Dominant Series 8 - Indestructible Chapter 16

Bahagyang napangiwi si Magnar nang haplusin niya ang kaniyang pisnging sinuntok ni Gallagher. Pang-ilang away na ba nila ito dahil lang sa babae? In love na nga ang gagong kaibigan niya. Tinungo niya ang ref at kumuha ng yelo ron, nilagay sa icebag at sandaling ginamot ang napuruhang pisngi. Hindi siya gumanti ng suntukan sa kaibigan, binabasa niya lang ang lakas ng suntok nito. At ayon sa lakas ng suntok na binigay ni Gallagher, selos na selos ito at gustong-gusto siyang saktan pero nagpipigil lang dahil magkaibigan sila.

“That asshole is in love!” Mahina siyang natawa sa isiping magkaibigan nga talaga sila.

Pareho lagi ang taste nila pagdating sa babae. But here’s a problem, hindi niya kailanman minahal si Marie. Parte lang ito ng kaniyang pagpapanggap. Dating nagtitinda sa palengke ang dalaga, at para hindi halatang baguhan lang siya sa lugar na iyon at pagdudahan, sa babae siya sandaling kumapit.

Gusto niya ang babae, pero hindi ito gano’n kalalim noon dahil na rin sa kadahilanang hindi pa handa ang kaniyang puso na pumasok sa isang masayang relasyon. Ang trabaho niyang alam nito ay kargador, at si Marie na mismo ang nagsasabi sa kaniya rati na ayaw nitong mag-asawa ng mayaman. Sapat lang sa dalaga ang buhay na meron sila, siya kargador at ito tindera basta masaya sila.

Sa panunukso ng mga tao, sinagot siya ng dalaga kahit walang ligawan na naganap. Minsan niya itong niyayang kumain ng balot at fishball sa kanto at akala nito, niyaya niyang maging girlfriend ang dalaga. Wala naman problema kay Magnar, pinapangako naman niyang hindi siya gagawa ng hakbang na masaktan ito sa kaniyang pag-alis matapos ang kaniyang misyon.

Iyon nga, nang matapos ang kaniyang misyon na dalawang buwan na pagiging kargador sa palengke, nawala siya bigla. Sinadya niya ang bagay na ito. Nag-iwan lang siya ng sulat sa babae na nagsasabing sumama siya sa isang mayamang matandang babae at kalimutan na siya nito.

“Hindi ko akalain na magkikita kami ulit ni Marie Cris,” naiiling na saad niya at umupo sa sofa. Napatitig siya sa kesame at natawa. “Sa reaksyon niya, mahal na mahal niya pa si Magnar ang kargador na lalaki.” Sinipat niya ang sarili. “Ibig sabihin, mukha pa rin akong kargador hanggang ngayon?”

“Sa ginagawa mo, madedemonyo si Gallagher sa ‘yo.” Pumasok si Tiverius na may dalang beer in can.

“Wew! Paano ka nakapasok sa hotel room ko?”

Natawa naman ito at binato sa kaniya ang isang beer. “Dahil ako ang may-ari ng Hotel na ito.”

“Fucking yeah!” Natawa siya ng malakas. Pagmamay-ari pala ito ng isang Tiverius Donahue. “Anong ginagawa mo rito sa Sapporo? Pagkakaalam ko, may assignment kang iba.”

“Blood diamonds.”

Nagkibit siya ng balikat. Alam niya na ang pinupunto ng kaibigan. Agad niyang binuksan ang beer in can at tinungga iyon. Napapikit siya sa likidong tumama sa kaniyang lalamunan. Mabilis niyang tinawagan si Gallagher.

“Gal!”

“Don’t talk to me motherfucker!”

Natawa siya. Galit ang boses nito at mukhang alam niya na ang ginagawa ng kaibigan. Naghuhukay ito ng mga impormasyon pero pasensyahan, walang mahuhukay si Gallagher sa kaniya. Mas lalo siyang natawa. Masarap asarin ang kaniyang kaibigan ‘pag nagseselos ito.

“Come here. Nandito si Tiverius may dalang beer galing Pinas. Inom muna bago selos.”

Humagalpak naman ng tawa si Tiverius sa kaniyang sinabi. Agad siyang sumenyas sa binata na ‘wag itong tumawa at baka mas lalong ma-highblood si Gallagher at pagsusugurin sila ng baril.

“Ano? Ayaw mong makipag-inuman sa ‘min?”

“The hell I’ll drink with you? Puta kang kaibigan!”

Gusto niyang humagalpak ng tawa pero pinigilan niya ang sariling huwag. Ilang beses siyang umiling at umubo para hindi matawa at asarin ito. Naiintindihan niya rin si Gallagher, ilang beses niyang sinabotahe ang feeling in love nito sa mga babae. Ayaw niya lang mapariwara ang inosenteng puso ni Gallagher.

