Napaismid si Blessy nang matagalan ang binatilyong kanina pa niya hinihintay. May usapan silang magkikita sila sa ilalim ng tulay dalawa ni Fender pero wala pa rin ito. Lihim siyang napaismid at napairap sa hangin. Ilang bato na ba ang nahahagis niya sa tubig sa paghihintay rito? Hindi niya na yata mabilang. Nagsuot pa siya ng magandang bestida na binili niya sa ukay-ukay kahapon sa halagang bente pesos. Aba! Malaking pera na ito.
“Asan na kaya ‘yon? Baka nakalimutan niyang may date kami.” napahimutok siya at nagbilang ng isa hanggang isangdaan sa isip. Kapag ‘di lumitaw ang binatilyo, aalis na siya ro’n sa ilalim ng tulay at bahala na ito.
Marahan siyang napabuntunghinga. Natapos niya ang pagbibilang mula isa hanggang isangdaan pero walang Fender na lumitaw. Malungkot siyang tumayo at pinagpagan ang bagong laba niyang damit. Uuwi na siya at kailangan pa niyang mangalakal ulit para may pambiling pagkain.
“Blessy!”
Nagliwanag ang kaniyang mata nang marinig niya ang boses ni Fender. Sa wakas dumating din ito! Agad niyang sinalubong ng mahigpit na yakap ang binatilyo. Natatawang bumitaw naman ito sa kaniyang pagkakayakap.
“Ang tagal mo,” pagtatampo niya rito.
“Pasensya ka na kung huli ang dating ko. Sumaglit muna akong tumulong sa paghahakot ng bigas sa palengke para mabili itong paborito mong ginataang hito ni Aleng Inday.” Pinakita nito sa kaniya ang isang supot na may lamang ulam at kanin.
Sa isang kamay ay dalawang supot ng cold water na nabibiling tingi sa tabi-tabi.
Agad nawala ang pagtatampong naramdaman ni Blessy. Naiiyak na niyakap niya ulit ang binatilyo at hinalikan ito sa pisngi bilang pasasalamat. 14 years old lang siya at 16 ito pero dahil sa hirap ng buhay, naunang mag-matured ang kanilang isip. Sa batang edad, naitindihan nila ang mapait na ikot ng mundo.
“Pwede mo naman ‘wag gawin iyon. Saka mas kailangan mo ang—” Hindi niya natuloy ang sasabihin nang nakawan siya nito ng halik sa labi. “Fender!”
Humalakhak ito at mabilis siyang giniya na umupo sa malinis na tagpi-tagping kahoy na nando’n. Naglagay sila ng supot sa kanilang kanang kamay at sinimulan nilang kainin ang dala nitong pagkain. Paminsan-minsan ay sinusubuan siya ni Fender ng kanin na may ulam.
“Masarap ba?”
Namumulang tumango siya, “Panigurado, wala ka na naman pangkain mamayang gabi nito.”
“Ano naman? Makita lang kitang masaya at nakangiti, busog na busog na ako. Ikaw pa! Malakas ka sa puso ko,” kinindatan siya nito.
Natawa naman siya at pabirong hinampas ito sa braso. Agad itong napaaray sa kaniyang ginawa kahit mahina. Bigla siyang nataranta at dinaluhan ang binatilyo pero nalaman niyang pinagloloko lang pala siya. Kaya ang kaniyang ginawa, piningot ang teynga ng nobyo.
“Ang kulit mo talaga ‘no? Lagi mo akong niloloko,” may pagtatampong saad niya.
Tinawanan lang siya nito at nagpatuloy ulit sila sa munting salu-salo nilang dalawa. Masaya na siyang gano’n ang set up nilang dalawa ni Fender. Magkababata silang dalawa. Parehong lumaki sa squatters at ang pinagkaiba nga lang, sa malditang Tiyahin niya siya nakatira. Habang ang binatilyo ay sa bangketa at kung saan ito naabutan ng dilim, doon na ito matutulog. May tatlong tiyuhin ito pero lagi itong sinasaktan at binubugbog. Dahil likas na mabait si Fender, hindi ito lumalaban.
Maagang namatay ang kaniyang ina at ang ama niya, hindi niya kilala pero wala siyang pakialam do’n. Ang mahalaga kay Blessy, ang mamuhay araw-araw kahit lagi siyang pinaglulupitan ng Tiyahin at tiyuhin. Kaya siguro malapit sila sa isa’t isa dahil pareho silang ulila.
“May gift ako sa ‘yo.”
Napatingin siya kay Fender. Kakatapos lang nilang kumain at heto siya, umiinom ng tubig. “Ano ‘yon? Huwag ka magkamaling magbigay sa ‘kin ulit ng palaka! Binabalaan kita.”
