Tulad ng kaniyang nakasanayan tuwing day-off, nagpunta siya sa Restaurant kung saan siya nagdi-dishwasher. Maganda ang bigayan do’n at kampante siyang walang mangdidisturbo sa kaniya. Hindi niya alam kung saan ang lalaki, huling nasilayan niya rito ay nung huwebes kung saan personal na nagpunta si Inukito sa farm at dumalaw sa kaniya. Kitang-kita pa niya ang paglinya ng makapal na kilay ni Gheron. Pagkatapos n’yon, hindi niya na nakita si Gheron na labis niyang ikinatuwa.
“Ohayo!”
Tumango lang siya kay Inukito. Baka iniisip nito na may gusto siya rito kaya ang lawak ng ngiti nito.
“You look beautiful today.” Straight na pagsasalita nito ng English.
Tango ulit ang kaniyang naging sagot at hindi na pinansin ang sinabi ng lalaki. Nagsuot siya ng apron at hair net saka siya nagsimula sa kaniyang trabaho. Nangako siyang magpapadala ng pera sa kaniyang Ina pero hindi 80 thousand ang kaniyang ipapada kundi kalahati lang. Siguro naman, maiintindihan siya nito.
Maraming customer sa araw na iyon pero hindi gano’n karami nung si Gheron ang nagluluto at nagpapabida sa mga turistang pumapasok sa Restaurant.
Bakit ko ba naiisip ang lalaking iyon? Marahan niyang pinilig ang ulo at hindi pinansin ang paglitaw ng mukha nito sa kaniyang isipan. Ang hangang balikat nitong buhok na laging magulo kung hindi tinatalian, ang kupasin pantalon nito, ang nakakabwesit na mukha nito.
Pero gwapo pa rin naman. Maarteng sagot ng kaniyang kabilang utak. Napabuntong-hinga na lamang si Marie at nagseryuso sa paghuhugas ng plato.
Sumapit ang tanghalian at dahil sa dami ng kaniyang hugasin, hindi na siya nagkaroon ng panahon para kumain lalo na at dalawa lang silang dishwasher. Absent ang isa, masama raw ang pakiramdam. Binigyan din siya ni Inukito ng pagkain pero hindi niya pa ito ginalaw. Tatapusin niya lang itong hinuhugasan niyang tatlong pile ng mga babasaging plato.
“Ako na d’yan.”
Natigilan siya sa boses na nagmula sa likuran niya. Eksaktong paglingon niya, ang mga mata ni Gheron na kulay abuhin ang sumalubong sa kaniya. Nakatunghay ito sa kaniya ngayon at sa isang kamay nito, isang tray plate na puno ng pagkain. At hindi lang iyon, may mango juice pa.
Hindi niya napaghandaan ang pagsikdo ng puso niya. Para siyang nakakita ng hindi ordinaryong tao kaya napatulala na lamang siya habang nakatingala sa binata. Nag-init ang kaniyang magkabilang pisngi.
“Nakikinig ka ba?”
Agad siyang nagbawi ng tingin at aaminin man ni Marie o hindi, kinabahan siya presinsya ni Gheron. Sunod-sunod siyang napalunok at para hindi nito mahalata na kinabahan siya, umarte siyang hindi ito nakita at narinig. Nagpatuloy siya sa kaniyang paghuhugas ng plato.
“Don’t let me repeat myself, Marie. Kakain ka o kakain ka?”
Umarko ang kaniyang kilay. Nagkunwari pa rin siyang walang pakialam sa paligid. Wala na siya sa stage para sa kilig-kilig na ‘yan at sa isang magsasaka pa! Anong maipapakain niya sa kaniyang pamilyang nasa Pinas kung uunahin niya ang kaniyang puso? Wala.
“Okay kung hindi ka kakain, hahalikan na lang kita—”
Mabilis siyang humarap sa binata at blangkong tiningnan ito. Ang galing talaga nito pagdating sa pangdidisturbo sa araw niya.
“Bakit ka nandito?”