“Dala ko ang paboritong inumin mo at may cookies dit—”

“Coming puta ka!”

Sabay silang nagtawanan ni Tiverius nang mawala na sa kabilang linya si Gallagher.

TININGNAN muna ni Gallagher ang harap ng malaking screen at paulit-ulit na binasa ang nakalagay ro’n. No Data Found. Inulit niya ulit ang paghalukay sa background ni Marie pero wala, walang lumabas kahit na kay Magnar. That motherfucker! Nagtagis ang kaniyang bagang at nagpasyang tumayo.

Kinuha niya ang kaniyang baril at siniksik sa beywang. Nagsuot siya ng black leather jacket at tinali ang buhok. Makakatikim si Magnar sa kaniya ngayon. Magsusukatan sila ng tapang!

Walang kahirap-hirap niyang na-locate ang lokasyon ng kaibigan. Tulad nga ng sabi nito, kasama nito si Tiverius na nanonood ng Live basketball game pero walang volume.

“Hey?” Binato siya ni Tiverius ng beer habang nakatuon ang mata sa malaking screen.

Nasalo niya ang beer na walang kahirap-hirap at tiningnan kung anong brand iyon. Maarte ang kaniyang dila siguro dahil sa pagiging Chef niya ito. Agad nagtagpo ang kaniyang kilay nang makitang hindi niya tipo ang beer na binigay nito. Binato niya ulit ito kay Tiverius at awtomatikong sinalo nito ang beer na hindi tumitingin sa kaniya.

“Cookies. Meron sa kusina.”

Tiningnan niya ng masama si Magnar na seryusong tinuro nito ang daan papuntang kusina. Oras na masama ang lasa ng cookies na sinasabi nito, babarilin niya na agad ang dalawang itlog nito at para matahimik na ang nagbabaga niyang bagang.

Isang tingin pa lang niya sa cookies, masarap na. Kumuha siya ng isa at kumagat. Napangiti siya. Naalala niya ang magandang mukha ni Marie na kahit saksakan ng sungit at maldita, gustong-gusto pa rin niya.

“Stop thinking about that woman.”

Tiningnan lang niya ng blangko si Magnar at binigyan ito ng dirty sign. “Oras na makita kong lalapitan mo ulit si Marie, dulo ng baril ko ang makikipag-inuman sa ‘yo.”

“Easy! Easy.” Natatawang sambit nito. Nagsimula itong magbukas ng isang box ng donut. “Wow! Ang paborito ko!” nangningning ang mata ni Magnar at sinimulan kagatin ang donut. “Paborito ko talaga ang donut dito sa Japan. Ah, I missed it so much! Tikman mo akin pre.” Binato nito sa kaniya ang isang donut.

Mabilis naman ang kaniyang kamay na saluin ang ang binato nito at kinagat. “Yeah, masarap. Pwede na rin. Try mine, mas masarap sa ‘kin.” Binato niya rito ang cookies na hawak.

Agad na kinain ni Magnar ang cookies na binigay niya at tumango ito. “Masarap. Wanna exchange place with me?”

Habang si Tiverius sa sala na nanonood ng Live basketball, nandiri sa narinig at umarteng nasusuka. Sunod-sunod itong napainom ng beer at hindi kinaya ng utak nito ang nagaganap na eksena.

“Maitim naman ‘tong sa ‘yo. Mapait masyado, Gal.” pagrereklamo ni Magnar habang kagat-kagat ang cookies na binigay niya.

“Masyado naman maputi ‘tong sa ‘yo. Ang tamis-tamis pa. Ang daming asukal.” Asik niya sa kaibigan pero nginuya pa rin niya ang donut. “Ganito ba talaga kaputi ‘tong sa ‘yo?”

Samantalang si Tiverius ay napa-sign of the cross nang wala sa oras at sunod-sunod na napailing. Inisip nitong gumagawa nang milagro ang dalawang magkaibigan sa kusina kung saan malaya ang mga ito.

“Sige, ‘wag na tayong magpalitan. ‘Yong akin na lang ang kainin ko.”

“Same. I’ll eat mine,” kaswal na sagot niya.

“Tanginaaaaaa niyooo! Ang bababoy niyong dalawaaaa!!!”

Natigilan sila pareho nang marinig nila ang malakas na sigaw ni Tiverius. Sabay silang napalingon ni Magnar sa bukana ng pintuan at nakita nila itong may hawak na tsinelas, nakaumang sa kanila.

“What happened?” magkapanabay na tanong nila kay Tiverius.