“Ikaw naman. Hindi ‘to palaka. Ahas ‘to, napulot ko d’yan sa tabi.”
“Ano?! At bibigyan mo ako ng ahas?” Inis na hinampas niya ito at panay tawa lang ang tugon ng binatilyo sa kaniya. Nang mapagod siya sa kakahampas at kakakurot, pareho silang sumeryuso.
“Akin na ang kamay mo.”
Inosenteng napatingin siya dito habang maarteng nakataas ang kaniyang isang kilay, “ At bakit, ha?”
“Akin na.” Kinuha nito ang kaniyang kamay at may nilagay itong isang kwentas. “Rosary. Bigay sa ‘kin ng isang Madre. Hindi ba, nakwento mo sa ‘kin ‘yong rosaryo na pinagpuputol ng Tiyahin mo? ‘Yan ang pamalit.”
Nahilam sa luha ang kaniyang mata nang pagmasdan niya ang rosaryong iyon. Simpleng rosaryo lang ito pero napaluha siya sa sobrang saya. Isang mahigpit na yakap ang kaniyang binigay kay Fender at muling nagpasalamat dito.
Sa lahat ng bagay, lagi siya nitong inaalala. Kahit pareho silang walang-wala, siya pa rin ang inuuna nito. Sa katunayan niyan, hindi nag-aaral si Fender. Siya lang ang nagturo rito paano magsulat at magbasa ng english. Nasasabi niyang mabilis itong matuto. Nakikita niyang matalino ang binatilyo pero dahil hirap sa buhay, kaya ‘di na pumasok. Pinili nitong mamuhay araw-araw.
Kahit papaano, nasa 1st year highschool na siya. Sa sobrang hirap ng buhay, muntikan siyang ‘di nakapag-endroll. Kinailangan pa niyang kumayod araw-araw dahil hindi naman siya pinapaaral ng Tiyahin.
“Alam mo, ang cute mo umiyak.”
“Che!” inismiran niya ito. Sinuot niya ang kwentas na bigay nito at nilagay sa loob ng damit para ‘di makita ng Tiyahin. “Fender...”
“Bakit?”
“15 years from now, sa tingin mo, ano na tayo?”
“Tao pa rin.”
Natawa siya. “Puro ka talaga kalokohan. Magseryuso ka nga.”
“Seryuso naman talaga ako sa’tin, ah.”
Kinilig siya sa sinabi nito pero ‘di siya umimik. Do’n lang napansin ni Blessy na may mga pasa ang binti at hita nito. Sa sobrang focus niya sa gwapong mukha nito, ‘di niya namalayang may mga pasa ito.
“Saan mo nakuha ‘yan?” Biglang naglinya ang kaniyang kilay nang ituro niya ang malalaking pasa nito.
Agad umilap ang mata ni Fender at inakbayan siya. “Nahulog ako ro’n sa hagdanan.”
Hindi siya naniniwala. Alam niyang binugbog na naman ito at gusto niyang umiyak sa parteng iyon na may nanakit na naman sa lalaki.
“Sabi na nga ba nandito ka na naman malandi ka!”
“Tiyang!”
Pareho silang nagulat dalawa nang lumitaw ang kaniyang Tiyahin. Sa likod nito ay ang kaniyang pinsan na halatang ito ang nagturo sa lokasyon nila ng binatilyo.May dala itong tubo sa isang kamay at galit na galit.
“Napakalandi mo talagang hayop ka! Mas inuna mo ‘yang kalandian mo sa pipitsuging lalaking ‘yan?! Ne hindi nga parehas ang suot na tsinelas at butas-butas pa ang damit?! Halika rito, Blessy!” Hinila siya nito sa buhok.
“Aray ko Tiyang!”
“Huwag mong saktan si Blessy!” Pumagitna si Fender at pilit tanggalin ang kamay ng kaniyang Tiyahin sa buhok niya.
Naiiyak siyang umaaray sa sakit dahil pakiramdam niya, matatanggal sa anit ang kaniyang buhok. Habang maarteng tumatawa lang ang pinsan niya sa tabi.
“Bitiwan mo siya!”
Napasigaw si Blessy nang hatawin ng Tiyahin niya ang likod ni Fender ng tubo. Napaubo ang binatilyo sa ginawa nito at isang hataw pa, nagsiunahan sa pagpatak ang dugo mula sa ilong nito. Nagsisigaw siya ng tama na! Pero bingi ang kaniyang Tiyahin. Tuluyan siya nitong kinaladkad habang hila-hila ang kaniyang buhok.