“Para sabihan kang kumain. Here.” Kinuha nito ang kaniyang kamay kahit mabula iyon at mabilis na nilagay sa kamay niya ang plato. Kulang na lang itulak siya ni Gheron para umalis siya sa kaniyang pwesto.
Nagkukot ang kaniyang kalooban sa reyalisasyong para lang siyang hangin na hinila papunta sa isang sulok at sinenyasan siya nitong kumain kundi hahalikan siya nito. At hindi lang simpleng halik, kundi isang malutong na halik!
Wala siyang balak sanang kainin ang pagkain na binigay nito pero nang makitang masasarap ang mga iyon, kumulo bigla ang kaniyang tiyan at mamaya niya na isipin ang pagbiglang sulpot nito.
Habang nagmamadali siyang kumain, nakatuon ang kaniyang tingin kay Gheron na naghuhugas ng pinggan. Maliksi ang kilos nito at parang machine na mabilis na naunang tapusin ang isang pile ng mga hugasing plato.
Napanganga na lamang siya. Halos hindi niya na malasahan ang pagkain dahil sa kakapanood sa lalaki na tinalo ang tatlong tao para lang sa paghuhugas ng plato. Halos maduling na ang kaniyang mata sa galaw nito at saka lang siya bumalik sa hwesyo nang may tumama na bimpo sa kaniyang mukha.
“Titigan mo lang ba ako o ubusin ‘yan?”
Biglang namula ang kaniyang magkabilang pisngi at mabilis na tinalikuran ito. Wala siya sa mood na makipag-away sa lalaki. Uubusin lang niya itong pagkain at inumin ang mango juice na sa kulay pa lang, natatakam na siya.
Eksaktong natapos siya nang pumasok ang kanilang Manager. Pinagalitan pa nito si Gheron dahil late na lumitaw pero kumindat lang sa kaniya ang lalaki. Tiningnan lang niya ito ng blangko. Kinuha naman nito ang kaniyang plato na hindi niya namalayang naubos niya ang laman na pagkain doon.
“Busog na?” tanong nito.
Tumango lang siya habang nakatitig pa rin dito.
“Good. Ikaw na maghugas. Huwag kang tatamad-tamad.”
Aba’t!
Naiwan sa bibig niya ang kaniyang sasabihin nang ibalik nito sa kaniya ang kaniyang plato at agad siyang tinalikuran. Dumeretso na ito sa mga kasamahan nitong may suot na puting kasuotan at apron.
Napairap na lamang siya sa hangin at inisip kung ano na naman ang gagawing kabwesitan sa kaniya mamaya ni Gheron. Pipilitin niyang makatakas agad mamaya sa uwian. Hindi siya sasabay rito at baka hindi na sampal ang makuha nito mula sa kaniya.
AT hindi nga siya nagkamali, paglabas na paglabas pa lang ni Marie ng Restauran, nakasunod na agad si Gheron sa kaniya at bumuntot bigla. Napilitan tuloy siyang lapitan si Inukito para kunwari kausapin ito.
“Ienikaeru?” Heading home?
Tumango ito at bahagyang napakamot sa batok. “I can speak english, if you want too.” Halatang kinikilig na wika ni Inukito sa kaniya at kitang-kita niya ang paglabasan ng dimple nito.
“That’s great to hear.” At least, hindi siya malilito sa palipat-lipat niya ng lenggwahe. “Your car?” Turo niya sa kotse nito sa unahan na kulay itim at bagong-bago.
“Yeah! I could give you a ride Marie—”
“No.”
Lihim na umikot ang kaniyang mata sa pabiglang singit ni Gheron sa pag-uusap nila ni Inukito. Blangko ang kaniyang matang tiningnan ang lalaki na tumabi pa sa binatang Hapones. Nagmistula tuloy bata si Inukito sa tabi ni Gheron.
“Ah, Gheron right?” Nakangiwing baling ni Inukito kay Gheron habang matalim naman ang mata ng binatang nakatingin sa kaniya.
Anong meron at ganiyan siya makaasta? Tinatakot niya ba ako? Mukha niya!