Naglipat-lipat naman ang tingin nito sa kaniya at kay Magnar. Nakakunot ang noo nito at kalaunan ay napakamot ng ulo.

“Nothing.” Mabilis nitong binaba ang tsinelas.

“Nothing?” Magkapanabay ulit sila ni Magnar.

Napakamot naman si Tiverius at humakbang paatras. “Akala ko kasi nag-ano kayo…”

“Anong nag-ano?”

“Nag-sex—”

Isang plato at pitsel ang tumama sa ulo ni Tiverius.

“Putangina mo!”

“Hijo de puta!”

“Sorry na! Tangina naman, eh. Akala ko kasi!”

Hinabol nila si Tiverius at binugbog hanggang sa hindi makalakad.

Natatawang nilagok nila pareho ang laman ng kanilang mga beer. Matapos silang maghabulan ng parang mga bata sa loob ng malaking hotel room at nagkandasira-sira ang mga kagamitan sa loob, saka lang sila kumalma na parang mga bagong takas mental.

“Gago ka talaga Tiv, buti wala pa kami sa kondisyon na lumpuhin ka namin ng tuluyan ni Magnar.”

“Tangina niyo. Hindi pa ba lumpo itong ginawa niyo sa ‘kin? Binalian niyo ako ng kamay.” Pagrereklamo nito at tinaas ang kamay na hindi na tuwid. “Isusumbong ko kayo kay Yx!”

“No way dick head!” kangising sambit ni Magnar at linagok ang natitirang beer. “Ang hayop kasi ng pag-iisip mo! Kailangan ng bendisyon.” Saka nagbukas ng bago si Magnar na beer at binuhos sa ulo ni Tiverius.

“Damn you!”

Natawa siya nang malakas nang magsimulang maghabulan ulit ang dalawa. Mga walang kapaguran. Habang siya, tahimik lang na iniinom ang kaniyang beer at nakatingin sa labas ng salaming dingding.

Humakbang siya at tinungo ang balkonahe. Agad sumalubong sa kaniya ang malamig na simoy na hangin. Matapos niyang lagukin lahat ng laman ng beer, tinungo niya ang pintuan. Gusto niyang makita si Marie kahit dis-oras nang gabi.

“Gal!”

Hindi niya pinansin ang tawag ng dalawa. Tumalilis na siya ng takbo para hindi siya abutan ni Magnar at Tiverius. Agad siyang sumakay sa kaniyang kotse at pinasibad papunta kay Marie.

TULALANG nakatingin si Marie sa kesame. Ang daming nagsilabasan na mga katanungan sa isip niya pero wala siyang sagot kahit isa. Bumangon siya at kinuha ang wallet at nagsuot ng makapal na jacket. Magpapahangin lang siya sa labas at manonood ng citylights. Hindi niya ito nagagawa simula nung nandito siya sa Japan, puro kasi siya sa trabaho.

Nakasiksik ang kaniyang dalawang kamay sa pantalong maong. Balot na balot ang kaniyang katawan pero pakiramdam ni Marie, nanlalamig pa rin ang kaniyang buong sistema. Gusto niyang kwestyunin ang biglaang pagpakita ni Magnar, ang pagkalapit nila ni Gheron, ang pag-away ng dalawa at ang pagkalito ng puso niya ngayon. Ang dami niyang gustong itanong!

Malalim ang kaniyang iniisip kaya ‘di niya namalayan na malayo na pala ang kaniyang inabot sa paglalakad. Natigil lang siya sa paglalakad nang matanaw niya ang Odori Park. Isang regular na sightseeing spot sa Sapporo at napakagandang tingnan lalo na at maraming mga lights na nakasabit at masarap sa mata tingnan lalo na sa gabi.

Napangiti siya at nanatiling nakatayo ro’n at pinagmamasdan ang magandang fountain sa gitna. Ngayon lang yata niya na-enjoy ang pag-iisa sa gitna ng malamig na klima ng Sapporo kasabay ang pagbalik ng kaniyang alaala kasama si Magnar...

“Saan mo ba ako dadalhin, Magnar?” nagpipigil sa kilig na tanong niya. Kahit ang dugyot ng damit ng lalaki, hindi pa rin basihan para mabawasan ang kagwapuhan nito kahit kargador.

“Gusto ko sanang yayain kang mag—”

“H-ha?!” Huminto ang puso niya. Magkahawak kamay sila ng lalaki at nakangiti ito sa kaniya na parang siya lang ang tanging babae sa buong mundo.

“Yayain na samahan ako—”

“Payag ako, Magnar.” Kinikilig na umuoo siya agad. “Payag akong samahan ka habang-buhay. Payag akong maging girlfriend mo!”

