalaki na dumating at tanungin kung saan ito galing.

“Magkano ba ang hatian natin?”

Sandali siyang napatigil sa paglalakad. Aminado si Blessy na si Fender ang may ari ng boses na iyon.

Nagmadali siyang humakbang at tinungo ang lugar kung saan narinig niya ang boses nito. Napahinga siya ng maluwang nang makita si Fender na naghahatian ng pera kasama ang tatlong lalaki na kasing-edad lang nila.

“Patay! And’yan na ang jowa mo, pre.”

“Ha?” Mabilis na napalingon sa kaniya ito.

Agad nagsialisan ang mga kasama nito. Habang si Fender ay tinago agad sa suot nitong lumang jacket na tingin niya ay pera.

“Anong ginagawa mo rito? Sino ‘yong mga ‘yon? Anong oras na at dito ka pa sa labas?”

Ngumiti ito at mabilis siyang inakbayan. “Mga kaibigan ko lang ‘yon. Nagkayayang mag-usap para bukas.”

“Bakit kayo nag-abutan ng pera?”

“W-wala ‘yon. Balik na tayo sa bahay. Malamig dito, baka sipunin ka pa bukas.”

Hindi siya sumagot. Marami siyang gustong itanong kay Fender pero pinili niyang tumahimik at bukas na lang ituloy ang kaniyang pagtatanong. Alam niyang nagsisinungaling ang lalaki at may tinatago ito sa kaniya.

“Sige, bukas na natin pag-usapan ‘yong nakita ko.” Tinanggal niya ang pagkakaakbay sa kaniya ni Fender at naunang maglakad dito.

“Blessy,” tawag nito.

“Kailangan pa natin magpahinga. Maaga pa tayo bukas.”

Napabuntunghinga ito at sumunod sa kaniya na ‘di nag-abalang lumingon sa binatilyo. Magsisinungaling na nga lang ito, malalaman pa niya. Nagtampo siya sa bahaging iyon. Nangako kasi sila sa isa’t isa na walang magtaguan ng sekreto.

Hindi kinibo ni Blessy si Fender kinabukasan. Tahimik silang kumain ng almusal nilang dalawa na dalawang pares ng pandesal at kapeng tinipid sa asukal. Nakahanda na siya para sa trabaho nila sa araw na iyon.

“Blessy, kausapin mo naman ako.”

Hindi siya umimik. Hindi niya ito kikibuin hangga’t hindi ‘to magsasalita kung saan ito galing kagabi at sino ang mga kasama nito. Nagpatuloy siya sa pagsawsaw ng pandesal sa kapeng nagsimula ng lumamig.

“Blessy naman, ‘di ako sanay na ‘di tayo nagpapansinan.”

Napabuntunghinga siya at nilapag ang tinapay sa plastik na plato. “Hangga’t ‘di mo sasabihin sa ‘kin kung sino ‘yong mga kasama mo kagabi at kung bakit ka laging nawawala tuwing gabi, ‘di kita kakausapin.”

Matagal itong napapatig sa kaniya at nagdalawang isip kung sasabihin sa kaniya o hindi. Tumayo siya at dinampot ang kaniyang sombrero at jacket. Sinunod niyang kinuha ay ang sako sa isang tabi. Mas lalo siyang nagtatampo sa binatilyo at naiinis siya sa bagay na iyon.

“Blessy naman!” Tumayo ito at pinigilan siya.

“Mauna na ako.” Winakli niya ang kamay nito at naunang humakbang papalabas ng barong-barong. Deritso siyang nagtungo sa bagong tapon na basura at nakikipagsiksikan sa kapwa niya mangangalakal. Saka na sila mag-usap ng lalaki kung ready na ito magsabi sa kaniya.

Pero natapos ang buong maghapon na ‘di niya nakita ito. Mas lalong lumaki ang kaniyang hinampo rito. Hindi rin siya nito sinundan at sinabayan sa tanghalian na lagi nilang ginagawa. Naiinis na pinunasan niya ang kaniyang luha na nagsimulang magpatakan.

“Bakit mag-isa ka lang?” Nilapitan siya ni Tonyong. May dala itong sako na nakalakal nito.

“Si Fender kasi,” naiinis na sagot niya.

Nakaupo sila saglit sa isang tabi. Hindi niya alintana ang dumi. Sanay na siya sa lugar at ang mas importante, buhay sila.

“Bakit naman? Anong ginawa ng jowa mo? Iniwan ka na ba niya? Pwede ka sa ‘kin.”

Tiningnan lang niya ito, “Lagi mo talaga akong binibiro ng ganiyan.”

Napakamot ito sa ulo at ngumiti. “Pasensya naman. Eh ikaw kasi eh, para kang pinagsakluban ng langit sa hitsura mo. Asan ba kasi si Fender at hinayaan ka niyang mangalakal ngayon na mag-isa?”