Hindi na siya nagpaalam sa dalawa. Dumeretso siyang tumalikod pero bago iyon, binantaan niya si Gheron na huwag na huwag itong magkakamaling sumunod sa kaniya at makikisabay ng bus.
“Marie-babes!”
Hindi siya lumingon kay Gheron, nagtuloy-tuloy lang siya sa paghakbang at agad siyang sumakay nung may humintong bus.
“Pancake!”
“Ayy!” Nagulat siya nang biglang may humawak sa kaniyang kamay at hinila siya para ‘di makasakay. Ang sumunod na ginawa ni Ghero ay hinila siya nito pasunod dito habang tumatakbo sila sa kasagsagan ng snow. “Run!”
Gusto niyang bawiin ang kamay mula sa pagkakahawak nito, pero sobrang higpit niyon at napipilitan tuloy siyang tumakbo para masabayan ang takbo na ginawa ng lalaki.
“Hinahabol tayo ng mga multo!”
“Bwesit ka!” Dahil alam niyang gawa-gawa lang nito ang multong sinasabi ni Gheron. Gusto lang nitong maka-tsansing ulit sa kaniya. “Bitawan mo nga ako!”
“No. May multo nga. Nagsabi sa ‘kin, hahabulin daw nila tayo kapag ‘di tayo sabay umuwi.”
Mas lalo siyang napantastikuhan sa sinabi ni Gheron. Hayop talaga ito, eh. Nawawala siya sa hwesyo kapag ang binata ang kasama niya. Lagi siya nitong binibwesit kahit gusto niyang magseryuso sa buhay.
“Lingon ka!”
“At bakit?”
“Bakit ka nang bakit?! Lingon sa likod natin!”
Kahit wala siyang balak lumingon, napilitan siya habang tumatakbo sila na parang tanga sa tabi ng daan at magkahawak ang kamay.
“Sabihin mo sa ‘kin kung may multo o wala. ‘Pag wala, hahalikan kita!”
“May multo nga?!” Napasigaw siya. Parang lumuwa ang mata niya nang makita si Sadako ng ‘The Grudge’ at ang anak nitong puting-puti ang balat! Totoong hinahabol sila! Kaso nga lang, bakit naka-sapatos ang mga ito ng pula?
“See? They’re real, Marie! Run.”
Napatili siya nang wala sa oras at parang batang pinangko naman siya ni Gheron na tagong-tago ang mala-asong ngiti dahil nagwagi na naman ang plano nitong takutin ang dalaga. Waging-wagi ang ngiti ng binata.
MABILIS na lumipas ang ilang linggo at gano’n pa rin ang nangyayari sa tuwing nasa paligid si Gheron. Kung hindi nito binibwesit ang araw niya, inaasar naman siya nito at susundan kahit saan siya magpunta.
Nagkasagutan na rin sila ni Marienella na inlove na inlove kay Gheron. Muntik na silang nagkasabunutan dahil sa selos na naramdaman nito. Habang si Judith na nag-iisang kaibigan niya dito sa Japan, ito ang dakilang tagabunganga at taga-cheer sa lovelife niyang mas malamig pa sa yelo.
Tulad ngayon, nasa likuran na naman niya si Gheron nakasunod habang bitbit niya ang basket na may mga lamang prutas na pinitas. Nagkunwari na lang siyang hangin ang sumusunod sa kaniya. Napapansin niyang mas nagiging makulit at mapang-asar ang lalaki kapag pinapansin niya ito at pinagbubungangaan. Naubos na nga niya lahat ang na masasakit na salita pero wala itong pakialam pa rin. Nalilito siya kung manhid ba ito o sadyang matigas lang ang atay.
“Marie-babes, hindi ka pa rin nag-reply sa message ko kagabi sa messenger. Tatlong message iyon na I like you.”
Hinayaan niya lang magsalita ito nang magsalita. Oras na makita niya si Fidel, kakapit talaga siya kay Fidel. Mas gugustuhin niyang makasama ang lalaking iyon keysa kay Gheron na maliban sa pagiging manyakis nito, tsansing pa!
“Marie! Tulungan na kita.” Mula sa kung saan, lumabas si Fidel at nagkatotoo ang kaniyang hiling na lumitaw ito.
