Napatitig siya rito habang walang salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Panay pa rin ang patak ng kaniyang mga luha pero pinupunasan iyon ni Gheron. Nung mahimasmasan na siya at naging okay na ang takbo ng kaniyang isipan, mabilis niyang winaksi ang kamay nito. Hindi niya pa nakalimutan ang ginawa nito sa kaniya sa loob ng bus kanina at kung paano siya nito manyakin.
“Umalis ka.” Tiningnan niya ito ng blangko.
“Here comes the tiger,” pang-aasar nito.
Tiningnan lang niya ito at tinalikuran. Okay na siya… sa ngayon. Hindi siya pwedeng umiyak habang andiyan sa paligid ang lalaki. Kailangan pa niyang kausapin ang kaniyang kapatid para alamin ang buong detalye kung bakit.
Malalaki ang kaniyang hakbang. Nakatuon ang kaniyang mata sa kaniyang cellphone para tawagan sa messenger ang kaniyang kapatid pero nagulat na lamang siya ng may humablot sa lumang phone niya. Nagsalubong agad ang kaniyang kilay nang makitang si Gheron ang kumuha at seryuso siyang tiningnan.
“Gusto mo na naman ba umiyak?”
“Pakialam mo ba?” asik niya rito.
“Of course, may pakialam ako, Marie. Pinakaayaw ko sa lahat ay ang makita kang umiyak!”
“Hindi ikaw ang rason ng iniiyakan ko, Gheron. Huwag kang assuming.”
“I know, at kung sakaling ako man ang magpapaiyak sa ‘yo, hindi ka iiyak sa sakit. Iiyak ka sa sarap.” Bigla itong ngumisi.
Inis na sinipa niya ito sa tuhod na agad nitong ikinaaray. “Akin na nga ‘yang phone ko.”
“No!” Nakangiwi pa rin ang mukha nito at bahagyang hinimas ang tuhod na sinipa niya. “Ang lakas mo rin sumipa, ah. Maliban sa malakas ka sumampal, saan ka pa malakas? Hmm?” Kumudlit na naman ang mala-asong ngisi nito na ikinainis ni Marie. Mukhang may iba pa itong iniisip na kamanyakan.
Imbes mag-emote siya at magdrama sa gitna ng Japan na mag-isa, mukhang hindi niya yata magawa dahil sa pesteng presinsya ng binata.
“Kabalo ba ka nga, yawa ka? Manyakol kang yawaa ka!” Alam mo bang demonyo ka? Manyakis kang demonyo ka!
Ngumisi naman ito sa kaniyang sinabi na parang naiintindihan ang kaniyang lenggwaheng ginamit. Bisaya iyon.
“Diay?” Talaga?
Para siyang binagsakan ng langit nang sumagot ito ng lenggwaheng gamit niya. Sa inis niya, sinipa niya ang kabilang tuhod nito. Napaaray naman ito at umarteng nasaktan pero hindi na siya naniwala.
“Akin na ‘yang phone ko.”
“Unless you come with me for a cup of coffee.”
Tumalim ang kaniyang mata sa binata. Importante sa kaniyang tawagan ang kaniyang kapatid. Tiningnan niya ng masama ang lalaki pero para itong walang pakialam.
“A cup of coffee na libre mo or ang phone mo?”
Umarko ang kaniyang kilay at napapantastikuhang napatingin kay Gheron. Iniisip ba nitong mauutakan na naman siya at pagkatapos ay ano, mamanyakin? Imbes na sundin ang gusto nito, mas pinili niyang tumalikod. Sasakay siya ng bus at uuwi ng farm. Alam niyang hahabulin siya nito at ibabalik ang phone niya.
Pero nakalimang hakbang na siya, hindi humabol ang binata sa kaniya. Humakbang pa siya ng isa pero walang Gheron na sumunod. Napahugot siya ng hangin at naglakas ng loob na lingungin ito. Gano’n na lang ang pag-akyat ng dugo sa kaniyang ulo nang makitang nakangisi ito. Bago pa siya sumigaw sa galit, tumalikod na ang binata at tinungo ang bukas na coffee shop sa unahan katabi nung Restaurant.