“Hindi ko alam kung saan siya.”

Inakbayan na lang siya ni Tonyong at binigay nito sa kaniya ang dala-dalang tsokolate. “Ayan, sa ‘yo na ‘yan para naman sumaya ‘yan pakiramdam mo at ‘di ‘yang para kang pinagsakluban ng langit.”

Tinanggap niya iyon at nagpasalamat sa lalaki. Mabait na kaibigan nila si Tonyong. Sadyang ayaw lang talaga ni Fender na mapalapit siya sa binatilyo.

“Saan ‘to galing?”

“Sa treasure box.”

Natawa siya sa paraan ng pagtawag nito sa dumpsite ng treasure box. Lahat silang nando’n, kayamanan ang tingin sa mga basurang nakapalibot sa kanila. Hindi nasiya nagtagal do’n na kasama si Tonyong, nagpaalam na rin siya agad sa kaibigan at nauna ng umuwi sa barong-barong.

Mabigat ang kaniyang loob na nilagay sa gilid ng kanilang barong-barong ang kaniyang sako na dala. Tapos niya ng maibenta lahat ng mga nakalakal niya at kahit papaano, napag-ipon siya ng singkwenta pesos. Malaki na rin ‘yon.

Malungkot siyang nagtungo sa maliit na kusina at kumuha ng maiinom. Nagtatampo siya kay Fender at nagsisimula ng magsilaglagan ang kaniyang mga luha nang biglang may humawi sa pintuan nilang gawa sa pinaglumaang tarpaulin.

“Happy birthday, Blessy!”

Biglang tumigil sa pag-inog ang kaniyang mundo nang makita ang binatilyong may hawak na box at supot. Maliwanag ang aura nito at nakangiti na parang wala itong kasalanan sa kaniya. Nakabihis din ito at aaminin niya, gwapo si Fender kapag nakaligo at maayos ang damit. Para itong may lahing foreigner at sa totoo niyan, maraming nagkakagusto rito na katulad nila. Maraming nagpapa-cute sa Fender niya.

“Akala mo nakalimuan mo na birthday mo ngayon?”

Nagsimulang nagsibagsakan ang kaniyang mga luha. Himalang nawala ang kaniyang pagtatampo rito nang lapitan siya nito at hinalikan sa noo nang mailagay nito sa maliit nilang mesa ang pinamili.

“Galing ako sa labas. Mabaho pa ako. Nanghahalik ka na naman.” Pinunasan niya ang kaniyang mata. Nakakahiyang mag-iiyak na naman siya sa harapan nito.

Tumawa lang ito at ginanap ang kaniyang kamay. “Pasensya ka na kung hinayaan kita magtampo, may sorpresa kasi ako sa ‘yo. Pasensya na rin kung lagi akong nawawala tuwing gabi, naghahanda kasi ako para sa nalalapit mong birthday. Alam mo naman kung gaano ka kahalaga sa ‘kin at kahit ano kaya kong gawin para sa ‘yo.”

“Baliw ka talaga! Pwede mo naman ‘wag gawin iyon. Hindi mo naman kailangan akong sopresahin. Masaya na ako kung—”

“Mas masaya akong maibigay sa ‘yo ito,” putol nito sa sasabihin niya. Giniya siya nitong umupo sa silyang kahoy at walang kibong sumunod siya.

Binuksan nito ang dala-dalang box at tumambad sa kaniya ang isang layer ng cake na hindi niya naranasan sa buong buhay tuwing magbi-birthday siya. May nakaukit na pangalan niya sa chocolate cake at mga bulaklak na nakapalibot dito. Nagsimulang nagsiunahan sa pagbagsak ang kaniyang mga luha habang nakatunghay sa cake.

“Ayan na naman ang mahal ko, masyadong iyaking bata.” Natatawang saad nito at pinunasan ang mga luha niya. Saka nito sinimulang sindihan ang kandilang nakalagay sa ibabaw ng cake. “Kakantahan kita ha, ‘wag kang umiyak d’yan.”

Natawa siya at tumango. Nagsimula itong kumanta at masasabi niyang masakit sa teynga ang boses ng lalaki pero okay lang. Puso niya ang nakikinig sa boses nitong parang iniihaw na baka. Napangiwi siya nang bumirit pa ito sa huling linya.

“Hipan mo na ang kandila! Mag-wish ka na rin.”

“Saan mo natutunan ‘yang wish-wish na ‘yan?”

“Sa TV do’n sa palengke. Sige na, hipan mo na at mag-wish ka.”