“B-Blessy...”
“F-fender d’yan ka lang! O-okay lang ako. ‘Wag ka nang sumunod pa, ha? Huwag ka— A-arayyy!”
Kahit nahihirapan at hinang-hina ito mula sa nakuhang sakit. Nagpumilit itong bumangon at humabol.
“Ang tigas talaga ng ulo mo bata! Ilang beses ka ng hinataw ng asawa ko sa hita para layuan mo ang malanding pamangkin ko, sige ka pa rin! Kaya hala, ako na ang hahataw sa ‘yo sa ulo!”
“Tiyaaaa! Huwag po!” isang malakas na tili ang kumawala sa kaniyang lalamunan.
“IKAW kasi Fender, eh. Ayan tuloy!” humihikbing saad ni Blessy nang sipatin niya ang mga pasa ng binatilyo.
Tumakas pa siya nang hating-gabi sa bahay ng kaniyang Tiyahin at dali-daling pumunta sa ilalim ng tulay kahit delikado. May dala siyang lumang back pack na puro damit niya ang laman, flashlight, kandila, at konting ipon niyang pera. Marami siyang pasang nakuha sa kaniyang Tiyahin at pinsan pero hindi niya iyon ininda. Kaya nang masiguro niyang tulog na ang mga ito, kumuha siya ng lakas ng loob na tumakas.
“W-wala ‘to. ‘Wag ka na umiyak, pumapangit ka kasi.”
Mas lalo siyang napaiyak sa sinabi nito. Kahit alam niyang nasasaktan ito, pinaparamdam pa rin nito sa kaniya na okay lang ito.
“Hindi mo alam kung gaano ako natakot kanina. Akala ko matatamaan ka sa ulo. Mabuti na lang at sa balikat mo lang tumama pero masakit pa rin iyon!”
Ngumiti lang ito at pinunasan ang kaniyang mga luhang nagsiunahan sa pagpatak. Nadudurog ang kaniyang puso sa sitwasyon nilang dalawa. Nagmamahalan lang sila, at wala siyang makitang mali ro’n. Alam nila pareho ang kanilang limitasyon at malaki ang respito nito sa kaniya kahit sabihing wala itong pinag-aralan. Wala itong edukasyong ipagmamalaki pero parang mas umarte itong may pinag-aralan.
Mula sa munting liwanag ng kandila, masuyo nitong hinaplos ang kaniyang buhok. “Iyakin ka talaga, ‘no? Sabi ng pumapangit ka lalo ‘pag umiiyak ka, eh.”
“Ewan ko sa ‘yo! Puro ka pa rin biro kahit hirap na hirap ka na! Puro pa rin ako ang iniisip mo kahit nasasaktan ka na. Kahit minsan, ‘di mo iniisip ‘yang sarili mo. Puro na lang ako, ako, ako! Paano naman ikaw, Fender? Paano naman ‘yong buong ikaw?!”
Hindi ito umimik. Basta lang itong nakatitig sa kaniya habang pinupunasan ang mga luha niyang walang tigil sa pagpatak. “Nandito pa rin ako, buhay na buhay pa. Kaya ‘wag ka na umiyak ha? Tahan na.”
Napasigok siya at marahang tumango. Kahit papaano kumakalma si Blessy sa tuwing naririnig niya ang boses ni Fender, na nagsasabing okay lang ito kahit hindi. Pinapakalma lang nito ang kaniyang puso dahil alam nitong iyakin siya at mababaw ang luha pagdating dito.
“Ayan, mas maganda ka ngayon na ‘di ka na umiiyak.”
Napalabi siya ulit at napasulyap sa balikat nito. Alam niyang masakit iyon at mahihirapan itong gumalaw. Malakas ang palong nakuha nito mula sa kaniyang Tiyahin at may kapayatan si Fender. Paniguradong nabugbug ang buto nito at sa isiping baka nabali ang buto ng binatilyo, nagsiunahan na naman sa pagpatak ang kaniyang mga luha.
“Yakapin na nga kita! Ang iyakin mo talaga kahit kailan.”
Nakagat niya ang kaniyang labi nang yakapin siya nito. Pinipilit niyang kumalma pero mas lalo siyang nahabag sa sitwasyon ni Fender. Parati itong nasasaktan dahil sa kaniya pero kahit buong mundo pa ang tutol sa kanilang relasyon, wala itong pakialam. Palaging andiyan si Fender sa kaniya at nagmamasid. Lagi siya nitong binabantayan kahit saan siya magpunta.
“Ang laki-laki ng pasa mo sa balikat. Nabalian ka na yata ng buto.” Bumitaw siya sa pagkakayakap dito.