Agad siyang lumapit sa binata at inabot dito ang basket. “Yes, please. Ikaw na magbuhat nito. Mabigat kasi.” Mas kampante siya sa lalaki. Wala itong ibang pinapahiwatig.
“Sige ba, baka nabigatan ka rin sa sarili mo, Marie. Pwede rin kitang buhatin at itapon.” Tumawa ito sa dulo.
Agad naman nagsalubong ang kilay ni Gheron na pumagitna sa kanila. “Ako na ang magbubuhat kay Marie.” Sa sinabing iyon ni Gheron, bigla siya nitong binuhat.
Kung hindi niya mabilis na natakpan ang bibig, baka abot hanggang Pinas ang kaniyang boses sa lakas ng sigaw niyang ibaba siya nito. Marami ang nakakita na binuhat siya ni Gheron at halos ang mga babaeng nakakita ay napasinghap at hindi makapaniwala na binuhat siya ng lalaki.
“Ibaba mo nga ako!”
“Ibaba mo nga siya Gheron!” Mabilis na singit ni Fidel nang mabawi na nito ang pagkagulat na naunahan ito ni Gheron.
“Akala ko ba nabibigatan ka?”
“Yawa ka! Ba’t ako mabibigatan sa sarili ko?!”
Ngumisi naman ito na halatang amuse na amuse sa kaniyang reaksyon. Kung pwede lang bugbugin ito at pagsasampalin, ginawa niya na. Pero hindi pwede dahil marami ang nakatingin sa kanila at isa na ro’n ang kaniyang kaibigan, na kilig na kilig at hinampas-hampas pa nito si Marienella na halos durugin siya ng buhay sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya.
“Bakit pa kasi si Fidel, kung andito naman ako para buhatin ka at—”
Isang malakas na pukpok sa ulo ang binigay niya sa lalaki. Wala na siyang pakialam sa paligid kung makita siya ng mga ito kung paano siya maging bayolente. Anong pakialam ng mga ito sa buhay niya pala?
“Masakit ka palang magmahal, Marie-babes.”
Sa sinabing iyon ni Gheron, nagbulung-bulungan ang mga kasamahan nila sa farm at ayon na, sira na ang kaniyang imahe! Bago pa sila makita ng kanilang Team Leader at Superior sa kalandian na ginawa ni Gheron, pinagsasapak niya na ito para ibaba lang siya.
“Ito na, ito na. Hindi naman kita itatanan sa ngayon, eh. Sa susunod na araw pa.” Kinindatan siya nito matapos siya nitong ibaba pero tinalikuran niya ito sa sobrang pagkabwesit!
Hindi niya pinansin ang pagsunod sa kaniya ni Judith at pagbulungan ng mga taong nakakita sa kanila. Oras na tawagin siya ni Mrs. Ajinomoto nito, papatayin niya talaga ang binata. Wala pa siyang plano umuwi agad ng Pinas dahil lang sa kamanyakan nito!
“Kinikilig ako sa inyo, Maria! Sana siya na ang porn-ever mo. Ayy!” Malanding humalakhak ito sabay sundot sa kaniyang tagiliran. “Okay lang na sa ‘yo mapunta ang crush ko, promise cross my feet and my atay. Gora lang basta sa ‘yo mapunta si Gheron baby ko at hindi kay Marienella na `yon nga, kapangalan ka lang sa Maria pero ang ugali… Ah… Medyo mabait si Marienella konti keysa sa ‘yo. Hehe.”
Tiningnan niya lang ng masama si Judith at iniwan nito. Deretso siyang nagtungo sa banyo. Nagkulong siya ng kinse minutos doon.
“Maria? Buhay ka pa?”
Walang tugon mula sa kaniya. Hinayaan niyang kumatok si Judith sa pinto ng cubicle na pinasukan niya. Ilang beses niya itong sinabihan na bumalik na sa trabaho pero makulit ito at sabay daw silang bumalik kaya hinayaan niya na ang kaibigan.