Nakagat niya ang kaniyang labi para ‘di mahalata nitong kinikilig siya. Sinunod niya ang sinabi ni Fender, hinipan niya ang kandila at pumikit. Simple lang naman ang gusto niya, ang makapagtapos ng pag-aaral at makasama habang-buhay ang binatilyo. Wala na siyang gustong makasamang iba, kundi ito lang. si Fender lang ang sandalan at takbuhan niya sa lahat at napapansin niya nitong mga nagdaan araw, naging dependent na siya rito.

Masaya siyang hinalikan ni Fender sa labi pero agad niya itong pinanlakihan ng mata. Napakamot na lang ito sa ulo at nagpa-cute na ngumiti sa.

“Akala ko makakahirit ako ng halik kasi birthday mo. Hehe.”

“Bawal. Masyado kang mahilig manghalik sa ‘kin.”

Ngingiti-ngiti lang itong inayos ang mga dala nitong supot. Nilabas nito ang biniling pancit, loaf bread at paborito niyang ginitaang hito.

“Binili ko ang paborito mong ginataan. Alam kong namimiss mo na ito. Paborito natin ‘tong dalawa.”

Parang sasabog ang puso niya sa sobrang saya. Tumayo siya at mabilis na niyakap ito. “Salamat.”

“Shhh… ako dapat ang magpasalamat sa ‘yo,” saad nito, “Maghugas ka na ng kamay at kakain na tayo. Tatawagin ko rin si Indang at Tonyong.”

Tumango siya at agad na tumalima. Naghugas siya ng kamay, naghilamos na rin siya at naglagay ng konting pabango. Nakuha rin niyang magpalit ng maayos na bestida at mag-ayos ng buhok nung lumabas si Fender para sunduin ang dalawang kaibigan nila. Nang dumating ang mga ito, presentable na siyang tingnan. Natulala pa si Tonyong nang makita siya at hindi makapagsalita.

“Napakaganda talaga ng Blessy ko!”

Namula siya sa sinabi ni Fender. Kahit alam niyang vocal masyado ito sa kaniya, hindi pa rin siya nasasanay. Agad niyang niyaya ang dalawa na kumain na sila. Habang ang ngiti ng boyfriend niya, abot hanggang langit nang makita siya nitong nag-enjoy at masaya sa araw ng kaniyang kaarawan.

PERO pagkatapos ng saya, may kapalit na pait. Isang linggo pagkatapos ng kaniyang birthday, hindi niya nakita si Fender, nawala ito nang isang linggo. Halos mabaliw siya sa kahahanap dito at kung saan ito nagpunta. Kaya nung umuwi ito at may dalang regalo at pagkain sa kaniya, hindi niya ito kinausap.

Napapansin niyang nag-iiba ito at hindi na rin ‘to sumama sa kaniya sa pangangalakal. Ang lagi nitong sinasabi, may trabaho ito sa palengke at mas malaki ang kitaan kesa sa pangangalakal.

Hanggang sa nasanay siya na lagi na itong nawawala. Hindi niya na lang ito tinatanong at kinukomporta kung saan ito galing. May tiwala siya rito na wala itong ginagawang masama pero habang dumadaan ang mga araw at linggo, mas lalo niyang nararamdaman na lumalayo sa kan’ya si Fender. Lalo na at minsan, nakita niyang may sumundo rito na lalaking puno ng tattoo ang katawan.

“Blessy wala ka na naman ba kasama d’yan sa inyo? Wala na naman ba ang jowa mo?” Si Indang ang nagtanong sa kaniya.

Napabuntunghinga siya. Ito lagi ang kasama niya sa gabi ‘pag alam niyang ‘di nakakauwi si Fender. Mabait ang babae at bilang kaibigan nito, sinasamahan siya nito para wala raw masamang mangyari sa kaniya.

“Oo. Ang sabi niya kanina, hindi siya makakauwi dahil marami silang trabaho sa palengke. Alam mo Indang, nagtatampo na ako. Gusto kong magalit sa kaniya.”

“Kung gano’n, magalit ka! Lagi ka na lang niyang iniiwan dito mag-isa rito sa bahay niyo ‘no!”

Nagbaba siya ng tingin. Nung huling beses na nagalit siya, wala rin pinatutunguhan. Mag-aaway lang sila ni Fender at ‘yon ang pinakaayaw niya sa lahat, ang mag-away silang dalawa.

“Ganito na lang, linggo bukas. Wala rin akong gagawin dahil magsisimba ako. Gusto mo samahan kita? Puntahan natin si Fender sa palengke kung saan siya nagtatrabaho.”

Nagliwanag ang kaniyang mata sa narinig. “Talaga?”

“Oo kaya ‘wag ka na malungkot. Bukas na bukas din ay awayin natin ‘yang jowa mo.”

Natawa siya kahit papaano sa biro ni Indang. Ang bait nito sa kaniya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.