Dominant Series 8 - Indestructible Chapter 17

Masuyong ginanap ni Gheron ang kaniyang pisngi at nang tingnan siya nito sa mata, doon siya tuluyan nagising sa kaniyang kabaliwan. Napahiya siya sa isiping bumigay siya agad sa masarap at matamis na halik ni Gheron. Mabilis niya itong tinulak at walang sabi na tumalikod.

Pero mabilis ang kamay ni Gheron para pigilan siya na huwag lumayo rito. “Marie-babes…”

Winakli niya ang kamay nito. Mahirap si Gheron. Mahal niya ito iyon ang sinisigaw ng kaniyang puso pero hindi pwede. Mahal siya ng binata pero hanggang saan ang pagmamahal na iyon? Hanggang kailan siya nito mamahalin? May limitasyon ang lahat alam niya iyon. Ganiyan ang nangyari sa kanila ni Magnar.

“H-hindi kita mahal.” Sinungaling! Mahal mo siya! maarteng sagot ng kaniyang kabilang utak.

Natawa si Gheron sa kaniyang sinabi at bahagyang umiling. “I don’t believe you, Marie. Nakikita ko sa mga mata mo. You feel the same way I do. Mahal mo rin ako at mahal din kita.”

“Talaga?” Napukaw ang galit niya. “Mahal mo ako?” Mapait siyang napangiti. “Ngayon sabihin mo sa ‘kin, sino si Magnar? Paano kayo nagkakilala? Ano ka? Sino ka ba talaga? Bakit mo ako minahal? Alam mo kung ano ‘yong pagmamahal na sinasabi mo? Mayaman ka ba? Kaya mo ba akong iahon sa kahirapan na kinasasadlakan ko ngayon? Kaya mo ba ibigay lahat ng kailangan ng pamilya ko para sa pagmamahal na sinasabi mo, ha, Gheron? Sabihin mo, masasagot mo ba lahat ng mga katanungan ko? Lahat ng mga gusto ko, maibibigay mo ba? Kaya mo ba akong gawing mayaman sa isang iglap lang?! Hindi, Gheron. Kaya huwag ka ng umasa na mamahalin kita. Mahirap ka lang.” Hindi na siya naghintay ng sagot mula sa binata. Sinabayan niya iyon ng talikod at masaya siya sa isiping hindi na ito sumunod sa kaniya.

Hindi niya alam kung paano siya nakabalik sa staff house. Basta deretso lang siyang nagtungo sa kama at nagtalukbong ng kumot. Iba ang sinasabi ng kaniyang bibig sa sinasabi ng kaniyang puso. Gusto niyang umiyak sa inis pero walang magagawa ang iyak na iyon. Kakalam lang ang kaniyang sikmura sa pagmamahal na iyan! May pamilya siyang pinapadalhan sa Pinas. Kapag nagmahal na naman siya, matutulad na naman dati. Magiging baliw at ilang taon bago ang abutin bago tuluyang mataggap ang lahat.

NATAPOS ang dalawang linggong kontrata niya sa Silver Garden. Bumalik siya sa farm at simula nung bastedin niya ang sinasabing pagmamahal ni Gheron, tumigil na ito. Bigla lang itong nawala. Wala siyang balita. Wala rin sinabi ang Head Chef nila kung saan ang binata. Para lang itong bula na naglaho.

Hindi na rin nagpakita sa kaniya si Magnar at inisip niyang pinaglalaruan nga siya ng dalawa. Gusto niyang isipin na magkaibigan ang mga ito at siya ang napiling paglaruan.

“Okay ka lang, Marie?”

Napasulyap siya kay Fidel na siyang nagsalita sa kaniyang likuran. “Okay lang.”

Nagliwanag naman ang mata nito nang sumagot siya, nasanay itong lagi niyang inaaway. “Wow! Isa itong himala, Marie! Naging mabait ka na.”

Napailing na lamang siya at muling hinarap ang mga tinatanim na prutas. Hindi siya na muling nagsalita pa at baka saan pa umabot ang usapan nila ni Fidel.

“Maria, bakit ang lungkot mo yata? Hindi ka ba natutuwa na malaki ang binayad ng Silver Garden sa ‘yo?” untag sa kaniya ni Judith nang lapitan siya nito.

“Anong malungkot?”