Pilit itong tumawa sa kaniyang sinabi, “Hindi. Sisiw lang ‘yong palo ng Tiyahin mo. Alam mo naman na bakal-katawan ‘tong boyfriend mo. Ako pa!” Tinaas nito ang braso at pinakita sa kaniya ang muscle nito.
Kahit papaano, napangiti siya sa pagbibiro nito. Si Fender lang ang nakilala niyang batang-kalye na punong-puno ng positibo sa buhay.
“Ang engot mo talaga! Kita kong naghihirap at nasasaktan ka.”
“Eh ano? May kasabihang, ‘When there’s a Palay, there is a Manok.”
“At anong ibig sabihin niyan?”
“Ibig sabihin, ‘Ang jowa mong si Fender Hearst, ay gwapo at mamahalin ka habang-buhay!”
Tuluyan siyang natawa sa explanation ng binatilyo. Mapagbiro talaga ito. Ewan ba niya at bakit siya binigyan ng Diyos nang isang tulad nito— gwapo, mabait at siya lagi ang inaalala.
“Fender...”
“Oh?”
“M-mahal na mahal kita...”
Ngumiti ito at ginanap ang kaniyang kamay, “Mas mahal kita.”
Nakapagdesisyon na siya. Kung ito rin lang naman ang mangyayari sa kanilang dalawa, mas mabuting sumama siya kay Fender. Anong silbi kung mananatili siya sa buhay ng kaniyang Tiyahin? Puro sakit lang din naman.
“Nakapagdesisyon na ako.”
Agad nag-iba ang timpla ng mukha nito sa kaniyang sinabi. Parang alam na nito ang susunod niyang sasabihin. Nag-iwas ito ng tingin at marahang napatitig sa kandilang tinutupok ng sarili nitong apoy.
“Blessy, masyado ng malalim ang gabi. Kailangan mo ng umuwi at baka hanapin ka na sa bahay niyo.”
“Ayuko ng bumalik sa bahay na iyon, Fender.”
Agad itong nagtaas ng tingin at napatitig sa kaniya, “Nagbibiro ka, tama?”
Mabilis siyang umiling. Hindi siya nagbibiro. Ayaw niya nang bumalik pa sa bahay na puro pasa at sakit ang hinubog sa kaniyang buong pagkatao.
“Hindi at desidido na ako. Umalis tayo Fender, umalis na tayo sa lugar na ito. Wala akong pakialam kung saan tayo magpunta, basta umalis tayo. Ang importante lang naman sa ‘kin, ang kaligtasan mo at—”
“Huwag mong ituloy, Blessy.”
“Bakit?”
“Mahal natin ang isa’t isa pero sa tingin mo ba, papayag ako sa gusto mong mangyari? Marami kang maabot at isa na ro’n ang pangarap mo maging Doctor kapag nasa poder ka ng Tiyahin mo. Huwag mo lang akong alalahanin. Please, huwag mong ipagpalit ang mga pangarap mo nang dahil lang sa ‘kin.”
“Pero Fender—”
Magaang halik nito ang pumigil sa anuman sasabihin niya. Sunod-sunod na nagsipatakan ulit ang kaniyang mga luha. Pinunasan lang nito ang luha niya nang magkahiwalay ang kanilang labi.
“Mahal na mahal kita at sa totoo lang, gustong-gusto kitang itakas sa impyernong tirahan na meron ka ngayon. Pero tingnan mo ako, Blessy. Mas mahirap pa ako sa daga. Kapag sa ‘kin ka, matitigil ang pag-aaral mo at mahahadlangan ko ang pangarap mong maging Doctor. Malaki ang tiwala ko sa ‘yo. Kaya ‘wag kang gumawa ng desisyon na pagsisihan mo sa unahan.”
Napasigok siya at nagbaba ng tingin. Nakaramdam siya ng hiya. Masyado siyang naging padalos-dalos pero mahal niya ito, eh. Mas importante ito sa kaniya.
“Pero Fender, seryuso ako at buo ang desisyon kong ito. Katorse nga ako pero matured akong mag-isip. Mas gugustuhin kong makasama ka kesa—”
“At nandito ka lang pala! Napakalandi mo talagang babae ka!”
“Tiyang!”
Pareho silang nagulat ni Fender nang lumitaw ang kaniyang Tiyahin. May dala itong batuta at kasunod ang maarteng pinsan niyang nakasimangot. Halata sa hitsura nitong nadisturbo sa mahimbing na pagkakatulog.
“Mommy naman kasi, eh! Alam mo naman na malandi ang babaeng ‘yan! Dapat kasi nakinig ka nung sinabi ko sa ‘yo na kalbuhin mo ‘yan at itali sa kulungan ni Browny, eh.”