Bwesit!
Wala siyang nagawa kundi ang mapasunod sa lalaki. Alam talaga nito kung paano bwesitin ang buong araw niya hanggang sa mamatay siya. Pwes, babawi siya. Huwag itong pakampante. Maghintay lang ito sa kaniyang gagawin. Gusto pala nito, bwesitan ng buhay, ah!
“Masarap ang coffee nila rito.” Ang lawak ng ngiti ni Gheron nang sundan niya ito sa shop. Nauna pa itong nakalapit sa counter at halatang kinilig ang babaeng staff na nakatingin sa binata.
“Wala akong pera kaya ibigay mo na ang phone ko para makauwi na ako.” Kalmado niyang saad habang nakalahad ang kaniyang kamay rito.
“May sahod ka naman kanina, ah.”
“Hindi para pang-coffee iyon. Para sa pamilya ko ‘yon sa Pinas, Gheron. Ngayon kung gusto mo magkape hanggang sa maging kulay kape ang dugo mo, magpakasaya ka! Pero ‘yang phone ko na walang abiso mong ninakaw sa ‘kin, ibigay mo na.”
“Hmm…”
Kumunot ang kaniyang noo. Kung hindi siya nagkakamali, kumikislap ang mata nito habang nakatunghay sa kaniyan ngayon at parang binabasa ang aura ng kaniyang mukha. Halatang tuwang-tuwa ito na nabibwesit siya.
“Ibibigay mo ba o hindi?” angil niya rito.
“Um, hindi.” Ngumisi ito. “Brewed coffee for me, Miss.” Saka ito humarap sa staff.
“Hai!” Yes! Agad tumalima ang babae.
“Ano sa ‘yo? Brewed, cappucino o ako?”
Naningkit ang kaniyang mata at bago pa niya sipain ito sa tuhod, tinaas na nito ang kaniyang cellphone at winagayway sa ere.
“You need this. Sige manipa ka.”
“Flat white coffee!” Inis na turo niya sa kape na nasa menu.
“You mean, you.” Turo naman nito sa kaniyang dibdib.
Napatingin naman siya sa kaniyang dibdib at huli na para maisip na minanyak na naman siya ni Gheron. Sa inis niya, binugbog niya ito sa harap ng counter.
“Sorera o mitekudasai! A, kappuru!” Look at them! Ah, couple!
Natigilan siya at napatingin sa babaeng nagsalita ng Japanese. Para lang matigilan si Marie nang makitang kalimitan sa mga customer ay mga couple at teenagers at lahat ng mga iyon ay nakatingin sa kanila na kinikilig.
“Kanpeki ni matchi!” Perfect match!
“Perfect match daw tayo, Marie-babes.” Si Gheron na kinikilig at hindi halatang abot hanggang leeg ang ngiti nito. Kulang na lang mga puso sa mata nito.
“Perfect mukha mo!” Tinalikuran niya ito at naunang umupo sa sulok malapit sa bintana. Pagbibigyan niya ito ngayon pero sa susunod, wala na.
NANG gabing iyon ay mabilis na siyang nakatulog. Hinayaan niya ang pagpapapansin ni Gheron sa messenger. May pa ‘Gal Vensson’ pa itong nalalaman at kung inaakala nitong mag-re-reply siya, nagkakamali ito. Hindi niya rin magawang i-block ang lalaki. Hindi dahil sa ayaw niya, kundi ayaw niyang bigyan ng rason ito na mas lalo siya nitong kukulitin kapag nalaman nitong binlock niya ito sa social media.
Bukas niya na isipin ang pagpapadala ng 80 thousand para makalabas ang kaniyang kapatid. Pero hindi niya na pala kailangan gawin iyon dahil biglang nag-chat si Marites, nakalabas na ang kaniyang kapatid na lalaki at walang binayarang piyansa. Kahit papaano, masaya siya sa balitang iyon.
Kaya nang umagang iyon, magana at masigla siyang bumalik sa trabaho. Maaga rin siyang binomba ng mga tanong ni Judith at kung bakit natagalan siya sa pag-uwi kagabi at kung sino ang nakilala niyang mga lalaki. Kahit kailan talaga, hinahanapan siya ng lalaki ni Judith.