“Asus! Nagkakaila ka na naman. Hoy Maria, kilala kita!”

“Masyado ka lang praning. Doon ka na magtrabaho, at seryuso ako sa unang araw ko ngayon.”

Ningisihan naman siya nito at mas lalong kinulit pero hindi niya pinansin si Judith. Inasikaso na lang niya ang kaniyang trabaho at pinilit ang sarili na mag-focus pero ang hirap yata gawin lalo na at palaging lumalabas sa kaniyang isipan ang nakangiting mukha ni Gheron.

Naiinis na binungkal niya ang lupa at nagtanim na may sama ng loob. Natigil lang siya nung sikuhin siya ni Judith at sinasabi sa kaniyang may naghahanap sa kaniyang Hapones. Nang mapagsino niya ang taong sinasabi nito, napailing na lang si Marie nang makilalang si Inukito ito at masayang nakatingin sa kaniya. Pinakita nito sa kaniya ang ticket pass nito na isa itong turista at siya ang napili nitong mag-guide sa buong farm.

Gusto niyang umayaw pero binalaan siya ni Judith na malalagot siya ng kanilang Superior kapag umayaw siya. Wala siyang magawa kundi ang pumayag at sinamahan ang binatang Hapones mag-ikot sa farm. Matindi ang pagkakagusto sa kaniya ni Inukito pero ang puso niya, wala, naka Gheron na iyon. Ayaw lang niyang aminin.

Panay kwento si Inukito sa kaniya. Nag-ikot na lang siya ng mata sa mahabang kwento ni Inukito. Isa na roon na gusto raw nitong paglutuan siya minsan at anyayahan siya ng dinner date pero nahihiya raw at baka humindi siya.

“Inukito…” untag niya sa binata.

Mabilis na kumislap ang matang tumingin nito sa kaniya. “Yeah?”

“I have a friend named Judith. Wait here, I’ll call her for you.”

“Marie wait—”

Hindi niya na hinintay si Inukito magsalita. Si Judith na lang ang ibigay niya sa lalaki tutal mabait naman si Judith at gano’n din ang binata. Alam niyang magkakaintindihan ang mga ito.

Nagmadali siyang maglakad at hinanap ang kaibigan nang makita niya itong nakitsismisan sa mga kasamahan nila sa trabaho. Malakas ang kaniyang pandinig kaya huling-huli niya ang pinag-usapan ng mga ito.

“Dinig ko mga besh andito na ang bagong owner ng farm! Ayon sa source ko, sobrang gwapo ng new owner. Shit!”

“Sure ka? Baka namalikmata ka lang o kaya nabingi.” Exaggerated na tanong ni Judith. Basta gwapo ang usapan, go ito.

“Oo nga! Ano ka ba, tsismosa ako kaya legit ang mga nasasagap kong balita,” galit na sagot naman ng isa nilang kasamahan na babae.

“Kung sabagay, tsismosa ka naman talaga. Pero sa’n ‘yong bagong owner? Gusto kong makita!”

“Darating daw ngayon. Walang sinabing oras si Team Leader pero darating siya ngayon! Gosh!”

At sabay-sabay na nagsitilian ang mga ito na parang bata. Kilig na kilig habang ini-imagine ang magiging hitsura ng bagong ari ng farm habang siya ay tumaas ang kilay nang lapitan niya si Judith at hilain ang teynga nito.

“Aray-aray! Ano ba, Maria!” Maarteng tinanggal nito ang kaniyang kamay.

“May gwapo akong ipakilala sa ‘yo.”

“Talaga?” Namilog naman ang mata nito.

“Oo. ‘Yong kasama kong Hapones, ikaw na bahala sa kaniya. Naghahanap siya ng jowa at alam mo naman na hindi ako mahilig d’yan, ikaw na lang tutal pareho kayong mabait.”

Humagikhik naman ito sa kaniyang huling sinabi. “Ay! Mabait talaga ako, Maria. Sige na nga, saan ba siya at ako na ang sasama sa kaniya kahit sa dulo pa ng tinalupang papaya.”

“Samahan kita papunta sa kaniya—” Hindi niya natapos ang kaniyang sasabihin nang mula sa malayo, may humintong sasakyan.