“Marie…”

“Oh?”

“Pero hindi ako mayaman.”

Ngumiti lang siya at hindi na nagsalita. Kontentong-kontento siya kay Magnar kahit habang-buhay sila sa palengke. Kahit isangdaan sumbat at galit ang makuha niya sa Magulang, tatanggapin niya. Ngayon lang siya nagmahal at gusto niya ang lalaki.

Simula n’on lagi na silang magkasama ng lalaki. Gentleman ito pagdating sa kaniya at barumbado pagdating sa mga tambay sa labas. Ang natatandaan lang niya ay hinalikan lang siya nito sa pisngi at isang yakap na mahigpit ang binigay nito bago ito nawala at nag-iwan ng sulat na sumama ito sa mayaman.

Si Magnar ang dahilan ng pagwasak ng inosente niyang puso. Ang lalaki ang una niyang minahal. Pagkatapos n’yon, hindi na siya muling pumasok pa sa isang relasyon. Inuna niya ang kaniyang pamilya dahil iyon naman talaga ang responsibilidad niya nung una palang. Nakalimutan niya lang nung sumingit sa linya ng buhay niya si Magnar at ginulo ang tahimik niyang puso.

“Marie…”

Napasinghap siya nang may nagsalita sa kaniyang likuran. Paglingon niya, eksaktong tumama ang mata niya kay Gheron. At nang sandaling iyon, tila huminto ang buong paligid at ang tanging nakikita niya ay ang matiim na tinging binigay sa kaniya ng lalaki. Ang tingin nito na parang hinuhukay ang kaniyang buong pagkatao. Ang tingin nito na kayang guluhin ang kaniyang utak at puso sa loob lang ng isang segundo. Ang tingin nito na aaminin ni Marie na hindi niya kayang labanan dahil iba ang kislap na sinisigaw ng mga mata ni Gheron.

Sumabay ang malamig na simoy ng hangin sa bawat hakbang na ginawa ni Gheron papunta sa kaniyang kinatatayuan. Dalawang dipa lang ang layo nito sa kaniya pero pakiramdam niya isang dangkal lang. Dama niya ang tensyon, ang init, at ang hindi niya maintindihang damdamin kung bakit.

Galit siya kay Magnar at galit siya sa kaniyang sarili dahil bakit pangalan ngayon ni Gheron ang tinatakbo ng utak niya at tinitibok ng manhid niyang puso!

Tila may sariling isip ang kaniyang paa na umatras para umalis papalayo nang isang iglap lang, nahila ni Gheron ang kaniyang kamay at kasunod n’yon ay ang pagsalubong ng mainit na labi nito sa kaniya.

Gheron?!

Parang naging slow motion ang lahat. Siniil siya nito ng isang matamis na halik! Ang dalawang kamay nito ay nasa kaniyang pisngi at sa halik na binigay nito, naramdaman niya ang pagliwanag ng buong paligid, ang paghampas ng malamig na hangin, at ang mabangong amoy ng mga rosas.

Hindi siya nakahuma. Nakalimutan niya saglit ang kaniyang sarili at ang tanging naririnig lamang ni Marie ay ang malakas na tibok ng puso nila ni Gheron…

Napapikit siya. Dinama ng tuluyan ang halik na binigay nito at hindi niya namalayang tinugon niya ang halik ni Gheron. Tinugon niya ang masarap at matamis na halik nito na hindi niya kailanman naramdaman kay Magnar.

Ang kamay ni Gheron ay humapit sa kaniyang beywang habang ang kaniyang kamay ay nakayakap sa leeg nito. Magkahinang ang kanilang labi at tila silang dalawa lang ang tao sa park na iyon. Nakalimutan niyang nasa public place sila at maraming mga tao. Nakalimutan niyang ang lalaking nasa harapan niya ay si Gheron at isang pobreng magsasaka.

Wala siyang karanasan sa halik at kung paano humalik pero sa bawat galaw ng labi ni Gheron, natutunan niya. Banayad iyon at punong-puno ng pagmamahal na kahit ‘di nito sabihin, damang-dama niya ang nagsusumigaw na pagmamahal nito sa kaniya.

Sa mga sandaling iyon, inisip ni Marie na sana ay huminto saglit ang oras dahil hindi niya alam kung paano pakikitunguhan si Gheron pagkatapos ng halik na pinagsaluhan nila. Ang matamis na halik na alam niyang habang-buhay niyang hahanapin.

“Mahal kita, Marie… Mahal kita…”

At tuluyang nagulo ang tahimik na sana niyang mundo… dahil ang totoo, mahal na rin niya si Gheron.

Mahal rin kita, Gheron. Sigaw ng puso niyang hibang.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.