“F-fender, umalis na tayo...”
Mahigpit na hinawakan ng binatilyo ang kaniyang kamay at imposibleng mapipilit niya itong mapatakbo. Sa kalagayan nito, mahihirapan silang lumayo sa demonyong Tiyahin niya at pinsan.
“Sumama ka sa’min, Blessy!”
“A-ayuko na Tiyang! Ayuko ng bumalik sa impyernong bahay niyo!”
“Aba’t!”
“Aray ko ho!” napasigaw siya nang hilain nito ang kaniyang buhok. Mabilis na sumaklolo sa kaniya si Fender, pero dahil nanghihina pa rin ito, tinulak lang ito ng kaniyang Tiyahin. Habang ang maarteng pinsan niya, panay irap at nakasimangot.
“Bitawan niyo siya!”
Nagulat siya nang biglang itulak ni Fender ang kaniyang Tiyahin. Nabitawan siya ng babae nung matumba ito sa batuhan. Mabilis naman siyang hinila nito sa kamay at tumakbo sila kahit paika-ika ito at namimilipit sa sakit.
“Mommy! Nakatakas sila!” maarteng tili ng kaniyang pinsan.
“Tama ka, Blessy. Umalis na tayo! Pero hindi ibig sabihin na itinakas kita ay magsasama na tayo. Itatakas kita para maabot mo ang pangarap mo. Itatakas kita para ‘di ka na magawang saktan pa ng Tiyahin mo.”
Tumango lang siya habang binaybay nila ang makipot na daan. Hindi sila agad nasundan. Sandali silang nagpahinga dahil nahihirapan pa rin itong tumakbo ng maayos at naiintindihan niya iyon.
“Magtago tayo ro’n!” Itinuro niya ang isang truck na puno ng basura.
Sumang-ayon naman ang lalaki at magkahawak kamay silang tinungo iyon. Doon sila magtatago at bahala na kung saan sila dadalhin ng truck pagkatapos nito. Lalayo na siya. Bahala na kung ano ang magiging bukas niya na kasama ang lalaki.
Nagising sila pareho ni Fender nang huminto ang kanilang sinasakyang garbage truck. Mabaho at umaalingasaw ang amoy pero mas mabuti iyon kesa sumama pabalik sa impyernong bahay na kinalakihan niya.
Umaga na ayon na rin sa araw na nagsisimulang bumisita tuwing umaga at nagbibigay ng panibagong pag-asa sa bawat tao.
“Bumaba na tayo rito.”
“Pero Fender, baka nand’yan pa si Tiyang”
“Malayo na tayo sa lugar natin, Blessy. Halika na habang may oras pa.”
Marahan siyang tumango at sinunod ang gusto nito. Ang tanging dala lang niya ay ang kaniyang back pack na may lamang konting pera at damit. Maingat silamg bumaba at do’n nila napansin na malayo na nga sila. Ibang lugar na ang kanilang nakikita, puro basura.
“Saan tayo?” Nilibot niya ang kaniyang paningin. Umuusok ang amoy ng basura pero parang wala lang iyon sa kaniya. Nasanay na siya sa gano’n amoy. Nakakasama niya iyon lagi sa isang bahay.
“Dump site. Malayo na tayo sa Tiyahin mo.”
“Saan tayo nito susunod pupunta?”
“Hindi ko alam. Sa ngayon, magpahinga muna tayo saglit Blessy. Naramdaman ko na ‘yong sakit ng katawan ko.”
Bigla siyang nag-alala sa lalaki at dinaluhan ito. Sandali silang umupo sa isang tabi habang nakaalalay ang kaniyang kamay at sarili rito.
“Fender, okay ka lang?”
Ngumiti ito ng pilit. “H-huwag mo na ako isipin. Saglitang pahinga lang kailangan ko at magiging okay na ako.”
Kagat-labi siyang tumango. Kahapon pa ito ‘di kumakain. Nang maisip niyang may dala siyang tinapay at tubig sa kaniyang bag, agad niyang binuksan ito at kinuha ro’n ang tinapay na dala.
“Kainin mo ito, Fender. Alam kong ‘di ka pa kumakain simula kahapon.”
Hindi ito kumibo, “Okay lang ako. T-tubig lang sa ‘kin, gagaling na ako Blessy.”
“Ayaw mo kainin ang tinapay ko?”
“Para ‘yan sa ‘yo mamaya kapag nagutom ka.” Inabot nito ang tubig na dala niya at binuksan. Marahan nitong dinala sa bibig ang isang bottled water at kalahati, nilagok nito.