Lahat sila natigilan. Napatitig sa bagong sasakyan na kahit sa panaginip, hindi niya kailanman masasakyan sa sobrang mahal at ganda. Tila may kung anong dumagan sa dibdib niya na hindi niya mabigyan ng pangalan. Bakit parang kinabahan siya ngayon? Hindi niya maintindihan kung bakit ang lakas ng tahip ng kaniyang puso.

“Maria! Omg! Andito na ang bagong may-ari ng farm! Wait lang, hintayin natin at mag-good morning tayo.”

Hindi siya tumango. Basta ang lakas ng tahip ng puso niya na hindi niya alam. Kinabahan siya. Hindi siya mapakali, iyon ang tamang sabihin.

“The new owner is here! Let’s welcome our new Boss.”

Nang sabihin nang Superior nila iyon, eksaktong nalaglag ang kaniyang panga sa nakita nung bumukas ang pintuan ng sasakyan at niluwa ro’n ang lalaking laman ng kaniyang utak.

G-gheron?! Nagimbal siya sa nalaman.

MARAMING nagulat sa nakitang si Gheron at ang bagong may-ari ng farm na pinagtatrabahuan nila ay iisa. Para siyang sinabuyan ng asido habang ang kaniyang mga kasama ay kaniya-kaniyang bulungan lalo na na ang mga babae. Si Judith naman sa kaniyang tabi ay parang naestatwa na nakatitig sa binata.

Kung sabagay, may rason ang lahat na magulat. Pati ang kanilang Team Leader at Superior, gulat na gulat maliban kay Mr. Yakoto. Ito ang unang lumapit kay Gheron na kung titingnan mabuti, walang bahid ng kahirapan ang mukha nito.

Rugged look itong tingnan pero mas makisig ngayon lalo na at malinis itong pagmasdan sa suot na mamahalin. Nakatali ang mahabang buhok nito at ang mata nitong laging maloko at manyakis, naging pormal. Wala siyang makita kahit anong kislap. Blangko.

“Everyone, listen. Mr. Gal Winfrith is our new owner. I’m old, and you know that. One of the things I want is to live a normal life in America. And selling this farm to Mr. Winfrith is not a wrong decision.”

Hindi siya nakaimik habang nagpupunas ng luha si Judith sa kaniyang tabi. Nanatiling nakatitig lang ang kaniyang mata kay Gheron. Habang ang Team Leader at Superior nila ay parang natuklaw ng ahas na nakatingin sa binata.

“Don’t call me Mr. Winfrith. Gheron, ‘yan ang itawag niyo sa ‘kin lalo na at nakasama ko kayo rito sa farm sa maikling panahon.” Huminto ang tingin ni Gheron sa kaniya at matagal siya nitong tiningnan bago nagbawi ng tingin. Pero tulad ng una, wala pa rin emosyon na makikita sa mata nito. “Simula ngayon, personal akong mamalagi rito sa farm. Huwag kayong mahihiyang lumapit sa ‘kin. Kahit ako na ang bagong may-ari ng farm, hindi basihan ito para mangilag kayo sa ‘kin. Ngayon pa man, gusto kong magpasalamat sa inyong lahat. Masaya ako na nakilala ko kayo.”

Matapos sabihin ito ni Gheron, nagsipalakpakan ang mga kasamahan nila maliban sa kaniya. Para siyang sinampal ng malamig na bagay at tila sirang plakang paulit-ulit na umikot-ikot sa kaniyang isipan ang sinabi niya kay Gheron. Lahat ng masasakit na salita na sinabi niya sa binata!

Namalayan na lamang ni Marie na mabilis siyang humakbang papalayo at sa loob ng banyo siya nagtago. Kinapa niya ang kaniyang dibdib sa sobrang lakas ng pintig nito, halos mabibingi siya. Gusto niyang matawa at maiyak. Basta lang siyang nakatitig sa harap ng salamin at nakikita niya sa harap ng repleksyon ang panlalait na ginawa niya sa binata.

Ano ka ngayon, Marie? Hindi ba gusto mo ng mayaman na lalaki? Ayan si Gheron, mayaman na mayaman. Kaya kang buhayin… Natawa siya ng pagak sa pang-iinsultong tanong ng kabilang bahagi ng kaniyang utak.