Nakahawak siya sa kaniyang dibdib at ando’n pa rin ang tibok na pamilyar sa kaniya. Naramdaman niya na ito dati sa maling tao at ang huli, nawasak lang ang kaniyang puso. Pamilyar sa kaniya ang ganitong pakiramdam na ayaw niya ng maulit pa.
Hinamig niya ang kaniyang sarili. Hindi si Gheron ang makakapag-paibig sa kaniya. Mas gugustuhin niya na lang si Inukito keysa sa lalaki na walang alam kundi ang magpahangin sa iba’t ibang babae. Isang salita ang nababagay kay Gheron, babaero. Babaerong magsasaka sa Japan!
Umusbong ang galit sa kaniyang puso. Ang kapal ng pagmumukha ni Gheron na haliparutin nito ang kaniyang puso tapos ay ano, tatalikod din sa darating na araw na parang walang nangyari? Huminga siya ng malalim at nagtaas ng noo. Ang tulad ni Gheron ay dapat sa basurahan lang dapat. Walang lalaking makakapaggiba sa nakakulong na puso niya. Mas tanggap pa niya na maging matandang dalaga at hindi na makakapag-asawa kahit kailan. Mag-aampon na lamang siya ng anak.
“Hay salamat at buhay ka pa! Akala ko, namatay ka sa sobrang kilig. Kasi ako, OMG! Muntik nang mainlab mga sampu-bente.” Humagikhik si Judith at mabilis na kumapit sa kaniyang braso nang lumabas siya sa cubicle na pinagtaguan niya.
“Mas masaya ako kung paibigin mo siya sa ‘yo, Judith.”
Nagulat naman ito sa kaniyang sinabi pero agad din tumawa ng malandi. “Ano ka ba! Parang ang kay bilis-bilis niya paibigin ‘no? Kung kasing-ganda kita at kasing-bongga ng kutis, aba ay, gora-gora agad ako! Kahit nakapikit siya, lalandiin ko siya ng bonga!”
No comment siya sa exaggerated na sinabi ni Judith. Basta lang siyang naglakad at eksaktong paglabas nila nang lapitan siya ni Marienella at tinuro ang office ng Superior nila.
“Gaga, tawag ka ng Superior natin.” Ngumisi ito. “Alam mo naman na bawal maglandian dito sa Farm pero ikaw may ganang lumandi. Ma-suspende ka sana at mapauwi ng Pinas.”
“Aba’t demonyita ka ah—”
Mabilis niyang napigilan ang kamay ng kaibigan na akmang sasabunutan nito si Marienella. Baka maging dalawa pa sila na mapatawag sa office ni Mrs. Ajinomoto, and speaking of their Superior, tatagain niya si Gheron mamaya sa itlog. Yawa talaga ito!
“Huwag kang makipag-away Judith, kung ayaw mong dalawa tayong bibisita sa office ni Mrs. Ajinomoto.”
Napangiwi naman si Judith sa kaniyang sinabi. Habang nagkibit ng balikat si Marienella at maarteng tumalikod. Sumenyas pa ito papauwiin na siya ng Pinas.
Nagkunwari siyang ‘di apektado. Hihingi na lang siya ng pasensya kay Mrs. Ajinmoto at pakiusapan itong ‘wag siyang isuspende o tanggalin. Araw-araw kailangan niya ng pera at kahit sentemo, tinitipid niya.
PERO lahat ng pakiusap niya sa matandang Hapones, hindi tumalab. Binigyan siya nito ng dalawang linggong pagkasuspende na labis niyang kinagulat. Kaya kahit labag sa kalooban ni Marie, tinanggap niya ang kaniyang suspension. Ayon pa nito, hindi lang isang beses siyang nakitang nakipaglandian kay Gheron. Maraming beses na raw at may mag ebidensyang magtuturo, at ‘yon nga pinakita sa kaniya ang mga larawan nila ni Gheron na magkalapit at nakatingin sa kaniya ang lalaki na parang siya ang mundo nito. Ang larawan ay galing mismo kay Marienella.
Yawa ka talaga, Gheron! Peste ka talaga. Dalawang linggo. Dalawang linggo akong suspende!