“Maria!”
Humarap siya kay Judith na blangko ang mukha. “Ano?”
“Ikaw ha, ang biased mo. May nakapagsabi sa ‘kin na magkasama raw kayo ni Gheron ko kagabi,” nanunuksong sita nito.
Umarko ang kaniyang kilay at hindi pinansin ang kaibigan. Lalo na at nakasalubong pa niya si Marienella na ang taas ng kilay na binigay sa kaniya. Inisip yata nitong tatalab sa kaniya ang pagtaas-taasan ng kilay nito.
“Anong ginawa niyo? Nag-date ba kayo, ha? Maria? Hoy sabihan mo ako. Crush na crush ko si Fafa Gheron pero kung ikaw lang din naman ang babaeng magugustuhan niya, keri lang sa ‘kin! Kaibigan kita eh, saka alam kong mamahalin ka ni Gheron hanggang forever and ever! Owemji! I’m so kilig.” Humagikhik ito at hinampas-hampas pa siya sa balikat.
Humarap siya rito at hindi mapigilang mandiri sa sinabi ng babae. “Gusto mong tahiin ko ‘yang bibig mo?”
Agad naman itong tumahimik pero nakapaskil pa rin sa labi ang kilig na naramdaman nito para sa kanila ni Gheron. Kumislap-kislap pa ang mga mata nito
“Hi, Marie.”
“Umalis ka Fidel kung ayaw mong sa ‘yo ko unang gamitin ang gunting na ito at isaksak sa leeg mo hanggang sa mangisay ka.”
Mabilis nawala sa harapan niya ang binata habang tawa nang tawa ang kaibigan niya sa kaniyang tabi.
“Ang harsh mo rin kay Fidel. Brotherly love lang naman pinapakita sa ‘yo, oh! Kung ayaw mo, si Gheron na lang, bet ko siya para sa ‘yo. Crush ko siya for you talaga.” Muli itong humagikhik.
And speaking of Gheron, nasa harapan na nila ito ni Judith. Nagmula talaga ito sa pamilyang kabute at nakahiligan na nito ang pabigla-biglang sulpot.
“Hi, Gheron!’
Kumindat naman ang lalaki nang tingnan nito si Judith. “Coffee, ladies?” Nag-offer ito sa kanila ng dalawang kape.
“Wow! Thank you, Gheron.” Bumungisngis si Judith nang abutin nito ang kape at kinikilig na hinigop iyon kahit mainit. “Hehe eng enet pele!”
Napailing na lamang siya sa reaksyon ng kaibigan na napaso ang dila. Saka niya tiningnan ang orasan ng kaniyang relo, 10 minutes bago magsimula ang oras ng kanilang trabaho at sa loob ng sampung minuto, kaya pa niyang patayin ang binata.
“Saan ang kape ni Maria, Gheron?” pabebeng tanong ni Judith sabay higop ulit sa kape nito kahit napaso na.
Simpatikong ngumiti ang lalaki at humigop muna ito ng kape saka nagsalita. Sa kaniya ito nakatingin. “Ang totoo niyan, sa ‘min dalawa itong kapeng dala ko. Iisang baso para sa babaeng gusto ko.”
“Wahhh Maria!!!” Natapon ang kalahating laman ng kapeng hawak nito. “Gusto ka niya!” Kulang na lang, buong mundo makakarinig sa lakas ng tili ni Judith.
Halos naalog ang kaniyang utak sa walang awang paghila ng kaniyang kaibigan sa kaniyang buhok at pagtulak papunta kay Gheron.
“Magtatrabaho na ako, Judith.” Walang pasabing tinalikuran niya na ang mga ito.
“Bye Gheron! Gusto ka rin ni Maria, in denial lang. Gwapo ka kasi masyado.” Muli pang humagikhik si Judith saka ito sumunod sa kaniya.
NANG umabot ang lunch break, napilitan siyang sumama kay Judith sa canteen. Hindi siya nito hinayaan ng kumain muli mag-isa.