Inayos niya ang kaniyang sarili at ilang beses na huminga ng malalim. Ano ngayon kung si Gheron ang may-ari ng farm na pinagtrabahuan niya? Wala. Magkunwari siyang ‘di apektado sa presinsya ng binata. Tapos na ang kaniyang pamamasted dito. Nagmukha siyang babaeng mukhang pera at totoo naman. Mukha siyang pera.

Eksaktong paglabas niya ng restroom ng salubungin siya ni Judith at hinila sa kung saan. Tuwang-tuwa ito na parang sinaniban ng pitong demonyo.

“Mariaaaa!!!”

“Hindi ka na nagkasyang hilain ako? Kailangan mo pa talagang sumigaw?”

Humagikhik naman ito at saka siya binitawan. “Akalain mo ‘yon si Gheron pala ang new owner. Shocks ako Maria! Pero bakit Winfrith ang apelyido niya? Akala ko Vensson? Ah who cares! At ang mas nakaka-shocks, may despideda at welcome party mamaya! Lahat inanyayahan pumunta at ‘wag kang humindi gaga ka, ang sabi ni Gheron bebelabs ko, may bunos ang pupunta. Pera rin ‘yon Maria.”

Hindi siya kumibo. Mukha siyang pera at gagampanan niya na ang bagay na iyon. Mas mainam na iyon.

“Ano Maria? Tutulala ka lang ba d’yan? Alam kong si Gheron bebe ang nanakit d’yan sa puso mo ngayon pero kere lang girl, hindi ba sabi mo sanay ka na d’yan?”

Gusto niyang hampasin ng halaman si Judith. Kailan niya sinabing sanay siyang masaktan?

“Maria? Nakalunok ka ba ng—”

“Sige punta tayo maya.”

Ang bilis nitong napatango sa sobrang saya at saka siya nito iniwan. Hindi niya na inisip si Inukito kung saan na ito. Bahala na kung magsumbong si Inukito sa Superior nila or sa Team Leader. Wala siya sa mood na sumama sa lalaki at maging guide nito. Kaya naman siguro nitong maglibot mag-isa.

KINAGABIHAN nagkaroon ng Welcome Party. Sa malaking reception ang venue ng party at lahat ng mga employees mula sa mataas na posisyon hanggang sa tulad nilang mga magsasaka at fruit picker ay imbitado. Lahat nagkasayahan at aaminin ni Marie na masaya ang gabing ito pero hindi niya dama ang kasiyahan.

May bahagi ng kaniyang pagkatao na hindi siya kasama sa kasiyahan na iyon. Wala siyang karapatan magsaya. Kaya nung matapos siyang kumain, hindi na siya nagpaalam kay Judith. Umalis na siya para maunang matulog. Hindi naman siguro siya hahanapin ng kanilang Team Leader.

Hindi niya kayang pagmasdan ang masayang mukha ni Gheron sa unahan kausap ang mga ilan sa empleyado. Hangang ngayon, damang-dama niya pa rin ang sampal ng katotohanan at kahihiyan. Gusto niyang magalit pero kanino siya magagalit? Kay Gheron ba na nagpanggap na mahirap o sa kaniyang sarili na masyado siyang masama rito? Alinman sa dalawa, wala na siyang pakialam. Ang kailangan niya ngayon ay makauwi na ngayon.

Nasa harapan na siya ng kaniyang biseklita nang marinig niyang may nagsalita sa kaniyang likuran. Eksaktong paglingon niya ay si Gheron ito, nakatayo sa bukana ng reception at matamang nakatingin sa kaniya pero tulad ng una, walang reaksyon sa mga mata nito.

“Masyado pang maaga para umuwi,” anas nito.

Nagbawi siya ng tingin. Kung nung una kaya niya itong talikuran sa inis at bulyawan sa galit, ngayon biglang nagbago. Hindi niya kayang gawin. Isang linggo lang nawala ang binata pero nung bumalik ito, labis na pagguho ng kaniyang mundo ang ginawa nito.

“Hindi mo na ba hihintayin ang bunos na ibibigay ko mamaya sa lahat ng empleyado?”

Namula siya. Parang nalulon niya ang kaniyang dila pero pinilit niyang maging kalmado sa harap ng lalaki. Bastos kung tatalikuran niya ito ngayon. Iba na ang sitwasyon ngayon.

“H-hindi na Mr. Winfrith. Masakit po ang ulo ko. Pasensya kung maaga akong aalis.”