“Libre ko, promise!” Kumislap-kislap pa ang mata nito nang papunta na sila ng canteen. Tulad ng dati, marami sila pero hindi siksikan.
“May pera ako—”
“At libre ko.” Pagpuputol nito at hinila siya papunta sa unahan para pumila.
Pagkatapos nilang makakuha ng lunch, agad silang naghanap ng mauupuan at malapit sa pintuan ang nakuha nilang pwesto ni Judith. Tamang-tama lang na sila ang mauunang makakalabas at makakabalik sa trabaho.
Nakatatlong subo pa lamang siya nang may naglapag ng mango juice sa table niya. Kumunot ang kaniyang noo nang tumama ang kaniyang tingin sa basong may lamang juice at kahit kompirmahin niya o hindi, alam niya na kung sino ang naglapag n’yon.
“You need that juice,” baritong boses ang nagsalita sa kaniyang harapan.
Impit na napakagat ng chopstick si Judith at halos mamula ito sa kilig. “Maria, hulaan mo kung sino…”
Hindi siya kumibo. Nagpatuloy siya sa pagsubo ng pagkain at hindi pinansin si Gheron na umupo sa kaniyang harapan mismo.
“Pineapple juice for you, Marie.”
Hindi niya na rin kailangan kompirmahin kung sino ito. Dahil sa tono pa lang ng boses ni Fidel, alam niya na.
“Ang haba ng pekpek hair mo, Maria. Two juices in a one glass of milk. Teka, meron ba gano’n kasabihan?” bulong ni Judith sa kaniya at ito rin ang unang tumawa.
Napailing na lamang siya at nagpatuloy sa pagsubo ng pagkain. Ang isa, nasa kaniyang tabi. Ang isa, nasa kaniyang harapan. Lihim siyang napailing at kunwari isa siyang bato.
“You need this.” Nilagyan siya ng karne ni Gheron sa kaniyang tray plate.
Natigilan siya at napabuntong-hinga. Mali talagang sumama siya rito sa Canteen at dito kumain. Maliban sa hindi siya makakain ng matino, may mga hayop pa na dumidisturbo sa kaniya.
“Marie, gulay para mas lalong tumaas ang ‘yong buhay.” Nilagyan naman siya ni Fidel ng carrots kahit puro gulay na halos na ang nasa plato niya.
“More meat.” Nilagyan din siya ulit ni Gheron.
“More gulay.” Hindi naman nagpatalo si Fidel. Nagtaas pa ito ng tingin at masamang tiningnan si Gheron.
“Meat.” Naglinya ang tingin ni Gheron. Nilagyan siya ulit.
“Gulay.” Gaya-gaya ni Fidel. Buong potato na ang nilagay sa plato niya.
“Meat.”
“Gulay.”
“Meat!”
“Gul—”
Natahimik ang mga ito nang ibagsak niya ang kutsara’t tinidro na ginamit. Huminga siya ng malalim. Hindi siya makakain ng maayos sa dalawang bwesit na kahit sa pagkain, dinidisturbo siya!
Dinampot niya ang kaniyang bag at walang sabing umalis. Narinig niya ang pagtawag ni Judith pero hindi niya pinansin ang kaibigan. Kaniya-kaniyang bulungan naman ang naririnig niya sa mga kasamahang babae lalo na kay Marienella na sinadyang lakasan ang boses at sinabihan siyang malandi at papansin.
Dumeretso na lamang si Marie sa Green House at tinawagan ang pamilya sa Pinas. Nawala ang naramdaman niyang inis at pagkabwesit nang makita ang masayang mukha ng kaniyang mga kapatid.
“Ate kumusta ka na d’yan? Itutuloy mo daw ang 80 thousand na pera, sabi ni Mama. May paggagamitan daw siya.”
“Ha?”
“Sabi ni Mama ‘yan ate. Tutal hindi naman nagamit sa pangpiyansa ni Mark. Mas mainam ‘yong perang para sa pangpiyansa raw kuno, sa kaniya mo na lang raw ibigay.”
Napailing na lamang siya nang marinig niya ang mahabang explanation ni Marites. Kahit kailan, pera ang tingin ng mga ito sa kaniya.