Isang malakas na tawa ang pinakawalan nito pero alam ni Marie na puno ng pang-iinsulto ang tawa na iyon. Gusto siyang ipahiya ni Gheron.

“I thought money was everything for you? Bakit maaga ka ngayong uuwi? Hindi ka ba nagsaya?”

Kinagat niya ang kaniyang labi. Totoo ang sinabi ni Gheron kaya wala siyang karapatan na masaktan at mag-inarte sa harap ng lalaki. Lihim niyang nakagat ang labi at pinilit ang sariling tingnan ang mata nito.

“Pasensya na ho, Mr. Winfrith.” Hindi na siya naghintay ng sasabihin nito, mabilis niyang kinuha ang biseklita habang nanginginig ang kaniyang kamay. Wala siyang gloves na suot dahil sanay naman siya sa lamig pero bakit ngayon damang-dama niya ang kalamigan ng pagkatao ni Gheron? Damang-dama niya ang sakit.

“Gheron!”

Natigilan siya sa boses ni Marienella. Ayaw niyang lumingon pabalik sa lalaki pero parang may kung anong humila sa kaniyang mata para tingnan ang mga ito.

Eksaktong tumama ang kaniyang tingin kay Marienella na nakayapos sa braso ng lalaki at malambing na hinilig ang ulo nito sa balikat ng binata habang nakatunghay ang tingin ni Gheron sa babae na parang ito lang ang mundo nito.

“Pasok na tayo sa loob…” malambing ang boses ni Marienella. hindi tulad sa kaniya na parang handang sasabak sa gyera.

“Yeah, malamig na rin dito. Let’s go.”

Nakagat niya ang kaniyang labi ng mariin sa malambing na boses ni Gheron. Pinigil niya ang sariling ‘wag mangatog sa sobrang lamig. Bakit ngayon pa lumamig ng todo? Nangatal tuloy siya sa kaniyang kinatayuan.

Napasunod na lamang ang kaniyang tingin sa dalawa na pumasok habang malambing na nakahilig pa rin sa balikat ni Gheron ang babae. Hinarap niya ulit ang kaniyang biseklita kahit nanginginig ang kamay, nagawa niyang magpedal pabalik ng staff house habang paulit-ulit na umeksina sa utak niya ang malambing na boses ni Gheron kay Marienella. Magandang babae si Marienella, hindi lugi ang binata rito. Napangiti siya ng mapait.

Pinunasan ni Marie ang luhang hindi niya alam kung para saan. Basta lang itong pumatak mula sa kaniyang mata habang nagpepedal ng biseklita pabalik sa staff house. Nangangatog siya pero ininda niya iyon. Mabilis siyang nagpedal at gusto niya ng magtalukbong ng kumot sa sobrang lamig. Mapapaso yata ang kaniyang katawan!

Agad siyang nagsuot ng makapal na jacket at nagtalukbong ng makapal na kumot. Umiiyak siya at hindi niya alam kung bakit ang sakit-sakit ng kaniyang dibdib. Para itong pinipitas sa sobrang sakit.

Parang sirang plakang paulit-ulit na lumitaw sa kaniyang utak ang mga masasayang sandali na kasama niya si Gheron. Ang pabiglang sulpot nito sa kung saan-saan at pang-bibwesit nito sa kaniya araw-araw. Paulit-ulit na naglalaro sa kaniyang utak ang lahat ng mga ito na mas lalong nagpasakit sa kaniyang puso.

Nagising lang siya kinabukasan na mataas ang lagnat at mainit na mainit ang katawan. Inisip niyang sa malamig na klima ito kagabi kaya ito ang nangyari sa kaniya. Pangalawang beses niya itong magkasakit ngayong taon.

Mayamaya ay tumunog ang kaniyang cellphone. Agad niya itong inabot at tiningnan ang chat na galing sa kaniyang kapatid. Nanghihingi ng pera. Nagtipa siya ng reply na magpapadala siya sa susunod na day-off. Heart emoticon naman ang naging reply ng kaniyang kapatid na si Marites.

“Maria, okay ka lang ba?”

“Oo,” kiming sagot niya kay Judith at pilit bumangon. Kaya pa niya ang sarili. Simpleng lagnat lang naman ito at hindi nakakamatay. Maliligo na lang siya at para maalis ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.